Mga Banal na Kasulatan
Helaman 3


Kabanata 3

Maraming Nephita ang dumayo sa lupaing pahilaga—Sila ay nagtayo ng mga bahay na semento at nag-ingat ng maraming talaan—Sampu-sampung libo ang nagbalik-loob at nabinyagan—Inaakay ng salita ng Diyos ang mga tao tungo sa kaligtasan—Si Nephi, ang anak na lalaki ni Helaman, ay nanungkulan sa hukumang-luklukan. Mga 49–39 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikaapatnapu’t tatlong taon ng panunungkulan ng mga hukom, na hindi nagkaroon ng alitan sa mga tao ni Nephi maliban sa kaunting kapalaluan na nasa simbahan, na naging dahilan ng ilang pagtatalo sa mga tao, kung aling mga pangyayari ay naisaayos sa pagtatapos ng ikaapatnapu’t tatlong taon.

2 At hindi nagkaroon ng alitan sa mga tao sa ikaapatnapu’t apat na taon; ni hindi nagkaroon ng labis na alitan sa ikaapatnapu’t limang taon.

3 At ito ay nangyari na sa ikaapatnapu’t anim na taon, oo, nagkaroon ng labis na alitan at maraming pagtiwalag; kung kaya’t lubhang napakarami ang nagsipaglisan sa lupain ng Zarahemla, at nagtungo sa lupaing pahilaga upang manahin ang lupain.

4 At sila ay naglakbay nang pagkalayu-layo hanggang sa sila ay makarating sa malalaking katawan ng tubig at maraming ilog.

5 Oo, at maging sa sila ay kumalat sa lahat ng dako ng lupain, patungo sa anumang dako na hindi napabayaan at walang kakahuyan, dahil sa dami ng nanirahan noon sa lupain.

6 At ngayon, walang dako ng lupain ang napabayaan, maliban sa kakahuyan; subalit dahil sa kalakihan ng pagkalipol ng mga tao na noon ay nanirahan sa lupain kung kaya’t tinawag itong napabayaan.

7 At sapagkat kakaunti lamang ang kakahuyan sa ibabaw ng lupain, gayunpaman, ang mga taong pumaroon ay naging labis na dalubhasa sa paggawa ng semento; kaya nga sila ay nagtayo ng mga bahay na semento, kung saan sila nanirahan.

8 At ito ay nangyari na sila ay dumami at kumalat, at humayo mula sa lupaing patimog patungo sa lupaing pahilaga, at kumalat hanggang sa nagsimula silang kumalat sa ibabaw ng buong lupain, mula sa timog dagat hanggang sa hilagang dagat, mula sa kanlurang dagat hanggang sa silangang dagat.

9 At ang mga tao na nasa lupaing pahilaga ay nanirahan sa mga tolda, at sa mga bahay na semento, at pinahintulutan nilang tumubo ang anumang punungkahoy sa ibabaw ng lupain upang lumaki ito, nang sa pagdating ng panahon ay magkaroon sila ng mga kahoy na ipantatayo ng kanilang mga bahay, oo, kanilang mga lungsod, at kanilang mga templo, at kanilang mga sinagoga, at kanilang mga santuwaryo, at lahat ng uri ng kanilang mga gusali.

10 At ito ay nangyari na sapagkat labis na kakaunti ang kakahuyan sa lupaing pahilaga, sila ay nag-angkat nang marami sa pamamagitan ng paglululan sa mga sasakyang-dagat.

11 At sa gayon nila natustusan ang mga tao sa lupaing pahilaga upang makapagtayo sila ng maraming lungsod, kapwa yari sa kahoy at sa semento.

12 At ito ay nangyari na marami sa mga tao ni Ammon, na isinilang na mga Lamanita, ang nagtungo rin sa lupaing ito.

13 At ngayon, maraming talaan ang iningatan tungkol sa mga pangyayari sa mga taong ito, ng marami sa mga taong ito, na ganap at napakarami, hinggil sa kanila.

14 Subalit dinggin, ang ika-isandaang bahagi ng mga pangyayari sa mga taong ito, oo, ang ulat ng mga Lamanita at ng mga Nephita, at kanilang mga digmaan, at alitan, at pagtatalo, at kanilang pangangaral, at kanilang mga propesiya, at kanilang paglulan sa mga sasakyang-dagat at kanilang paggawa ng mga sasakyang-dagat, at kanilang pagtatayo ng mga templo, at ng mga sinagoga at kanilang mga santuwaryo, at kanilang pagkamatwid, at kanilang kasamaan, at kanilang mga pagpaslang, at kanilang mga panloloob, at kanilang pandarambong, at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain at pagpapatutot, ay hindi maisasama sa akdang ito.

15 Subalit dinggin, may maraming aklat at maraming talaan ng lahat ng uri, at karaniwang iniingatan ang mga ito ng mga Nephita.

16 At ang mga ito ay ipinapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi ng mga Nephita, maging hanggang sa mahulog sila sa paglabag at pinaslang, ninakawan, at tinugis, at itinaboy, at pinatay, at ikinalat sa balat ng lupa, at ipinisan sa mga Lamanita hanggang sa hindi na sila tinawag pang mga Nephita, naging masasama, at mababangis, at malulupit, oo, maging hanggang sa naging mga Lamanita.

17 At ngayon, muli akong magbabalik sa sarili kong ulat; anupa’t lumipas ang aking sinabi matapos magkaroon ng malulubhang alitan at kaguluhan, at mga digmaan, at pagtatalo, sa mga tao ni Nephi.

