Kabanata 61
Sinabi ni Pahoran kay Moroni ang tungkol sa pag-aaklas at paghihimagsik laban sa pamahalaan—Sinakop ng mga maka-hari ang Zarahemla at nakipagkasundo sa mga Lamanita—Hiningi ni Pahoran ang tulong ng mga sundalo laban sa mga naghihimagsik. Mga 62 B.C.
1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na pagkatapos na maipadala ni Moroni ang kanyang liham sa punong gobernador, siya ay nakatanggap ng liham mula kay Pahoran, ang punong gobernador. At ito ang mga salitang natanggap niya:
2 Ako, si Pahoran, na siyang punong gobernador ng lupaing ito, ay ipinadadala ang mga salitang ito kay Moroni, ang punong kapitan ng hukbo. Dinggin, sinasabi ko sa iyo, Moroni, na hindi ako nagagalak sa inyong masisidhing paghihirap, oo, ipinagdadalamhati ito ng aking kaluluwa.
3 Subalit dinggin, may mga nagagalak sa inyong mga paghihirap, oo, kung kaya’t sila ay nagsipag-aklas sa paghihimagsik laban sa akin, at gayundin sa mga yaong aking tao na mga maka-kalayaan, oo, at ang mga yaong naghimagsik ay napakarami.
4 At ang mga yaong naghangad na kunin ang hukumang-luklukan mula sa akin ang dahilan ng labis na kasamaang ito; sapagkat sila ay gumamit ng labis na panghihibok, at naakay nila palayo ang mga puso ng maraming tao, na magiging dahilan ng masidhing paghihirap natin; ipinagkait nila ang ating mga pagkain, at tinakot ang ating mga maka-kalayaan upang hindi sila magtungo sa inyo.
5 At dinggin, itinaboy nila ako mula sa kanilang harapan, at ako ay tumakas patungo sa lupain ng Gedeon, kasama ang kasindami ng mga tauhang nagawa kong makuha.
6 At dinggin, ako ay nagpadala ng pahayag sa bahaging ito ng lupain; at dinggin, dumaragsa sila sa amin sa araw-araw, nang masandatahan, sa pagtatanggol ng kanilang bayan at kanilang kalayaan, at ipaghiganti ang ating mga kaapihan.
7 At sila ay nagtungo sa amin, hanggang sa ang mga yaong nagsipag-aklas sa paghihimagsik laban sa amin ay nalagay sa pangamba, oo, hanggang sa natakot sila sa amin at hindi sila nangahas na sumalakay laban sa amin upang makidigma.
8 Sinakop nila ang lupain, o ang lungsod, ng Zarahemla; sila ay naghirang ng hari sa kanila, at siya ay sumulat sa hari ng mga Lamanita, kung saan siya ay nakipagkasundo sa kanya; kung saang kasunduan ay sumang-ayon siyang pangalagaan ang lungsod ng Zarahemla, kung aling pangangalaga ay inaakala niyang magtutulot sa mga Lamanita na sakupin ang nalalabing lupain, at siya ay iluluklok na hari sa mga taong ito kapag nasakop na sila ng mga Lamanita.
9 At ngayon, sa iyong liham ay binatikos mo ako, subalit hindi ito mahalaga; hindi ako nagagalit, kundi nagagalak sa kadakilaan ng iyong puso. Ako, si Pahoran, ay hindi naghahangad ng kapangyarihan, maliban lamang na mapanatili ko ang aking hukumang-luklukan upang mapangalagaan ko ang mga karapatan at kalayaan ng aking mga tao. Ang aking kaluluwa ay hindi matitinag sa kalayaang yaon kung saan tayo ginawang malaya ng Diyos.
10 At ngayon, dinggin, lalabanan natin ang kasamaan maging hanggang sa pagpapadanak ng dugo. Hindi natin padadanakin ang dugo ng mga Lamanita kung sila ay mananatili sa kanilang sariling lupain.
11 Hindi natin padadanakin ang dugo ng ating mga kapatid kung hindi sila mag-aaklas sa paghihimagsik at hahawak ng espada laban sa atin.
12 Ipasasailalim natin ang ating sarili sa singkaw ng pagkaalipin kung ito ay hinihingi ng katarungan ng Diyos, o kung uutusan niya tayong gawin yaon.
13 Subalit dinggin, hindi niya tayo inuutusang ipailalim natin ang ating sarili sa ating mga kaaway, kundi ang ibigay natin ang ating tiwala sa kanya, at ililigtas niya tayo.
14 Samakatwid, mahal kong kapatid na Moroni, tayo na’t labanan ang kasamaan, at kung anumang kasamaan ang hindi natin malalabanan ng ating mga salita, oo, tulad ng mga paghihimagsik at pagtiwalag, labanan natin ang mga yaon ng ating mga espada, upang mapanatili natin ang ating kalayaan, upang tayo ay magsaya sa dakilang pribilehiyo ng ating simbahan, at sa layunin ng ating Manunubos at ating Diyos.
15 Samakatwid, mabilis kang magtungo sa akin kasama ang ilan sa iyong mga tauhan, at iwanan ang nalalabi sa pamumuno nina Lehi at Tiankum; bigyan mo sila ng kapangyarihan na magpalakad sa digmaan sa bahaging iyan ng lupain, alinsunod sa Espiritu ng Diyos, na diwa rin ng kalayaan na nasa kanila.
16 Dinggin, ako ay nagpadala ng kaunting pagkain sa kanila, upang hindi sila masawi hanggang sa makarating kayo rito sa akin.
17 Mangalap ka ng mga tauhan na makakaya mo sa iyong paghayo rito, at mabilis tayong sasalakay laban sa mga yaong tumiwalag, sa lakas ng ating Diyos alinsunod sa pananampalataya na nasa atin.
18 At sasakupin natin ang lungsod ng Zarahemla, upang tayo ay makakuha ng marami pang pagkain na maipadadala kina Lehi at Tiankum; oo, lalabanan natin sila sa lakas ng Panginoon at wawakasan natin ang labis na kasamaang ito.
19 At ngayon, Moroni, ako ay nagagalak sa pagkakatanggap ng liham mo, sapagkat ako ay nababahala nang bahagya hinggil sa kung ano ang aming gagawin, kung magiging makatarungan ba sa amin ang salakayin ang ating mga kapatid.
20 Subalit sinabi mo, maliban kung magsisisi sila ay inuutusan ka ng Panginoon na salakayin mo sila.
21 Tiyaking palakasin mo sina Lehi at Tiankum sa Panginoon; sabihin sa kanila na huwag matakot, sapagkat ililigtas sila ng Diyos, oo, at lahat din ng yaong hindi natitinag sa yaong kalayaang kung saan sila ginawang malaya ng Diyos. At ngayon, tinatapos ko ang aking liham sa mahal kong kapatid na si Moroni.