Nakadama ng Kapayapaan sa Kakulangan
Kapag umasa tayong maging perpekto ngayon, pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong umunlad.
Isa sa mga maling pagkaunawa na nagpapahirap sa atin sa buhay na ito ay may kinakalaman sa konsepto ng pagiging perpekto. Maraming nagkakamali sa paniniwala na kailangan tayong maging perpekto sa buhay na ito para maligtas o mapadakila.
Bilang therapist, minsa’y nakausap ko ang isang babae na nagsimulang humagulgol. Sabi niya, “Paano magiging sapat ang kabutihan ko?” Patuloy niyang ikinuwento na hindi siya karapat-dapat. Habang pinag-uusapan namin ang nadarama niya, wala siyang malaking kasalanang nagawa noong araw o ngayon. Nadama lang niya na hindi sapat ang kanyang kabutihan. Inihambing niya ang kanyang sarili sa mga kapitbahay, kaibigan, at kamag-anak, at lahat ng naaalala niya ay “mas mabuti,” sa pag-aakala niya, kaysa sa kanya.
Ang mga Iniisip ay Nagiging Totoo sa Atin
Alam ko na marami nang nakadama na may kakulangan sila at hindi sila mapanatag, sa isang tungkulin man, bilang magulang, o anupaman. Ang damdaming ito ay maaaring maging dahilan upang itago natin ang ating mga talento at huwag itong ipakita sa iba o makadama tayo ng panghihina, kaligaligan, o depresyon. Ang ating mga iniisip tungkol sa ating sarili ay lubhang nakakaimpluwensya sa ating pag-uugali at damdamin. Marami sa atin ang nagsasabi sa ating sarili ng mga bagay na hinding-hindi natin sasabihin sa iba. Dahil dito, hindi natin naaabot ang ating tunay na potensyal at nababawasan ang ating mga kakayahan at talento. Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Lalong sinisikap ni Satanas na daigin ang mga Banal sa pamamagitan ng kawalan ng pag-asa, panghihina ng loob, at depresyon.”1
Mabuti na lang, “ang opinyon na tanging mahalaga sa atin ay ang iniisip sa atin ng ating Ama sa Langit,” pagtuturo ni Elder J. Devn Cornish ng Pitumpu. “Mangyaring taimtim na itanong sa Kanya kung ano ang iniisip Niya tungkol sa iyo. Tayo ay itatama niya ngunit hindi kailanman kukutyain; ang pangungutya ay taktika ni Satanas.”2
Ang Kakulangan ay Isang Pagkakataon
Narito tayo sa lupa upang magkaroon ng galak, at bahagi ng kagalakang iyan ang ating ginagawa, pinaniniwalaan, at tinatanggap. Kung tatanggapin natin na tayo ay mga anak ng Diyos na may kapintasan na natututo sa buhay, matatanggap natin ang ating mga kakulangan. Ang umasa na maging perpekto tayo sa madaling panahon ay mangangahulugan na pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong umunlad. Ipagkakait natin ang kaloob na pagsisisi at ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay. Sabi ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Iisa lang ang perpektong nilalang, ang Panginoong Jesus. Kung ang mga lalaki [at mga babae] ay kailangang maging perpekto at sumunod nang mahigpit, buo, at lubos sa lahat ng batas sa buhay na ito, iisa lang ang maliligtas sa kawalang-hanggan. Itinuro ni Propetang [Joseph Smith] na maraming bagay na gagawin, kahit sa kabilang buhay, para tayo maligtas.”3 Ang ating mga kakulangan mismo ay maaaring isang paraan na inihahanda tayo ng Diyos na makabalik sa Kanya.
Ang mga Kahinaan ay Maaaring Maging mga Kalakasan
Ang pagbaling sa ating Ama sa Langit para sa ating kahinaan at kakulangan ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Ang prosesong ito ay inilarawan sa Eter: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Kapag tayo ay nagpapakumbaba, yayakapin tayo ng ating Ama sa Langit at tutulungan tayong matuto mula sa ating mga kahinaan. May isang halimbawa nito sa Bagong Tipan. Nang mahirapan si Pablo sa “tinik sa [kanyang] laman,” nalaman niya na napakumbaba siya ng kanyang kahinaan at inilapit siya nito sa Diyos (tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:7). Ang kapakumbabaan at kahandaang ito mismo na matuto ang kailangan nating gamitin sa sarili nating mga kahinaan. Kailangan tayong matuto mula sa mga kahinaang ito para maging mga kalakasan ang mga ito.
