Isang Sulat mula sa Isang Apostol
Mula sa mensaheng, “An Epistle to the Saints of the Utah Salt Lake Area,” na ibinigay sa isang multistake conference noong Setyembre 11, 2016.
Magsasalita ako upang balaan kayo sa ilang mga hamon na kinakaharap natin ngayon.
Patuloy na nakakaugnayan ni Apostol Pablo ang mga sinaunang Banal sa pamamagitan ng mga liham, o sulat na ipinadala niya sa iba’t ibang branch, ipinahahayag ang kanyang pagmamahal, tagubilin, at mga turo. Dahil hindi ko kayo lahat personal na makakausap, sa pamamagitan ng pagsasalita ay ibibigay ko sa inyo ang sarili kong sulat para ipahayag ang aking pagmamahal, pasasalamat, at mga turo.
Sa mga Banal sa Corinto, isinulat ni Pablo, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios” (I Mga Taga Corinto 1:1).
Ako rin ay tinawag na maging isang Apostol ni Jesucristo, at bilang natatanging saksi ng Panginoon, nagpapatotoo ako, tulad ng ginawa ni Pablo sa kanyang mga sulat, na ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang sarili para sa atin at na Siya ay ibinangon ng Ama mula sa mga patay (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:1, 4). Pinatototohanan ko rin na ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith sa mga huling araw na ito at ang mga pagpapalang kalakip ng mga walang hanggang tipan ay makakamtan ng lahat ng maniniwala at susunod sa Panginoong Jesucristo.
Sa pagbati sa inyo, gagamitin ko ang mga salita ni Pablo: “Sa iglesia ng Dios … , sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, … sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo” (I Mga Corinto 1:2–3).
Mga kapatid, upang mapanatiling malusog ang ating puso sa ebanghelyo, kailangan natin ng regular na pagpapasuri. Habang nananalangin ako na tulungan ako ng langit, nakatanggap ako ng ilang tagubilin para sa inyo upang mapanatili ninyong matatag at malakas ang inyong espirituwalidad.
Nagbabala si Pablo sa mga Banal noong kanyang panahon tungkol sa mga espirituwal na panganib na naranasan nila. Sa mga taga Galacia, isinulat niya:
“Ako’y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo;
“Na ito’y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo’y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo.
“Datapuwa’t kahima’t kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil” (Mga Taga Galacia 1:6–8).
Magsasalita ako tulad ng ginawa ni Pablo, na mayroong mga “nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo.” Hindi ko tinutupad ang aking tungkulin kung hindi ako magsasalita sa inyo upang balaan kayo tungkol sa mga hamon na nakakaharap natin ngayon.
Dalawang Kapangyarihan sa Sansinukob
Mga kapatid, huwag kalimutan na mayroong dalawang kapangyarihan sa sansinukob: ang isa ay nag-aanyaya sa atin na gumawa ng mabuti at matamo ang walang hanggang kagalakan at kaligayahan, at ang isa naman ay nag-aanyaya sa atin na piliin ang kasalungat nito, na nagdudulot ng kalungkutan at panghihinayang. Itinuturo ng ating doktrina na ang buhay ay isang pagsubok—isang panahon ng pagsubok kung aling paanyaya ang tatanggapin natin.
Ipapaalala ko sa inyo ang propesiya ni Jesus tungkol sa mga huling araw kung saan tayo ngayon nabubuhay: “Sapagka’t may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang” (Mateo 24:24). Nalulungkot tayo kapag nakakakita tayo ng ilan sa “mga hirang” na nalinlang, gaya ng babala ni Jesus.
Kamakailan pumunta ako sa isang maliit na kakahuyan ng mga puno ng sequoia na itinanim maraming taon na ang nakalipas sa kampus ng Brigham Young University. Ipinaliwanag ng isang kaibigan ko na ang mga sequoia ang pinakamalaking puno sa buong mundo at tumataas ang mga ito nang hanggang 286 talampakan (87 m) sa kagubatan. Maaaring mabuhay ang mga ito nang mahigit 3,000 taon.
Isa sa mga puno ay namatay at kailangang putulin, at ang naiwan na lamang ay isang tuod para ipaalala sa sinumang daraan na minsan ay may nakatayong isang mataas, at mayabong na puno roon. Gustong malaman ng arborist ng kampus ang sanhi ng pagkamatay ng puno, dahil tiyak na hindi namatay sa katandaan ang sequoia. Pagkatapos ng pagsusuri, sinabi niya na ang mga ugat ng puno ay namatay sa kawalan ng tubig.
Paano nangyari iyon samantalang yumayabong ang puno roon nang mahigit limang dekada na? Natuklasan ng arborist na ang aquifer na nagbibigay ng tubig sa maliit na kakahuyan ay nalihis nang hindi sinasadya dahil sa pagtatayo ng bagong gusali, sa silangang bahagi lamang ng kakahuyan.
