Mga Tulong sa Pag-aaral
PJS, Lucas 12


PJS, Lucas 12:9–12 (ihambing sa Lucas 12:9–10)

(Ang paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay hindi mapatatawad.)

9 Datapwat ang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ikakaila sa harapan ng mga anghel ng Diyos.

10 Ngayon nalalaman ng mga disipulo na sinabi niya ito, sapagkat sila ay nangusap ng masama laban sa kanya sa harapan ng mga tao; sapagkat nangatatakot silang kilalanin siya sa harapan ng mga tao.

11 At sila ay nangatwiran sa kanilang sarili, sinasabing, Nalalaman niya ang saloobin ng ating mga puso, at siya ay nangungusap sa ating kaparusahan, at tayo ay hindi na mapatatawad. Subalit kanyang sinagot sila, at sinabi sa kanila,

12 Sinuman ang mangusap ng isang salita laban sa Anak ng Tao, at magsisisi, siya ay patatawarin; subalit siya na lumapastangan sa Espiritu Santo, ay hindi patatawarin.

PJS, Lucas 12:41–57 (ihambing sa Lucas 12:38–48)

(Kailangang lagi tayong handa sa pagparito ng Panginoon.)

41 Sapagkat, dinggin, siya ay paparito sa unang pagbabantay sa gabi, at paparito rin siya sa ikalawang pagbabantay, at muli siya ay paparito sa ikatlong pagbabantay.

42 At katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya ay pumarito na, tulad ng nasulat hinggil sa kanya; at muli kung siya ay paparito sa ikalawang pagbabantay, o paparito sa ikatlong pagbabantay, mapapalad ang mga yaong tagapaglingkod na sa kanyang pagparito, ay kanyang madaratnang gayon ang ginagawa;

43 Sapagkat ang Panginoon ng mga yaong tagapaglingkod ay magbibigkis ng kanyang sarili, at pauupuin sila sa dulang, at lalapit at paglilingkuran sila.

44 At ngayon, katotohanang sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo, upang inyo itong malaman, na ang pagparito ng Panginoon ay katulad ng isang magnanakaw sa gabi.

45 At ito ay katulad sa isang tao na isang maybahay, na, kung hindi niya babantayan ang kanyang mga ari-arian, ang magnanakaw ay darating sa oras na hindi niya inaasahan, at kukunin ang kanyang mga ari-arian, at paghahati-hatiin ito sa kanyang mga kasamahan.

46 At sinabi nila sa kanilang sarili, Kung nalalaman lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya sana ay magbabantay, at hindi pababayaang sirain ang kanyang bahay at manakaw ang kanyang mga ari-arian.

47 At kanyang sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kayo rin samakatwid ay magsipaghanda; sapagkat paparito ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.

48 Sa gayon sinabi ni Pedro sa kanya, Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat?

49 At sinabi ng Panginoon, Ako ay nangungusap sa mga yaong gagawing pinuno ng Panginoon sa kanyang sambahayan, upang ibigay sa kanyang mga anak ang kanilang bahagi na pagkain sa takdang panahon.

50 At kanilang sinabi, Sino samakatwid ang yaong matapat at matalinong tagapaglingkod?

51 At sinabi ng Panginoon sa kanila, Siya ang yaong tagapaglingkod na nagbabantay, upang ibigay ang kanyang bahagi ng pagkain sa takdang panahon.

52 Mapalad ang yaong tagapaglingkod na maratnan ng kanyang Panginoon, sa kanyang pagparito, na gayon ang ginagawa.

53 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na siya ay gagawin niyang pinuno sa lahat ng kanyang pag-aari.

54 Subalit ang masamang tagapaglingkod ay yaong hindi naratnang nagbabantay. At kung ang yaong tagapaglingkod ay hindi naratnang nagbabantay, kanyang sasabihin sa kanyang puso, Maluluwatan ang pagparito ng aking Panginoon; at magsisimulang bugbugin ang mga tagapaglingkod na lalaki, at ang mga tagapaglingkod na babae, at kumain, at uminom at magpakalango.

55 Ang Panginoon ng yaong tagapaglingkod ay paparito sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya inaakala, at siya ay puputulin, at itatalaga siyang kabahagi ng mga di naniniwala.

56 At yaong tagapaglingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang Panginoon, at hindi naghanda para sa pagparito ng kanyang Panginoon, ni ginawa ang alinsunod sa kanyang kalooban, ay hahampasin nang maraming hagupit.

57 Subalit siya na hindi nalalaman ang kalooban ng kanyang Panginoon, at nakagawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga hagupit, ay hahampasin nang kaunti. Sapagkat sa sinumang binigyan ng marami ay marami rin ang hihingiin sa kanya; at sa kanya na pinagkalooban nang labiS ng Panginoon, sa kanya ang mga tao ay higit na hihingi.