Mga Banal na Kasulatan
Pambungad


Pambungad

Ang Aklat ni Mormon ay isang pinagsama-samang banal na kasulatan na kahalintulad ng Biblia. Isa itong tala ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga sinaunang nanirahan sa Amerika at naglalaman ng kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo.

Ang aklat ay isinulat ng maraming sinaunang propeta sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag. Ang kanilang mga salita, na isinulat sa mga laminang ginto, ay sinipi at pinaikli ng isang propetang mananalaysay na nagngangalang Mormon. Nagbibigay-ulat ang tala tungkol sa dalawang dakilang kabihasnan. Ang isa ay nagmula sa Jerusalem noong 600 B.C. at pagkatapos, nahati sa dalawang bansa, na nakilala bilang mga Nephita at Lamanita. Ang isa pa ay higit na naunang dumating noong nilito ng Panginoon ang mga wika sa Tore ng Babel. Nakilala ang pangkat na ito bilang mga Jaredita. Pagkalipas ng libu-libong taon, nalipol ang lahat maliban sa mga Lamanita, at kabilang sila sa mga ninuno ng mga Amerikanong Indiyan.

Ang ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga Nephita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli ang pinakatampok na pangyayaring naitala sa Aklat ni Mormon. Ipinaliliwanag nito ang mga doktrina ng ebanghelyo, ibinabalangkas ang plano ng kaligtasan, at sinasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating.

Pagkaraang matapos ni Mormon ang kanyang mga isinulat, ibinigay niya ang ulat sa kanyang anak na si Moroni, na nagdagdag ng ilang sarili niyang mga salita at ikinubli ang mga lamina sa Burol ng Cumorah. Noong Setyembre 21, 1823, ang Moroni ring ito, na isa nang niluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang, ay nagpakita sa Propetang si Joseph Smith at nagtagubilin sa kanya hinggil sa sinaunang talaan at sa nakatakdang pagsasalin nito sa wikang Ingles.

Kalaunan, ipinagkaloob ang mga lamina kay Joseph Smith, na siyang nagsalin sa mga ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang tala ay nalalathala na ngayon sa maraming wika bilang isang bago at karagdagang saksi na si Jesucristo ang Anak ng buhay na Diyos at na ang lahat ng lalapit sa Kanya at susunod sa mga batas at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo ay maaaring maligtas.

Hinggil sa talaang ito, sinabi ng Propetang si Joseph Smith: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit pa kaysa sa pamamagitan ng alinmang aklat.”

Bukod kay Joseph Smith, ang Panginoon ay nagtalaga ng labing-isang iba pa upang makita para sa kanilang sarili ang mga laminang ginto at maging mga natatanging saksi sa katotohanan at kabanalan ng Aklat ni Mormon. Ang kanilang isinulat na mga patotoo ay isinama rito bilang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at “Ang Patotoo ng Walong Saksi.”

Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagnilayan sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at pagkatapos, itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Ang mga yaong susunod sa hakbanging ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo sa katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)

Ang mga yaong magkakamit ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang Kanyang tagapaghayag at propeta sa mga huling araw na ito, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo, bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Mesiyas.