Mga Banal na Kasulatan
Helaman 4


Kabanata 4

Ang mga tumiwalag sa mga Nephita at ang mga Lamanita ay nagsanib ng lakas at sinakop ang lupain ng Zarahemla—Dumating ang mga pagkatalo ng mga Nephita dahil sa kanilang kasamaan—Nanghina ang Simbahan, at naging mahihina ang mga tao na tulad ng mga Lamanita. Mga 38–30 B.C.

1 At ito ay nangyari na sa ikalimampu’t apat na taon, nagkaroon ng maraming pagtatalo sa simbahan, at nagkaroon din ng alitan sa mga tao, hanggang sa magkaroon ng maraming pagdanak ng dugo.

2 At ang mapaghimagsik na bahagi ay napatay at naitaboy palabas ng lupain, at nagsitungo sila sa hari ng mga Lamanita.

3 At ito ay nangyari na nagsumigasig sila na pukawin ang mga Lamanita na makidigma laban sa mga Nephita; subalit dinggin, ang mga Lamanita ay labis ang pagkatakot, kung kaya nga’t sila ay tumangging makinig sa mga salita ng mga yaong tumiwalag.

4 Subalit ito ay nangyari na sa ikalimampu’t anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom, may mga tumiwalag sa mga Nephita na umahon sa mga Lamanita; at sila ay nagtagumpay kasama ang mga yaong iba pa sa pagpukaw sa kanila na magalit laban sa mga Nephita; at silang lahat ay naghanda para sa digmaan sa buong taong yaon.

5 At sa ikalimampu’t pitong taon, sila ay sumalakay laban sa mga Nephita upang makidigma, at sinimulan nila ang gawa ng kamatayan; oo, kung kaya nga’t sa ikalimampu’t walong taon ng panunungkulan ng mga hukom, sila ay nagtagumpay sa pag-angkin sa lupain ng Zarahemla; oo, at gayundin sa lahat ng lupain, maging ang lupaing malapit sa lupaing Masagana.

6 At ang mga Nephita at ang mga hukbo ni Moronihas ay naitaboy maging hanggang sa lupaing Masagana;

7 At doon sila nagpalakas laban sa mga Lamanita, mula sa kanlurang dagat maging hanggang sa silangan; ito na isang araw na paglalakbay para sa isang Nephita, sa hangganang pinalakas nila at inihimpil ang kanilang mga hukbo upang ipagtanggol ang kanilang hilagang bayan.

8 At sa gayon, ang mga yaong tumiwalag sa mga Nephita, sa tulong ng napakalaking hukbo ng mga Lamanita, ay natamo ang lahat ng pag-aari ng mga Nephita na nasa lupaing patimog. At ang lahat ng ito ay naganap sa ikalimampu’t walo at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom.

9 At ito ay nangyari na sa ikaanimnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Moronihas ay nagtagumpay kasama ang kanyang mga hukbo sa pagbawi ng maraming bahagi ng lupain; oo, nabawi nila ang maraming lungsod na nahulog sa mga kamay ng mga Lamanita.

10 At ito ay nangyari na sa ikaanimnapu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom, sila ay nagtagumpay sa pagbawi maging ang kalahati ng lahat ng kanilang mga pag-aari.

11 Ngayon, ang malaking kawalang ito ng mga Nephita, at ang malaking pagkatay sa kanila, ay hindi sana naganap kung hindi dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain na nasa kanila; oo, at ito ay nasa mga yaong nagpapahayag din na kabilang sila sa simbahan ng Diyos.

