Mga Banal na Kasulatan
Helaman 16


Kabanata 16

Bininyagan ni Nephi ang mga Nephita na naniwala kay Samuel—Si Samuel ay hindi mapatay ng mga palaso at bato ng mga hindi nagsisising Nephita—Pinatigas ng ilan ang kanilang mga puso, ang iba ay nakakita ng mga anghel—Sinabi ng mga hindi naniniwala na hindi makatwirang maniwala kay Cristo at sa Kanyang pagparoon sa Jerusalem. Mga 6–1 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na marami ang nakarinig sa mga salita ni Samuel, ang Lamanita, na kanyang sinabi sa ibabaw ng mga pader ng lungsod. At kasindami ng naniwala sa kanyang salita ay humayo at hinanap si Nephi; at nang humayo sila at natagpuan siya ay ipinagtapat nila sa kanya ang kanilang mga kasalanan at hindi nagkaila, nagnanais na mabinyagan sila sa Panginoon.

2 Ngunit kasindami ng naroroon na hindi naniwala sa mga salita ni Samuel ay nagalit sa kanya; at siya ay pinagbabato nila sa ibabaw ng pader, at marami rin ang pumana sa kanya habang nakatayo siya sa ibabaw ng pader; ngunit ang Espiritu ng Panginoon ay nasa kanya, kung kaya hindi nila siya matamaan ng kanilang mga bato ni ng kanilang mga palaso.

3 Ngayon, nang kanilang makita na hindi nila siya matamaan, marami pa ang naniwala sa kanyang mga salita, kung kaya sila ay nagtungo kay Nephi upang magpabinyag.

4 Sapagkat dinggin, si Nephi ay nagbibinyag, at nagpopropesiya, at nangangaral, nangangaral ng pagsisisi sa mga tao, nagpapakita ng mga palatandaan at kababalaghan, gumagawa ng mga himala sa mga tao, upang kanilang malaman na ang Cristo ay nalalapit nang pumarito—

5 Sinasabi sa kanila ang mga bagay na hindi magtatagal ay magaganap, upang kanilang malaman at maalala sa panahon ng pagsapit nito na ang mga yaon ay ipinaalam na sa kanila noong una pa man, sa layunin na sila ay maniwala; kaya nga kasindami ng naniwala sa mga salita ni Samuel ay nagtungo sa kanya upang mabinyagan, sapagkat lumapit sila na nagsisisi at ipinagtatapat ang kanilang mga kasalanan.

6 Ngunit ang malaking bahagi nila ay hindi naniwala sa mga salita ni Samuel; kaya nga nang makita nila na hindi nila siya matamaan ng kanilang mga bato at ng kanilang mga palaso, sumigaw sila sa kanilang mga kapitan, sinasabing: Dakpin ang taong ito at igapos siya, sapagkat dinggin, may sapi siya na diyablo; at dahil sa kapangyarihan ng diyablo na nasa kanya, hindi namin siya matamaan ng aming mga bato at ng aming mga palaso; kaya nga hulihin at igapos siya, at ilayo siya.

7 At habang sila ay papalapit upang hawakan siya ng kanilang mga kamay, dinggin, siya ay tumalon mula sa pader at tumakas palabas ng kanilang lupain, oo, maging patungo sa kanyang sariling bayan, at nagsimulang mangaral at magpropesiya sa kanyang sariling mga tao.

8 At dinggin, hindi na siya narinig pa sa mga Nephita; at gayon ang mga pangyayari sa mga tao.

9 At sa gayon nagtapos ang ikawalumpu’t anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

10 At sa gayundin nagtapos ang ikawalumpu’t pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom, ang malaking bahagi ng mga tao ay nanatili sa kanilang kapalaluan at kasamaan, at ang maliit na bahagi ay lumalakad nang higit na maingat sa harapan ng Diyos.

