Mga Banal na Kasulatan
Alma 9


Ang mga salita ni Alma, at gayundin ang mga salita ni Amulek, na ipinahayag sa mga taong nasa lupain ng Ammonihas. At sila rin ay itinapon sa bilangguan, at nakalaya sa pamamagitan ng mapaghimalang kapangyarihan ng Diyos na nasa kanila, ayon sa talaan ni Alma.

Binubuo ng mga kabanata 9 hanggang 14.

Kabanata 9

Inutusan ni Alma ang mga mamamayan ng Ammonihas na magsisi—Ang Panginoon ay magiging maawain sa mga Lamanita sa mga huling araw—Kung tatalikuran ng mga Nephita ang liwanag, lilipulin sila ng mga Lamanita—Ang Anak ng Diyos ay malapit nang pumarito—Tutubusin niya ang mga yaong magsisisi, mabibinyagan, at magkakaroon ng pananampalataya sa Kanyang pangalan. Mga 82 B.C.

1 At muli, ako, si Alma, na napag-utusan ng Diyos na dapat kong isama si Amulek at humayo at muling mangaral sa mga taong ito, o sa mga taong nasa lungsod ng Ammonihas, ito ay nangyari na nang magsimula akong mangaral sa kanila, nagsimula silang makipagtalo sa akin, sinasabing:

2 Sino ka? Inaakala mo bang kami ay maniniwala sa patotoo ng isang tao, bagama’t ipangangaral niya sa amin na ang mundo ay lilipas?

3 Ngayon, hindi nila nauunawaan ang mga salitang sinabi nila; sapagkat hindi nila nalalaman na ang mundo ay lilipas.

4 At sinabi rin nila: Hindi kami maniniwala sa iyong mga salita kung ipopropesiya mong mawawasak ang dakilang lungsod na ito sa isang araw.

5 Ngayon, hindi nila nalalaman na ang Diyos ay makagagawa ng gayong mga kagila-gilalas na gawa, sapagkat sila ay mga taong matitigas ang puso at matitigas ang leeg.

6 At sinabi nila: Sino ang Diyos, na nagsugo ng iisang tao lamang na may karapatan na sa mga taong ito, upang ipahayag sa kanila ang katotohanan ng gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay?

7 At nagsilapit sila upang ako ay sunggaban ng kanilang mga kamay; subalit dinggin, hindi nila nagawa. At tumindig ako nang buong katapangan upang magpahayag sa kanila, oo, buong tapang akong nagpatotoo sa kanila, sinasabing:

8 Dinggin, O kayong masasama at baluktot na salinlahi, paanong nakalimutan ninyo ang kaugalian ng inyong mga ama; oo, kaydali ninyong nalimutan ang mga kautusan ng Diyos.

9 Hindi ba ninyo natatandaan na ang ating amang si Lehi ay dinalang palabas ng Jerusalem ng kamay ng Diyos? Hindi ba ninyo natatandaan na kanyang inakay silang lahat sa ilang?

10 At kaydali na ba ninyong nakalimutan kung gaano karaming ulit niyang iniligtas ang ating mga ama mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, at pinangalagaan sila mula sa pagkalipol, maging sa mga kamay ng kanilang sariling mga kapatid?

11 Oo, at kung hindi dahil sa kanyang walang kapantay na kapangyarihan, at sa kanyang awa, at sa kanyang mahabang pagtitiis sa atin, tayo ay hindi na nakaiwas pa na malipol sa balat ng lupa noon pa mang bago ang panahong ito, at marahil ay naitalaga na sa kalagayan ng walang hanggang kalungkutan at kapighatian.

12 Dinggin, ngayon, sinasabi ko sa inyo na kayo ay inuutusan niyang magsisi; at maliban kung kayo ay magsisi, hindi ninyo mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos. Subalit dinggin, hindi lamang ito—kanyang inutusan kayong magsisi, o lubusan niya kayong lilipulin sa balat ng lupa; oo, kanyang dadalawin kayo sa kanyang galit, at sa kanyang masidhing galit, siya ay hindi tatalikod.

13 Dinggin, hindi ba ninyo natatandaan ang mga salitang kanyang winika kay Lehi, sinasabi na: Yamang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain? At muli, sinabi na: Yamang hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon.

14 Ngayon, nais kong inyong tandaan na yamang ang mga Lamanita ay hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, sila ay itinakwil mula sa harapan ng Panginoon. Ngayon, ating nakikita na ang salita ng Panginoon hinggil sa bagay na ito ay napatunayan na, at itinakwil ang mga Lamanita mula sa kanyang harapan, mula pa sa simula ng kanilang pagkakasala sa lupain.

15 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo na higit na matitiis nila ang araw ng paghuhukom kaysa sa inyo, kung kayo ay mananatili sa inyong mga kasalanan, oo, at maging higit na matitiis nila ang buhay na ito kaysa sa inyo, maliban kung kayo ay magsisi.

16 Sapagkat maraming pangakong nakaalok sa mga Lamanita; sapagkat ang mga kaugalian ng kanilang mga ama ang dahilan ng pananatili nila sa kanilang mangmang na kalagayan; kaya nga, ang Panginoon ay magiging maawain sa kanila at pahahabain ang kanilang buhay sa lupain.

17 At balang araw, sila ay madadalang maniwala sa kanyang salita, at malalaman ang kamalian ng mga kaugalian ng kanilang mga ama; at marami sa kanila ang maliligtas, sapagkat ang Panginoon ay magiging maawain sa lahat ng nananawagan sa kanyang pangalan.