Para sa akin ito ay isang perpektong analohiya sa kung ano ang nangyayari kapag ang matatatag na miyembro ng Simbahan—ang “mga hirang,” mga yaong sa lahat ng anggulo ay tila matatag at matibay sa pananampalataya—ay namatay sa espirituwal.
Tulad ng patay na sequoia, natanggap ng mga miyembrong ito ng Simbahan ang espirituwal na pagkain mula sa balon ng tubig na buhay na ibinigay ni Jesucristo. Ngunit sa anumang kadahilanan, sila ay lumihis mula sa pinagmumulan ng espirituwal na pagkain, at kung wala ang pagkaing iyon manghihina ang kanilang espiritu, at sila ay mamamatay sa espirituwal kalaunan.
Paano natin matitiyak na ang ating espirituwal na mga ugat ay laging nakakonekta sa balon ng tubig na buhay?
Mahahalagang Gawi
Nagbigay ang Panginoon ng mga simple, at personal na gawi para manatili tayong matatag, matibay, at nakakonekta sa Kanya. Ang mga gawing iyon, kapag ginawa nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang, ay nagtutulot sa atin na maging matatag at di-matitinag na mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.
Kasama sa mahahalagang gawing ito ay ang mga bagay na tila madali nating mabale-wala dahil sa pagiging abala sa buhay, kahit ang ginagawa natin ay mabubuting bagay tulad ng pag-aaral, pagtatrabaho para suportahan ang pamilya, at pagtulong sa komunidad at paglilingkod sa Simbahan.
Kabilang sa mga gawing ito ang araw-araw na panalangin, taimtim na pag-aayuno, regular na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, pagkalugod sa araw ng Sabbath, pagtanggap ng sakramento nang may pagpapakumbaba at pag-alaala sa Tagapagligtas sa tuwina, pagsamba sa templo nang madalas hangga’t maaari, at, ang huli, pagtulong sa mga maralita, at nalulumbay—sa mga taong nasa paligid natin at nasa iba’t ibang dako ng mundo.
Kapag tumigil ang isang tao sa paggawa ng mga simple at mahahalagang bagay na ito, inihihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa balon ng tubig na buhay at tinutulutan si Satanas na putikan ang kanilang isipan ng mapanlilinlang at maruruming ideya, na bumabara sa mga arterya ng katapatan at nagpapahina sa espiritu gamit ang mga huwad na nutrisyon. Pinalalabo ng kasalanan ang isipan—na nagiging dahilan para ipagkaila ng marami ang mga nadamang inspirasyon at paghahayag noon at nagdudulot ng “pagkawala ng patotoo” sa mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang isang bagay na palagi kong naiisip ay na ang mga taong hindi nakatuon sa simpleng doktrina at ebanghelyo ni Jesucristo ay makikinig kalaunan sa mga huwad na guro at mga bulaang propeta at tatanggapin ang mga pilosopiya ng mundo. Kabilang sa mga alternatibong tinig na ito:
-
Ang atraksyon ng kayamanan na nagdudulot ng kapalaluan.
-
Mga bagay na gusto na higit na pinahahalagahan kaysa sa mga bagay na kinakailangan, kaya lumalaki ang utang.
-
Paglilibang na naglalayo sa kapakinabangan at kabutihang maidudulot ng ebanghelyo.
-
Mga aktibidad na humahadlang sa atin na angkop na maigalang ang araw ng Sabbath.
-
Mga podcast at mga internet site na kumukuwestiyon at nag-uudyok ng pag-aalinlangan nang walang tunay na intelektuwalidad para mailahad nang sapat at tapat ang pananaw ng Panginoon.
Tulungan ang Iba na Mahanap ang mga Sagot
Gusto kong matiyak na naunawaan ninyo ang mahalagang bagay na ito. Hindi naman talaga mali ang magtanong o suriin ang ating kasaysayan, doktrina, at mga gawain. Nagsimula ang Panunumbalik nang maghanap si Joseph Smith ng sagot sa isang tapat na tanong.
Mga magulang, auxiliary leader, mga guro sa Simbahan (kasama ang mga guro sa seminary at institute), mga bishop, at stake president: Kapag may isang taong lumapit sa inyo at nagtanong o may alalahanin, mangyaring huwag balewalain ito. Huwag sabihin sa kanya na huwag alalahanin ang tungkol sa tanong. Huwag pag-alinlanganan ang katapatan ng tao sa Panginoon o sa Kanyang gawain. Sa halip, tulungan ang tao na mahanap ang mga sagot sa mga tanong.
