Mga Banal na Kasulatan
Moroni 10


Kabanata 10

Dumarating ang isang patotoo sa Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo—Ibinibigay sa matatapat ang mga kaloob ng Espiritu—Laging kaugnay ng mga espirituwal na kaloob ang pananampalataya—Mangungusap mula sa alabok ang mga salita ni Moroni—Lumapit kay Cristo, maging sakdal sa Kanya, at gawing banal ang inyong mga kaluluwa. Mga A.D. 421.

1 Ngayon, ako, si Moroni, ay sumusulat nang kaunti na sa palagay ko ay mabuti; at sumusulat ako sa aking mga kapatid, ang mga Lamanita; at nais kong kanilang malaman na mahigit na apat na raan at dalawampung taon na ang lumipas magmula nang ibigay ang palatandaan ng pagparito ni Cristo.

2 At aking tatatakan ang mga talaang ito, matapos na ako ay makapagwika ng ilang salita sa paraan ng pagpapayo sa inyo.

3 Dinggin, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, kung karunungan sa Diyos na mabasa ninyo ang mga yaon, na inyong maalala kung gaano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagnilayan ito sa inyong mga puso.

4 At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung magtatanong kayo nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

5 At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.

6 At anumang bagay na mabuti ay tunay at totoo; kaya nga, walang mabuting bagay ang magtatatwa kay Cristo, kundi kikilalanin na siya nga yaon.

7 At inyong makikilala na siya nga yaon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; kaya nga, nais kong payuhan kayo na huwag ninyong itatatwa ang kapangyarihan ng Diyos; sapagkat siya ay gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao, ang siya rin ngayon at bukas, at magpakailanman.

8 At muli, ipinapayo ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos, sapagkat ang mga yaon ay marami; at ang mga yaon ay nanggagaling sa Diyos ding yaon. At maraming iba’t ibang paraan na ang mga kaloob na ito ay ibinibigay; ngunit ang Diyos ding yaon ang siyang gumagawa ng lahat-lahat; at ang mga yaon ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu ng Diyos sa tao, sa kapakinabangan nila.

9 Sapagkat dinggin, sa isa ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na kanyang maituro ang salita ng karunungan;

10 At sa isa pa, na kanyang maituro ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon;

11 At sa isa pa, napakatibay na pananampalataya; at sa isa pa, ang mga kaloob na pagpapagaling sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon;

12 At muli, sa isa pa, na siya ay makagawa ng mga makapangyarihang himala;

13 At muli, sa isa pa, na siya ay makapagpropesiya hinggil sa lahat ng bagay;

14 At muli, sa isa pa, ang makakita ng mga anghel at mga naglilingkod na espiritu;

15 At muli, sa isa pa, lahat ng uri ng mga wika;

16 At muli, sa isa pa, ang pagbibigay-kahulugan ng mga salita at ng iba’t ibang uri ng mga wika.

17 At ang lahat ng kaloob na ito ay nakakamit sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo; at ang mga yaon ay ipinagkakaloob nang kani-kanya sa bawat tao alinsunod sa kanyang kalooban.

18 At nais kong payuhan kayo, mga minamahal kong kapatid, na inyong pakatandaan na ang bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo.

19 At nais kong payuhan kayo, mga minamahal kong kapatid, na inyong tandaan na siya ay siya rin kahapon, ngayon, at magpakailanman, at na ang lahat ng kaloob na ito na aking winika, na espirituwal, ay hindi kailanman mapatitigil, maging habang nakatindig ang daigdig, maliban lamang kung ayon sa kawalang-paniniwala ng mga anak ng tao.

20 Samakatwid, kailangang magkaroon ng pananampalataya; at kung kinakailangang may pananampalataya ay kinakailangang may pag-asa rin; at kung kinakailangang may pag-asa ay kinakailangan ding may pag-ibig sa kapwa-tao.

21 At maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos; ni hindi kayo maliligtas sa kaharian ng Diyos kung kayo ay walang pananampalataya; ni hindi kayo maliligtas kung kayo ay walang pag-asa.

22 At kung kayo ay walang pag-asa, tiyak na nanghihina ang loob ninyo; at ang panghinaan ng loob ay sumasapit dahil sa kasamaan.

23 At tunay na sinabi ni Cristo sa ating mga ama: Kung kayo ay may pananampalataya, magagawa ninyo ang lahat ng bagay na marapat sa akin.

24 At ngayon, ako ay nangungusap sa lahat ng dulo ng mundo—na kung dumating ang araw na ang kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos ay matigil sa inyo, dahil ito sa kawalang-paniniwala.

25 At sa aba sa mga anak ng tao kung ganito ang mangyayari; sapagkat walang gumagawa ng kabutihan sa inyo, wala ni isa. Sapagkat kung may isa sa inyo na gumagawa ng kabutihan, siya ay gagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos.

26 At sa aba nila na gagawa sa mga bagay na ito at mamamatay, sapagkat sila ay mamamatay sa kanilang mga kasalanan, at hindi sila maliligtas sa kaharian ng Diyos; at sinasabi ko ito alinsunod sa mga salita ni Cristo; at ako ay hindi nagsisinungaling.

27 At pinapayuhan ko kayo na tandaan ang mga bagay na ito; sapagkat ang panahon ay mabilis na darating na malalaman ninyo na hindi ako nagsisinungaling, sapagkat makikita ninyo ako sa hukuman ng Diyos; at sasabihin sa inyo ng Panginoong Diyos: Hindi ba’t ipinahayag ko ang aking mga salita sa inyo, na isinulat ng lalaking ito, katulad ng isang sumisigaw mula sa mga patay, oo, maging katulad ng isang nangungusap mula sa alabok?

28 Ipinahahayag ko ang mga bagay na ito para sa katuparan ng mga propesiya. At dinggin, ang mga yaon ay mamumutawi sa bibig ng walang katapusang Diyos; at ang kanyang salita ay titimo mula sa bawat sali’t salinlahi.

29 At patutunayan ng Diyos sa inyo na ang yaong aking isinulat ay totoo.

30 At muli, nais ko kayong payuhan na kayo ay lumapit kay Cristo, at yumakap sa bawat mabuting kaloob, at huwag hipuin ang masamang kaloob ni ang maruming bagay.

31 At gumising, at bumangon mula sa alabok, O Jerusalem; oo, at isuot ang iyong magagandang kasuotan, O anak na babae ng Sion; at patibayin ang iyong mga istaka at palawakin ang iyong mga hangganan magpakailanman, upang ikaw ay hindi na mapisan pa, upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay matupad.

32 Oo, lumapit kay Cristo, at maging sakdal sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, sa gayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya ay maging sakdal kayo kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay sakdal kayo kay Cristo, hindi ninyo maitatatwa ang kapangyarihan ng Diyos.

33 At muli, kung sa biyaya ng Diyos ay sakdal kayo kay Cristo, at hindi itatatwa ang kanyang kapangyarihan, sa gayon, kayo ay ginawang banal kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, na nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis.

34 At ngayon, ako ay namamaalam sa lahat. Ako ay malapit nang magtungo sa paraiso ng Diyos upang mamahinga, hanggang sa muling magsama ang aking espiritu at katawan, at ako ay matagumpay na madadala sa hangin, upang tagpuin kayo sa harapan ng kasiya-siyang hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay. Amen.

Wakas