Kabanata 7
Ibinigay ang isang paanyayang pumasok sa kapahingahan ng Panginoon—Manalangin nang may tunay na layunin—Ang Espiritu ni Cristo ay nagtutulot sa mga tao na malaman ang mabuti sa masama—Hinihikayat ni Satanas ang mga tao na itatwa si Cristo at gumawa ng masama—Ipinahahayag ng mga propeta ang pagparito ni Cristo—Sa pamamagitan ng pananampalataya, nagagawa ang mga himala at naglilingkod ang mga anghel—Ang mga tao ay nararapat umasa sa buhay na walang hanggan at kumapit sa pag-ibig sa kapwa-tao. Mga A.D. 401–421.
1 At ngayon, ako, si Moroni, ay isinusulat ang ilan sa mga salita ng aking amang si Mormon, na kanyang winika hinggil sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat alinsunod sa ganitong pamamaraan siya nangusap sa mga tao, habang siya ay nagtuturo sa kanila sa sinagogang kanilang itinayo bilang pook ng sambahan.
2 At ngayon, ako, si Mormon, ay nangungusap sa inyo, mga minamahal kong kapatid; at ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, at ng kanyang banal na kalooban, dahil sa kanyang kaloob na tungkulin sa akin, na ako ay pinayagang mangusap sa inyo sa panahong ito.
3 Dahil dito, ako ay mangungusap sa inyo na nasa simbahan, na mga mapayapang tagasunod ni Cristo, at na nagkaroon ng sapat na pag-asa kung saan kayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon, simula sa panahong ito ngayon hanggang sa mamahinga kayong kasama niya sa langit.
4 At ngayon, mga kapatid ko, naihahatol ko ang mga bagay na ito patungkol sa inyo dahil sa inyong mapayapang paglalakad kasama ng mga anak ng tao.
5 Sapagkat aking natatandaan ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ninyo sila makikilala; sapagkat kung mabubuti ang kanilang mga gawa, kung gayon ay mabubuti rin sila.
6 Sapagkat dinggin, winika ng Diyos na ang isang taong masama ay hindi maaaring gumawa ng yaong mabuti; sapagkat kung mag-aalay siya ng handog, o mananalangin sa Diyos, maliban kung ito ay gagawin niya nang may tunay na layunin, wala itong kapakinabangan sa kanya.
7 Sapagkat dinggin, ito ay hindi ibibilang sa kanya na katwiran.
8 Sapagkat dinggin, kung ang isang taong masama ay nagbibigay ng isang handog, ginagawa niya iyon nang labag sa kalooban; kaya nga, ito ay ibinibilang sa kanya na parang nanatili pa rin sa kanya ang handog; kaya nga ibibilang siya na masama sa harapan ng Diyos.
9 At gayundin, ibinibilang ding masama sa isang tao kung siya ay mananalangin at walang tunay na layunin sa puso; oo, at wala itong kapakinabangan sa kanya, sapagkat ang Diyos ay walang tinatanggap na gayon.
10 Samakatwid, ang isang taong masama ay hindi makagagawa ng yaong mabuti; ni hindi siya makapagbibigay ng mabuting handog.
11 Sapagkat dinggin, ang mapait na bukal ay hindi makapagbibigay ng mainam na tubig; ni ang mainam na bukal ay hindi makapagbibigay ng mapait na tubig; kaya nga, ang isang tao na tagapaglingkod ng diyablo ay hindi maaaring sumunod kay Cristo; at kung sumusunod siya kay Cristo, hindi siya maaaring maging isang tagapaglingkod ng diyablo.
12 Samakatwid, ang lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at ang yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay kaaway ng Diyos, at patuloy na nakikipaglaban sa kanya, at nag-aanyaya at nanghihimok na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama.
13 Ngunit dinggin, ang yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nanghihimok na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay kinakasihan ng Diyos.
14 Anupa’t mag-ingat, mga minamahal kong kapatid, na huwag kayong humatol na ang yaong masama ay sa Diyos, o ang yaong mabuti at sa Diyos ay sa diyablo.
