Masyado Tayong Kritikal sa Ating Sarili
Marami kang nagagawang mabuti kaysa sa inaakala mo.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Marami sa atin ang nakikipaglaban sa iba’t ibang antas ng damdamin na tila ba hindi tayo sapat o hindi sapat ang ating mga nagagawa. Sa iba’t ibang pagkakataon sa aking buhay, naranasan ko ang pakiramdam na ito. Isa sa mga pinakamatinding pagkakataon ay noong malapit nang matapos ang aking misyon.
Naroon ako sa isa sa mga huli kong mission conference, at tulad ng ginagawa niya madalas, nagbahagi ang mission president ko ng isang mensaheng natanggap niya mula sa isang missionary. Kung minsan, nakakatuwa ang mga mensahe, minsan nakakapagbigay inspirasyon, at minsan naman ay may pinapatunayang punto. Marahil ang mensaheng ito ay dapat magbigay ng inspirasyon, ngunit sa halip ay talagang tinamaan ako nito. Ibinahagi niya kung gaano pinahahalagahan ng hindi kilalang missionary na ito ang kanyang kompanyon. Ibinahagi niya ang labis na pagmamahal at pangangalaga na natanggap ng missionary na ito mula sa kanyang kompanyon at kung gaano kagandang halimbawa ang kompanyon niya sa missionary na ito. Sa aking pakikinig, naramdamam kong labis na nagnanais ang kaluluwa ko na maging tulad ng kompanyon na iyon. Lubos kong hiniling na maging mapangalaga at mapagmahal ako na tulad niya at makagawa ng mabuti. At naramdaman kong gumuho ang kalooban ko nang napagtanto ko na hindi ako ganoon.
Hindi ako iyon, at hinding-hindi ako magiging ganoon. Wala na akong oras para magbago, at kung mayroon man, marahil ay hindi ko rin ito magagawa.
Kalaunan nang araw na iyon, nang makauwi na kami ng kompanyon ko sa apartment namin, binanggit niya ang bahagi ng mensahe ng mission president namin na labis na dumurog sa akin at sinabing isinulat niya iyon tungkol sa akin. Iyon ang mga salita niya tungkol sa akin. Nakatitig ako sa isang walang katapusang madilim na kawalan, lubos na hinihiling na maging isang tao na nais kong maging—at nabibigo. Ngunit nagbukas ng ilaw ang mga salita niya, at sa halip na walang katapusang kawalan, nasa harap ako ng salamin, nakatitig sa repleksyon ng sarili ko kung sino ako. Napakahalaga ng mga salita niya sa akin. Na sa tingin niya kalahati lamang ng kung sino ako, ang taong isinulat niya sa liham niya, ay nagpuno sa akin ng kagalakan.
Ibinabahagi ko ang karanasang ito hindi upang magyabang—masyado itong makabuluhan para ipagyabang—kundi upang ipakita kung gaano tayo kakritikal (at madalas mali) sa ating sarili. Ginamit ko ang eksaktong papuri na para sa akin upang kutyain ang sarili ko!
Hindi rin ibig sabihin nito na dapat na tayong tumigil sa pagsisikap na maging mas katulad ni Cristo. Hindi ko naisip na “Ayos na pala, tapos na akong mangalaga sa ibang tao. Hay, hindi ko na poproblemahin iyon muli.” Ngunit dapat nating makita at kilalanin ang pag-unlad na nagawa natin at, na mas mahalaga tayo kaysa sa inaakala natin kung minsan. Tulad ng sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Marami ang ginugugol ang buhay nila sa pag-iisip na maliit lamang ang halaga nila, kung saan sa katotohanan, sila ay mga elegante at walang hanggang nilalang na mayroong walang katapusang kahalagahan na may potensiyal na hindi maarok ng imahinasyon.”1
Kaya, pakiusap, tumigil ng isang sandali at alalahanin ang mabubuting bagay na nagawa mo at mga katangian na napaunlad mo at kasalukuyang pinapaunlad. Tandaan na tinatanggap ka, minamahal ka, at sapat ka.
At kung mayroong mga bagay na pakiramdam mo ay hindi mo nakakamit o nakukuha, pagsikapan ang mga ito. Huwag sumuko. Sa anumang paraan, magtakda ng mga hangarin, ngunit huwag magtakda ng limitasyon sa kung kailan ka maaaring maging mas katulad ni Cristo—iyan ang ginawa ko. Nakita kong tila ba may pader na pumipigil sa akin na magbago pagkatapos ng aking misyon, ngunit kahit na hindi tungkol sa akin ang magagandang salita na iyon, ang pagtatapos ng misyon ko ay hindi nangangahulugan na wala nang pag-asang umunlad.
Hindi palaging madali ang magkaroon ng ganitong pag-iisip—ang pag-iisip na sapat tayo. Kailangan ko pa rin ng mga paalala upang hindi malungkot sa sarili ko. Ngunit tandaan na ang kahalagahan mo ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Tandaan na ikaw ay anak ng Diyos, at alalahanin na tayo, “bilang mga anak ng Diyos, … hindi natin dapat ibinababa at minamaliit ang ating sarili.”2 Palaging sikapin na maging mas katulad ni Cristo, ngunit huwag mong pahirapan ang sarili mo dahil dito. Maaaring mas malapit ka na sa taong gusto mong maging kaysa sa inaakala mong possible.