PJS, Lucas 21:24–26 (ihambing sa Lucas 21:24–26)
(Ipinaliwanag ni Jesus ang mga palatandaan ng kanyang pagparito.)
24 Ngayon ang mga bagay na ito ay kanyang winika sa kanila, hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem. At sa gayon ang kanyang mga disipulo ay nagtanong sa kanya, sinasabing, Guro, sabihin ninyo sa amin ang hinggil sa inyong pagparito?
25 At sinagot niya sila, at sinabing, Sa salinlahi kung saan ang panahon ng mga Gentil ay matutupad, magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, at sa buwan, at sa mga bituin; at sa lupa ay magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa lakip ang pagkabalisa, katulad ng dagat at mga daluyong na umuugong. Ang mundo rin ay mababagabag, at ang mga tubig ng malawak na kailaliman;
26 Magsisipanlupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay sa mga yaong bagay na sasapit sa mundo. Sapagkat ang mga kapangyarihan sa langit ay payayanigin.
PJS, Lucas 21:32 (ihambing sa Lucas 21:32)
(Ang lahat ay matutupad kapag ang panahon ng mga Gentil ay natupad na.)
32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito, na salinlahi kung saan ang panahon ng mga Gentil ay matutupad, ay hindi lilipas hanggang sa ang lahat ay maganap.