Kabanata 11
Nahikayat ni Nephi ang Panginoon na palitan ang kanilang digmaan ng isang taggutom—Maraming tao ang nasawi—Sila ay nagsisi, at humiling si Nephi ng ulan sa Panginoon—Nakatanggap sina Nephi at Lehi ng maraming paghahayag—Ipinaligid ng mga tulisan ni Gadianton ang kanilang sarili sa lupain. Mga 20–6 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikapitumpu’t dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom, umigting ang mga alitan, hanggang sa magkaroon ng mga digmaan sa lahat ng dako ng buong lupain sa lahat ng tao ni Nephi.
2 At itong lihim na pangkat ng mga tulisan ang siyang nagpatuloy sa gawaing ito ng pagwasak at kasamaan. At ang digmaang ito ay tumagal nang buong taong yaon; at tumagal din ito sa ikapitumpu’t tatlong taon.
3 At ito ay nangyari na sa taong yaon, si Nephi ay nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:
4 O Panginoon, huwag pong ipahintulot na ang mga taong ito ay malipol sa pamamagitan ng espada; subalit O Panginoon, sa halip po ay magkaroon ng taggutom sa lupain, upang mapukaw po sila sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos, at baka sakaling sila po ay magsisi at bumaling sa inyo.
5 At naganap nga ito, alinsunod sa mga salita ni Nephi. At nagkaroon ng masidhing taggutom sa lupain, sa lahat ng tao ni Nephi. At sa gayon nagpatuloy ang taggutom sa ikapitumpu’t apat na taon, at ang gawain ng paglipol ay tumigil sa pamamagitan ng espada subalit naging masidhi dahil sa taggutom.
6 At ang gawaing ito ng paglipol ay nagpatuloy rin sa ikapitumpu’t limang taon. Sapagkat ang lupa ay hinagupit kung kaya’t natuyo ito, at hindi nagbunga ng butil sa panahon ng pagsibol; at ang buong lupain ay hinagupit, maging sa mga Lamanita gayundin sa mga Nephita, kung kaya’t sila ay pinahirapan kaya nasawi sila nang libu-libo sa higit na masasamang bahagi ng lupain.
7 At ito ay nangyari na napagtanto ng mga tao na malapit na silang mangasawi dahil sa taggutom, at nagsimula nilang maalala ang Panginoon nilang Diyos; at nagsimula nilang maalala ang mga salita ni Nephi.
8 At ang mga tao ay nagsimulang makiusap sa kanilang mga punong hukom at kanilang mga pinuno, na sabihin nila kay Nephi: Dinggin, nalalaman namin na isa kang tao ng Diyos, at kaya nga, magsumamo sa Panginoon nating Diyos na alisin niya mula sa atin ang taggutom na ito, sapagkat baka ang lahat ng salitang sinabi mo hinggil sa aming pagkalipol ay matupad.
9 At ito ay nangyari na sinabi nga ng mga hukom kay Nephi ang alinsunod sa mga salitang ninais. At ito ay nangyari na nang makita ni Nephi na nagsisi ang mga tao at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa damit na magaspang, siya ay nagsumamong muli sa Panginoon, sinasabing:
10 O Panginoon, dinggin, nagsisisi na po ang mga taong ito; at nilipol po nila ang pangkat ni Gadianton mula sa kanila hanggang sa sila ay mapalis, at ikinubli po nila ang kanilang mga lihim na plano sa ilalim ng lupa.
11 Ngayon, O Panginoon, dahil po sa kanilang pagpapakumbabang ito, maaari po bang pawiin ninyo ang inyong galit, at hayaan na ang inyong galit ay maglubag sa pagkalipol ng yaong masasamang tao na inyo nang nalipol.
12 O Panginoon, maaari po bang pawiin ninyo ang inyong galit, opo, ang inyong masidhing galit, at pangyarihin na ang taggutom ay tumigil na sa lupaing ito.
13 O Panginoon, maaari po bang pakinggan ninyo ako, at pangyarihin na maganap ang alinsunod sa aking mga salita, at magpadala ng ulan sa ibabaw ng lupain, upang siya po ay mamunga, at tumubo ang kanyang mga butil sa panahon ng pagsibol.
14 O Panginoon, pinakinggan po ninyo ang aking mga salita nang sabihin kong, Magkaroon ng taggutom, upang ang salot ng espada ay matigil; at nalalaman ko po na kayo, maging sa panahong ito, ay makikinig sa aking mga salita, sapagkat sinabi po ninyo: Kung ang mga taong ito ay magsisisi, patatawarin ko sila.
15 Opo, O Panginoon, at nakikita po ninyo na sila ay nagsisi, dahil sa taggutom at sa salot at pagkalipol na sumapit sa kanila.
16 At ngayon, O Panginoon, maaari po bang pawiin ninyo ang inyong galit, at subuking muli kung sila ay maglilingkod sa inyo? At kung magkagayon, O Panginoon, maaari po ninyong pagpalain sila alinsunod sa inyong mga salita na inyong sinabi.
17 At ito ay nangyari na sa ikapitumpu’t anim na taon, pinawi ng Panginoon ang kanyang galit mula sa mga tao, at pinangyari na ang ulan ay bumuhos sa lupa, kung kaya’t namunga siya sa panahon ng kanyang pagbunga. At ito ay nangyari na sumibol ang kanyang mga butil sa panahon ng pagsibol.
18 At dinggin, ang mga tao ay nagsaya at pinapurihan ang Diyos, at ang buong lupain ay napuspos ng saya; at hindi na nila hinangad pang patayin si Nephi, kundi kanilang kinilala siya na isang dakilang propeta, at isang tao ng Diyos, nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at karapatan na ibinigay sa kanya ng Diyos.
