2019
Perpeksiyonismo: Isang Nakapipinsalang Laro na “Hanapin ang Pagkakaiba”
Setyembre 2019


Perpeksiyonismo Isang Nakapipinsalang Laro na “Hanapin ang Pagkakaiba”

Ang awtor ay nakatira sa Tasmania, Australia.

May mga pagkakataon na nadarama nating lahat na hindi tayo mahusay. Ngunit kailangan nating tiyakin na nasusuri natin nang tama ang ating sarili.

people in a crowd

Mga paglalarawan ni Kelsey Garrity Riley

Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ang larong “Hanapin ang Pagkakaiba” sa aming lokal na diyaryo. Sa dalawang halos magkaparehong larawan, na magkatabi, ay hahanapin ang maliliit na pagkakaiba ng mga larawan. Kung titingnan mong mabuti ang bawat bahagi ng larawan, marami kang mahahanap, kung hindi man lahat, na mga pagkakaiba. Ang layunin ng aktibidad na ito ay hindi upang hangaan ang mga larawan ni kumpletuhin ang pangalawang larawan; ang layunin ay mahanap ang imperpeksyon sa hindi kumpletong kopya ng unang larawan.

Ang isang karaniwang hamon para sa mga young adult ay ang damdaming nabigo tayo na sundin ang pamantayang nakita natin na magagawa natin. At lalo pa tayong nakadarama ng pagkabigo sa pagkukumpara ng ating sarili sa iba at nakikita ang isang tao na nagsisimula sa isang magandang career, isa pang taong nakakuha ng perpektong grado sa kanilang pag-aaral, taong mayroong maraming kaibigan, at isang tao na nakikita nating mas mabait, mas matalino, mas bukas-palad at mas mapagpatawad kaysa sa atin. At malamang na mas bata rin sila kaysa sa atin! Talagang napakadali lang maglaro ng “Hanapin ang Pagkakaiba” sa pagitan ng ating sarili at ng mga tao sa paligid natin at tiyak na makagagawa tayo ng mahabang listahan ng mga dahilan na “mas mahusay” ang ibang tao kaysa sa atin.

Ang ganitong uri ng pag-iisip ay mapanganib kung naniniwala tayo na ang kahalagahan ng ating sarili ay dahil lamang sa ating mga tagumpay, katangian, o pagkakaroon ng temporal na kayamanan. Bukod pa rito, ang laro natin na “Hanapin ang Pagkakaiba” ay bihirang tumukoy ng mga kalakasan at katangian natin na katulad ng kay Cristo na tinaglay natin sa ating buhay at inaalis ang pangunahing katotohanan na lahat tayo ay may potensiyal na maging ganap o perpekto tulad ni Cristo … balang-araw. Nang ipahayag ng Tagapagligtas na, “Maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap” (3 Nephi 12:48), naniniwala ako na hangad Niya na pag-ibayuhin ang ating mga inaasam at bigyan tayo ng pag-asa—dahil ang Kanyang paanyaya ay kapwa nananawagan ng pagsisisi at pagpapahayag ng Kanyang pagtitiwala sa atin na magagawa natin ang iniuutos Niya. Ang malaking hamon para sa atin ay ang pagdaig sa mga ugali ng likas na tao na pagiging mainggitin, mapaghinanakit, madaling mawalan ng pag-asa, at mapag-alinlangan, at piliin ang pagpapakumbaba, pagsisisi, pananampalataya, at pag-asa.

Matwid Ngayon, Perpekto Kalaunan

Bahagi ng pagdaig sa negatibong “perpeksiyonismo” na pinalalaganap ng kaaway ay ang pag-unawa kung ano ang pagiging perpekto. Sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa paksang kasakdalan o pagiging perpekto, ipinaliwanag niya na ang orihinal na salitang Griyego para sa sakdal sa Mateo 5:48 ay nangangahulugang “ganap.”1 Walang sinuman sa atin ang magiging “ganap” sa mortal na buhay na ito: ang pagiging ganap ay mangyayari sa kawalang-hanggan.

