Mga Banal na Kasulatan
Helaman 1


Ang Aklat ni Helaman

Isang ulat ng mga Nephita. Ang kanilang mga digmaan at alitan, at kanilang mga pagtatalu-talo. At gayundin ang mga propesiya ng maraming banal na propeta, bago ang pagparito ni Cristo, ayon sa mga tala ni Helaman, na anak na lalaki ni Helaman, at ayon din sa mga tala ng kanyang mga anak na lalaki, maging hanggang sa pagparito ni Cristo. At marami rin sa mga Lamanita ang nagbalik-loob. Isang ulat ng kanilang pagbabalik-loob. Isang ulat ng pagkamatwid ng mga Lamanita, at ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng mga Nephita, ayon sa tala ni Helaman at ng kanyang mga anak na lalaki, maging hanggang sa pagparito ni Cristo, na tinatawag na aklat ni Helaman, at iba pa.

Kabanata 1

Ang ikalawang Pahoran ay naging punong hukom at pinaslang ni Kiskumen—Nanungkulan si Pacumeni sa hukumang-luklukan—Pinamunuan ni Coriantumer ang hukbo ng mga Lamanita, sinakop ang Zarahemla, at pinatay si Pacumeni—Natalo ni Moronihas ang mga Lamanita at nabawi ang Zarahemla, at si Coriantumer ay napatay. Mga 52–50 B.C.

1 At ngayon, dinggin, ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikaapatnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, nagsimulang magkaroon ng isang malubhang suliranin sa mga tao ng mga Nephita.

2 Sapagkat dinggin, si Pahoran ay namatay at yumaon sa lakad ng buong lupa; kaya nga nagsimulang magkaroon ng isang malubhang alitan hinggil sa kung sino ang nararapat humalili sa hukumang-luklukan sa magkakapatid, na mga anak na lalaki ni Pahoran.

3 Ngayon, ito ang kanilang mga pangalan na naglaban-laban para sa hukumang-luklukan, na naging dahilan din ng paglalaban-laban ng mga tao: sina Pahoran, Paanchi, at Pacumeni.

4 Ngayon, hindi lamang ito ang mga anak ni Pahoran (sapagkat marami siyang anak), subalit sila itong naglaban-laban para sa hukumang-luklukan; kaya nga sila ay naging dahilan ng tatlong paghahati-hati sa mga tao.

5 Gayunpaman, ito ay nangyari na si Pahoran ang hinirang ng tinig ng mga tao na maging punong hukom at gobernador sa mga tao ni Nephi.

6 At ito ay nangyari na si Pacumeni, nang matanto niya na hindi niya matatamo ang hukumang-luklukan, siya ay nakiisa sa tinig ng mga tao.

7 Subalit dinggin, si Paanchi, at ang yaong bahagi ng mga tao na nagnanais na siya ang kanilang maging gobernador, ay labis na napoot; kaya nga, hahayo na sana siya upang hibuking palayo ang mga taong yaon na mag-aklas sa paghihimagsik laban sa kanilang mga kapatid.

8 At ito ay nangyari na nang gagawin na niya ito, dinggin, siya ay dinakip, at nilitis alinsunod sa tinig ng mga tao, at hinatulan ng kamatayan; sapagkat siya ay nag-aklas sa paghihimagsik at hinangad na wasakin ang kalayaan ng mga tao.

9 Ngayon, nang matanto ng mga yaong taong nagnanais na siya ang kanilang maging gobernador na siya ay hinatulan ng kamatayan, samakatwid, sila ay nagalit, at dinggin, sila ay nagpasugo ng isang Kiskumen, maging sa hukumang-luklukan ni Pahoran, at pinaslang si Pahoran habang siya ay nakaupo sa hukumang-luklukan.

10 At siya ay tinugis ng mga tagapagsilbi ni Pahoran; subalit dinggin, napakabilis ng pagtakas ni Kiskumen na walang sinuman ang nakahabol sa kanya.