May pagkakaiba rin ang pagiging mapagkumbaba sa mababang pagtingin sa sarili. Ang kapakumbabaan ay inilalapit tayo sa Panginoon, samantalang ang kahihiyan at kasalanan ay maglalayo sa atin sa Panginoon. Ayaw ng Diyos na hamakin natin ang ating sarili at madama na maliit ang ating kahalagahan sa Kanyang mga mata. Masakit ito sa Kanya at sa atin. Mahalagang tanggapin na nararapat tayo sa oras at pagsisikap na kailangan para magbago. Bahagi ng kahulugan ng buhay na ito sa lupa ang maghanap ng mga paraan para baguhin ang ating mga kahinaan. Ang ilang kahinaan ay maaaring habambuhay nating paglalabanan, samantalang ang iba ay maaaring mas mabilis daigin.
Ilang taon na ang nakararaan tinulungan ko ang isang kliyente, si Rachel (binago ang pangalan), na may problema sa pag-inom ng alak. Binigyan siya nito ng lakas ng loob at naging paraan upang malimutan ang mga pasanin niya sa buhay. Ipinasiya niyang daigin ang kanyang adiksyon, at sa kaunting tulong at panghihikayat, tumigil siya sa pag-inom ng alak. Bago niya lubos na nadaig ang kanyang problema sa pag-inom ng alak, hindi niya minaliit ang kanyang sarili dahil sa kanyang kahinaan. Kinilala niya ito. Pagkatapos, sa kanyang determinasyon at sa tulong ng isang butihing bishop, ng Panginoon, at ng ilang importanteng tao, ipinasiya ni Rachel na ititigil niya ang pag-inom ng alak. Nang huli kaming mag-usap, ikinuwento niya na wala na siyang hangaring uminom.
Para madaig ang ating mga kahinaan, kailangan tayong bumaling sa Panginoon nang may pananampalataya, pag-asa, at pag-unawa na poprotektahan at susuportahan Niya tayo. Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa taong mahina at takot, magtiyaga sa sarili mo. Hindi ka nagiging perpekto sa buhay na ito kundi sa kabilang buhay. Huwag mong gustuhing makamit ang mga bagay-bagay na hindi makatwiran. Ngunit gustuhin mong magpakabuti. Kapag nagpatulong ka sa Panginoon na makayanan iyon, Siya ang gagawa ng kaibhan.”4
Piliin ang Kaligayahan Ngayon
Sa gitna ng pagpapakabuti, maaari nating piliin ang kapayapaan at kaligayahan ngayon. Kahit sa gitna ng pinakamahihirap na sitwasyon, mapipili natin ang magiging saloobin natin. Sinabi ni Viktor Frankl, isang bantog na psychiatrist at Holocaust survivor, “Lahat ng bagay ay makukuha sa isang tao maliban sa isa: ang pinakahuli sa mga kalayaan ng tao—ang pumili ng magiging saloobin niya sa anumang sitwasyon, ang pumili ng sarili niyang paraan.”5
Sinabi sa atin, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Hindi ito nangangahulugan na biglang pupuspusin ng Diyos ng kaligayahan ang ating buhay. Ang kaligayahan ay isang pagpili para sa karamihan sa atin. Kailangan ng pagsisikap at pagsasanay na magpasalamat, magtiwala, at manampalataya. Maaaring mapuno ng negatibo ang ating buhay kung tutulutan natin ito. Maaaring hindi natin mababago ang sitwasyon natin sa buhay, ngunit maaari nating piliin kung paano tayo tutugon sa mga ito. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Hindi natin [mapipihit] ang direksyon ng hangin, ngunit kaya nating [ipihit] ang mga layag. Para sa sukdulang kaligayahan, kapayapaan, at kasiyahan, nawa’y piliin natin ang positibong saloobin.”6
Kapag pinili nating magtuon ng pansin sa kabutihan, umasa sa Panginoon at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at tanggapin at matuto mula sa ating mga kahinaan, maaari nating alisin ang di-makatotohanang mga inaasahan natin sa sarili at sikapin magkaroon ng kabutihan at kaligayahan sa ating buhay. Makadarama tayo ng kapayapaan sa ating mga kakulangan at kapanatagan sa mapagtubos na pag-ibig ng Diyos. Makadarama tayo ng kagalakan sa ating puso batid na ang plano ng kaligtasan ay maaakay tayo pabalik sa ating Ama sa Langit kapag ginawa natin ang lahat, hindi man perpekto, upang maging karapat-dapat na makapiling Siyang muli.