Hindi Ako Perpekto … sa Ngayon
Ang awtor ay nakatira sa Netherlands.
Ang problema sa pagiging perpeksiyonista ay nakatulong sa akin na lalo pang maunawaan ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Sa 3 Nephi 12:48, itinuro ni Jesus, “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap.” Ang banal na kasulatang ito ay lagi kong naiisip dahil sinikap kong maging perpekto sa buong buhay ko. At kahit mabuti na hangaring gawin ang lahat ng makakaya ko sa lahat ng bagay, maaaring makasama ang pagiging perpeksiyonista. Sa mahabang panahon, sa tuwing nagkakamali, o kahit nagtatagumpay ako, hindi ko pa rin madama na mahusay ako.
Napakaraming Inaasahan sa Aking Sarili
Napakarami kong inaasahan sa aking sarili, lalo na noong high school ako. At madalas akong mabigo dahil tinangka kong gawin ang napakaraming bagay nang sabay-sabay para patunayan na mahusay ako. Sa isang taon nagpasiya akong mag-aral ng ballroom dancing, kumuha ng mga music lesson, at sumali sa isang grupo ng mga musikero. Inisip ko na kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya para mapahusay at maperpekto ang mga talento ko. Ngunit dumating ang sandali na kinailangan kong ihinto ang lahat ng ito dahil hindi ko na kaya pang magawa ang lahat ng ito. Masyado kong pinahirapan ang sarili ko. Nadama kong bigung-bigo ako, at ang pagkabigo ang isa sa pinakamalaking kinatatakutan ko.
Alam ko na hindi lamang ako ang namumrublema sa pagiging perpeksiyonista. Napakarami sa atin ang ginagawa ang lahat ng makakaya natin araw-araw at nanlulumo tayo kapag hindi natin nagagawa nang perpekto ang lahat ng bagay. Ngunit sa kabila ng ating mga pagsisikap, wala sa atin ang magiging lubos na perpekto dito sa lupa. Kaya’t paano tayo magsisikap na maging perpekto kung tila walang saysay ang lahat ng pagsisikap natin? Nagbahagi ng sagot si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kayo nga’y mangagpakasakdal—sa wakas.”1
Ang pagsisikap na maging perpekto ay isang mabuting bagay, pero hindi ito magiging maganda kung magpapahina ito sa atin. Sa lahat ng mga bagay na hinihingi sa atin ng buhay na ito sa pisikal, mental, emosyonal, at maging sa espirituwal, mahalaga na hindi natin masyadong inaabuso ang ating sarili sa sobrang pagtatrabaho dahil gusto nating maging perpekto. At lalong higit na mahalaga ay isipin kung ano ang ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit. Hindi Niya gustong mapinsala ang ating kalusugan dahil sa sobrang pagtatrabaho.
Itinuro ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 10:4, “Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas at kakayahan na inilaan sa iyo upang makapagsalin; sa halip maging masigasig hanggang sa katapusan.” Maaari natin itong sundin sa ating buhay. Nais ng Ama sa Langit na maging masaya tayo, at magiging masaya tayo kung gagawin natin ang ipinagagawa Niya ayon sa pinakamainam na paraan na makakaya natin. Kahit hindi pa gaanong perpekto ang ating mga ginawa.
Ang Kahulugan ng Pagiging Perpekto ay “Pagiging Ganap”
Ang salitang perpekto ay orihinal na nagmula sa salitang Latin na perficere, na pinantig sa per- (“ganap na”) at facere (“ginawa”). Kaya ang kahulugan ng pagiging perpekto ay “pagiging ganap.” At hindi tayo magiging ganap kung wala si Jesucristo (tingnan sa Moroni 10:30). Sa palagay ko marami sa atin ang nag-iisip na hindi tayo mahusay. At, siyempre, hindi talaga! Ibig sabihin, kung wala si Cristo hindi tayo mahusay. Tulad ng sinabi ni Ammon: “Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay” (Alma 26:12).
Sa pamamagitan ni Jesucristo, palagi nating mapagsisikapang maging mabuti, hangga’t maging perpekto at ganap tayo balang-araw dahil tutulungan Niya tayo sa ating mga kahinaan. “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).
Sa nakalipas na mga taon natanto ko na hindi ko lubos na nauunawaan kung ano ang kahulugan para sa akin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Inisip ko na kinakailangan kong gumawa nang perpekto dito sa lupa at na naiwan akong mag-isa para pag-isipan kung paano gawin ito. Ngunit ngayon ay alam ko na hindi tayo nag-iisa. Kung pagsisikapan nating magtuon kay Jesucristo at pananatilihin Siya sa ating mga puso at isipan, ang ating mga kahinaan ay mapapalitan ng kalakasan—tulad sa pagdaig ko sa pagiging perpeksiyonista. Alam kong hindi ako perpekto. Ngunit matutulungan tayo ni Cristo na madaig ang ating mga kahinaan, kasalanan, problema, o takot. Nauunawaan Niya tayo at nalalaman kung paano tayo tutulungan. Sana ay matamasa nating lahat ang Kanyang walang hanggang pagmamahal. At maunawaan na kahit hindi tayo perpekto ngayon, kung sisikapin natin na sundin Siya, magiging perpekto tayo balang-araw.