Kabanata 62
Humayo si Moroni upang tulungan si Pahoran sa lupain ng Gedeon—Ipinapatay ang mga maka-hari na tumangging ipagtanggol ang kanilang bayan—Nabawi nina Pahoran at Moroni ang Nephihas—Maraming Lamanita ang nakiisa sa mga tao ni Ammon—Pinatay ni Tiankum si Amoron at napatay rin siya—Naitaboy ang mga Lamanita mula sa lupain, at naitatag ang kapayapaan—Si Helaman ay bumalik sa pagmiministeryo at pinatatag ang Simbahan. Mga 62–57 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na nang matanggap ni Moroni ang liham, lumakas ang kanyang loob, at napuspos ng labis na kagalakan dahil sa katapatan ni Pahoran, na hindi rin siya taksil sa kalayaan at layunin ng kanyang bayan.
2 Subalit labis din siyang nagdalamhati dahil sa kasamaan ng mga yaong nagtaboy kay Pahoran mula sa hukumang-luklukan, oo, sa madaling salita, dahil sa mga yaong naghimagsik laban sa kanilang bayan at gayundin sa kanilang Diyos.
3 At ito ay nangyari na nagsama si Moroni ng maliit na bilang ng mga tauhan, alinsunod sa kahilingan ni Pahoran, at ibinigay kina Lehi at Tiankum ang kapangyarihan sa nalalabi sa kanyang hukbo, at siya ay humayo patungo sa lupain ng Gedeon.
4 At itinaas niya ang bandila ng kalayaan sa bawat lugar na kanyang pinasok, at nangalap ng ilan mang hukbo na makakaya niya sa buong paglalakbay niya patungo sa lupain ng Gedeon.
5 At ito ay nangyari na libu-libo ang dumagsa sa kanyang bandila, at humawak ng kanilang mga espada sa pagtatanggol ng kanilang kalayaan, upang hindi sila madala sa pagkaalipin.
6 At sa gayon, nang makapangalap si Moroni ng ilan mang tauhan na nakaya niya sa kanyang buong paglalakbay, siya ay nagtungo sa lupain ng Gedeon; at sa pagsanib ng kanyang mga hukbo sa mga yaong kay Pahoran, sila ay naging napakalakas, maging sa mas malakas pa kaysa sa mga tauhan ni Pacos, na siyang hari ng mga yaong tumiwalag na nagtaboy sa mga maka-kalayaan palabas ng lupain ng Zarahemla at sumakop sa lupain.
7 At ito ay nangyari na bumaba sina Moroni at Pahoran kasama ang kanilang mga hukbo patungo sa lupain ng Zarahemla, at sinalakay ang lungsod, at hinarap ang mga tauhan ni Pacos, hanggang sa sila ay nakipagdigma.
8 At dinggin, napatay si Pacos at ang kanyang mga tauhan ay mga dinalang bihag, at ibinalik si Pahoran sa kanyang hukumang-luklukan.
9 At tinanggap ng mga tauhan ni Pacos ang kanilang hatol, alinsunod sa batas, at gayundin ang mga yaong maka-hari na nadakip at itinapon sa bilangguan; at sila ay binitay alinsunod sa batas; oo, ang mga yaong tauhan ni Pacos at ang mga yaong maka-hari, kung sinuman ang tumangging humawak ng kanilang mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan, sa halip ay labanan ito, ay ipinapatay.
10 At sa gayon kinailangan na ang batas na ito ay mahigpit na ipatupad para sa kaligtasan ng kanilang bayan; oo, at sinumang matagpuang tinatanggihan ang kanilang kalayaan ay kaagad na binibitay alinsunod sa batas.
11 At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; matapos maibalik nina Moroni at Pahoran ang kapayapaan sa lupain ng Zarahemla, sa kanilang sariling mga tao, matapos ipataw ang kamatayan sa lahat ng yaong hindi tapat sa layunin ng kalayaan.
12 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikatatlumpu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, si Moroni ay kaagad nag-utos na magpadala ng mga pagkain, at isang hukbo rin ng anim na libong tauhan ang ipinadala kay Helaman, upang matulungan siya sa pangangalaga sa bahaging yaon ng lupain.
