Mga Banal na Kasulatan
Moroni 6


Kabanata 6

Ang mga taong nagsisisi ay binibinyagan at kinakaibigan—Pinatatawad ang mga kasapi ng simbahan na nagsisisi—Pinamumunuan ang mga pagpupulong sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Mga A.D. 401–421.

1 At ngayon, ako ay nangungusap hinggil sa pagbibinyag. Dinggin, ang matatanda, mga saserdote, at guro ay bininyagan; at hindi sila bininyagan maliban kung sila ay nagpakita ng angkop na bunga na karapat-dapat sila rito.

2 Ni hindi nila tinanggap ang kahit sino sa pagbibinyag maliban kung sila ay lumapit nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pinatunayan sa simbahan na sila ay tunay na nagsisi sa lahat ng kanilang mga kasalanan.

3 At walang tinanggap sa pagbibinyag maliban kung tinaglay nila sa kanila ang pangalan ni Cristo, nang may matibay na hangaring maglingkod sa kanya hanggang wakas.

4 At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, at naantig at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay ibinilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at kinuha ang kanilang mga pangalan, upang sila ay maalala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang mapanatili silang magpatuloy sa maingat na panalangin, tanging sa kabutihan ni Cristo lamang umaasa, na siyang may akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya.

5 At ang simbahan ay madalas na nagtipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa.

6 At sila ay madalas na nagtipun-tipong magkakasama upang makibahagi sa tinapay at alak, sa pag-alala sa Panginoong Jesus.

7 At sila ay mahigpit na sumusunod na hindi dapat magkaroon ng kasamaan sa kanila; at sinumang natagpuang gumawa ng kasamaan, at tatlong saksi mula sa simbahan ang nagpatibay laban sa kanila sa harapan ng matatanda, at kung hindi sila nagsisi, at hindi nagtapat, ang kanilang mga pangalan ay binura, at hindi na sila ibinilang pa sa mga tao ni Cristo.

8 Ngunit kasindalas na sila ay nagsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatawad.

9 At ang kanilang mga pagpupulong ay pinamunuan ng simbahan alinsunod sa pamamaraan ng mga pamamatnubay ng Espiritu, at alinsunod sa kapangyarihan ng Espiritu Santo; sapagkat tulad ng pag-akay sa kanila ng kapangyarihan ng Espiritu Santo kung mangangaral, o magpapayo, o mananalangin, o magsusumamo, o aawit, maging sa gayon ito naganap.