Kabanata 8
Naghangad na udyukan ng mga tiwaling hukom ang mga tao laban kay Nephi—Sina Abraham, Moises, Zenos, Zenok, Ezias, Isaias, Jeremias, Lehi, at Nephi ay nagpatotoong lahat tungkol kay Cristo—Sa pamamagitan ng inspirasyon, ipinahayag ni Nephi ang pagpaslang sa punong hukom. Mga 23–21 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Nephi ang mga salitang ito, dinggin, may mga kalalakihang naroon na mga hukom, na kabilang din sa lihim na pangkat ni Gadianton, at sila ay nagalit, at sila ay nagsalita nang laban sa kanya, sinasabi sa mga tao: Bakit hindi ninyo dakpin ang lalaking ito at dalhin siya, upang siya ay maparusahan alinsunod sa mabigat na kasalanang nagawa niya?
2 Bakit kayo nakatunghay sa taong ito, at pinakikinggan siyang laitin ang mga taong ito at ang ating mga batas?
3 Sapagkat dinggin, si Nephi ay nangusap sa kanila hinggil sa katiwalian ng kanilang mga batas; oo, maraming bagay ang sinabi ni Nephi na hindi maaaring isulat; at walang anumang bagay siyang sinabi na salungat sa mga kautusan ng Diyos.
4 At ang mga hukom na yaon ay nagalit sa kanya dahil nangusap siya nang malinaw hinggil sa kanilang mga lihim na gawain ng kadiliman; gayunpaman, hindi sila nangahas na pagbuhatan siya ng kanilang mga kamay, sapagkat sila ay natatakot sa mga tao na baka sila magsalita nang laban sa kanila.
5 Samakatwid, sila ay sumigaw sa mga tao, sinasabing: Bakit ninyo pinahihintulutan ang taong ito na laitin tayo? Sapagkat dinggin, hinatulan niya ang lahat ng taong ito, maging hanggang sa pagkalipol; oo, at gayundin ang mga dakilang lungsod na ito ay kukunin mula sa atin, na hindi tayo magkakaroon ng lugar sa mga yaon.
6 At ngayon, alam natin na hindi maaaring mangyari ito, sapagkat dinggin, tayo ay makapangyarihan, at ang ating mga lungsod ay dakila, kaya nga hindi tayo maaaring madaig ng ating mga kaaway.
7 At ito ay nangyari na sa gayon nila pinukaw ang mga tao na magalit laban kay Nephi, at nagpasimula ng mga alitan sa kanila; sapagkat may ilang nagsipagsigawan: Hayaan ang lalaking ito, sapagkat siya ay isang mabuting tao, at ang mga yaong bagay na kanyang sinabi ay tiyak na mangyayari maliban kung magsisisi tayo;
8 Oo, dinggin, lahat ng kahatulang pinatotohanan niya sa atin ay sasapitin natin; sapagkat nalalaman natin na siya ay nagpatotoo nang tama sa atin hinggil sa ating mga kasamaan. At dinggin, ang mga ito ay marami, at nalalaman niya ang lahat ng bagay na mangyayari sa atin tulad ng pagkakaalam niya ng ating mga kasamaan;
9 Oo, at dinggin, kung hindi siya isang propeta, hindi sana siya nakapagpatotoo hinggil sa mga bagay na yaon.
10 At ito ay nangyari na napigilan ang mga yaong taong naghahangad na patayin si Nephi dahil sa kanilang takot, kung kaya’t hindi nila siya napagbuhatan ng kanilang mga kamay; kaya nga siya ay nagsimulang mangusap muli sa kanila, nakikitang nakuha niya ang pagsang-ayon sa paningin ng ilan, hanggang sa ang mga yaong nalalabi sa kanila ay natakot.
11 Samakatwid, siya ay napilit na mangusap pa sa kanila, sinasabing: Dinggin, mga kapatid ko, hindi ba ninyo nabasa na ang Diyos ay nagbigay ng kapangyarihan sa isang tao, maging kay Moises, na hampasin ang mga tubig ng Dagat na Pula, at nahati ito rito at doon, hanggang sa ang mga Israelita, na ating mga ama, ay dumaan sa tuyong lupa, at ang mga tubig ay nagsara sa mga hukbo ng mga taga-Egipto at nilulon sila?
12 At ngayon, dinggin, kung ang Diyos ay nagbigay ng gayong kapangyarihan sa taong ito, kung gayon bakit kinakailangan kayong magtalu-talo sa inyong sarili, at sabihing hindi niya ako binigyan ng kapangyarihan na malaman ko ang hinggil sa mga kahatulang sasapit sa inyo maliban kung kayo ay magsisisi?
13 Subalit, dinggin, hindi lamang ninyo itinatatwa ang aking mga salita, kundi itinatatwa rin ninyo ang lahat ng salitang sinabi sa inyo ng ating mga ama, at gayundin ang mga salitang sinabi ng taong ito, si Moises, na may gayong kalaking kapangyarihan na ibinigay sa kanya, oo, ang mga salitang sinabi niya hinggil sa pagparito ng Mesiyas.
