Kabanata 9
Natagpuang patay ng mga tagapagbalita ang punong hukom sa hukumang-luklukan—Ikinulong sila at hindi naglaon ay pinakawalan—Sa pamamagitan ng inspirasyon, kinilala ni Nephi si Seantum na siyang mamamatay-tao—Si Nephi ay tinanggap ng ilan bilang isang propeta. Mga 23–21 B.C.
1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Nephi ang mga salitang ito, may ilang kalalakihang kabilang sa kanila ang tumakbo patungo sa hukumang-luklukan; oo, maging lima silang humayo, at sinabi nila sa kanilang sarili, habang humahayo sila:
2 Dinggin, ngayon, malalaman natin nang may katiyakan kung ang lalaking ito ay isang propeta at inutusan siya ng Diyos na magpropesiya ng mga gayong kagila-gilalas na bagay sa atin. Dinggin, hindi tayo naniniwalang siya ay gayon; oo, hindi tayo naniniwalang isa siyang propeta; gayunpaman, kung ang bagay na ito na sinabi niya hinggil sa punong hukom ay totoo, na patay na siya, kung magkagayon, maniniwala tayo na ang iba pang mga salitang sinabi niya ay totoo.
3 At ito ay nangyari na buong lakas silang nagtakbuhan, at nagtungo sa hukumang-luklukan; at dinggin, ang punong hukom ay nakahandusay sa lupa, at nakahiga sa kanyang dugo.
4 At ngayon, dinggin, nang makita nila ito ay labis silang nanggilalas, kung kaya’t nangabuwal sila sa lupa; sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salitang sinabi ni Nephi hinggil sa punong hukom.
5 Subalit ngayon, nang makita nila ito, sila ay naniwala, at nanaig sa kanila ang takot na baka ang lahat ng kahatulang sinabi ni Nephi ay sapitin ng mga tao; kaya nga, sila ay nanginig, at bumagsak sa lupa.
6 Ngayon, kaagad, nang mapatay ang hukom—siya na sinaksak ng kanyang kapatid na nadadamitan ng balatkayo, at siya ay tumakas, at ang mga tagapagsilbi ay nagsitakbuhan at sinabi sa mga tao, sumisigaw ng pagpaslang sa kanila;
7 At dinggin, sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili sa lugar ng hukumang-luklukan—at dinggin, sa kanilang panggigilalas ay nakita nila ang limang lalaking yaon na nakahandusay sa lupa.
8 At ngayon, dinggin, ang mga tao ay walang alam hinggil sa maraming tao na sama-samang nagtipon sa halamanan ni Nephi; kaya nga sinabi nila sa kanilang sarili: Ang mga lalaking ito ang siyang pumaslang sa hukom, at sila ay pinarusahan ng Diyos upang hindi sila makatakas sa atin.
9 At ito ay nangyari na kanilang dinakip sila, at kanilang iginapos sila at itinapon sila sa bilangguan. At nagpalaganap ng isang pahayag na pinaslang ang hukom, at na ang mga mamamatay-tao ay nadakip at itinapon sa bilangguan.
10 At ito ay nangyari na sa kinabukasan, sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili upang magdalamhati at upang mag-ayuno, sa libing ng dakilang punong hukom na pinatay.
11 At sa gayon, ang lahat din ng mga yaong hukom na nasa halamanan ni Nephi, at nakarinig sa kanyang mga salita, ay sama-sama ring nagtipon sa libing.
12 At ito ay nangyari na nagtanong sila sa mga tao, sinasabing: Nasaan ang limang isinugo upang alamin ang hinggil sa punong hukom kung siya ay patay na nga? At tumugon sila at sinabi: Hinggil sa limang ito na sinasabi ninyong isinugo ninyo ay wala kaming nalalaman; subalit may limang mamamatay-tao na aming itinapon sa bilangguan.
13 At ito ay nangyari na hiniling ng mga hukom na dalhin sila; at sila ay dinala, at dinggin, sila ang yaong limang isinugo; at dinggin, ang mga hukom ay nagtanong sa kanila hinggil sa bagay na yaon, at sinabi nila ang lahat ng ginawa nila, sinasabing:
14 Kami ay tumakbo at nakarating sa lugar ng hukumang-luklukan, at nang makita namin ang lahat ng bagay maging tulad ng pinatototohanan ni Nephi, kami ay nanggilalas kung kaya nga’t bumagsak kami sa lupa; at nang kami ay makabawi mula sa aming panggigilalas, dinggin, itinapon nila kami sa bilangguan.
15 Ngayon, hinggil sa pagpaslang sa taong ito, hindi namin nalalaman kung sino ang may gawa nito; at ito lamang ang nalalaman namin, kami ay tumakbo at nagtungo alinsunod sa inyong kahilingan, at dinggin, siya ay patay na, alinsunod sa mga salita ni Nephi.
16 At ngayon, ito ay nangyari na ipinaliwanag ng mga hukom ang bagay na yaon sa mga tao, at nangusap laban kay Nephi, sinasabing: Dinggin, nalalaman namin na ang Nephi na ito ay tiyak na nakipagkasundo sa kung sino na patayin ang hukom, at pagkatapos ito ay ipahahayag sa atin, upang kanyang mapaniwala tayo sa kanyang pananampalataya, upang maipagmalaki niya ang kanyang sarili na isang dakilang tao, pinili ng Diyos, at isang propeta.
17 At ngayon, dinggin, ilalantad natin ang lalaking ito, at ipagtatapat niya ang kanyang kasalanan at ipaaalam sa atin ang tunay na mamamatay-tao ng hukom na ito.