12 At dahil ito sa kapalaluan ng kanilang mga puso, dahil sa labis na kayamanan nila, oo, dahil ito sa kanilang pang-aapi sa mga maralita, ipinagkakait ang kanilang pagkain sa mga nagugutom, ipinagkakait ang kanilang mga kasuotan sa mga hubad, at sinasampal sa pisngi ang kanilang mga mapagpakumbabang kapatid, kinukutya ang yaong banal, itinatatwa ang diwa ng propesiya at ng paghahayag, pumapaslang, nandarambong, nagsisinungaling, nagnanakaw, nakikiapid, nagpapasimula ng malulubhang alitan, at tumitiwalag patungo sa lupain ng Nephi, sa mga Lamanita—

13 At dahil sa labis na kasamaan nilang ito, at sa kanilang pagmamalaki sa kanilang sariling lakas, sila ay napabayaan sa kanilang sariling lakas; kaya nga, hindi sila umunlad, kundi pinahirapan at sinaktan, at itinaboy sa harapan ng mga Lamanita, hanggang sa sila ay mawalan ng pag-aari sa halos lahat ng kanilang mga lupain.

14 Subalit dinggin, si Moronihas ay nangaral ng maraming bagay sa mga tao dahil sa kanilang kasamaan, at gayundin sina Nephi at Lehi, na mga anak na lalaki ni Helaman, ay nangaral ng maraming bagay sa mga tao, oo, at nagpropesiya ng maraming bagay sa kanila hinggil sa kanilang mga kasamaan, at kung ano ang mangyayari sa kanila kung hindi sila magsisisi ng kanilang mga kasalanan.

15 At ito ay nangyari na nagsisi sila, at yamang nagsisi sila ay nagsimula silang umunlad.

16 Sapagkat nang makita ni Moronihas na nagsisi sila ay nangahas siyang pamunuan sila nang lugar sa lugar, at lungsod sa lungsod, maging hanggang sa mabawi nila ang kalahati ng kanilang mga ari-arian, at ang kalahati ng lahat ng kanilang mga lupain.

17 At sa gayon nagtapos ang ikaanimnapu’t isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.

18 At ito ay nangyari na sa ikaanimnapu’t dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Moronihas ay hindi na nakakuha pa ng mga ari-arian sa mga Lamanita.

19 Samakatwid, tinalikdan nila ang kanilang layuning makuha ang nalalabi nilang mga lupain, sapagkat napakarami ng mga Lamanita na hindi maaari para sa mga Nephita na magkaroon pa ng higit na kapangyarihan sa kanila; kaya nga, ginamit ni Moronihas ang kanyang buong hukbo sa pagpapanatili ng mga yaong bahagi na nabawi niya.

20 At ito ay nangyari na dahil sa kalakihan ng bilang ng mga Lamanita, malaki ang naging pagkatakot ng mga Nephita, na baka madaig sila, at yapak-yapakan, at pagpapatayin, at malipol.

21 Oo, nagsimula nilang maalala ang mga propesiya ni Alma, at gayundin ang mga salita ni Mosias; at natanto nila na sila ay naging mga taong matitigas ang leeg, at ipinagwalang-bahala nila ang mga kautusan ng Diyos;

22 At na binago nila at niyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang mga batas ni Mosias, o ang mga yaong iniutos sa kanya ng Panginoon na ibigay sa mga tao; at natanto nila na ang kanilang mga batas ay naging tiwali, at na sila ay naging masasamang tao, hanggang sa naging masasama sila na tulad ng mga Lamanita.

23 At dahil sa kanilang kasamaan ay nagsimulang manghina ang simbahan; at nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha.

24 At natanto nilang sila ay naging mahihina, tulad ng kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, at hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahan sa mga hindi banal na templo—

25 Samakatwid, ang Panginoon ay tumigil sa pangangalaga sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mapaghimala at walang kapantay na kapangyarihan, sapagkat sila ay nahulog sa isang kalagayan ng kawalang-paniniwala at kakila-kilabot na kasamaan; at nakita nila na higit na napakarami ng mga Lamanita kaysa sa kanila, at maliban kung kakapit sila sa Panginoon nilang Diyos ay hindi maiiwasang masawi sila.

26 Sapagkat dinggin, nakita nila na ang lakas ng mga Lamanita ay kasinlakas ng kanilang lakas, maging lalaki sa lalaki. At sa gayon sila nahulog sa malaking pagkakasalang ito; oo, sa gayon sila naging mahihina, dahil sa kanilang pagkakasala, sa loob ng hindi maraming taon.