15 Sapagkat dinggin, mga kapatid ko, ipinahihintulot sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasinlinaw, upang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi.
16 Sapagkat dinggin, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; anupa’t ipakikita ko sa inyo ang paraan ng paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at naghihikayat na maniwala kay Cristo, ay ipinarating sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.
17 Ngunit anumang bagay na humihikayat sa mga tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; sapagkat sa ganitong pamamaraan kumikilos ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya.
18 At ngayon, mga kapatid ko, dahil sa inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo, tiyakin ninyo na hindi kayo humahatol nang mali; sapagkat sa katulad ng paghatol na inyong hinahatol, kayo rin ay hahatulan.
19 Samakatwid, ako ay nagsusumamo sa inyo, mga kapatid, na nararapat na masigasig ninyong saliksikin ang liwanag ni Cristo upang inyong malaman ang mabuti sa masama; at kung yayakap kayo sa bawat mabuting bagay, at hindi ito susumpain, kayo ay tiyak na magiging isang anak ni Cristo.
20 At ngayon, aking mga kapatid, paano mangyayari na kayo ay makayayakap sa bawat mabuting bagay?
21 At ngayon, dadako ako sa yaong pananampalataya, na kung alin ay sinabi kong mangungusap ako; at sasabihin ko sa inyo ang paraan upang makayakap kayo sa bawat mabuting bagay.
22 Sapagkat dinggin, ang Diyos na nakaaalam sa lahat ng bagay, na nagmula sa walang katapusan hanggang sa walang katapusan, dinggin, isinugo niya ang mga anghel upang maglingkod sa mga anak ng tao, upang ipaalam ang hinggil sa pagparito ni Cristo; at kay Cristo magmumula ang bawat mabuting bagay.
23 At ang Diyos ay nagpahayag din sa mga propeta, sa pamamagitan ng sarili niyang bibig, na paparito si Cristo.
24 At dinggin, may iba’t ibang mga paraan na kanyang ipinaalam ang mga bagay sa mga anak ng tao, na mabubuti; at ang lahat ng bagay na mabubuti ay nagmumula kay Cristo; kung hindi, ang tao ay nahulog, at walang mabuting bagay ang sasapit sa kanila.
25 Anupa’t sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng bawat salitang namutawi sa bibig ng Diyos, ang tao ay nagsimulang manampalataya kay Cristo; at sa gayon, sa pamamagitan ng pananampalataya, yumakap sila sa bawat mabuting bagay; at sa gayon nga iyon hanggang sa pagparito ni Cristo.
26 At pagkaraan niyang pumarito, ang tao ay naligtas din sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; at sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay naging mga anak ng Diyos. At tunay na yamang buhay si Cristo, winika niya ang mga salitang ito sa ating mga ama, sinasabing: Anumang bagay ang inyong hihingin sa Ama sa aking pangalan, na mabuti, nang may pananampalataya, naniniwalang iyon ay matatanggap ninyo, dinggin, iyon ay mangyayari sa inyo.
27 Anupa’t mga minamahal kong kapatid, tumigil na ba ang mga himala dahil sa si Cristo ay umakyat na sa langit, at umupo sa kanang kamay ng Diyos, upang angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan sa awa na mayroon siya sa mga anak ng tao?
28 Sapagkat kanyang tinugon ang mga layunin ng batas, at kanyang inangkin ang lahat ng yaong may pananampalataya sa kanya; at sila na may pananampalataya sa kanya ay kakapit sa bawat mabuting bagay; kaya nga isinusulong niya ang kapakanan ng mga anak ng tao; at siya ay nananahanang walang hanggan sa kalangitan.
29 At dahil kanyang ginawa ito, mga minamahal kong kapatid, tumigil ba ang mga himala? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.