14 Oo, hindi ba’t siya ay nagpatotoo na paparito ang Anak ng Diyos? At tulad ng pagtaas niya ng tansong ahas sa ilang, maging gayon din ay itataas siya na paparito.
15 At kasindami ng tumingin sa ahas na yaon ay nabuhay, gayundin kasindami ng titingin sa Anak ng Diyos na may pananampalataya, nang may nagsisising espiritu, ay mabubuhay, maging sa yaong buhay na walang hanggan.
16 At ngayon, dinggin, hindi lamang si Moises ang nagpatotoo sa mga bagay na ito, kundi ang lahat din ng mga banal na propeta, mula noong kanyang mga araw maging hanggang sa mga araw ni Abraham.
17 Oo, at dinggin, nakita ni Abraham ang kanyang pagparito, at napuspos ng kagalakan at nagsaya.
18 Oo, at dinggin, sinasabi ko sa inyo, na hindi lamang si Abraham ang nakaalam ng mga bagay na ito, kundi marami pa bago ang mga araw ni Abraham na mga natawag sa orden ng Diyos; oo, maging alinsunod sa orden ng kanyang Anak; at ito ay upang maipakita sa mga tao, libu-libong taon bago ang kanyang pagparito, na maging ang pagtubos ay mapapasakanila.
19 At ngayon, nais kong malaman ninyo, na maging sa simula pa lamang noong mga araw ni Abraham ay marami nang propeta ang nagpatotoo sa mga bagay na ito; oo, dinggin, si propetang Zenos ay nagpatotoo nang buong tapang; sa dahilang yaon, siya ay pinatay.
20 At dinggin, gayundin si Zenok, at gayundin si Ezias, at gayundin sina Isaias, at Jeremias, (si Jeremias na siya ring propetang nagpatotoo tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem) at ngayon, nalalaman natin na ang Jerusalem ay nawasak na alinsunod sa mga salita ni Jeremias. O kung gayon ay bakit hindi paparito ang Anak ng Diyos, alinsunod sa kanyang propesiya?
21 At ngayon, makikipagtalo ba kayo na ang Jerusalem ay nawasak na? Sasabihin ba ninyong hindi napatay ang mga anak na lalaki ni Zedekias, lahat maliban kay Mulek? Oo, at hindi ba ninyo namamalas na ang binhi ni Zedekias ay kasama natin, at sila ay itinaboy palabas ng lupain ng Jerusalem? Subalit dinggin, hindi lamang ito—
22 Ang ating amang si Lehi ay itinaboy palabas ng Jerusalem dahil nagpatotoo siya tungkol sa mga bagay na ito. Si Nephi ay nagpatotoo rin tungkol sa mga bagay na ito, at halos lahat din ng ating mga ama, maging hanggang sa panahong ito; oo, sila ay nagpatotoo tungkol sa pagparito ni Cristo, at umaasa, at nagsasaya sa kanyang araw na darating.
23 At dinggin, siya ay Diyos, at siya ay kasama nila, at ipinakita niya ang kanyang sarili sa kanila, na sila ay tinubos niya; at kanilang pinuri siya, dahil sa yaong darating.
24 At ngayon, nakikitang nalalaman ninyo ang mga bagay na ito at hindi ninyo maaaring itatwa ang mga ito maliban kung kayo ay magsisinungaling, kaya nga kayo ay nagkasala rito, sapagkat tinanggihan ninyo ang lahat ng bagay na ito, sa kabila ng napakaraming katibayang natanggap ninyo; oo, maging ang lahat ng bagay ay natanggap ninyo, kapwa mga bagay sa langit, at lahat ng bagay na nasa lupa, bilang patunay na ang mga ito ay totoo.
25 Subalit dinggin, tinanggihan ninyo ang katotohanan, at naghimagsik laban sa inyong banal na Diyos; at maging sa panahong ito, sa halip na magtipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan walang anumang bagay ang nabubulok, at kung saan walang anumang bagay na marumi ang makaparoroon, binubuntunan ninyo ang inyong sarili ng poot laban sa araw ng paghuhukom.
26 Oo, maging sa panahong ito ay nahihinog na kayo, dahil sa inyong mga pagpaslang, at inyong pangangalunya at kasamaan, para sa walang hanggang pagkawasak; oo, at maliban kung kayo ay magsisisi, kaagad itong sasapit sa inyo.
27 Oo, dinggin, maging sa ngayon ay nasa mga pintuan na ninyo ito; oo, magtungo kayo sa hukumang-luklukan, at magsiyasat; at dinggin, ang inyong hukom ay pinaslang, at siya ay nakahiga sa kanyang dugo; at siya ay pinaslang ng kanyang kapatid na lalaki, na naghahangad umupo sa hukumang-luklukan.
28 At dinggin, sila ay kapwa kabilang sa inyong lihim na pangkat, na ang tagapagpasimula ay si Gadianton at ang yaong masama na naghahangad na wasakin ang mga kaluluwa ng tao.