Ikaw: Hinuhubog Ka Pa ng Panginoon
Pakiramdam mo ba’y hindi ka sapat? Oras na upang bigyan ang sarili mo ng pahinga.
Madalas mo bang nararamdaman na nagkukulang ka? Nagtatagal ka ba sa isang bagay upang magawa ito nang ayos na ayos o, mas malala pa, matagal na naghihintay bago magsimula dahil alam mong hindi sasapat ang mga pagsisikap mo? Maaaring nahihirapan kang paglabanan ang perfectionism o obsesyon na maging perpekto.
Isa pang maikling tanong: kasalukuyan bang nananahan ang iyong espiritu sa iyong katawan na nabuhay ng mag-uli? Kung oo, huwag mong pansinin ito. Wala kang mababasang mahalaga rito. Ngunit kung hindi, para sa iyo ang mensaheng ito. Dahil gaano man kabuti ang iyong mga ginagawa araw-araw (o hindi), ano man ang grado mo, kalagayan ng pamilya, o karera sa trabaho, kung nasa mortalidad ka, ikaw ay hinuhubog pa rin ng Panginoon.
Walang Kasalanan Bersus Ganap
Minsang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa kanyang natutuhan habang pinag-aaralan niya ang orihinal na Griyegong teksto ng Bagong Tipan kasama ng salin nito sa Ingles. Hinahanap niya ang salitang perpekto.
Isang talata na tila ba nakadidismaya sa marami ay ang Mateo 5:48: “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” Gayunman, mahalagang malaman na ang orihinal na Griyegong teksto ay hindi tumutukoy sa kawalan ng kasalanan o kawalan ng pagkakamali.
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Sa Mateo 5:48, ang salitang sakdal ay isinalin mula sa Griyegong teleios, na ang ibig sabihin ay ‘kumpleto.’”1
Nagbigay si Pangulong Nelson ng makabuluhang halimbawa ng katotohanang ito: “Bago pa mangyari ang Kanyang pagpapapako sa krus, sinabi ni [Jesucristo] na ‘ako’y magiging sakdal sa ikatlong araw.’ Kamangha-mangha iyan! Ang walang kasalanan at hindi nagkakamaling Panginoon—sakdal na sa mga pamantayan ng ating mortalidad—ay inihayag ang kanyang kasakdalang mangyayari pa lamang sa hinaharap. Ang kanyang walang hanggang kasakdalan ay mangyayari matapos ang kanyang pagkabuhay ng mag-uli.’”2
Ang mga Panganib ng Perfectionism o Obsesyon na Maging Perpekto
Gayunman, karaniwang pag-uugali ang ipagpaliban ang ating pangangailangan ng banal na tulong at subukang gawin ito nang mag-isa at hindi magkamali. Sa ganoon, nagkukulang tayo.
Inilarawan ng mga behavioral scientist ang perfectionism bilang “isang mabilis at mahirap na daan patungo sa kalungkutan.” At totoo iyon! Ang perfectionism ay magnanakaw ng kaligayahan at kasiyahan. Kinukuha nito ang iyong pagpapahalaga sa sarili, ginagawang hindi sapat ang iyong mga pagsisikap, at maaaring ilagay ka sa walang katapusang pagtatangka na gawin ang higit pa sa posible.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito ‘matatamo [sa sariling sikap]’. Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na pagbatikos sa sarili.”3
Maging mas Mabait sa Iyong Sarili
Ikaw ba mismo ang pinakamatinding kaaway ng sarili mo? Mas alam mo ba kung paano limitahan ang sarili mong pag-unlad kaysa sa ibang tao? Kung gayon, itigil mo ito! Sa halip, simulang imbitahin ang “biyaya ni Cristo” sa iyong buhay upang mahanap ang tulong na kinakailangan mo.
Sa hindi perpektong mundong ito, hindi mauubos ang mga taong handang sabihin sa iyo na kulang pa rin ang ginawa mo. Hindi mo kailangang idagdag ang sarili mo sa listahang iyon ng mga kritiko.
Oras na upang maging mas maluwag sa iyong sarili. Pagsumikapan ang pagpapabuti, oo, ngunit tandaan din ang sumusunod na payo ni Elder Holland: “Umaasa ako na makakamtan natin ang sariling pag-unlad sa paraang hindi kasama ang pagkakaroon ng ulcer o anorexia, depresyon o ang pagmamaliit sa ating sarili.”4
Matatanto mong mas madali itong sabihin kaysa gawin, isaalang-alang ang pagsisimula sa kaunting pag-eensayo.
Unti-unti
Sa huli, maikli lamang ang buhay na ito upang maramdaman na palagi kang nagkakamali. Sinabi ito nang pinakamainam ni Pangulong Nelson: “Dapat tandaan nating lahat: tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan—hindi kalungkutan!”5
Bilang isang hinuhubog ng Panginoon, ang iyong ganap na kasakdalan ay darating sa susunod na buhay. Sa ngayon, patuloy lamang gawin ang lahat ng iyong makakaya. Mararating mo rin iyon sa tulong ng Panginoon at sa oras ng Panginoon.
Sa beatitudes o mga lubos na pagpapala at iba pang aspeto ng pagkadisipulo, sinabi Niya, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48).
Bawat lalaki at babae ng Diyos ay inaasahang mangagpakasakdal—sa wakas. Ngunit lahat tayo’y tao at madaling magkasala. Kaya upang magbigay sa atin ng pag-asa, itinuro ni Propetang Moroni na kung tayo ay “[lalapit] kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan; at iibigin ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa [atin], upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya [tayo] ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32). Ang ating Ama sa Langit ay nagplano para sa ating mga tao, ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi tayo maaaring maging kalalakihan at kababaihan ng Diyos kahit mayroon tayong mga pagkukulang. At ako ay nagpapasalamat dito.
Maaari tayong maging kalalakihan at kababaihan ng Diyos kahit nalilito at nagkakamali tayo minsan. Ang kailangan lamang ay gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mamuhay nang naaayon sa ebanghelyo, at ang ating Tagapagligtas na ang tutulong sa atin sa daan patungo sa kasakdalan.