11 At siya ay nagtungo sa mga yaong nagsugo sa kanya, at silang lahat ay nakipagtipan, oo, nangangako sa kanilang walang katapusang Lumikha, na hindi nila sasabihin sa kaninuman na pinaslang ni Kiskumen si Pahoran.

12 Samakatwid, si Kiskumen ay hindi nakilala sa mga tao ni Nephi, sapagkat siya ay nakabalatkayo sa panahong pinaslang niya si Pahoran. At si Kiskumen at ang kanyang pangkat, na nakipagtipan sa kanya, ay inihalubilo ang kanilang sarili sa mga tao sa paraang silang lahat ay hindi matutuklasan; subalit kasindami ng natuklasan ay hinatulan ng kamatayan.

13 At ngayon, dinggin, si Pacumeni ay hinirang alinsunod sa tinig ng mga tao na maging punong hukom at gobernador sa mga tao, upang manungkulang kahalili ng kanyang kapatid na si Pahoran; at ito ay alinsunod sa kanyang karapatan. At ang lahat ng ito ay naganap sa ikaapatnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom; at ito ay nagtapos.

14 At ito ay nangyari na sa ikaapatnapu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom, nangalap ang mga Lamanita ng hindi mabilang na hukbo ng mga tauhan, at sinandatahan sila ng mga espada, at ng mga simitar at ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga baluti sa ulo, at ng mga baluti sa dibdib, at ng lahat ng uri ng pananggalang ng bawat uri.

15 At muli silang sumalakay upang sumagupa sa digmaan laban sa mga Nephita. At sila ay pinamunuan ng isang lalaki na nagngangalang Coriantumer; at siya ay inapo ni Zarahemla; at isa siyang tumiwalag mula sa mga Nephita; at isa siyang malaki at malakas na lalaki.

16 Samakatwid, ang hari ng mga Lamanita na ang pangalan ay Tubalot, na anak na lalaki ni Amoron, sa pag-aakala na si Coriantumer, na isang malakas na lalaki, ay maaaring manaig laban sa mga Nephita, sa pamamagitan ng kanyang lakas at gayundin sa pamamagitan ng kanyang kahanga-hangang karunungan, kung kaya nga’t sa pamamagitan ng pagpapasugo sa kanya ay matamo niya ang kapangyarihan sa mga Nephita—

17 Samakatwid, kanyang pinukaw sila na magalit, at kinalap niya ang kanyang mga hukbo, at hinirang niya si Coriantumer na maging pinuno nila, at iniutos na humayo sila patungo sa lupain ng Zarahemla upang makidigma laban sa mga Nephita.

18 At ito ay nangyari na dahil sa labis na alitan at napakaraming suliranin sa pamahalaan, na hindi sila nakapagtalaga ng sapat na bantay sa lupain ng Zarahemla; sapagkat ipinalagay nila na ang mga Lamanita ay hindi mangangahas na pasukin ang pusod ng kanilang mga lupain upang lusubin ang yaong dakilang lungsod ng Zarahemla.

19 Subalit ito ay nangyari na humayo si Coriantumer sa unahan ng kanyang napakalaking hukbo, at sinalakay ang mga naninirahan sa lungsod, at naging napakabilis ng kanilang pagsulong na wala nang panahon pa upang makalap ng mga Nephita ang kanilang mga hukbo.

20 Anupa’t pinatay ni Coriantumer ang bantay sa pasukan ng lungsod, at humayong kasama ang kanyang buong hukbo papasok ng lungsod, at pinatay nila ang lahat ng humadlang sa kanila, hanggang sa maangkin nila ang buong lungsod.

21 At ito ay nangyari na si Pacumeni, na siyang punong hukom, ay tumakas sa harapan ni Coriantumer, maging hanggang sa mga pader ng lungsod. At ito ay nangyari na pinaghahampas siya ni Coriantumer sa may pader hanggang sa siya ay mamatay. At sa gayon nagtapos ang mga araw ni Pacumeni.

