Mga Banal na Kasulatan
Helaman 10


Kabanata 10

Ibinigay ng Panginoon kay Nephi ang kapangyarihang makapagbuklod—Binigyan siya ng kapangyarihang makapagbuklod at makapaghiwalay sa lupa at sa langit—Inutusan niya ang mga tao na magsisi o masawi—Dinala siya ng Espiritu sa bawat pagtitipun-tipon ng maraming tao. Mga 21–20 B.C.

1 At ito ay nangyari na nagkaroon ng paghahati sa mga tao, hanggang sa maghiwa-hiwalay sila rito at doon at nagsihayo sa kani-kanilang landas, iniwang nag-iisa si Nephi, habang siya ay nakatindig sa gitna nila.

2 At ito ay nangyari na humayo si Nephi patungo sa sarili niyang bahay, nagninilay-nilay sa mga bagay na ipinakita sa kanya ng Panginoon.

3 At ito ay nangyari na habang nasa gayon siyang pagninilay-nilay—labis na nanlulumo dahil sa kasamaan ng mga tao ng mga Nephita, sa kanilang mga lihim na gawain ng kadiliman, at kanilang mga pagpaslang, at kanilang mga pandarambong, at lahat ng uri ng kasamaan—at ito ay nangyari na habang nasa gayon siyang pagninilay-nilay sa kanyang puso, dinggin, isang tinig ang nangusap sa kanya na sinasabing:

4 Pinagpala ka, Nephi, dahil sa mga yaong bagay na ginawa mo; sapagkat namasdan ko kung paano mo ipinahayag nang walang kapaguran ang salitang ibinigay ko sa iyo para sa mga taong ito. At hindi ka natakot sa kanila, at hindi mo inalintana ang sarili mong buhay, kundi sinunod ang aking kalooban at sinunod ang aking mga kautusan.

5 At ngayon, sapagkat ginawa mo ito nang walang kapaguran, dinggin, pagpapalain kita magpakailanman; at gagawin kitang makapangyarihan sa salita at sa kilos, sa pananampalataya at sa mga gawa; oo, maging ang lahat ng bagay ay mangyayari sa iyo alinsunod sa iyong mga salita, sapagkat hindi ka hihiling nang salungat sa aking kalooban.

6 Dinggin, ikaw si Nephi, at ako ang Diyos. Dinggin, ipinapahayag ko ito sa iyo sa harapan ng aking mga anghel na magkakaroon ka ng kapangyarihan sa mga taong ito, at parurusahan ang mundo sa pamamagitan ng taggutom, at sa pamamagitan ng salot, at pagkawasak, alinsunod sa kasamaan ng mga taong ito.

7 Dinggin, binibigyan kita ng kapangyarihan na anuman ang ibubuklod mo sa lupa ay mabubuklod sa langit; at anuman ang paghihiwalayin mo sa lupa ay mahihiwalay sa langit; at sa gayon ka magkakaroon ng kapangyarihan sa mga taong ito.

8 At sa gayon, kung sasabihin mong mahati sa dalawa ang templong ito, magaganap ito.

9 At kung sasabihin mo sa bundok na ito, Ikaw ay gumuho at maging patag, magaganap ito.

10 At dinggin, kung sasabihin mong parusahan ng Diyos ang mga taong ito, mangyayari ito.

11 At ngayon, dinggin, inuutusan kita, na humayo ka at ipahayag sa mga taong ito, na ganito ang wika ng Panginoong Diyos, na siyang Pinakamakapangyarihan: Maliban kung kayo ay magsisisi, pahihirapan kayo maging hanggang sa pagkalipol.

12 At dinggin, ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ng Panginoon ang mga salitang ito kay Nephi, siya ay huminto at hindi na nagtungo sa sarili niyang bahay, kundi nagbalik sa maraming tao na nagkalat sa ibabaw ng lupain, at nagsimulang ihayag sa kanila ang salita ng Panginoon na sinabi sa kanya, hinggil sa kanilang pagkalipol kung hindi sila magsisisi.

13 Ngayon, dinggin, sa kabila ng yaong dakilang himalang ginawa ni Nephi sa pagsasabi sa kanila hinggil sa kamatayan ng punong hukom, pinatigas nila ang kanilang mga puso at hindi pinakinggan ang mga salita ng Panginoon.

14 Samakatwid, ipinahayag ni Nephi sa kanila ang salita ng Panginoon, sinasabing: Maliban kung kayo ay magsisisi, ganito ang wika ng Panginoon, pahihirapan kayo maging hanggang sa pagkalipol.

15 At ito ay nangyari na nang ipahayag ni Nephi ang salita sa kanila, dinggin, pinatigas pa rin nila ang kanilang mga puso at tumangging makinig sa kanyang mga salita; kaya nga kanilang nilait siya, at naghangad na hawakan siya ng kanilang mga kamay upang kanilang maitapon siya sa bilangguan.

16 Subalit dinggin, ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanya, at hindi nila magawang dakpin siya upang siya ay maitapon sa bilangguan, sapagkat siya ay kinuha ng Espiritu at dinalang palayo mula gitna nila.

17 At ito ay nangyari na sa gayon siya humayo sa Espiritu, sa bawat pagtitipun-tipon ng maraming tao, ipinapahayag ang salita ng Diyos, maging hanggang sa maipahayag niya ito sa kanilang lahat, o maiparating ito sa lahat ng tao.

18 At ito ay nangyari na tumanggi silang makinig sa kanyang mga salita; at nagsimulang magkaroon ng mga alitan, hanggang sa nagkahati-hati sila laban sa kanilang sarili at nagsimulang patayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng espada.

19 At sa gayon nagtapos ang ikapitumpu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.