13 At iniutos din niya na isang hukbo ng anim na libong tauhan, na may sapat na dami ng pagkain, ang ipadala sa mga hukbo nina Lehi at Tiankum. At ito ay nangyari na ginawa ito upang mapatibay ang lupain laban sa mga Lamanita.
14 At ito ay nangyari na sina Moroni at Pahoran, matapos mag-iwan ng isang malaking pangkat ng mga tauhan sa lupain ng Zarahemla, ay naglakbay kasama ang isang malaking pangkat ng mga tauhan patungo sa lupain ng Nephihas, na naninindigang paaalisin ang mga Lamanita sa lungsod na yaon.
15 At ito ay nangyari na habang naglalakbay sila patungo sa lupain, sila ay nakadakip ng isang malaking pangkat ng mga tauhan ng mga Lamanita, at pinatay ang marami sa kanila, at kinuha ang kanilang mga pagkain at kanilang mga sandata ng digmaan.
16 At ito ay nangyari na matapos nilang dakpin sila, kanilang pinapasok sila sa isang tipan na hindi na sila muling hahawak pa ng kanilang mga sandata ng digmaan laban sa mga Nephita.
17 At nang sila ay makipagtipan, kanilang ipinadala sila na manirahang kasama ang mga tao ni Ammon, at sila ay may bilang na mga apat na libo na mga hindi napatay.
18 At ito ay nangyari na matapos nilang ipadala sila, ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay patungo sa lupain ng Nephihas. At ito ay nangyari na nang makarating sila sa lungsod ng Nephihas, itinayo nila ang kanilang mga tolda sa kapatagan ng Nephihas, na malapit sa lungsod ng Nephihas.
19 Ngayon, nais ni Moroni na ang mga Lamanita ay sumalakay upang makidigma sa kanila, sa kapatagan; subalit ang mga Lamanita, nalalaman ang kanilang labis na katapangan, at namamalas ang kalakihan ng kanilang bilang, kaya nga, sila ay hindi nangahas na sumalakay upang labanan sila; kaya nga hindi sila sumalakay upang makidigma sa araw na yaon.
20 At nang sumapit ang gabi, si Moroni ay humayo sa kadiliman ng gabi, at nagtungo sa tuktok ng pader upang manmanan kung saang bahagi ng lungsod ikinukuta ng mga Lamanita ang kanilang hukbo.
21 At ito ay nangyari na nasa silangan sila, malapit sa may pasukan; at silang lahat ay natutulog. At ngayon, si Moroni ay nagbalik sa kanyang hukbo, at nag-utos na kaagad silang maghanda ng matitibay na lubid at mga hagdanan, upang ibaba mula sa tuktok ng pader papasok sa loob na bahagi ng muog.
22 At ito ay nangyari na inutusan ni Moroni na humayo ang kanyang mga tauhan at umakyat sa tuktok ng pader, at ibaba ang kanilang sarili sa bahaging yaon ng lungsod, oo, maging sa kanluran, kung saan hindi ikinuta ng mga Lamanita ang kanilang mga hukbo.
23 At ito ay nangyari na nakababa silang lahat sa lungsod samantalang gabi pa, sa pamamagitan ng kanilang matitibay na lubid at mga hagdanan; sa gayon, nang sumapit ang umaga, silang lahat ay nasa loob na ng mga pader ng lungsod.
24 At ngayon, nang magising ang mga Lamanita at nakita na ang mga hukbo ni Moroni ay nasa loob na ng mga pader, sila ay labis na natakot, kung kaya nga’t nagsipanakbuhan sila papalabas sa may daanan.
25 At ngayon, nang makita ni Moroni na sila ay nagsisitakas palayo sa kanya, inutusan niyang humayo ang kanyang mga tauhan laban sa kanila, at pinatay ang marami, at pinaligiran ang marami pang iba, at dinala silang mga bihag; at ang nalalabi sa kanila ay nagsitakas patungo sa lupain ng Moroni, na nasa mga hangganan malapit sa dalampasigan.
