Ang mga salita ni Alma na ipinahayag niya sa mga mamamayan ng Gedeon, ayon sa kanyang sariling talaan.
Binubuo ng kabanata 7.
Kabanata 7
Si Cristo ay isisilang ni Maria—Kakalagan niya ang mga gapos ng kamatayan at dadalhin ang mga kasalanan ng kanyang mga tao—Ang mga yaong nagsisisi, bininyagan, at sumusunod sa mga kautusan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan—Ang karumihan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos—Pagpapakumbaba, pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao ay kinakailangan. Mga 83 B.C.
1 Dinggin, mga minamahal kong kapatid, nakikitang pinahintulutan akong magtungo sa inyo, kaya nga magtatangka akong magsalita sa inyo sa aking wika; oo, sa pamamagitan ng sarili kong bibig, nakikitang ito ang unang pagkakataon na ako ay nangusap sa inyo sa pamamagitan ng mga salita ng aking bibig, ako na lubos na naukol ang panahon sa hukumang-luklukan, na may maraming gawain kung kaya’t hindi ako nakatungo sa inyo.
2 At maging ngayon sa panahong ito ay hindi ko sana nagawang makatungo kung hindi ibinigay sa iba ang hukumang-luklukan, upang mamahalang kahalili ko; at ang Panginoon sa labis na awa ay nagpahintulot na makatungo ako sa inyo.
3 At dinggin, nagtungo ako nang may malaking pag-asa at labis na pagnanais na matagpuan kong nagpakumbaba kayo ng inyong sarili sa harapan ng Diyos, at na patuloy kayong nagsusumamo sa kanyang biyaya, na kayo ay matagpuan kong walang kasalanan sa kanyang harapan, na kayo ay matagpuan kong wala sa kakila-kilabot na kalagayang kinasadlakan ng ating mga kapatid sa Zarahemla.
4 Subalit purihin ang pangalan ng Diyos, na ipinaalam niya sa akin, oo, ibinigay sa akin ang labis na kagalakang malaman na muli silang naitatag sa landas ng kanyang pagkamatwid.
5 At ako ay nananalig, alinsunod sa Espiritu ng Diyos na nasa akin, na magkakaroon din ako ng kagalakan sa inyo; gayunpaman, hindi ako nagnanais na ang aking kagalakan sa inyo ay madama dahil sa labis na paghihirap at kalungkutan na siyang dinanas ko sa mga kapatid sa Zarahemla, sapagkat dinggin, ang aking kagalakan ay nadama para sa kanila matapos lumusong sa labis na paghihirap at kalungkutan.
6 Subalit dinggin, ako ay nananalig na wala kayo sa kalagayan ng labis na kawalang-paniniwala na tulad ng inyong mga kapatid; ako ay nananalig na hindi kayo naiangat sa kapalaluan ng inyong mga puso; oo, ako ay nananalig na hindi ninyo inilagak ang inyong mga puso sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng sanlibutan; oo, ako ay nananalig na hindi kayo sumasamba sa mga diyus-diyusan, kundi sinasamba ninyo ang tunay at buhay na Diyos, at na kayo ay umaasa para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, nang may walang hanggang pananampalataya, sa yaong magaganap.
7 Sapagkat dinggin, sinasabi ko sa inyo na maraming bagay ang magaganap; at dinggin, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito—sapagkat dinggin, hindi na nalalayo ang panahon na ang Manunubos ay mabubuhay at paroroon sa kanyang mga tao.
8 Dinggin, hindi ko sinasabi na siya ay paparito sa atin sa panahon ng kanyang pamamalagi sa kanyang katawang-lupa; sapagkat dinggin, hindi sinabi sa akin ng Espiritu na ganito ang mangyayari. Ngayon, ang hinggil sa bagay na ito ay hindi ko nalalaman; subalit ito lamang ang nalalaman ko, na ang Panginoong Diyos ay may kapangyarihang gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa kanyang salita.
9 Subalit dinggin, ang Espiritu ay nagsabi lamang ng ganito sa akin, sinasabing: Magpahayag sa mga taong ito, nagsasabing—Magsisi kayo, at ihanda ang daan ng Panginoon, at lumakad sa kanyang mga landas, na tuwid; sapagkat dinggin, ang kaharian ng langit ay nalalapit na, at ang Anak ng Diyos ay paparito sa balat ng lupa.
10 At dinggin, siya ay isisilang ni Maria, sa may Jerusalem na lupain ng ating mga ninuno, siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at magdadalantao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.
11 At siya ay hahayo, magdaranas ng lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga karamdaman ng kanyang mga tao.
12 At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya sa kanyang sarili ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.
13 Ngayon, nalalaman ng Espiritu ang lahat ng bagay; gayunpaman, ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos; at ngayon, dinggin, ito ang patotoo na nasa akin.
