Magandang Magkaroon ng Kaalaman PeroHindi Ito Sapat
Narito ang ilang salaysay ng mga naunang miyembro ng Simbahan na nakarinig ng mga patotoo mula sa mga saksi ng Aklat ni Mormon.
Marahil ang mapakinggan ang patotoo ng isang saksi ng Aklat ni Mormon ang pinakamagandang bagay kasunod ng pagkakita ng mga gintong lamina o ng isang anghel. Maraming naunang miyembro ng Simbahan ang nagkaroon ng ganoong pagkakataon.
Ang mga sumusunod ay mga salaysay ng ilang miyembro na nakausap ang mga saksi ng Aklat ni Mormon. Gayunman, makikita natin, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, na ang pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay “maganda… , pero hindi sapat!”1
Rebecca Williams: “Pinaniniwalaan ang Kanilang Salita”
Napakinggan ni Rebecca Swain Williams ang ilang saksi ng Aklat ni Mormon sa Ohio simula noong 1830. Nagpatotoo siya sa kanyang ama at mga kapatid na lalaki: “Narinig ko ang kuwentong iyon mula sa ilang miyembro ng pamilya [Smith] at mula mismo sa tatlong saksi. Narinig kong ipinahayag nila sa pampublikong pulong na nakakita sila ng isang Banal na Anghel na bumaba mula sa langit dala ang mga lamina at ipinakita niya ang mga ito sa kanila.”
Nang hindi tanggapin ng kanyang pamilya ang kanyang patotoo, hindi sumuko si Rebecca. Patuloy niya silang minahal at ipinagdasal, at patuloy niyang pinahalagahan ang mabubuting payo ng kanyang ama. Patuloy rin siyang nagpatotoo sa kanyang ama na totoo ang sinasabi ng mga saksi ng Aklat ni Mormon: “Sila ay mabubuting tao at pinaniniwalaan ang kanilang salita. … Sila ay nakakita ng isang anghel ng Diyos at nakipag-usap sa kanya.”2
Noong huling bahagi ng dekada 1830, kung kailan laganap ang pagsalungat sa Simbahan, nanatiling tapat si Rebecca at pinili niyang sumunod sa mga tuntunin ng Aklat ni Mormon.3
William McLellin: “Kinakailangang Kilalanin at Tanggapin … ang Katotohanan”
Isang umaga noong 1831, nabalitaan ng isang batang guro na nagngangalang William McLellin na ilang kalalakihang papunta sa Missouri ang mangangaral tungkol sa isang bagong aklat na inilarawan bilang “isang Paghahayag mula sa Diyos.” Nagmadali siya upang mapakinggan sila. Nakinig siya sa patotoo ni David Whitmer na siya ay “nakakita ng isang Banal na Anghel na nagsabi sa kanya na totoo ang talaang ito.” Nagkaroon siya ng matinding hangarin na malaman kung totoo ang kanilang mga patotoo. Sinundan niya sila nang 400 milya (644 km) papunta sa Independence, Missouri, kung saan nakilala at nakausap niya ang iba pang mga saksi, kabilang sina Martin Harris at Hyrum Smith.4
Kinausap ni William si Hyrum nang ilang oras. “Tinanong ko ang mga detalye ng paglabas ng talaan,” sulat ni William. Kinabukasan, pagkatapos manalangin para malaman ang katotohanan, napagtanto niya na “bilang isang matapat na tao ay kinakailangang kilalanin at tanggapin niya ang katotohanan at katumpakan ng Aklat ni Mormon.”5
Sa mga sumunod na taon, ang pananampalataya ni William ay nasubukan at napalakas sa pamamagitan ng kanyang mga pagpili at ng pang-uusig na dinanas ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang salakayin ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, ang kaibigan ni William na si Hiram Page, isa sa walong saksi, ay hinampas at nilatigo ng mga tao na nagsabing palalayain siya kung ikakaila niya na totoo ang Aklat ni Mormon. “Paano ko ikakaila ang alam kong totoo?” sabi ni Hiram, at siya ay muli nilang binugbog.
Si William ay napalakas ng patotoo ni Hiram—at natural lang na natakot siyang mabugbog. Nang mabalitaan ni William na nag-alok ng gantimpala ang mga kalalakihan sa lugar para sa paghuli sa kanya at kay Oliver Cowdery, nilisan nila ang bayan para magtago sa kakahuyan kasama si David Whitmer. Doon nakausap ni William ang dalawa sa Tatlong Saksi. “Hindi pa ako kailanman nakakita ng isang pangitain sa buong buhay ko,” sabi niya, “pero sinabi ninyo na nakakita na kayo, at samakatwid ay nakatitiyak kayo. Ngayong alam ninyo na nanganganib tayong mahuli ng mga mandurumog anumang oras, sabihin ninyo sa akin nang may takot sa Diyos, totoo ba ang Aklat ni Mormon?”
“Kapatid William,” sabi ni Oliver, “isinugo ng Diyos ang kanyang banal na anghel upang ipahayag ang katotohanan ng pagsasalin nito sa amin, kaya nga alam naming totoo ito. At kahit patayin kami ng mga mandurumog, mamamatay kami na inihahayag ang katotohanan nito.”
Dagdag ni David, “Sinabi na sa iyo ni Oliver ang dakilang katotohanan, dahil hindi kami palilinlang. Tunay na sinasabi ko sa iyo na totoo ito!”6
Nalaman ng bawat isa kina David, Martin, Hiram, Oliver, at William na isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Alam nila na totoo ang ebanghelyo na nakasulat sa mga laminang ginto. Ngunit kalaunan, hinayaan nilang tumindi ang hinanakit nila kay Joseph hanggang sa hindi na nila ipamuhay ang mga turo sa Aklat ni Mormon.