26 Sa gayon nakuha nina Moroni at Pahoran ang pag-aari ng lungsod ng Nephihas na walang nawala ni isang katao; at marami sa mga Lamanita ang napatay.
27 Ngayon, ito ay nangyari na marami sa mga Lamanita na mga bihag ang nagnais na mapabilang sa mga tao ni Ammon at maging malalayang tao.
28 At ito ay nangyari na kasindami ng nagnais, sa kanila ay ipinagkaloob ang naaayon sa kanilang mga naisin.
29 Samakatwid, lahat ng bihag na mga Lamanita ay napabilang sa mga tao ni Ammon, at nagsimulang magsumikap nang labis, binubungkal ang lupa, nagtatanim ng lahat ng uri ng butil, at nag-aalaga ng mga kawan ng tupa at kawan ng baka ng bawat uri; at sa gayon naalisan ang mga Nephita ng malaking pasanin; oo, hanggang sa sila ay mawalan na ng lahat ng bihag na mga Lamanita.
30 Ngayon, ito ay nangyari na si Moroni, matapos niyang makuha ang pag-aari ng lungsod ng Nephihas, matapos makadakip ng maraming bihag, na labis na nakapagbawas sa mga hukbo ng mga Lamanita, at matapos mabawi ang marami sa mga Nephita na mga nadalang bihag, na nagpalakas sa hukbo ni Moroni nang labis-labis; kaya nga, si Moroni ay humayo mula sa lupain ng Nephihas patungo sa lupain ng Lehi.
31 At ito ay nangyari na nang makita ng mga Lamanita na sumasalakay si Moroni sa kanila, muli silang natakot at nagsitakas mula sa harapan ng hukbo ni Moroni.
32 At ito ay nangyari na tinugis sila ni Moroni at ng kanyang hukbo sa bawat lungsod, hanggang sa makaharap nila sina Lehi at Tiankum; at ang mga Lamanita ay nagsitakas mula kina Lehi at Tiankum, maging hanggang sa mga hangganan na malapit sa dalampasigan, hanggang sa sila ay makarating sa lupain ng Moroni.
33 At sama-samang nagtipon ang lahat ng hukbo ng mga Lamanita hanggang sa silang lahat ay naging iisang hukbo sa lupain ng Moroni. Ngayon, si Amoron, ang hari ng mga Lamanita, ay kasama rin nila.
34 At ito ay nangyari na nagtayo ng kuta sina Moroni at Lehi at Tiankum kasama ang kanilang mga hukbo sa paligid sa mga hangganan ng lupain ng Moroni, hanggang sa mapaligiran ang mga Lamanita sa mga hangganan ng ilang sa timog, at sa mga hangganan ng ilang sa silangan.
35 At sa gayon sila nagtayo ng kuta sa gabi. Sapagkat dinggin, ang mga Nephita at ang mga Lamanita rin ay pagod dahil sa kahabaan ng paglalakbay; kaya nga hindi sila nag-isip na gumawa ng anumang pakana sa gabi, maliban kay Tiankum; sapagkat siya ay labis na nagalit kay Amoron, sapagkat naniniwala siya na si Amoron at si Amalikeo na kanyang kapatid ang dahilan ng malaki at matagal na digmaang ito sa pagitan nila at ng mga Lamanita, na naging dahilan ng napakaraming digmaan at pagdanak ng dugo, oo, at ng masidhing taggutom.
36 At ito ay nangyari na si Tiankum sa kanyang galit ay nagtungo sa kuta ng mga Lamanita, at ibinaba ang kanyang sarili sa mga pader ng lungsod. At siya ay humayong may dalang lubid, sa bawat dako, hanggang sa natagpuan niya ang hari; at kanyang pinukol siya ng sibat, na tumuhog sa kanya sa malapit sa puso. Subalit dinggin, nagising ng hari ang kanyang mga tagapagsilbi bago siya namatay, kung kaya’t tinugis nila si Tiankum, at pinatay siya.
