Mga Banal na Kasulatan
Abraham 5


Kabanata 5

Tinapos ng mga Diyos ang kanilang pagpaplano sa paglikha ng lahat ng bagay—Kanilang isinakatuparan ang Paglikha alinsunod sa kanilang mga plano—Pinangalanan ni Adan ang bawat buhay na kinapal.

1 At sa gayon matatapos natin ang langit at ang lupa, at lahat na kinapal niyon.

2 At sinabi ng mga Diyos sa kanilang sarili: Sa ikapitong pagkakataon ay tatapusin natin ang ating gawain, na ating pinag-usapan; at tayo ay mamamahinga sa ikapitong pagkakataon mula sa lahat ng ating gawain na ating pinag-usapan.

3 At winakasan ng mga Diyos ang mga gawain sa ikapitong pagkakataon, sapagkat sa ikapitong pagkakataon sila ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain na kanilang (ang mga Diyos) napag-usapang maanyuan; at ipinangilin ito. At ganito ang kanilang mga naging kapasiyahan nang nag-usap-usap sila tungkol sa paghubog ng kalangitan at ng lupa.

4 At ang mga Diyos ay bumaba at hinubog nga ito, ang kasaysayan ng kalangitan at ng lupa, nang sila ay mahubog sa araw na hubugin ng mga Diyos ang lupa at ang kalangitan,

5 Alinsunod sa lahat ng kanilang sinabi hinggil sa lahat ng halaman ng parang bago ito nailagay sa mundo, at bawat pananim sa parang bago ito tumubo; sapagkat hindi pa pinauulanan ng mga Diyos ang lupa nang sila ay mag-usap na gawin ang mga ito, at hindi pa humuhubog ng tao upang magbungkal ng lupa.

6 Ngunit may isang ulap na pumaitaas buhat sa lupa, at dinilig ang ibabaw ng buong lupa.

7 At hinubog ng mga Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at kinuha ang kanyang espiritu (iyon ay, ang espiritu ng tao), at inilagay ito sa kanya; at hiningahan ang kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.

8 At ang mga Diyos ay naglagay ng isang halamanan sa dakong silangan ng Eden, at doon nila inilagay ang tao, kung aling espiritu ay inilagay nila sa katawan ng kanilang hinubog.

9 At pinatubo ng mga Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabubuting kainin; gayon din ang punungkahoy ng buhay, sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.

10 May isang ilog na dumadaloy mula sa Eden, na dumidilig sa halamanan, at mula roon ito ay nahati at nag-apat na sanga.

11 At kinuha ng mga Diyos ang lalaki at inilagay siya sa Halamanan ng Eden, upang kanyang alagaan ito at ingatan ito.

12 At inutusan ng mga Diyos ang lalaki, nagsasabing: Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay malaya kang makakakain,

13 Subalit ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, ay huwag kang kakain nito; sapagkat sa oras na kumain ka niyon, walang pagsalang mamamatay ka. Ngayon, ako, si Abraham ay nakitang ito ay ayon sa oras ng Panginoon, na alinsunod sa oras ng Kolob; sapagkat sa ngayon ay hindi pa naitakda ng mga Diyos kay Adan ang kanyang pagbilang.

14 At sinabi ng mga Diyos: Gumawa tayo ng makakatuwang ng lalaki, sapagkat hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa, kaya nga, tayo ay huhubog ng makakatuwang niya.

15 At pinapangyari ng mga Diyos na mahimbing na makatulog si Adan; at siya ay natulog, at kinuha nila ang isa sa kanyang mga tadyang, at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon;

16 At mula sa tadyang na kinuha ng mga Diyos sa lalaki, ay hinubog nila ang isang babae, at dinala siya sa lalaki.

17 At sinabi ni Adan: Ito ay buto ng aking buto at laman ng aking laman, ngayon, siya ay tatawaging Babae, sapagkat siya ay kinuha sa lalaki ;

18 Kaya nga iiwan ng isang lalaki ang kanyang ama at kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.

19 At sila ay kapwa hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, at sila ay hindi nagkakahiyaan.

20 At hinubog ng mga Diyos mula sa lupa ang lahat ng hayop sa parang, at lahat ng ibon sa himpapawid, at dinala ang mga ito kay Adan upang malaman kung ano ang kanyang itatawag sa mga iyon, at anuman ang itawag ni Adan sa bawat kinapal na may buhay, yaon ang naging pangalan niyon.

21 At pinangalanan ni Adan ang lahat ng hayop, at ang ibon sa himpapawid, at ang bawat ganid sa parang; at para kay Adan, may natagpuang maging katuwang niya.