14 Ngayon, sinasabi ko sa inyo na kayo ay kinakailangang magsisi at isilang na muli; sapagkat ang Espiritu ay nagsabi na kung hindi kayo isisilang na muli, hindi ninyo maaaring manahin ang kaharian ng langit; kaya nga halina at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo ay mahugasan mula sa inyong mga kasalanan, upang magkaroon kayo ng pananampalataya sa Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, na may kapangyarihang makapagligtas at maglinis sa lahat ng kasamaan.
15 Oo, sinasabi ko sa inyo na halina at huwag matakot, at isantabi ang lahat ng kasalanan, na madaling bumibihag sa inyo, na gumagapos sa inyo sa pagkawasak, oo, halina at humayo, at patunayan sa inyong Diyos na kayo ay nakahandang magsisi ng inyong mga kasalanan at makipagtipan sa kanya na susundin ang kanyang mga kautusan, at patunayan ito sa kanya sa araw na ito sa pamamagitan ng pagtungo sa mga tubig ng pagbibinyag.
16 At sinumang gagawa nito, at susunod sa mga kautusan ng Diyos magmula ngayon, siya rin ay makatatanda na sinabi ko sa kanya, oo, matatandaan niya na sinabi ko sa kanya na siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ayon sa patotoo ng Banal na Espiritu na nagpapatotoo sa akin.
17 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, kayo ba ay naniniwala sa mga bagay na ito? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, oo, nalalaman ko na kayo ay naniniwala sa mga ito; at ang paraan kung kaya’t nalaman ko na naniniwala kayo sa mga ito ay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Espiritu na nasa akin. At ngayon, dahil ang inyong pananampalataya ay malakas hinggil dito, oo, hinggil sa mga bagay na sinabi ko, lubos ang aking kagalakan.
18 Sapagkat tulad ng sinabi ko sa inyo mula pa sa simula, na ako ay may labis na pagnanais na kayo ay wala sa kakila-kilabot na kalagayan na tulad ng inyong mga kapatid, maging sa nalaman ko na ang aking mga naisin ay ipinagkaloob.
19 Sapagkat nahihiwatigan ko na kayo ay nasa mga landas ng pagkamatwid; nahihiwatigan kong kayo ay nasa landas na patungo sa kaharian ng Diyos; oo, nahihiwatigan ko na ginagawa ninyong tuwid ang kanyang mga landas.
20 Nahihiwatigan ko na ipinaalam sa inyo, sa pamamagitan ng patotoo ng kanyang salita, na hindi siya makalalakad sa paliku-likong landas; ni hindi siya nagbabagu-bago mula sa mga yaong sinabi niya; ni wala siyang katiting na pagliko mula sa kanan patungo sa kaliwa, o mula sa yaong tama tungo sa yaong mali; kaya nga, ang kanyang landas ay isang walang hanggang pag-ikot.
21 At hindi siya nananahan sa mga templong hindi banal; ni ang karumihan o anumang bagay na hindi malinis ay tatanggapin sa kaharian ng Diyos; kaya nga sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon, oo, at ito ay sa huling araw, na siya na marumi ay mananatili sa kanyang karumihan.
22 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magising ko sa pagkilala sa inyong tungkulin sa Diyos, upang makalakad kayo nang walang kasalanan sa kanyang harapan, upang lumakad kayo alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung saan kayo ay tinanggap.
23 At ngayon, nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng anumang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating nagbabalik ng pasasalamat sa Diyos para sa anumang bagay na inyong tinatanggap.
24 At tiyaking kayo ay may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, at sa gayon kayo ay parating mananagana sa mabubuting gawa.
25 At nawa ay pagpalain kayo ng Panginoon, at panatilihing walang bahid-dungis ang inyong mga kasuotan, upang sa huli ay madala kayo na maupong kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob, at ng mga banal na propeta sa simula pa lamang ng daigdig, na walang bahid-dungis ang inyong mga kasuotan maging tulad ng kanilang mga kasuotan na walang bahid-dungis, sa kaharian ng langit upang hindi na lumisan pa.
26 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, sinabi ko ang mga salitang ito sa inyo alinsunod sa Espiritung nagpapatotoo sa akin; at ang aking kaluluwa ay labis na nagsasaya, dahil sa labis na pagsusumigasig at pakikinig na inyong ibinigay sa aking salita.
27 At ngayon, nawa ay mapasainyo ang kapayapaan ng Diyos, at sa inyong mga bahay at lupain, at sa inyong mga kawan ng tupa at kawan ng baka, at sa lahat ng inyong pag-aari, sa inyong kababaihan at inyong mga anak, alinsunod sa inyong pananampalataya at mabubuting gawa, simula ngayon at magpakailanman. At sa gayon ako nangusap. Amen.