Mga Banal na Kasulatan
Helaman 12


Kabanata 12

Ang mga tao ay mahihina at hangal at mabilis gumawa ng masama—Pinarurusahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao—Ang kawalang-kabuluhan ng tao ay inihambing sa kapangyarihan ng Diyos—Sa araw ng paghuhukom, matatamo ng tao ang buhay na walang hanggan o walang hanggang kapahamakan. Mga 6 B.C.

1 At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayundin ang kahinaan ng puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.

2 Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga kawan ng baka, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mamahaling bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawaan, at kanilang labis na kasaganaan.

3 At sa gayon natin nakikita na maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang dadalawin sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, hindi nila siya maaalala.

4 O kayhangal, at kaypalalo, at kaysama, at mala-diyablo, at kaybilis gumawa ng masama, at kaybagal gumawa ng mabuti, ang mga anak ng tao; oo, kaybilis makinig sa mga salita ng yaong masama, at ilagak ang kanilang mga puso sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig!

5 Oo, kaybilis maiangat sa kapalaluan; oo, kaybilis magmalaki, at gumawa ng lahat ng uri ng yaong masama; at kaybagal nila sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos, at pakinggan ang kanyang mga payo, oo, kaybagal lumakad sa mga landas ng karunungan!

6 Dinggin, hindi nila nais na ang Panginoon nilang Diyos, na siyang lumikha sa kanila, ang mamuno at mamahala sa kanila; sa kabila ng kanyang dakilang kabutihan at kanyang awa sa kanila, winawalang-saysay nila ang kanyang mga payo, at tumatanggi sila na siya ang kanilang maging gabay.

7 O kaylaki ng kawalang-kabuluhan ng mga anak ng tao; oo, maging sila ay hindi nakahihigit kaysa sa alabok ng lupa.

8 Sapagkat dinggin, ang alabok ng lupa ay gumagalaw rito at doon, hanggang sa mahati sa dalawa, sa utos ng ating dakila at walang hanggang Diyos.

9 Oo, dinggin, sa kanyang tinig, ang mga burol at ang mga bundok ay nauuga at nayayanig.

10 At sa kapangyarihan ng kanyang tinig, ang mga ito ay nadudurog, at napapatag, oo, maging tulad ng isang lambak.

11 Oo, sa kapangyarihan ng kanyang tinig, ang buong mundo ay nayayanig;

12 Oo, sa kapangyarihan ng kanyang tinig, ang mga saligan ay umuuga, maging sa pinakagitna.

13 Oo, at kung sasabihin niya sa mundo—Gumalaw—ito ay gagalaw.

14 Oo, kung sasabihin niya sa mundo—Magbalik, na pinahahaba nito ang araw nang maraming oras—ito ay magaganap;

15 At sa gayon, alinsunod sa kanyang salita, ang mundo ay bumabalik, at sa wari ng tao ay hindi tumitinag ang araw; oo, at dinggin, ito ay gayon nga; sapagkat tunay na ang mundo ang umiinog at hindi ang araw.

16 At dinggin, gayundin, kung sasabihin niya sa mga tubig ng malawak na karagatan—Matuyo ka—ito ay magaganap.

17 Dinggin, kung sasabihin niya sa bundok na ito—Umangat ka, at tumabon at bumagsak sa lungsod na yaon, upang ito ay malibing—dinggin, ito ay magaganap.

18 At dinggin, kung ang tao ay magkukubli ng kayamanan sa lupa, at sasabihin ng Panginoon—Sumpain ito, dahil sa kasamaan niya na nagkubli nito—dinggin, ito ay masusumpa.

19 At kung sasabihin ng Panginoon—Sumpain ito, upang walang sinumang tao ang makatatagpo nito magmula ngayon at magpakailanman—dinggin, walang taong makakukuha nito magmula ngayon at magpakailanman.

20 At dinggin, kung sasabihin ng Panginoon sa isang tao—Dahil sa iyong mga kasamaan, sumpain ka magpakailanman—ito ay magaganap.

21 At kung sasabihin ng Panginoon—Dahil sa iyong mga kasamaan ay itatakwil ka mula sa aking harapan—pangyayarihin niya na ito ay magkagayon nga.

22 At sa aba niya kung kanino niya sasabihin ito, sapagkat ito ang mangyayari sa kanya na gagawa ng kasamaan, at hindi siya maaaring maligtas; anupa’t dahil dito, upang ang tao ay maligtas, ipinahayag ang pagsisisi.

23 Anupa’t pinagpala sila na magsisisi at makikinig sa tinig ng Panginoon nilang Diyos; sapagkat sila ang mga yaong maliligtas.

24 At ipagkaloob nawa ng Diyos, sa kanyang dakilang kabanalan, na ang mga tao ay madala sa pagsisisi at mabubuting gawa, upang sila ay mapanumbalik nang biyaya sa biyaya, alinsunod sa kanilang mga gawa.

25 At nais ko na ang lahat ng tao ay maligtas. Subalit nabasa natin na sa dakila at huling araw na may ilang itatakwil, oo, mga itatakwil mula sa harapan ng Panginoon;

26 Oo, na itatalaga sa kalagayan ng walang hanggang pagdurusa, tinutupad ang mga salitang nagsasabi: Sila na gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan; at sila na gumawa ng kasamaan ay magkakaroon ng walang hanggang kapahamakan. At gayon nga ito. Amen.