Mga Banal na Kasulatan
Alma 8


Kabanata 8

Si Alma ay nangaral at nagbinyag sa Melek—Siya ay hindi tinanggap sa Ammonihas at lumisan—Siya ay inutusan ng isang anghel na magbalik at mangaral ng pagsisisi sa mga tao—Tinanggap siya ni Amulek, at nangaral silang dalawa sa Ammonihas. Mga 82 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na nagbalik si Alma mula sa lupain ng Gedeon, matapos maturuan ang mga mamamayan ng Gedeon ng maraming bagay na hindi maaaring isulat, naitatag ang kaayusan ng simbahan, alinsunod sa ginawa niya noon sa lupain ng Zarahemla, oo, siya ay nagbalik sa kanyang sariling bahay sa Zarahemla upang ipahinga ang kanyang sarili mula sa mga gawaing isinagawa niya.

2 At sa gayon natapos ang ikasiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

3 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, si Alma ay lumisan mula roon at naglakbay patungo sa lupain ng Melek, sa kanluran ng ilog Sidon, sa kanluran malapit sa mga hangganan ng ilang.

4 At sinimulan niyang turuan ang mga tao sa lupain ng Melek alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung saan siya ay tinawag; at sinimulan niyang turuan ang mga tao sa lahat ng dako ng buong lupain ng Melek.

5 At ito ay nangyari na nagtungo sa kanya ang mga tao mula sa lahat ng hangganan ng lupain na malapit sa gilid ng ilang. At nabinyagan sila na nasa lahat ng dako ng buong lupain.

6 Kaya’t nang matapos niya ang kanyang gawain sa Melek ay lumisan siya roon, at naglakbay nang tatlong araw na paglalakbay sa hilaga ng lupain ng Melek; at siya ay nakarating sa isang lungsod na tinatawag na Ammonihas.

7 Ngayon, kaugalian ng mga tao ni Nephi na tawagin ang kanilang mga lupain, at kanilang mga lungsod, at kanilang mga nayon, oo, maging ang kanilang maliliit na nayon, alinsunod sa pangalan niya na unang nagmay-ari sa mga ito; at gayon ito sa lupain ng Ammonihas.

8 At ito ay nangyari na nang makarating si Alma sa lungsod ng Ammonihas na sinimulan niyang ipangaral ang salita ng Diyos sa kanila.

9 Ngayon, si Satanas ay nakakuha ng mahigpit na pagkakahawak sa mga puso ng mga mamamayan ng lungsod ng Ammonihas; kaya nga ayaw nilang makinig sa mga salita ni Alma.

10 Gayunpaman, si Alma ay nagpakasakit nang labis sa espiritu, nakipagbuno sa Diyos sa mataimtim na panalangin, upang kanyang ibuhos ang kanyang Espiritu sa mga tao na nasa lungsod; upang kanyang itulot din na kanyang mabinyagan sila tungo sa pagsisisi.

11 Gayunpaman, pinatigas nila ang kanilang mga puso, sinasabi sa kanya: Dinggin, nalalaman namin na ikaw si Alma; at nalalaman namin na ikaw ang mataas na saserdote sa simbahang itinatag mo sa maraming dako ng lupain, alinsunod sa iyong kaugalian; at hindi kami kabilang sa iyong simbahan, at hindi kami naniniwala sa mga gayong hangal na kaugalian.

12 At ngayon, nalalaman namin na dahil sa kami ay hindi kabilang sa iyong simbahan, alam naming wala kang kapangyarihan sa amin; at ipinaubaya mo ang hukumang-luklukan kay Nephihas; kaya nga, hindi ikaw ang aming punong hukom.

13 Ngayon, nang ito ay sabihin ng mga tao, at napangatwiranan ang lahat ng kanyang salita, at nilait siya, at dinuraan siya, at iniutos na itaboy siya palabas ng kanilang lungsod, siya ay lumisan doon at naglakbay siya patungo sa lungsod na tinatawag na Aaron.

14 At ito ay nangyari na habang naglalakbay siya paroon, na nabibigatan sa kalungkutan, lumulusong sa labis na paghihirap at pagdurusa ng kaluluwa, dahil sa kasamaan ng mga tao na nasa lungsod ng Ammonihas, ito ay nangyari na habang nabibigatan si Alma sa kalungkutan, dinggin, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kanya, sinasabing:

15 Pinagpala ka, Alma; kaya nga, itaas mo ang iyong ulo at magsaya, sapagkat mayroon kang malaking dahilan upang magsaya; sapagkat ikaw ay naging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos mula sa panahong natanggap mo ang iyong unang mensahe mula sa kanya. Dinggin, ako ang siyang naghatid nito sa iyo.