Nag-aalala ako kapag may naririnig ako tungkol sa mga tapat na tao na totoong nagtatanong tungkol sa ating kasaysayan, doktrina, o mga gawain at pagkatapos ay itinuturing sila na tila walang pananampalataya. Hindi ito ang paraan ng Panginoon. Tulad ng sinabi ni Pedro, “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t [lalaki o babae] na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” (I Ni Pedro 3:15).
Kinakailangang mas pagsikapan nating masagot ang mga bagay na itinanong nang taos-puso. Bagama’t maaaring hindi natin masasagot ang lahat ng tanong tungkol sa sansinukob o tungkol sa ating kasaysayan, doktrina, at mga gawain, makapagbibigay tayo ng maraming sagot sa mga taong tapat na nagtatanong. Kapag hindi natin alam ang sagot, maaari nating saliksikin nang magkasama ang mga sagot—pagsasaliksik nang magkasama na maaaring maglapit sa atin sa isa’t isa at sa Diyos. Mangyari pa, hindi tayo palaging makakahanap ng kasiya-siyang sagot sa ating mga tanong. Sa ganitong mga pagkakataon, makabubuting alalahanin na ang pananampalataya ay mahalagang bahagi pa rin ng relihiyon. Kung minsan ay maaari tayong matuto, mag-aral, at makaunawa, at kung minsan ay kinakailangan tayong maniwala, magtiwala, at umasa.
Tulungan ang mga nagtatanong na maunawaan na hindi hinihingi ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na malaman nila ang lahat ng bagay tungkol sa kasaysayan at doktrina. Kaya, hindi natin dapat asahan na alam ng mga magulang, lider, at guro ang lahat ng sagot sa lahat ng tanong. Maging sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, mayroong mga yaong ibang-iba ang karanasan at kasanayan kaya’t sa aming talakayan at deliberasyon nakapagbabahagi kami ng marami at iba-ibang karanasan at kaalaman.
Kapag may tanong ako na hindi ko masagot, madalas akong humingi ng tulong sa mga taong makatutulong sa akin. Ang Simbahan ay mapalad na magkaroon ng mahuhusay na iskolar at ng mga taong inilaan ang kanilang buong buhay sa pag-aaral, na natutuhan ang ating kasaysayan at ang mga banal na kasulatan. Ang mahuhusay na kalalakihan at kababaihang ito ay naglalaan ng konteksto at karanasan para mas maunawaan natin ang ating sagradong nakaraan at mga kasalukuyang gawain. Sa tulong ng impormasyong ito na inilalaan nila, mas naging handa ako na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo.
Ang Simbahan ay tapat sa pagiging totoo at walang itinatago sa publiko at naglathala ng mahahalagang sanggunian o materyal para maglaan ng mga bagong kaalaman at magbigay ng mas maraming konteksto sa kuwento ng Panunumbalik sa pamamagitan ng Joseph Smith Papers website at sa Gospel Topics essays sa ChurchofJesusChrist.org. Napakagandang panahon ito para pag-aralan ang kasaysayan at doktrina ng Simbahan, sa pamamagitan ng napakaraming mga sanggunian at eksperto na naglaan ng mga konteksto at kaalaman tungkol sa ating nakaraan. Laging manalangin at sundin ang pahiwatig ng Espiritu Santo, na siyang naghahayag ng mga espirituwal na katotohanan.
Mamuhay Ayon sa Inyong Kinikita
Nag-aalala ako na ang ilang mga miyembro ay gumagastos nang mahigit pa sa kanilang kinikita sa paghahangad nilang magkaroon din ng mga bagay na mayroon ang kanilang kapwa. Malaking pagkakamali ang nagagawa natin kapag ikinukumpara natin ang ating sarili sa mga taong mayayaman, at nalilimutan na marami sa atin ang namumuhay na nang sagana sa lupain. Mangyaring makuntento at tamasahin ang mga pagpapala na natanggap na ninyo sa halip na maging alipin ng hindi matalinong pangungutang. Huwag na huwag na hindi kayo magbabayad ng ikapu, at bukas-palad na magbigay ng mga handog para matulungan ang mga maralita.
Magsaya na Kasama ang Isa’t isa
Ilan sa inyo ay maaaring abalang-abala sa napakaraming aktibidad, kabilang ang mabubuting gawain. Huwag bigyan ng mga aktibidad ang inyong mga anak nang higit sa makakaya nilang gawin. I-turn off ang social media at iba pang bagay na nakagagambala sa tuwi-tuwina para magkuwentuhan at magsaya na kasama ang isa’t isa. Tulad ng itinuro ko noon sa pangkalahatang kumperensya, regular na magdaos ng family council (tingnan sa “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63–65).
Alalahanin, pinayuhan tayo ng Panginoon na “magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Mga Awit 46:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16).