Kapag nadama natin na mahirap magpakaperpekto, makasusulong tayo nang paunti-unti sa landas na patungo sa pagiging perpekto: halimbawa, kapag nagbayad tayo ng buong ikapu, masusunod natin nang ganap ang kautusang magbayad ng ikapu. Kapag nagdarasal tayo araw-araw, makikita natin na perpekto tayo sa pagpiling manalangin araw-araw. Ang bawat hakbang sa landas na patungo sa kasakdalan o pagiging perpekto (na tinatawag din na landas ng tipan) ay naglalayon na magbigay sa atin ng kagalakan. Ang regular na pagsusuri ng sarili ay muling magpapatunay sa atin na tayo ay umuunlad at na nalulugod ang ating Ama sa paglakas ng ating espirituwalidad.

Ang pagkamatwid at perpeksiyon ay hindi magkasinghulugan. Bagama’t pagiging perpekto ang kahahantungan, ang pagkamatwid ay huwaran ng pananampalataya at pagsisisi na pinipili natin araw-araw. Kung pagiging perpekto ang patutunguhan, ang ating mga tipan ang ating pasaporte at ang pagkamatwid ay mga hakbang sa paglalakbay. Kung ganito ang ating pananaw sa pagiging perpekto, makakaasa tayo sa mabubuting bagay na darating kapag matiyaga at masigasig tayo sa pagtataglay ng mabubuting pag-uugali.

Asahan ang Pagkabigo, Gustuhin ang Pagsisisi

Kamakailan, pinagnilayan ko ang pahayag ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu: “Ang pagsisisi ay hindi alternatibong plano [ng Diyos] sakali mang mabigo tayo. Pagsisisi ang Kanyang plano, batid na gagawin natin ito.”2 Ang buhay na ito ay panahon ng pagsubok na ibinigay sa atin para maghanda sa kawalang-hanggan. Ang pagsisisi ay naghahanda sa atin at sa pamamagitan nito ay nababago ang paraan ng pagtingin natin sa ating sarili at mas inilalapit tayo sa Diyos at sa Tagapagligtas. Asahan natin na mabibigo tayo o magkakamali, marahil araw-araw; iyan ay dapat nang asahan, at hindi dapat humantong sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, dapat masaya tayo kapag natatanto natin ang ating mga kakulangan o pagkakamali dahil mayroon tayong pagkakataon na makiisa kay Cristo sa paggawang kalakasan ang ating mga kahinaan.

Kaya, bagama’t ang pagiging perpekto ang mithiin, ang daan na dapat nating tahakin ay kinapapalooban ng pagsisisi at pagsulong sa araw-araw nang may ngiti sa ating mukha at pasasalamat sa ating puso.

Umasa kay Cristo

looking toward Christ

Si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nagsabing, “Anuman ang palagi nating hinahangad, sa paglipas ng panahon, ay ang siyang kahihinatnan natin sa huli at matatamo sa kawalang-hanggan.”3 Ang pinipili natin sa araw-araw ang magpapasiya kung ano ang magiging kahihinatnan natin. Kung ang taos-puso nating hangarin ay maging tulad ng Tagapagligtas at ang layunin natin ay mahalin Siya, nakikita sa mga pinipili natin ang hangaring iyan at magbabago tayo.

Kapag naharap tayo sa mga hadlang, kapag nagkamali tayo, at natukso, maaaring piliin nating tumalikod kay Cristo, o umasa kay Cristo nang may pananampalataya, pag-asa, pagtitiis, may bagbag na puso, at nagsisising espiritu. Ang solusyon o sagot sa mahirap nating sitwasyon ay palaging matatagpuan kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo. Kapag umasa tayo kay Cristo, tuturuan at babaguhin Niya tayo.

Marami sa mga hamon ng buhay ay nahahati sa dalawang kategorya: ang madaraig sa buhay na ito, at ang madaraig sa kabilang buhay, marahil isang kapansanan, depresyon at kalungkutan, o patuloy na pagtukso. May kapangyarihan si Cristo na pagalingin tayo. May kapangyarihan Siya na baguhin tayo. Kapag pinili nating magpakumbaba, tinatanggap natin ang panahon at kalooban ng Panginoon at kung masigasig nating hahangarin ang Kanyang tulong at paggabay, tatanggap tayo ng lakas, paghihikayat ng langit, at kapayapaan.