30 Sapagkat dinggin, sila ay nasasakop niya, upang maglingkod alinsunod sa salita ng kanyang utos, ipinakikita ang kanilang sarili sa kanila na may matibay na pananampalataya at matatag na isipan sa bawat anyo ng kabanalan.
31 At ang katungkulan ng kanilang ministeryo ay tawagin ang mga tao sa pagsisisi, at tuparin at isagawa ang gawaing nauugnay sa mga tipan ng Ama, na kanyang ginawa sa mga anak ng tao, upang ihanda ang daan sa mga anak ng tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng salita ni Cristo sa mga piling nilikha ng Panginoon, upang sila ay magpatotoo sa kanya.
32 At sa paggawa niyon, inihahanda ng Panginoong Diyos ang daan upang ang nalalabi sa mga tao ay magkaroon ng pananampalataya kay Cristo, upang ang Espiritu Santo ay magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso, alinsunod sa kapangyarihan niyon; at alinsunod sa ganitong pamamaraan isinasakatuparan ng Ama ang mga tipang kanyang ginawa sa mga anak ng tao.
33 At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin ang kahit na anong bagay na marapat sa akin.
34 At kanyang winika: Magsisi kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin, at magpabinyag sa aking pangalan, at magkaroon ng pananampalataya sa akin, upang kayo ay maligtas.
35 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, kung ganito ang pangyayari na ang mga bagay na ito ay totoo na sinabi ko sa inyo, at patutunayan sa inyo ng Diyos, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian sa huling araw, na totoo ang mga yaon, at kung totoo ang mga yaon, tumigil na ba ang araw ng mga himala?
36 O ang mga anghel ba ay huminto sa pagpapakita sa mga anak ng tao? O kanya bang ipinagkait ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanila? O gagawin ba niya, habang ang panahon ay nagpapatuloy, o ang mundo ay nananatili, o may isang tao pa sa ibabaw niyon na maililigtas?
37 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya nagagawa ang mga himala; at sa pamamagitan ng pananampalataya nagpapakita at naglilingkod ang mga anghel sa mga anak ng tao; kaya nga, kung ang mga bagay na ito ay tumigil, sa aba sa mga anak ng tao, sapagkat ito ay dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, at walang saysay ang lahat.
38 Sapagkat walang taong maliligtas, alinsunod sa mga salita ni Cristo, maliban kung sila ay magkakaroon ng pananampalataya sa kanyang pangalan; kaya nga, kung tumigil ang mga bagay na ito, kung gayon ay tumigil na rin ang pananampalataya; at kakila-kilabot ang kalagayan ng tao, sapagkat tila ba walang nangyaring pagtubos na ginawa sa kanila.
39 Ngunit dinggin, mga minamahal kong kapatid, naihahatol ko ang higit na mabubuting bagay patungkol sa inyo, sapagkat nahahatulan ko na kayo ay may pananampalataya kay Cristo dahil sa inyong kababaang-loob; sapagkat kung wala kayong pananampalataya sa kanya, kung gayon ay hindi kayo karapat-dapat na mabilang sa mga tao ng kanyang simbahan.
40 At muli, mga minamahal kong kapatid, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa. Paano kayo makatatanggap ng pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?
41 At ano ito na inyong aasahan? Dinggin, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.
42 Samakatwid, kung ang isang tao ay may pananampalataya, siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya, hindi magkakaroon ng anumang pag-asa.
43 At muli, dinggin, sinasabi ko sa inyo na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may pusong mababa ang loob.
44 Kung gayon, ang kanyang pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa maamo at may pusong mababa ang loob; at kung ang isang tao ay maamo at may pusong mababa ang loob, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kinakailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang silbi; kaya nga kinakailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.
45 At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi madaling nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, pinapasan ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.
46 Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong silbi, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi nagkukulang kailanman. Samakatwid, kumapit sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay tiyak na magkukulang—
47 Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, at nagpapatuloy iyon magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, makabubuti ito sa kanya.
48 Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat nilang tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak na si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung magpapakita siya, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang magkaroon tayo ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay. Amen.