19 At dinggin, si Lehi, ang kanyang kapatid, ay hindi bahagya mang nalalayo sa kanya sa mga bagay na nauukol sa katwiran.
20 At sa gayon nga nangyari na ang mga tao ni Nephi ay nagsimulang muling umunlad sa lupain, at nagsimulang itayo ang kanilang mga napabayaang lugar, at nagsimulang dumami at kumalat, maging hanggang sa sila ay lumaganap sa buong lupain, kapwa sa pahilaga at sa patimog, mula sa kanlurang dagat hanggang sa silangang dagat.
21 At ito ay nangyari na nagtapos sa kapayapaan ang ikapitumpu’t anim na taon. At ang ikapitumpu’t pitong taon ay nagsimula sa kapayapaan; at ang simbahan ay kumalat sa lahat ng dako ng buong lupain; at ang nakararaming bahagi ng mga tao, kapwa ang mga Nephita at ang mga Lamanita, ay nabibilang sa simbahan; at nagkaroon sila ng labis na kapayapaan sa lupain; at sa gayon nagtapos ang ikapitumpu’t pitong taon.
22 At sila ay nagkaroon din ng kapayapaan sa ikapitumpu’t walong taon, maliban sa ilang pagtatalo hinggil sa mga aral ng doktrina na ipinahayag ng mga propeta.
23 At sa ikapitumpu’t siyam na taon ay nagkaroon ng labis na sigalutan. Subalit ito ay nangyari na sina Nephi at Lehi, at marami sa kanilang mga kapatid na nakaaalam hinggil sa tunay na mga aral ng doktrina, na nakatatanggap ng maraming paghahayag sa araw-araw, kaya nga sila ay nangaral sa mga tao, hanggang sa mawakasan nila ang kanilang sigalutan sa taon ding yaon.
24 At ito ay nangyari na sa ikawalumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, may ilang bilang ng mga tumiwalag mula sa mga tao ni Nephi, na ilang taon nang nakiisa sa mga Lamanita, at dinala sa kanilang sarili ang pangalang Lamanita, at ilan ding bilang ng mga tunay na inapo ng mga Lamanita, na pinukaw nila na magalit, o ng mga yaong tumiwalag, kaya nga sila ay nagpasimula ng digmaan sa kanilang mga kapatid.
25 At sila ay gumawa ng pagpaslang at pandarambong; at pagkatapos, sila ay umuurong pabalik sa mga bundok, at sa ilang at mga lihim na lugar, ikinukubli ang kanilang sarili upang hindi sila matagpuan, nakatatanggap araw-araw ng karagdagan sa kanilang bilang, habang may mga tumitiwalag na nakikiisa sa kanila.
26 At sa gayon hindi naglaon, maging sa loob ng hindi maraming taon, sila ay naging napakalaking pangkat ng mga tulisan; at sinaliksik nila ang lahat ng lihim na plano ni Gadianton; at sa gayon sila naging mga tulisan ni Gadianton.
27 Ngayon, dinggin, ang mga tulisang ito ay gumawa ng napakalaking pinsala, oo, maging malaking pagkawasak sa mga tao ni Nephi, at gayundin sa mga tao ng mga Lamanita.
28 At ito ay nangyari na kinailangang wakasan ang gawaing ito ng pagwasak; kaya nga, sila ay nagpadala ng isang hukbo ng malalakas na tauhan sa ilang at sa mga bundok, upang hanapin ang pangkat na ito ng mga tulisan, at lipulin sila.
29 Subalit dinggin, ito ay nangyari na sa taon ding yaon, naitaboy silang pabalik maging sa kanilang sariling mga lupain. At sa gayon nagtapos ang ikawalumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
30 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikawalumpu’t isang taon, muli silang sumalakay laban sa pangkat ng mga tulisang ito, at nalipol ang marami; at dinalaw rin sila ng labis na pagkalipol.
31 At muli silang napilitang umalis sa ilang at umalis sa mga bundok patungo sa sarili nilang mga lupain, dahil sa labis na kalakihan ng bilang ng mga yaong tulisan na namugad sa mga bundok at sa ilang.
32 At ito ay nangyari na sa gayon nagtapos ang taong ito. At ang mga tulisan ay patuloy pa ring dumarami at nagiging makapangyarihan, kung kaya’t kinalaban nila ang buong hukbo ng mga Nephita, at gayundin ng mga Lamanita; at idinulot nilang manaig ang masidhing takot sa mga tao sa buong ibabaw ng lupain.
33 Oo, sapagkat sinalanta nila ang maraming dako ng lupain, at gumawa ng malalaking pagwasak sa mga ito; oo, pumatay nang marami, at dinalang bihag ang iba sa ilang, oo, at lalung-lalo na ang kanilang kababaihan at kanilang mga anak.
34 Ngayon, ang malaking kasamaang ito, na sumapit sa mga tao dahil sa kanilang kasamaan, ay muling pumukaw sa kanila sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos.
35 At sa gayon nagtapos ang ikawalumpu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.
36 At sa ikawalumpu’t dalawang taon ay muli silang nagsimulang makalimot sa Panginoon nilang Diyos. At sa ikawalumpu’t tatlong taon ay nagsimula silang maging matindi sa kasamaan. At sa ikawalumpu’t apat na taon, hindi sila nagbago ng kanilang mga gawi.
37 At ito ay nangyari na sa ikawalumpu’t limang taon, sila ay tumindi nang tumindi sa kanilang kapalaluan, at sa kanilang kasamaan; at sa gayon sila nahihinog na muli para sa pagkalipol.
38 At sa gayon nagtapos ang ikawalumpu’t limang taon.