2019
Pagtanggap at Pasasalamat sa Patnubay ng Langit
Setyembre 2019


Pagtanggap at Pasasalamat sa Patnubay ng Langit

Handa ang Diyos na bigyan tayo ng tagubilin, ngunit dapat handa tayong tanggapin ito.

cell phone

Noong mga bata pa kaming missionary sa missionary training center sa Brazil, may isang araw kami para lumabas, kasama ang aming mga kompanyon, sa mga kalsada ng São Paulo para anyayahan ang mga tao na makinig sa mga lesson ng mga missionary. Pagkatapos ng ilang oras babalik kami sa MTC at magdaraos ng testimony meeting.

Marami ang nagkuwento tungkol sa mga pahiwatig na natanggap nila na magpunta sa isang kalsada o lapitan ang isang tao. Namangha ako sa mga karanasang ito. Gayunman, dahil wala akong gayong karanasan, nadama ko na siguro hindi ako gaanong mahusay, o handa, na maging missionary.

Dahil pinanghinaan ng loob, humingi ako ng tulong sa mga lider sa MTC. Tinulungan nila akong maunawaan na ang Diyos ay handang magbigay sa atin ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at bagama’t maaaring ang karanasan ko ay hindi katulad ng sa iba, kinailangan ko pa ring maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu. Tulad ng radyo na kinakailangang iayon sa isang partikular na istasyon, o sa smartphone na kailangang ikonekta sa internet, dapat tayong kapwa nakaayon at nakakonekta para matanggap ang sinasabi sa atin ng Espiritu Santo.

Espirituwal na Kaligtasan

Nagbabala si Pangulong Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag, [at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”1

Hinikayat niya tayo na “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [nating] makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na ‘kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan’ [Doktrina at mga Tipan 42:61].”2

Sa ating palalakbay dito sa lupa, inaasahan tayo ng Panginoon na “gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27). Gayunpaman, may mga bagay na magagawa lamang natin sa tulong ng langit. Ihahayag sa atin ng Espiritu Santo kung ano ang kinakailangan nating gawin para manatili—at umunlad—sa landas patungo sa kaligayahan sa buhay na ito at magmana ng buhay na walang hanggan. “Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).

Ang Huwaran ng Panginoon

Ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan kung paano tayo binibigyan ng paghahayag ng Panginoon: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2).

Sinasabi rin sa atin ng Panginoon na “magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (Doktrina at mga Tipan 11:12). Kung minsan aakayin tayo ng Espiritu na gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kaisipan, mga ideya, magkakasunod na ideya, mga impresyon na itigil o simulan ang isang bagay, mga kaalaman o kaunawaan, pagpapabatid ng mga bagay na hindi natin matututuhan gamit lamang ang sarili nating kakayahan, pagpapaalala sa mga bagay na nakalimutan na, at marami pang iba.3

Sa Mga Taga Galacia 5:22–23, nalaman natin na nakikipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng damdamin at emosyon tulad ng pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, at pagpipigil. Ang tulong na matatanggap natin mula sa Espiritu Santo ay madalas na darating bilang mga tagubilin na naaayon sa ating mga partikular na pangangailangan, ngunit tandaan, ang gayong mga tagubilin ay maghihikayat sa atin na gumawa ng mabuti (tingnan sa Moroni 7:13) at laging naaayon sa mga turo ng mga buhay na propeta at ng mga banal na kasulatan.

Tanggapin at Kilalanin

Marahil ang isa sa malalaking pagsubok na nararanasan natin sa mortalidad ay ang pag-alam kung paano tumanggap, kumilala, at kumilos ayon sa mga pahiwatig at tagubilin ng Espiritu Santo. Maaari makatulong sa atin ang mga sumusunod na aralin.

satellite

Aralin 1: Handa ang Diyos na bigyan tayo ng personal na paghahayag, ngunit kinakailangang handa tayo na tanggapin ito.

“Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan mula nang matawag ako sa bagong tungkulin bilang Pangulo ng Simbahan,” sabi ni Pangulong Nelson, “ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban. Ang pribilehiyong makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.”4

Sa MTC, natutuhan ko na kailangang maging handa ako na tanggapin ang anumang nais ng Panginoon na sabihin sa akin, ayon sa Kanyang panahon at Kanyang paraan. Natutuhan ko na ang iba’t ibang tinig na naririnig natin ay nakahahadlang para makilala natin ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa atin o mapakinggang mabuti ang mensaheng nais Niyang marinig natin.

Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag hinangad at inanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating buhay at natutuhang sundin agad ang mga simpleng pahiwatig, mahahadlangan din natin ang mga nakagagambalang ingay ng mundo at malinaw na maririnig ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.”5

bar chart

Aralin 2: Kailangan nating pag-aralan at matutuhan kung paano nakikipag-usap ang Espiritu.

Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pinakamadalas na nakikipag-usap sa atin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapadama sa atin. Madarama ninyo ito sa mga salitang pamilyar sa inyo, na may kahulugan sa inyo, na naghihikayat sa inyo. …

“… Ang mga damdaming ito ay banayad, isang marahang paghihikayat na kumilos, na gumawa ng isang bagay, na magsalita, na tumugon sa isang tiyak na paraan.”6

Ang matutuhan ang pagtanggap ng paghahayag mula sa Espiritu Santo ay maihahalintulad sa pag-aaral ng wika. Sa una kaunti lang ang nauunawaan natin o marahil wala talaga. Ngunit kapag patuloy tayong nagsikap na matutuhan ito, nauunawaan na natin ang mga salita, pagkatapos mga pangungusap, at buong mga ideya. Kalaunan masusumpungan natin ang ating sarili na nauunawaan ang mga sinasabi. Upang matutuhan kung paano nakikipag-usap ang Espiritu, dapat tayong:

  • Maghangad na matuto.

  • Mag-aral, sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta, kung paano natatanggap ang paghahayag.

  • Maging alerto sa mga espirituwal na impresyon.

  • Humingi ng patnubay sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

  • Maging handa sa pagtanggap—huwag balewalain o ituring na walang halaga—ang mga tagubiling natanggap.

  • Sundin ang mga pahiwatig.

  • Masigasig na humingi ng karagdagang tagubilin.

gps pointer

Aralin 3: Ang Ama sa Langit ay may sariling paraan at panahon sa pagbibigay sa atin ng mga paghahayag.

Kabilang dito ang tatlong alituntunin:

  1. Maipapaalam at ipapaalam sa atin ng Diyos ang dapat nating gawin para umunlad. Ang gawain ng ating Ama sa Langit ay tulungan tayo na magkaroon ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). “Ang inaalala [Niya] ay hindi lamang ang ating kapanatagan kundi higit pa rito ay ang ating pag-unlad,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.7

    Ibig sabihin nito ay nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa mga hakbang na ginagawa natin dito sa lupa. Alam Niya kung anong desisyon at aksyon ang dapat nating gawin upang tayo ay “maging mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos” (Moroni 7:48). “Higit pa sa naiisip ninyo, gusto Niyang makamit ninyo ang inyong tadhana—ang makabalik sa inyong tahanan sa langit nang may karangalan,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.8

  2. Kung minsan hindi natin nauunawaan ang dahilan kung bakit nagbigay ng mga tagubilin ang Diyos. Paminsan-minsan nagbibigay ang Diyos sa atin ng mga tagubilin na hindi natin inaasahan. Naaalala ko noong nakaupo ako sa sacrament meeting nang dumating nang malinaw sa aking isipan ang isang impresyon. Ang tagubilin ay hindi isang tinig o bulong ngunit malinaw na ideya na nagpapahiwatig na may isang bagay akong dapat gawin. Hindi ko inasahan na makatatanggap ako ng gayong tagubilin sa sacrament meeting.

    Kinausap ko ang aking asawa at sinabi sa kanya ang pahiwatig na natanggap ko. Sinabi niya na dapat kong sundin ang pahiwatig, kahit hindi namin naunawaan ang dahilan nito.

    Nang sundin namin ang tagubiling iyon, at sa paglipas ng panahon, nakita namin na ang tagubiling natanggap namin ay nagdala ng higit na kapayapaan at nagpanatili sa amin sa landas ng pag-unlad.

  3. Dapat tayong handa na gawin ang kalooban ng Diyos. Sa Kanyang kasakdalan at katalinuhan, nalalaman ng Diyos kung ano ang pinakamabuti sa atin. Ang Kanyang kalooban, na nakabatay sa banal na pananaw, ay nagpapakita sa atin ng mas mabuting paraan. Ngunit madalas na nagiging mahirap ito para sa atin. Dito, tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa. Ang kalooban ng Ama ay Kanya ring kalooban. Habang nagdurusa ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan, nanalangin Siya, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).

    Dapat handa rin tayong unahin ang kalooban ng Diyos kaysa sa sarili nating mga hangarin. Kapag tinanggap natin ang Kanyang kalooban at ginawa ito, inihahanda natin ang ating sarili na tumanggap ng karagdagang tagubilin. Itinuro ni Elder Bednar na “kung igagalang natin ang ating mga tipan at susundin ang mga utos, habang nagsisikap pa tayong gumawa ng mabuti at maging mas mabuti, mabubuhay tayo nang may tiwala na gagabayan ng Diyos ang ating mga hakbang.”9

Pagtanggap ng Tulong ng Langit

Ang ating walang hanggang pag-unlad ay nakasalalay sa pagtanggap ng personal na patnubay mula sa Espiritu Santo. Nawa’y maging determinado ang bawat isa sa atin na sundin ang payo ni Pangulong Nelson na humingi ng paghahayag para sa ating buhay. Kapag naniwala at nagtiwala tayo na nais ng Diyos na gabayan tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo, kung gayon, kapag pinagsisikapan nating ituon ang ating buhay sa paghingi ng tulong ng langit, matatanggap natin ang patnubay na kailangan natin.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  2. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95.

  3. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 87–90.

  4. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 94.

  5. David A. Bednar, “Receiving, Recognizing, and Responding to the Promptings of the Holy Ghost” (Ricks College Devotional, Ago. 31, 1999).

  6. Ronald A. Rasband, “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2017, 94.

  7. Henry B. Eyring, “Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo,” Liahona, Mayo 2017, 17.

  8. Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob 2014, 123.

  9. David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” 90.