16 At dinggin, ako ay isinugo upang utusan kang bumalik sa lungsod ng Ammonihas, at muling mangaral sa mga mamamayan ng lungsod; oo, mangaral sa kanila. Oo, sabihin sa kanila, maliban kung sila ay magsisisi, lilipulin sila ng Panginoong Diyos.

17 Sapagkat dinggin, sila ay nagbabalak sa panahong ito upang mawasak nila ang kalayaan ng iyong mga tao, (sapagkat gayon ang wika ng Panginoon) na salungat sa mga panuntunan, at kahatulan, at kautusang ibinigay niya sa kanyang mga tao.

18 Ngayon, ito ay nangyari na matapos matanggap ni Alma ang kanyang mensahe mula sa anghel ng Panginoon, mabilis siyang bumalik sa lupain ng Ammonihas. At pinasok niya ang lungsod sa ibang daan, oo, sa daan na nasa timog ng lungsod ng Ammonihas.

19 At nang pasukin niya ang lungsod ay nagugutom siya, at sinabi niya sa isang lalaki: Maaari ka bang magbigay sa isang hamak na tagapaglingkod ng Diyos ng kahit anong makakain?

20 At sinabi sa kanya ng lalaki: Ako ay isang Nephita, at nalalaman kong isa kang banal na propeta ng Diyos, sapagkat ikaw ang lalaking sinabi ng isang anghel sa isang pangitain: Tanggapin mo. Samakatwid, sumama ka sa akin sa aking bahay, at ibabahagi ko sa iyo ang aking pagkain; at nalalaman kong ikaw ay magiging pagpapala sa akin at sa aking sambahayan.

21 At ito ay nangyari na tinanggap siya ng lalaki sa kanyang bahay; at ang lalaki ay tinatawag na Amulek; at naglabas siya ng tinapay at karne at inihain sa harapan ni Alma.

22 At ito ay nangyari na si Alma ay kumain ng tinapay at nabusog; at kanyang binasbasan si Amulek at ang kanyang sambahayan, at nagbigay-pasalamat siya sa Diyos.

23 At matapos niyang kumain at mabusog, sinabi niya kay Amulek: Ako si Alma, at ako ang mataas na saserdote ng simbahan ng Diyos sa buong lupain.

24 At dinggin, ako ay tinawag upang ipangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng taong ito, alinsunod sa diwa ng paghahayag at propesiya; at ako ay nasa lupaing ito, at tumanggi silang tanggapin ako, sa halip ay itinaboy nila ako at handa na sana akong tumalikod sa lupaing ito magpakailanman.

25 Subalit dinggin, ako ay inutusan na nararapat akong muling bumalik at magpropesiya sa mga taong ito, oo, at magpatotoo laban sa kanila hinggil sa kanilang mga kasamaan.

26 At ngayon, Amulek, dahil sa ako ay pinakain mo at tinanggap ako, ikaw ay pinagpala; sapagkat nagugutom ako, sapagkat nag-ayuno ako nang maraming araw.

27 At si Alma ay namalagi nang maraming araw kina Amulek bago siya nagsimulang mangaral sa mga tao.

28 At ito ay nangyari na higit na nalulong ang mga tao sa kanilang mga kasamaan.

29 At ang salita ay dumating kay Alma, sinasabing: Humayo; at sabihin din sa aking tagapaglingkod na si Amulek, humayo at magpropesiya sa mga taong ito, sinasabing—Magsisi kayo, sapagkat ganito ang wika ng Panginoon, maliban kung magsisisi kayo ay dadalawin ko ang mga taong ito sa aking galit; oo, at hindi ko iwawaksi ang aking masidhing galit.

30 At humayo si Alma, at gayundin si Amulek, sa mga tao, upang ipahayag ang mga salita ng Diyos sa kanila; at napuspos sila ng Espiritu Santo.

31 At may kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila, kung kaya nga’t hindi sila maaaring ikulong sa mga bartolina; ni hindi sila maaaring mapatay ng sinumang tao; gayunpaman, hindi nila ginamit ang kanilang kapangyarihan hanggang sa sila ay igapos ng mga panali at itapon sa bilangguan. Ngayon, ito ay naganap upang maipakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa kanila.

32 At ito ay nangyari na sila ay humayo at nagsimulang mangaral at magpropesiya sa mga tao, alinsunod sa espiritu at kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon.