Mga Banal na Kasulatan
Alma 6


Kabanata 6

Ang Simbahan sa Zarahemla ay nilinis at isinaayos—Nagtungo si Alma sa Gedeon upang mangaral. Mga 83 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na nang matapos si Alma sa pagsasalita sa mga kasapi ng simbahan, na itinatag sa lungsod ng Zarahemla, na nag-orden siya ng mga saserdote at matatanda, sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay alinsunod sa orden ng Diyos, upang mamuno at magbantay sa simbahan.

2 At ito ay nangyari na sinumang hindi kabilang sa simbahan na mga nagsisi ng kanilang mga kasalanan ay bininyagan tungo sa pagsisisi, at tinanggap sa simbahan.

3 At ito rin ay nangyari na sinumang kabilang sa simbahan na hindi nagsisi ng kanilang kasamaan at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos—ibig kong sabihin ay ang mga yaong naiangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso—sila rin ay iwinaksi, at binura ang kanilang mga pangalan, kung kaya’t hindi ibinilang ang kanilang mga pangalan sa mga yaong matwid.

4 At sa gayon nila sinimulang itatag ang kaayusan ng simbahan sa lungsod ng Zarahemla.

5 Ngayon, nais kong maunawaan ninyo na ang salita ng Diyos ay bukas sa lahat, kung kaya’t walang pinagkaitan ng pribilehiyo na sama-samang tipunin ang kanilang sarili upang pakinggan ang salita ng Diyos.

6 Gayunpaman, ang mga anak ng Diyos ay inutusan na dapat nilang sama-samang tipunin ang kanilang sarili nang madalas, at magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin alang-alang sa kapakanan ng mga kaluluwa ng mga yaong hindi nakakikilala sa Diyos.

7 At ngayon, ito ay nangyari na nang magawa ni Alma ang mga alituntuning ito, kanyang nilisan sila, oo, mula sa simbahan na nasa lungsod ng Zarahemla, at nagtungo sa silangan ng ilog Sidon, patungo sa lambak ng Gedeon, kung saan may itinayong lungsod, na tinawag na lungsod ng Gedeon, na nasa lambak na tinawag na Gedeon, na tinawag alinsunod sa lalaking pinatay ng kamay ni Nehor sa pamamagitan ng espada.

8 At si Alma ay humayo at nagsimulang ipahayag ang salita ng Diyos sa simbahang itinatag sa lambak ng Gedeon, alinsunod sa paghahayag ng katotohanan ng salitang sinabi ng kanyang mga ama, at alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa kanya, alinsunod sa patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na siyang paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga pagkakasala, at sa banal na orden kung saan siya ay tinawag. At sa gayon ito nasusulat. Amen.