Mga Banal na Kasulatan
Moroni 9


Ang ikalawang liham ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni.

Binubuo ng kabanata 9.

Kabanata 9

Kapwa napakasama at napakalubha ng mga Nephita at mga Lamanita—Kanilang pinahirapan at pinaslang ang isa’t isa—Nanalangin si Mormon na mapasa kay Moroni magpakailanman ang biyaya at kabutihan. Mga A.D. 401.

1 Minamahal kong anak, ako ay muling sumusulat sa iyo upang malaman mo na ako ay buhay pa; ngunit magsusulat ako nang kaunti tungkol sa yaong nakababagabag.

2 Sapagkat dinggin, ako ay nagkaroon ng isang masidhing digmaan laban sa mga Lamanita, kung saan kami ay hindi nagwagi; at si Arkianto ay bumagsak sa pamamagitan ng espada, at gayundin sina Luram at Emron; oo, at nawalan tayo ng malaking bilang ng mga piling tauhan.

3 At ngayon, dinggin, anak ko, natatakot ako na baka malipol ng mga Lamanita ang mga taong ito; sapagkat hindi sila nagsisisi, at si Satanas ay patuloy na inuudyok sila na magalit sa isa’t isa.

4 Dinggin, ako ay patuloy na nagpapagal kasama nila; at kapag aking winiwika ang salita ng Diyos nang may katalasan, sila ay nanginginig at nagagalit sa akin; at kapag hindi ako gumagamit ng katalasan ay pinatitigas nila ang kanilang mga puso laban dito; kaya nga, natatakot ako na baka ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil na sa pagpupunyagi sa kanila.

5 Sapagkat labis sila kung magalit kaya sa pakiwari ko ay hindi na sila natatakot sa kamatayan; at nawala na ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa; at sila ay patuloy na nauuhaw sa dugo at paghihiganti.

6 At ngayon, minamahal kong anak, sa kabila ng kanilang pagmamatigas, tayo ay masigasig na magpagal; sapagkat kung tayo ay titigil sa pagpapagal, tayo ay madadala sa ilalim ng kahatulan; sapagkat tayo ay may gawaing gagampanan habang nasa katawang-lupa, upang ating magapi ang kaaway ng lahat ng katwiran, at ipahinga ang ating mga kaluluwa sa kaharian ng Diyos.

7 At ngayon, ako ay susulat nang kaunti hinggil sa mga pagdurusa ng mga taong ito. Sapagkat ayon sa kaalamang aking natanggap mula kay Amoron, dinggin, ang mga Lamanita ay maraming bihag, na kanilang nadakip mula sa tore ng Serisa; at may kalalakihan, kababaihan, at mga bata.

8 At ang mga asawa at ama ng kababaihan at mga batang yaon ay pinatay nila; at kanilang ipinakain sa kababaihan ang laman ng kanilang mga asawa, at sa mga bata ang laman ng kanilang mga ama; at walang tubig, maliban sa kakaunti lamang, ang kanilang ibinibigay sa kanila.

9 At sa kabila nitong matinding karumal-dumal na gawain ng mga Lamanita, hindi ito hihigit sa ating mga tao sa Moriantum. Sapagkat dinggin, marami sa mga anak na babae ng mga Lamanita ang nadala nilang bihag; at matapos nilang kuhain ang pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay, kung alin ay puri at karangalan—

10 At matapos nilang magawa ang bagay na ito, kanilang pinagpapatay sila sa isang pinakamalupit na pamamaraan, labis na pinahihirapan ang kanilang mga katawan maging hanggang sa kamatayan; at matapos nilang magawa ito, nilalamon nila ang kanilang mga laman tulad ng mababangis na hayop, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; at ginagawa nila ito bilang tanda ng katapangan.

11 O minamahal kong anak, paanong ang mga taong tulad nito, na walang kabihasnan—

12 (At ilang taon lamang ang nakalipas, sila ay maaayos at mga kaaya-ayang tao.)

