Pagpili sa Kawalang-hanggan
Alam ko na panahon na para magpasiya ako kung patuloy akong mamumuhay ayon sa aking mga pinahahalagahan o hindi.
Nang malaman ko na nabigyan ako ng scholarship na lumahok sa cultural exchange program sa Argentina na matagal ko nang pinangarap, hindi ko kailanman naisip na ito ang magiging simula ng napakalaking pagbabago sa buhay ko.
Dumating ko sa Rosario, Argentina, kung saan ako nakitira sa isang pamilyang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. At sa gayo’y nagsimula ang isang taon ng espirituwal na mga pakikipagsapalaran, pagkausap sa mga missionary at pagdalo sa seminary at institute. Ginusto kong malaman ang lahat, at nadama ko na ang natututuhan ko noon tungkol sa ebanghelyo ay nagpapala sa akin sa napakaraming paraan.
Sa loob ng maikling panahon nagkaroon ako ng malakas na patotoo sa katotohanan ng mga doktrinang itinuro sa akin: pananampalataya, pagmamahal, pagtitiis, pag-ibig sa kapwa, pagtitiwala, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon, na naibigay Niya sa atin para hindi tayo masaktan.
Ayaw Niya tayong dumanas ng mga pasakit nang walang layunin. Mahal na mahal Niya tayo, at gustung-gusto Niyang patunayan iyon. Pero kung minsan, dahil sa sarili nating mga pagpapasiya, ginagawa nating imposible iyon, lumalayo tayo sa Kanya, pagkatapos ay nasa atin na kung ano ang mangyayari. Sa gayo’y kailangan nating gawin ang unang hakbang na iyon para muling mapayapa ang ating puso. Ito ay isang bagay na daranasin ko mismo.
Pagkaraan ng ilang buwan ng pag-aaral, pagtuturo ng mga missionary, at mga klase, nagdanas ako ng paghihirap sa isa sa pinakamasasakit na uri nito—paghihirap na naghaharap sa iyo sa mga damdamin ng nakaraan, tinutukso kang gumawa ng mga maling desisyon sa kasalukuyan, at sinusubukang sirain ang kinabukasang noon mo pa pinangarap. Nalaman ko na ang paghihirap kung minsan (at maraming beses) ay nagmumula sa isang bagay na hindi mo inaasahan.
Ang pagiging marapat at marangal sa pag-iisip at pagkilos ay tila bahagi na ng aking pagkatao, hanggang sa sumapit ang araw na iyon. Alam ko na ang mga bagay na gagawin ko ay hindi tama, na ang mga taong minsa’y pinagkatiwalaan ko ay susuway sa mga turong alam kong totoo, at na talagang nagsimula na akong lumayo sa aking Ama sa Langit. Alam ko na kailangan ko na ngayong pumili kung itutuloy ko ito o patuloy akong mamumuhay ayon sa aking mga pinahahalagahan noon pa man. Kaya kinailangan kong hanapin ang lakas na iyon sa aking kalooban na nagsabi sa akin na hindi ko maaaring sirain nang gayon kadali ang mga pangarap na ito. Hindi ko maaaring sirain ang aking pag-asa sa isang walang-hanggang pamilya at mapagmahal na asawa. May mali sa buhay ko, at alam kong kailangang magbago iyon.
Ang damdaming iyon, pati na ang murang patotoo na kasisimula pa lamang lumago sa puso ko, at tunay na mga anghel sa buhay ko na laging naroon para tulungan ako, ay iniligtas ako mula sa pagkaligaw at muli akong pinalakas para mapili kong bumalik sa Panginoon bago maging huli ang lahat. At alam ko na lagi Siyang naroon, at pinagpapala ako sa aking pagsisikap na makinig sa Kanyang tinig at manatiling karapat-dapat sa mga walang-hanggang pagpapala.
Kapag iniisip ko ngayon ang panahong iyon na pinagdaanan ko, iniisip ko ang tapang na hindi sumuko, tapang na lagi kong naipamalas ang aking mga pinahahalagahan, at pananampalataya ko noon at hanggang ngayon.
Bagama’t ang panahon para magsisi na sumunod ay isang panahon ng pasakit, ng pagkilala sa mga maling damdamin at sandali, at ng pagpapakumbaba, labis ko iyong pinasasalamatan—magpakailanman. Nagpapasalamat ako sa katotohanan na, sa tamang panahon, maaari kong madama na napatawad na ako ng aking Ama sa Langit, na patuloy Niya akong minamahal, at lagi Niya akong mamahalin.
Ang bahaging pinakamahirap para sa akin ay ang matutuhang patawarin ang sarili ko. Naaalala ko ang nadama ko, hindi karapat-dapat at walang kagandahan, sa pisikal man o sa espirituwal. Pero palaging naroon ang aking Tagapagligtas, binibigyan ako ng lakas at inspirasyon. Inilagay Niya ang mga tamang tao sa aking daan na tumulong sa akin na malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan, mula nang bumalik ako sa Belgium. Minahal nila ako sa kung sino ako at tinulungan akong muling mahalin ang sarili ko at malaman na hindi kinailangang maging masakit ang karanasang iyon na papasanin ko sa buhay magpakailanman. Nakita ko na nagkaroon ako ng pagkakataong pumili, maranasan kung gaano na kalakas ang aking patotoo sa pagtatanggol sa aking mga pinahahalagahan. Ngayo’y nakikita ko na dahil pinagsikapan kong palakasin ang aking patotoo sa pamamagitan ng karanasang ito, maaari akong maging isang pagpapala sa buhay ng napakaraming tao, sa malapit at malayo man.
Huwag matakot. Huwag sumuko kailanman, at laging ipagtanggol ang iyong mga pinahahalagahan. Laging isaisip kung gaano kaganda at kalaking pagpapala ang pagbabahagi ng pagmamahal na iyon para sa Tagapagligtas at gawing pundasyon ang Kanyang dalisay na pag-ibig na mapagsasaligan ng isang relasyon at isang pamilya sa hinaharap. Kung pipiliin mong maging masunurin at pipiliin mo ang Ama sa Langit sa lahat ng bagay, sa malao’t madali, darating ang mga walang-hanggang pagpapala. Huwag mag-alala kung hindi mo makita ang mga ito ngayon, pero magtiwala na araw-araw, pa-konti-konti, makikita mo ang kamay ng Panginoon sa iyong buhay. Magsisimulang sumibol sa ating puso ang ebanghelyo at magsisimulang umusbong ang mga walang-hanggang patotoo.
Nabinyagan ako noong Marso 16, 2019, sa aking ward sa Belgium, at napakasaya ko na nagawa ko ang unang hakbang na ito patungo sa kawalang-hanggan. Oo, daranas pa ako ng mga hamon sa aking buhay—lahat naman tayo—pero sa patotoong nasa puso ko, handa akong harapin ang mga ito, dahil alam ko kung Sino ang aking pipiliin.