37 Ngayon, ito ay nangyari na nang malaman nina Lehi at Moroni na patay na si Tiankum, labis silang nalungkot; sapagkat dinggin, siya ay isang lalaking buong giting na nakipaglaban para sa kanyang bayan, oo, isang tunay na kaibigan ng kalayaan; at nagdanas siya ng napakaraming masisidhing paghihirap. Subalit dinggin, siya ay patay na, at yumaon sa lakad ng buong lupa.
38 Ngayon, ito ay nangyari na humayo si Moroni kinabukasan, at sinalakay ang mga Lamanita, hanggang sa kanilang pinagpapatay sila nang may labis na pagkatay; at kanilang naitaboy silang palabas ng lupain; at nagsitakas sila, maging sa hindi na sila bumalik pa sa panahong yaon laban sa mga Nephita.
39 At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; at sa gayon sila nagkaroon ng mga digmaan, at pagdanak ng dugo, at taggutom, at paghihirap, sa loob ng maraming taon.
40 At nagkaroon ng mga pagpaslang, at alitan, at pagtiwalag, at lahat ng uri ng kasamaan sa mga tao ni Nephi; gayunpaman, alang-alang sa mga matwid, oo, dahil sa mga panalangin ng mga matwid, sila ay naligtas.
41 Subalit dinggin, dahil sa labis na katagalan ng digmaan na namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita, marami ang naging matitigas, dahil sa labis na katagalan ng digmaan; at marami ang napalambot dahil sa kanilang mga paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba.
42 At ito ay nangyari na matapos patibayin ni Moroni ang mga yaong bahagi ng lupain na pinakalantad sa mga Lamanita, hanggang sa maging sapat ang lakas ng mga ito, siya ay nagbalik sa lungsod ng Zarahemla; at nagbalik din si Helaman sa lugar na kanyang mana; at muling naitatag ang kapayapaan sa mga tao ni Nephi.
43 At ibinigay ni Moroni ang kapangyarihan sa kanyang mga hukbo sa mga kamay ng kanyang anak na nagngangalang Moronihas; at siya ay namahinga sa kanyang sariling bahay upang magugol niya ang nalalabi sa kanyang mga araw sa kapayapaan.
44 At si Pahoran ay nagbalik sa kanyang hukumang-luklukan; at si Helaman ay muling nagbalik sa pangangaral sa mga tao ng salita ng Diyos; sapagkat sa dami ng digmaan at alitan ay kinailangang magkaroong muli ng kaayusan sa simbahan.
45 Samakatwid, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay humayo at ipinahayag ang salita ng Diyos nang may labis na kapangyarihan sa pagpapaniwala sa maraming tao tungkol sa kanilang kasamaan, na nagdulot sa kanila na magsisi ng kanilang mga kasalanan at magpabinyag sa Panginoon nilang Diyos.
46 At ito ay nangyari na muli nilang itinatag ang simbahan ng Diyos sa lahat ng dako ng buong lupain.
47 Oo, at gumawa ng mga tuntunin hinggil sa batas. At ang kanilang mga hukom at ang kanilang mga punong hukom ay pinili.
48 At ang mga tao ni Nephi ay nagsimula muling umunlad sa lupain, at nagsimulang dumami at muling maging makapangyarihan sa lupain. At nagsimula silang magsiyaman nang labis.
49 Subalit sa kabila ng kanilang mga kayamanan, o kanilang lakas, o kanilang kasaganaan, hindi sila iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin; ni hindi sila naging mabagal sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos; kundi labis na nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa kanyang harapan.
50 Oo, naalala nila kung gaano kadakila ang mga bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila, na kanyang iniligtas sila mula sa kamatayan, at mula sa mga gapos, at mula sa mga bilangguan, at mula sa lahat ng uri ng paghihirap; at kanyang iniligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.
51 At patuloy silang nanalangin sa Panginoon nilang Diyos, kung kaya nga’t pinagpala sila ng Panginoon, alinsunod sa kanyang salita, kung kaya’t sila ay naging makapangyarihan at umunlad sa lupain.
52 At ito ay nangyari na naganap ang lahat ng ito. At si Helaman ay namatay, sa ikatatlumpu’t limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.