18 Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo na kung kayo ay magpapatuloy sa inyong mga kasamaan, ang inyong mga araw ay hindi pahahabain sa lupain, sapagkat isusugo sa inyo ang mga Lamanita; at kung kayo ay hindi magsisisi, darating sila sa isang panahong hindi ninyo nalalaman, at kayo ay dadalawin ng ganap na pagkalipol; at alinsunod ito sa masidhing galit ng Panginoon.

19 Sapagkat hindi niya kayo pahihintulutang mamuhay sa inyong mga kasalanan, upang lipulin ang kanyang mga tao. Sinasabi ko sa inyo, Hindi; sa halip ay kanyang pahihintulutan ang mga Lamanita na lipulin ang lahat ng kanyang mga tao na tinatawag na mga tao ni Nephi, kung mangyayaring sila ay mahuhulog sa mga kasalanan at paglabag, matapos magkaroon ng labis na liwanag at napakaraming kaalaman na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

20 Oo, matapos na maging isang labis na mga pinagpalang tao ng Panginoon; oo, matapos na kasihan nang higit sa lahat ng bansa, lahi, wika, o tao; matapos na ang lahat ng bagay ay ipaalam sa kanila, alinsunod sa kanilang mga naisin, at kanilang pananampalataya, at mga panalangin, tungkol sa yaong nakalipas, at sa ngayon, at sa darating pa;

21 Dinalaw ng Espiritu ng Diyos; nakipag-usap sa mga anghel, at kinausap ng tinig ng Panginoon; at taglay ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at marami pang kaloob, ang kaloob na pagsasalita ng mga wika, at ang kaloob na pangangaral, at ang kaloob na Espiritu Santo, at ang kaloob na pagsasalin;

22 Oo, at matapos na iligtas ng Diyos palabas ng lupain ng Jerusalem, ng kamay ng Panginoon; iniligtas mula sa taggutom, at mula sa karamdaman, at sa lahat ng uri ng sakit ng bawat uri; at sila na naging malakas sa pakikidigma, kung kaya’t sila ay hindi malipol; pinalaya mula sa pagkaalipin sa pana-panahon, at inaruga at inalagaan hanggang sa ngayon; at sila ay umunlad hanggang sa yumaman sila sa lahat ng uri ng mga bagay—

23 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, na kung ang mga taong ito, na nakatanggap ng napakaraming pagpapala mula sa kamay ng Panginoon, ay magkakasala salungat sa liwanag at kaalamang kanilang taglay, sinasabi ko sa inyo na kung ito ang nangyayari, na kung sila ay mahuhulog sa paglabag, na higit na makatitiis ang mga Lamanita kaysa sa kanila.

24 Sapagkat dinggin, ang mga pangako ng Panginoon ay nakaalok sa mga Lamanita, subalit hindi sa inyo kung kayo ay magkakasala; sapagkat hindi ba’t ang Panginoon ay malinaw na nangako at matatag na nagpasiya na kung kayo ay maghihimagsik laban sa kanya na ganap kayong lilipulin mula sa balat ng lupa?

25 At ngayon, sa kadahilanang ito, upang kayo ay hindi malipol, ang Panginoon ay nagsugo ng kanyang anghel upang dalawin ang marami sa kanyang mga tao, nagpapahayag sa kanila na sila ay kinakailangang humayo at masigasig na mangaral sa mga taong ito, sinasabing: Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na;

26 At hindi na maraming araw mula ngayon, ang Anak ng Diyos ay paparito sa kanyang kaluwalhatian; at ang kanyang kaluwalhatian ay kaluwalhatian ng Bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya, katarungan, at katotohanan, puspos ng tiyaga, awa, at mahabang pagtitiis, mabilis sa pagdinig sa mga pagsusumamo ng kanyang mga tao at sa pagtugon sa kanilang mga panalangin.

27 At dinggin, siya ay paparito upang tubusin ang mga yaong mabibinyagan tungo sa pagsisisi, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan.

28 Samakatwid, ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, sapagkat ang panahon ay nalalapit na, na aanihin ng lahat ng tao ang gantimpala ng kanilang mga gawa, alinsunod sa yaong nagawa ng mga ito—kung sila ay naging matwid, sila ay aani ng kaligtasan sa kanilang mga kaluluwa, alinsunod sa kapangyarihan at pagliligtas ni Jesucristo; at kung sila ay naging masasama, aani sila ng sumpa sa kanilang mga kaluluwa, alinsunod sa kapangyarihan at pagkabihag ng diyablo.

29 Ngayon, dinggin, ito ang tinig ng anghel, na nananawagan sa mga tao.

30 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, sapagkat kayo ay aking mga kapatid, at nararapat kayong mahalin, at nararapat kayong gumawa ng mga gawang katanggap-tanggap sa pagsisisi, nakikita na ang inyong mga puso ay labis na naging matitigas laban sa salita ng Diyos, at nakikita na kayo ay isang nangaligaw at mga nahulog na tao.

31 Ngayon, ito ay nangyari na nang ako, si Alma, ay nangusap ng mga salitang ito, dinggin, napoot sa akin ang mga tao sapagkat sinabi ko sa kanila na sila ay mga taong matitigas ang puso at matitigas ang leeg.

32 At gayundin, sapagkat sinabi ko sa kanila na sila ay nangaligaw at mga nahulog na tao, nagalit sila sa akin, at naghangad na sunggaban ako ng kanilang mga kamay, upang kanilang maitapon ako sa bilangguan.

33 Subalit ito ay nangyari na hindi sila pinahintulutan ng Panginoon na madakip ako sa panahong yaon at maitapon ako sa bilangguan.

34 At ito ay nangyari na si Amulek ay lumantad at lumapit, at nagsimulang mangaral din sa kanila. At ngayon, ang mga salita ni Amulek ay hindi lahat nasusulat, gayunpaman, nasusulat sa aklat na ito ang isang bahagi ng kanyang mga salita.