13 Ngunit O aking anak, paanong ang mga taong tulad nito, na ang kaluguran ay nasa labis na karumal-dumal na gawain—

14 Paano tayo makaaasang pipigilin ng Diyos ang kanyang kamay sa paghatol laban sa atin?

15 Dinggin, ang aking puso ay sumisigaw: Sa aba sa mga taong ito. Ipataw ang paghatol, O Diyos, at itago ang kanilang mga kasalanan, at kasamaan, at karumal-dumal na gawain mula sa inyong harapan!

16 At muli, anak ko, maraming balo at kanilang mga anak na babae ang naiwan sa Serisa; at ang bahagi ng pagkain na hindi dinala ng mga Lamanita, dinggin, dinala ito ng hukbo ni Zenephi, at pinabayaan silang magpagala-gala kahit saan upang makahanap ng pagkain; at maraming matatandang babae ang nanghihina sa daan at namamatay.

17 At ang hukbong aking kasama ay mahina; at ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nasa pagitan ko at ng Serisa; at kasindami ng tumakas sa hukbo ni Aaron ang bumagsak na mga biktima sa kanilang kakila-kilabot na kalupitan.

18 O ang kabuktutan ng aking mga tao! Sila ay walang kaayusan at walang awa. Dinggin, ako ay isang tao lamang, at ako ay may lakas lamang ng isang tao, at hindi ko na kayang ipatupad pa ang aking mga utos.

19 At naging matindi sila sa kanilang kasamaan; at sila ay magkakatulad na malulupit, walang pinaliligtas, ni matanda o bata; at nalulugod sila sa lahat ng bagay maliban doon sa mabuti; at ang pagdurusa ng ating kababaihan at ating mga anak sa ibabaw ng buong lupaing ito ay nakahihigit sa lahat ng bagay; oo, hindi kayang sabihin ng dila ni kayang isulat iyon.

20 At ngayon, anak ko, hindi ko na tatalakayin pa ang kakila-kilabot na tanawing ito. Dinggin, nalalaman mo ang kasamaan ng mga taong ito; nalalaman mo na sila ay walang paninindigan at mga manhid; at ang kanilang kasamaan ay nakahihigit doon sa mga Lamanita.

21 Dinggin, anak ko, hindi ko sila maaaring imungkahi sa Diyos sa takot na baka parusahan niya ako.

22 Ngunit dinggin, anak ko, iminumungkahi kita sa Diyos, at ako ay nagtitiwala kay Cristo na maliligtas ka; dumadalangin ako sa Diyos na iligtas niya ang iyong buhay, upang saksihan ang pagbabalik ng kanyang mga tao sa kanya, o ang kanilang ganap na pagkalipol; sapagkat nalalaman ko na tiyak silang masasawi maliban kung sila ay magsisisi at magbabalik sa kanya.

23 At kung masasawi sila, iyon ay magiging katulad ng sa mga Jaredita, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, naghahangad ng dugo at paghihiganti.

24 At kung mangyayari nga na sila ay masawi, nalalaman natin na marami sa ating mga kapatid ang umanib sa mga Lamanita, at marami pa ang aanib sa kanila; anupa’t sumulat ka nang kaunti hinggil sa ilang bagay, kung maliligtas ka at ako ay masasawi at hindi ka makikita; ngunit nagtitiwala ako na malapit na kitang makita; sapagkat mayroon akong mga banal na talaan na aking ibibigay sa iyo.

25 Anak ko, maging matapat kay Cristo; at nawa ay huwag makapagpadalamhati sa iyo ang mga bagay na aking isinulat, na makapagpapabigat sa iyo tungo sa kamatayan; kundi nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman ang kanyang mga pagdurusa at kamatayan, at ang pagpapakita ng kanyang katawan sa ating mga ama, at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan.

26 At nawa ay mapasaiyo at manatiling kasama mo magpakailanman ang biyaya ng Diyos Ama, na ang trono ay mataas sa kalangitan, at ng ating Panginoong Jesucristo, na nakaluklok sa kanang kamay ng kanyang kapangyarihan, hanggang sa ang lahat ng bagay ay mapasakop sa kanya. Amen.