11 At ganito rin ang mga kalagayan sa ikawalumpu’t walong taon ng panunungkulan ng mga hukom.

12 At wala gaanong pagbabago sa mga gawain ng mga tao, maliban sa ang mga tao ay nagsimulang higit na tumigas sa kasamaan, at gumawa nang gumawa ng yaong salungat sa mga kautusan ng Diyos, sa ikawalumpu’t siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom.

13 Ngunit ito ay nangyari na sa ikasiyamnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom, may mga dakilang palatandaang ibinigay sa mga tao, at mga kababalaghan; at ang mga salita ng mga propeta ay nagsimulang matupad.

14 At ang mga anghel ay nagpakita sa mga tao, mga pantas, at ipinahayag sa kanila ang masasayang balita ng malaking kagalakan; sa gayon nagsimulang matupad sa taong ito ang mga banal na kasulatan.

15 Gayunpaman, ang mga tao ay nagsimulang patigasin ang kanilang mga puso, lahat maliban doon sa higit na naniniwalang bahagi sa kanila, kapwa sa mga Nephita at gayundin sa mga Lamanita, at nagsimulang umasa sa kanilang sariling lakas at sa kanilang sariling karunungan, sinasabing:

16 Ilan sa mga bagay ay maaaring nahulaan nila nang tama, sa napakarami; ngunit dinggin, nalalaman namin na ang lahat ng dakila at kagila-gilalas na gawang ito ay hindi maaaring mangyari, kung alin ay nasabi na.

17 At sila ay nagsimulang mangatwiran at magtalu-talo sa kanilang sarili, sinasabing:

18 Na hindi makatwiran na isang gayong nilikha gaya ni Cristo ay pumarito; kung magkakagayon, at kung siya ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at ng lupa, gaya ng sinabi, bakit hindi niya ipakikita ang kanyang sarili sa atin nang gayundin sa kanila na naroroon sa Jerusalem?

19 Oo, bakit hindi niya ipakikita ang sarili sa lupaing ito nang ganundin sa lupain ng Jerusalem?

20 Ngunit dinggin, nalalaman natin na ito ay isang masamang kaugalian, na ipinasa-pasa sa atin ng ating mga ama, upang tayo ay papaniwalain sa ilang dakila at kagila-gilalas na bagay na mangyayari, subalit hindi sa atin, kundi sa isang lupaing higit na malayo, isang lupaing hindi natin alam; kaya nga tayo ay mapananatili nila sa kamangmangan, sapagkat hindi natin masasaksihan ng ating sariling mga mata na ang mga yaon ay totoo.

21 At sila, sa pamamagitan ng katusuhan at mahiwagang pamamaraan ng yaong masama, ay gumagawa ng ilang dakilang hiwaga na hindi natin kayang maunawaan, na magpapanatili sa atin sa ibaba upang maging mga alipin ng kanilang mga salita, at mga alipin din nila, sapagkat tayo ay umaasa sa kanila na turuan tayo ng salita; at sa gayon nila tayo mapananatili sa kamangmangan kung ipaiilalim natin ang ating sarili sa kanila, sa lahat ng araw ng ating mga buhay.

22 At marami pang bagay ang inisip ng mga tao sa kanilang mga puso na mga kahangalan at walang kabuluhan; at sila ay labis na nabalisa, sapagkat inudyukan sila ni Satanas na patuloy na gumawa ng kasamaan; oo, siya ay lumibot na nagkakalat ng mga usap-usapan at alitan sa ibabaw ng buong lupain, upang kanyang mapatigas ang mga puso ng mga tao laban doon sa mabuti at laban doon sa yaong magaganap.

23 At sa kabila ng mga palatandaan at ng mga kababalaghang ginawa sa mga tao ng Panginoon, at ng maraming himalang kanilang ginawa, nagkaroon ng mahigpit na pagkakahawak si Satanas sa mga puso ng mga tao sa ibabaw ng buong lupain.

24 At sa gayon nagtapos ang ikasiyamnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

25 At sa gayon nagtapos ang aklat ni Helaman, ayon sa talaan ni Helaman at ng kanyang mga anak.