Para mapanatiling abala at malayo sa mga bagay na pinakamahalaga ang mga miyembro ng pamilya, may isang tao na laging gumagawa ng isang bagong bagay—isang bagong app o game, halimbawa, na nag-uudyok sa mga kabataan na tumingin sa kanilang mga smartphone sa halip na tumingin sa magagandang likha ng Diyos sa napakagandang daigdig na ito o sa isang tao na gusto nilang makilala, ideyt, at pakasalan at totoong makakasama nila na magbubunga ng mga pagpapalang pangwalang-hanggan.
Ibigin Mo ang Iyong Kapwa
Magsasalita ako nang kaunti tungkol sa ating mga kaibigan, kapit-bahay, kaklase at katrabaho na hindi mga miyembro ng Simbahan. Bagama’t mahigpit nating sinusunod ang dakilang utos at tagubilin mula sa Panginoon, “Magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19), iginagalang at nirerespeto natin ang kalayaan ng lahat na mag-isip at maniwala—o hindi maniwala—anuman ang piliin nila.
Kung hindi interesado ang isang kapit-bahay, katrabaho, o kaklase na alamin ang ebanghelyo, dapat patuloy natin silang kaibiganin. Dapat walang kundisyon ang pagmamahal natin sa kanila, dapat ito ay tapat at walang hinihinging kapalit.
Ang mga anak natin ay natututo nang husto sa pamamagitan ng halimbawa ng mga magulang at lider. Maging maingat tayo tungkol sa mga sinasabi natin sa iba at kung paano natin tinatrato ang ating kapwa. At tandaan, may karapatan tayo na hindi sumang-ayon, ngunit hindi tayo dapat makipagtalo.
Itinuro ni Jesus, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 19:19). Kung tayo ay Kanyang mga disipulo, dapat tayong magpakita ng paggalang at kabaitan ng isang Kristiyano sa lahat ng nakakausap natin, maging sa mga yaong nagpasiyang umalis sa Simbahan.
Magtulungan tayo kasama ang mga taong may mabubuting hangarin sa lahat ng mabubuting layunin at ibilang sila sa ating mga kaibigan at kasamahan. Taos-puso natin silang anyayahan sa ating mga chapel at mga aktibidad sa ward.
Kapayapaan at Payo ng Propeta
Ang aking sulat sa inyo bilang apostol ay tatapusin ko sa pagpapatooo na kung inyong pag-iisipan nang mabuti ang mga payo ng propeta, masusumpungan ninyo na nakakonekta ang inyong espirituwal na ugat sa “balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14). Hindi kayo mamamatay sa espirituwal na katulad ng puno ng sequoia; bagkus, pinatototohanan ko na magkakaroon kayo ng higit na kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa inyong buhay sa pamamagitan ng pagtanggap kay Jesucristo at sa mga tagapaglingkod na Kanyang tinawag at pagsunod sa plano ng Kanyang ebanghelyo. Kung hindi ibabaling ng mga tao ng mga bansa ang kanilang mga puso pabalik sa Diyos at sa Kanyang mga turo at plano, tiyak na mararanasan natin ang mga bunga na inihayag sa mga banal na kasulatan.
Mahal kong mga kapatid, responsibilidad natin na ihanda ang Simbahan at ang ating sarili para sa mga araw na iyon na tiyak na darating kung patuloy na babalewalain at hindi papansinin ng mga tao sa mundo ang Diyos ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan ang mga ibubunga ng pagtalikod sa Diyos.
Mahal namin kayo. Pribilehiyo ko na hilingin sa ating Ama sa Langit na pagpalain kayo. Nawa’y mapasainyo ang kapayapaan. Nawa’y magkaroon kayo ng kagalakan sa inyong puso. Nawa’y magkaroon kayo ng lakas ng loob na magsisi kung kinakailangan. Kung mayroon man sa buhay ninyo na hindi mabuti, nawa’y pagkalooban kayo ng Panginoon ng lakas ng loob na magsisi at magbago, simula sa araw na ito. Nawa’y pagkalooban kayo ng Panginoon ng lakas na maibaling ang inyong puso sa Kanya, na mahalin Siya, at paglingkuran Siya nang sa gayon ay ligtas kayong makapamuhay sa mortalidad, naghahanda sa araw na mayakap ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak.
Bilang natatanging saksi ni Cristo, nagpapatotoo ako na alam ko na si Jesus ang Cristo. Siya ay Anak ng Diyos. Ang mga bagay na sinabi ko ay totoo, at umaasa ako na tatanggapin ninyo ang aking sulat ayon sa diwang iyon. Pinatototohanan ko na ito ay Simbahan ni Jesucristo.
Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga kapatid, habang ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya na makapaghanda para sa araw na iyon kapag ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig ay muling paparito bilang ating Panginoon at Hari.