18 At ito ay nangyari na pinalaya ang lima sa araw ng libing. Gayunpaman, pinagsabihan nila ang mga hukom hinggil sa mga salitang sinabi nila laban kay Nephi, at isa-isang nakipagtalo sa kanila, hanggang sa kanilang natulig sila.
19 Gayunpaman, iniutos nila na si Nephi ay dakpin at igapos at dalhin sa harapan ng maraming tao, at nagsimula silang tanungin siya sa iba’t ibang paraan upang kanilang lituhin siya, upang kanilang masakdalan siya tungo sa kamatayan—
20 Sinasabi sa kanya: Ikaw ay kasabwat; sino ang taong ito na siyang gumawa ng pagpaslang na ito? Ngayon, sabihin mo sa amin, at aminin mo ang iyong kasalanan; sinasabing, Masdan, ito ang salapi; at ipagkakaloob din namin sa iyo ang iyong buhay kung sasabihin mo sa amin, at aaminin ang pakikipagkasundong ginawa mo sa kanya.
21 Subalit sinabi ni Nephi sa kanila: O kayong mga hangal, kayong mga hindi tuli ang puso, kayong mga bulag, at kayong mga taong matitigas ang leeg, nalalaman ba ninyo kung hanggang kailan kayo pahihintulutan ng Panginoon ninyong Diyos na magpatuloy sa ganitong pamamaraan ninyo ng pagkakasala?
22 O nararapat kayong magsimulang humagulgol at magdalamhati, dahil sa malaking pagkalipol na sa panahong ito ay naghihintay sa inyo, maliban kung magsisisi kayo.
23 Dinggin, sinasabi ninyo na nakipagkasundo ako sa isang tao na patayin niya si Sisoram, ang ating punong hukom. Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ito ay dahil sa nagpatotoo ako sa inyo kaya ninyo nalaman ang hinggil sa bagay na ito; oo, maging bilang isang patunay sa inyo, na nalalaman ko ang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain na nasa inyo.
24 At dahil sa ginawa ko ito, sinasabi ninyong nakipagkasundo ako sa isang tao na gawin niya ang bagay na ito; oo, dahil sa ipinakita ko sa inyo ang palatandaang ito, kayo ay nagagalit sa akin at naghahangad na kitlin ang buhay ko.
25 At ngayon, dinggin, magpapakita ako sa inyo ng isa pang palatandaan, at tingnan kung sa bagay na ito ay hahangarin pa ninyong patayin ako.
26 Dinggin, sinasabi ko sa inyo: Magtungo sa tahanan ni Seantum, na kapatid na lalaki ni Sisoram, at sabihin sa kanya—
27 Si Nephi ba, na nagkukunwaring propeta, na nagpropesiya ng labis na kasamaan hinggil sa mga taong ito, ay nakipagkasundo sa iyo, kung kaya’t pinaslang mo si Sisoram, na iyong kapatid?
28 At dinggin, sasabihin niya sa inyo, Hindi.
29 At sabihin ninyo sa kanya: Pinaslang mo ba ang iyong kapatid?
30 At siya ay titindig nang may takot, at hindi malalaman kung ano ang sasabihin. At dinggin, siya ay magkakaila sa inyo; at magkukunwari siya na sa wari ay nanggilalas siya; gayunpaman, ipapahayag niya sa inyo na wala siyang kasalanan.
31 Subalit dinggin, sisiyasatin ninyo siya, at makatutuklas kayo ng dugo sa laylayan ng kanyang balabal.
32 At kapag nakita ninyo ito, sasabihin ninyo: Saan galing ang dugong ito? Hindi ba namin nalalaman na ito ay dugo ng iyong kapatid?
33 At sa gayon siya ay manginginig, at mamumutla, maging sa wari ay sumapit ang kamatayan sa kanya.
34 At pagkatapos, sabihin ninyo: Dahil sa takot na ito at sa pamumutlang ito na nakikita sa iyong mukha, dinggin, nalalaman namin na ikaw ang may sala.
35 At sa gayon mananaig sa kanya ang higit na malaking takot; at doon siya magtatapat sa inyo, at hindi na magkakaila pa na siya ang gumawa ng pagpaslang na ito.
36 At pagkatapos, sasabihin niya sa inyo, na ako, si Nephi, ay walang nalalaman hinggil sa bagay na yaon maliban sa ipinaalam ito sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. At sa gayon ninyo malalaman na ako ay isang matapat na tao, at na isinugo ako sa inyo mula sa Diyos.
37 At ito ay nangyari na sila ay humayo at ginawa, maging ang naaayon sa sinabi ni Nephi sa kanila. At dinggin, ang mga salitang sinabi niya ay totoo; sapagkat alinsunod sa mga salita, siya ay nagkaila; at alinsunod din sa mga salita, siya ay nagtapat.
38 At siya ay dinakip upang patunayan na siya nga ang yaong pumaslang, kung kaya nga’t ang lima ay pinalaya, at gayundin si Nephi.
39 At may ilan din sa mga Nephita ang naniwala sa mga salita ni Nephi; at may ilan din ang naniwala dahil sa patotoo ng lima, sapagkat nagbalik-loob sila habang nasa bilangguan.
40 At ngayon, may ilan sa mga tao ang nagsabing si Nephi ay isang propeta.
41 At may ilan ding nagsabi: Dinggin, siya ay isang diyos, sapagkat maliban sa siya ay isang diyos, hindi niya maaaring malaman ang lahat ng bagay. Sapagkat dinggin, sinabi niya sa atin ang nasasaloob ng ating mga puso, at nagsabi rin sa atin ng mga bagay; at maging sa ibinigay niya sa ating kaalaman ang tunay na pumaslang sa ating punong hukom.