Mga Banal na Kasulatan
Alma 63


Kabanata 63

Napasakamay ni Siblon at, kalaunan, ni Helaman ang mga banal na talaan—Maraming Nephita ang naglakbay sa lupaing pahilaga—Si Hagot ay gumawa ng mga sasakyang-dagat, na naglayag sa kanlurang dagat—Tinalo ni Moronihas ang mga Lamanita sa digmaan. Mga 56–52 B.C.

1 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikatatlumpu’t anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, na napasakamay ni Siblon ang pag-iingat ng mga yaong banal na bagay na ibinigay kay Helaman ni Alma.

2 At siya ay isang matwid na tao, at lumakad siya nang matwid sa harapan ng Diyos; at pinagsikapan niyang patuloy na gumawa ng mabuti, na sundin ang mga kautusan ng Panginoon niyang Diyos; at gayundin ang kanyang kapatid.

3 At ito ay nangyari na namatay na rin si Moroni. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu’t anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom.

4 At ito ay nangyari na sa ikatatlumpu’t pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom, may malaking pangkat ng kalalakihan, maging hanggang sa bilang na limang libo at apat na raang katao, kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak, ang lumisan sa lupain ng Zarahemla patungo sa lupaing pahilaga.

5 At ito ay nangyari na si Hagot, siya na labis na mausisang lalaki, kaya nga, siya ay humayo at gumawa ng isang napakalaking sasakyang-dagat, sa mga hangganan ng lupaing Masagana, sa may lupaing Kapanglawan, at pinalayag ito sa may kanlurang dagat, sa may makitid na daanan na tumutuloy sa lupaing pahilaga.

6 At dinggin, marami sa mga Nephita ang lumulan doon at naglayag na may dalang maraming pagkain, at marami ring kababaihan at maliliit na bata; at tinahak nila ang kanilang landas na pahilaga. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu’t pitong taon.

7 At sa ikatatlumpu’t walong taon, ang lalaking ito ay gumawa ng iba pang mga sasakyang-dagat. At ang naunang sasakyang-dagat ay nagbalik din, at marami pang tao ang lumulan dito; at nagdala rin sila ng maraming pagkain, at muling naglayag patungo sa lupaing pahilaga.

8 At ito ay nangyari na wala nang narinig pa hinggil sa kanila. At ipinalagay naming sila ay nangalunod sa kailaliman ng dagat. At ito ay nangyari na isa pang sasakyang-dagat ang naglayag din; at kung saanman ito nagtungo ay hindi namin nalalaman.

9 At ito ay nangyari na sa taong ito, maraming tao ang nagtungo sa lupaing pahilaga. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu’t walong taon.

10 At ito ay nangyari na sa ikatatlumpu’t siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Siblon ay namatay na rin, at si Corianton ay nagtungo sa lupaing pahilaga sa isang sasakyang-dagat, upang magdala ng mga pagkain sa mga taong nagtungo sa lupaing yaon.

11 Samakatwid, kinailangang igawad ni Siblon ang mga yaong banal na bagay, bago ang kanyang kamatayan sa anak ni Helaman, na nagngangalang Helaman, na tinawag alinsunod sa pangalan ng kanyang ama.

12 Ngayon, dinggin, ang lahat ng yaong nauukit na nasa pag-iingat ni Helaman ay isinulat at ipinahayag sa mga anak ng tao sa lahat ng dako ng buong lupain, maliban sa mga yaong bahaging ipinag-utos ni Alma na hindi nararapat na ipahayag.

13 Gayunpaman, ang mga bagay na ito ay pananatilihing banal, at ipapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi; kaya nga, sa taong ito, ang mga yaon ay iginawad kay Helaman bago ang kamatayan ni Siblon.

14 At ito rin ay nangyari na sa taong ito, may ilang tumiwalag na nakiisa sa mga Lamanita; at sila ay muling napukaw na magalit laban sa mga Nephita.

15 At sa taon ding ito ay sumalakay sila nang may napakalaking hukbo upang makidigma laban sa mga tao ni Moronihas, o laban sa hukbo ni Moronihas, kung saan sila ay nadaig at muling naitaboy sa kanilang sariling mga lupain, na nagdanas ng malaking kawalan.

16 At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu’t siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

17 At sa gayon nagtapos ang ulat ni Alma, at ni Helaman, na kanyang anak, at gayundin ni Siblon, na anak niya.