22 At ngayon, nang matanto ni Coriantumer na nasa pag-aari na niya ang lungsod ng Zarahemla, at nakitang nagsitakas ang mga Nephita sa kanilang harapan, at mga napatay, at nadakip, at itinapon sa bilangguan, at na nakamtan niya ang pag-aari ng pinakamalakas na muog sa buong lupain, siya ay nagkalakas-loob kung kaya’t pasugod na sana siya sa lahat ng lupain.

23 At ngayon, hindi siya nanatili sa lupain ng Zarahemla, kundi humayo siyang kasama ang isang malaking hukbo, maging patungo sa lungsod ng Masagana; sapagkat nanindigan siyang sumalakay at hawiin ang kanyang daraanan gamit ang espada, upang matamo niya ang mga hilagang bahagi ng lupain.

24 At, iniisip na ang kanilang pinaka-lakas ay nasa gitna ng lupain, kaya nga siya ay humayo, hindi nagbigay ng panahon sa kanila na sama-samang matipon ang kanilang sarili maliban lamang sa maliliit na pangkat; at sa pamamaraang ito kanilang sinalakay sila at pinabagsak sila sa lupa.

25 Subalit dinggin, ang paghayong ito ni Coriantumer sa gitna ng lupain ang nagbigay kay Moronihas ng malaking kalamangan sa kanila, sa kabila ng malaking bilang ng mga Nephita na napatay.

26 Sapagkat dinggin, inakala ni Moronihas na ang mga Lamanita ay hindi mangangahas na pasukin ang gitna ng lupain, kundi sasalakayin nila ang mga lungsod sa paligid na nasa mga hangganan tulad ng kanilang ginawa noon; kaya nga ipinag-utos ni Moronihas na ang kanilang malalakas na hukbo ay pangalagaan ang mga yaong bahagi na nasa paligid na malapit sa mga hangganan.

27 Subalit dinggin, ang mga Lamanita ay hindi natakot alinsunod sa kanyang nais, kundi pinasok nila ang gitna ng lupain, at sinakop ang kabiserang lungsod na lungsod ng Zarahemla, at humayo sa mga pinaka-kabiserang bahagi ng lupain, pinapatay ang mga tao nang may matinding pagkatay, kapwa kalalakihan, kababaihan, at maliliit na bata, inaangkin ang maraming lungsod at ang maraming muog.

28 Subalit nang matuklasan ito ni Moronihas, kaagad niyang isinugo si Lehi na kasama ang isang hukbo na lumigid upang hadlangan sila bago sila makarating sa lupaing Masagana.

29 At gayon nga ang ginawa niya; at kanyang nahadlangan sila bago sila nakarating sa lupaing Masagana, at nakidigma sa kanila, hanggang sa nagsimula silang magsiurong patungo sa lupain ng Zarahemla.

30 At ito ay nangyari na hinadlangan sila ni Moronihas sa kanilang pag-urong, at nakidigma sa kanila, hanggang sa ito ay naging isang labis na madugong digmaan; oo, marami ang napatay, at natagpuan ding kabilang sa mga yaong napatay si Coriantumer.

31 At ngayon, dinggin, ang mga Lamanita ay hindi makaurong saanmang panig, ni sa hilaga, ni sa timog, ni sa silangan, ni sa kanluran man, sapagkat sila ay napaligiran sa lahat ng panig ng mga Nephita.

32 At sa gayon ipinasubo ni Coriantumer ang mga Lamanita sa gitna ng mga Nephita, hanggang sa sila ay mapailalim sa kapangyarihan ng mga Nephita, at siya rin ay napatay, at isinuko ng mga Lamanita ang kanilang sarili sa mga kamay ng mga Nephita.

33 At ito ay nangyari na inangking muli ni Moronihas ang lungsod ng Zarahemla, at ipinag-utos na ang mga Lamanita na mga nadalang bihag ay paalisin sa lupain nang mapayapa.

34 At sa gayon nagtapos ang ikaapatnapu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.