Mag-ingat sa Kapalaluan

comparing

Ang kaaway ay hindi kailanman nagbibigay ng magagandang solusyon sa ating mga problema. Kapag natuklasan natin ang ating mga kabiguan at kahinaan, inuudyukan niya tayo na ilihim ang mga ito sa iba dahil gusto nating ipakita na wala tayong pagkakamali hangga’t maaari. Ito ay isang uri ng kapalaluan. Si Cristo ay laging nagbibigay ng magagandang solusyon sa ating mga problema, gayunpaman, hindi madali ang mga solusyong ito. Halimbawa, inaanyayahan tayo ng Panginoon na magtiwala sa Kanya kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo samantalang sinasabi naman sa atin ni Satanas na hindi tayo dapat magbahagi ng ebanghelyo dahil hindi tayo mahusay. Ngunit ipinangako ng Panginoon na ibibigay Niya sa atin kung ano ang sasabihin natin “sa mga oras na yaon” (Doktrina at mga Tipan 100:6). Sa katunayan, pinatitindi ng kaaway ang ating mga pag-aalinlangan samantalang pinalalakas ng Panginoon ang ating pananampalataya.

Sa halip na ituon ang ating sarili sa paglalaro ng “Hanapin ang Pagkakaiba” at “Itago ang Kahinaan,” nais ni Cristo na umasa tayo sa Kanya at makibahagi sa “Pagbabago ng Kahinaan.” Ang kapalaluan sa katunayan ay pakikipagkumpetensya, gayunpaman, ang buhay ay hindi nilayon bilang isang kumpetisyon. Kapag pinili natin si Cristo bilang ating huwaran, kaibigan, at katuwang, maiwawaksi natin ang pagkukumpara na hindi nakabubuti sa atin at magkakaroon ng kapayapaan sa landas patungo sa pagiging perpekto.

Alalahanin, ang buhay nating lahat ay nakakaranas ng imperpeksyon at mga kaugnay nitong mga kahinaan. Kung nakikita nating nahihirapan ang iba, maaari tayong maging mabuting impluwensya para matulungan sila. Kung nakikita natin na nagtatagumpay ang ating kapwa, maaari natin silang batiin nang taos-puso. Ngunit hindi makabubuti sa atin ang ikumpara kung nakalalamang o hindi ang ating pagkamatwid o tagumpay sa ibang tao. Maaaring hindi nakikita ng ibang tao ang ating kahalagahan, ngunit nakikita ito ng Diyos: para sa Kanya tayo ay may walang hanggang kahalagahan. Tayo ay mananatiling mga anak Niya. Minamahal Niya tayo nang walang hinihintay na kapalit, at nalulugod Siya sa ating matwid na mga pagsisikap na maging katulad Niya.

Si Jesucristo ay laging nakatunghay sa ating buhay. Siya ay nariyan, nakababatid, at kumikilos para iligtas tayo at gabayan pabalik sa tahanang selestiyal. Dahil sa Kanyang lakas kaya nagagawa natin ang lahat ng bagay at sa pamamagitan Niya ay walang imposible. Sa buhay na ito na hindi perpekto, ang Panginoon ang ating pag-asa at huwaran at hindi tayo huhusgahan sa pamamagitan ng pagkukumpara sa atin sa ating mga kapatid. Nakikita Niya ang nilalaman ng ating puso at magpapadala ng hangin sa ating paglalayag sa patuloy nating paglalakbay patungo sa pagiging ganap. Kumilos tayo nang may pananampalataya, nagsisisi at umaasa sa Kanyang pangako na sa huli, tayo ay magiging “ganap sa kanya” (Moroni 10:32).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86.

  2. Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 22.

  3. Neal A. Maxwell, “According to the Desire of [Our] Hearts,” Ensign, Nob. 1996, 21.