18 Ang ikaapatnapu’t anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom ay nagtapos;

19 At ito ay nangyari na mayroon pa ring malubhang alitan sa lupain, oo, maging sa ikaapatnapu’t pitong taon, at gayundin sa ikaapatnapu’t walong taon.

20 Gayunpaman, si Helaman ay nanungkulan sa hukumang-luklukan nang may katarungan at pagkakapantay-pantay; oo, pinagsikapan niyang sundin ang mga panuntunan, at ang mga kahatulan, at ang mga kautusan ng Diyos; at patuloy niyang ginawa ang yaong tama sa paningin ng Diyos; at lumakad siya alinsunod sa mga landas ng kanyang ama, kung kaya’t umunlad siya sa lupain.

21 At ito ay nangyari na may dalawa siyang anak na lalaki. Ibinigay niya sa pinakamatanda ang pangalang Nephi, at sa pinakabata ang pangalang Lehi. At sila ay nagsimulang lumaki sa Panginoon.

22 At ito ay nangyari na nagsimulang huminto nang kaunti ang mga digmaan at alitan sa mga tao ng mga Nephita, sa huling bahagi ng ikaapatnapu’t walong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

23 At ito ay nangyari na sa ikaapatnapu’t siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom, naitatag ang patuloy na kapayapaan sa lupain, lahat maliban sa mga lihim na pagsasabwatang itinatag ni Gadianton, ang tulisan, sa higit na tinitirahang bahagi ng lupain, na sa panahong yaon ay lingid pa sa kaalaman ng mga yaong nasa pamunuan ng pamahalaan; kaya nga, hindi sila nalipol sa lupain.

24 At ito ay nangyari na sa taon ding ito, nagkaroon ng napakalaking pag-unlad sa simbahan, hanggang sa libu-libo ang isinapi ang kanilang sarili sa simbahan at bininyagan tungo sa pagsisisi.

25 At napakalaki ng pag-unlad ng simbahan, at napakaraming pagpapala ang ibinuhos sa mga tao, na maging ang matataas na saserdote at ang mga guro na rin ay nanggilalas nang hindi masusukat.

26 At ito ay nangyari na sumulong ang gawain ng Panginoon tungo sa pagbibinyag at pagsapi sa simbahan ng Diyos ng maraming tao, oo, maging sampu-sampung libo.

27 Sa gayon, maaari nating makita na ang Panginoon ay maawain sa lahat na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan.

28 Oo, sa gayon natin nakikita na ang pintuan ng langit ay bukas para sa lahat, maging sa mga yaong maniniwala sa pangalan ni Jesucristo, na siyang Anak ng Diyos.

29 Oo, nakikita natin na sinumang magnanais ay makayayakap sa salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan, na maghahati-hati sa lahat ng katusuhan at ng mga patibong at ng mga panlilinlang ng diyablo, at aakayin ang tao ni Cristo sa makipot at makitid na daan sa kabila ng yaong walang katapusang look ng kalungkutan na inihanda upang lamunin ang masasama—

30 At hahantong ang kanilang mga kaluluwa, oo, ang kanilang mga walang kamatayang kaluluwa, sa kanang kamay ng Diyos sa kaharian ng langit, upang umupong kasama nina Abraham, at Isaac, at kasama ni Jacob, at ng lahat ng ating banal na mga ama, upang hindi na lumabas pa.

31 At sa taong ito ay nagkaroon ng patuloy na pagsasaya sa lupain ng Zarahemla, at sa lahat ng dako sa paligid, maging sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga Nephita.

32 At ito ay nangyari na nagkaroon ng kapayapaan at labis na kagalakan sa nalalabing araw ng ikaapatnapu’t siyam na taon; oo, at nagkaroon din ng patuloy na kapayapaan at labis na kagalakan sa ikalimampung taon ng panunungkulan ng mga hukom.

33 At sa ikalimampu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom ay nagkaroon din ng kapayapaan, maliban sa kapalaluan na nagsimulang pumasok sa simbahan—hindi sa simbahan ng Diyos, kundi sa mga puso ng mga taong nagpahayag na kabilang sila sa simbahan ng Diyos—

34 At iniangat sila sa kapalaluan, maging hanggang sa pang-aapi sa marami sa kanilang mga kapatid. Ngayon, ito ay malaking kasamaan, na naging dahilan upang ang higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao ay magdanas ng malulupit na pang-aapi, at lumusong sa labis na pagdurusa.

35 Gayunpaman, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa pagsuko ng kanilang mga puso sa Diyos.

36 At ito ay nangyari na nagtapos din sa kapayapaan ang ikalimampu’t dalawang taon, maliban sa labis na kapalaluang umusbong sa mga puso ng mga tao; at dahil ito sa napakalaki nilang kayamanan at kanilang pananagana sa lupain; at ito ay sumisibol sa kanila sa araw-araw.

37 At ito ay nangyari na sa ikalimampu’t tatlong taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Helaman ay namatay, at ang kanyang pinakamatandang anak na si Nephi ay nagsimulang manungkulang kahalili niya. At ito ay nangyari na nanungkulan siya sa hukumang-luklukan nang may katarungan at pagkakapantay-pantay; oo, sinunod niya ang mga kautusan ng Diyos, at lumakad alinsunod sa mga landas ng kanyang ama.