Nasaksihan ang mga ginawa nilang pagpili, nagpatotoo si Propetang Joseph Smith hindi lamang na totoo ang Aklat ni Mormon—“ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon”—kundi pati na tayo “ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”7
Sally Parker: “Matibay ang … Paniniwala”
Si Sally Parker ay naging kapit-bahay ni Lucy Mack Smith sa Kirtland, Ohio. “Ikinuwento niya sa akin ang buong pangyayari,” sulat ni Sally. Nang tanungin niya si Lucy kung nakita niya na ang mga lamina, “Sinabi [ni Lucy] na hindi, hindi nakatakdang makita niya ang mga ito, ngunit nabuhat at nahawakan niya ang mga ito at naniwala ako sa lahat ng sinabi niya dahil naging kapit-bahay ko siya sa loob ng walong buwan at isa siya sa pinakamabait na babaeng nakilala ko.”
Noong 1838, narinig din ni Sally ang patotoo ni Hyrum Smith: “Sinabi niya na nakita ng kanyang mga mata ang mga lamina at nahawakan ang mga ito ng kanyang mga kamay.”8
Noong huling bahagi ng dekada 1830, nang maraming tao ang tumalikod sa Simbahan, nalungkot si Sally Parker sa pagkawala nila at pinanibago niya ang kanyang hangarin na sumunod sa mga tuntunin ng Aklat ni Mormon. “Determinado akong kumapit sa pananampalatayang iyon na katulad ng isang butil ng binhi ng mustasa,” sulat ni Sally. “Nararamdaman ko ngayon ang kapangyarihan nito sa aking puso. Matibay ang aking pananampalataya gaya noong kami ay nabinyagan at gayon pa rin ang nadarama ko. Determinado akong kumapit sa ebanghelyo hanggang kamatayan.”9
Rhoda Greene: “Nasa Kanya ang Espiritu ng Diyos”
Si Lucy Mack Smith ay nagsalita sa pangkalahatang kumperensya noong 1845, matapos pumanaw dahil sa sakit o mapaslang ang lahat ng saksi ng Aklat ni Mormon sa kanyang pamilya. Nagkuwento siya tungkol sa unang misyon ng kanyang anak na si Samuel.
Si Samuel, isa sa Walong Saksi, ay bumisita sa bahay ni Rhoda Greene, na ang asawa ay nasa misyon para sa ibang simbahan. Itinanong ni Samuel kay Rhoda kung gusto niya ng aklat. “Ito ang Aklat ni Mormon na isinalin ng aking kapatid na si Joseph mula sa mga lamina na nahukay sa lupa,” paliwanag niya.
Tinanggap ni Rhoda ang kopya ng aklat para basahin at ipakita sa kanyang asawa. Nang bumalik kalaunan si Samuel, sinabi ni Rhoda sa kanya na hindi interesado ang kanyang asawa, at hindi niya mabibili ang aklat. Malungkot na kinuha ni Samuel ang aklat at naghanda na siya sa pag-alis. Ikinuwento kalaunan ni Rhoda kay Lucy na napatigil si Samuel at tumingin sa kanya. “Noon lamang siya nakakita ng taong gayon tumingin,” sabi ni Lucy sa kanyang mensahe sa kumperensya. “Alam niya na nasa kanya ang Espiritu ng Diyos.”
“Pinagbawalan ako ng Espiritu na kunin ang aklat na ito,” sabi ni Samuel kay Rhoda, na lumuhod at hiniling kay Samuel na samahan siyang manalangin. Kinuha niya ang aklat, binasa niya ito, at nagkaroon siya ng patotoo tungkol dito. Gayon din ang ginawa ng kanyang asawa kalaunan. Pinili nilang sumunod sa mga tuntunin nito hanggang sa huling sandali ng buhay nila.
“At sa gayon nagsimula ang gawain,” patotoo ni Lucy, “at lumago ito tulad ng binhi ng mustasa.”10
Si Rhoda Greene ay ninuno ko. Napalakas ako ng kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at ng mga nakatalang patotoo ng mga saksi at ng mga taong nakarinig sa kanila. Napalakas ako ng pagpili nila na mamuhay ayon sa mga turo ng Aklat ni Mormon.
Ang bawat isa sa atin ay maaaring maging makabagong saksi ng Aklat ni Mormon, kapag pinagtibay sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng aklat. Bago ako magmisyon, natapos kong basahin ang Aklat ni Mormon, pagkatapos ay lumuhod ako at nanalangin nang simple ngunit may tunay na layunin, matapat na puso, at pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Moroni 10:3–4). Nakadama ako ng malakas na impresyon na nagsabing, “Alam mo nang ito ay totoo.” Dumating ito nang payapa na hindi ko kailanman nanaising ipagkaila. Mula noon, alam kong totoo ang Aklat ni Mormon.
Gayunman, hindi iyon sapat. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa tuwing maririnig ko ang sinuman, pati na ang sarili ko, na nagsasabing, ‘Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo,’ gusto kong isigaw na, ‘Maganda ’yan, pero hindi sapat!’ Kailangan nating madama, sa ‘kaibuturan!’ ng ating puso, na ang Aklat ni Mormon ay di-maikakailang salita ng Diyos. Kailangang madama natin itong mabuti upang hindi natin naising mabuhay kahit isang araw nang wala ito.”11 Totoo ang mga itinuro ni Pangulong Nelson. Ang patuloy kong pagsisikap na mamuhay ayon sa mga turo ng Aklat ni Mormon ay naglapit sa akin sa Diyos nang higit kaysa sa anumang bagay.