2020
Hindi Mo Maaaring Madaliin ang Pagsisisi
Enero 2020


Hindi Mo Maaaring Madaliin ang Pagsisisi

Para maging mas mabuti, kailangan kong baguhin ang diskarte ko sa pagsisisi.

“Amen.”

Palagi akong nakayuko habang ipinapasa ang sakramento. Nagdarasal ako, at inililista ko sa Ama sa Langit ang mga nagawa kong mali sa nakaraang linggo, ang mga paraan na maaari akong naging mas mabuti. Nangangako akong magbago. Iniisip ko ang Tagapagligtas. Nakikibahagi ako ng sakramento. Pagkatapos ay iyon din ang ginagawa ko sa sumunod na linggo, na halos lahat ng iyon ay inuulit ko.

Sa mahabang panahon, inakala ko na ganoon ang sakramento: isinasaisip ang Tagapagligtas, nagsisisi, at nangangako na ang linggong ito ay maiiba.

Hindi ko alam na hindi nakakatulong ang prosesong para umunlad ako. Bawat linggo ay talagang hindi naiba sa nakaraang linggo. Paulit-ulit at madalang pa rin ang personal kong mga panalangin. Negatibo pa rin ang mga iniisip ko sa mga taong malakas magsalita sa tren tuwing umaga. Sobra pa rin akong manood ng TV kapag wala akong ginagawa pagkatapos ng trabaho. Parang hindi na nagbago ang mga pag-uugaling ito, at kahit nalulungkot ako sa mga iyon, hindi ko tiyak kung ano pa ang gagawin para mawala ang mga iyon. Malinaw na may kulang. Hindi ko lang talaga alam kung ano.

Ang Sagot

Sa pangkalahatang kumperensya natagpuan ko ang kulang. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang isa pang pinagmumulan ng lakas at pag-unlad ay ang patuloy na pagsisisi, kahit na sa tila maliliit na pagkakamali.… Ang pagsisising iyan ay dapat munang gawin bago tumanggap ng sakramento tuwing Linggo.”1

Bigla, kitang-kita kung bakit nagkaroon ako ng problema: Nagsisisi lamang ako tuwing Linggo. Sa pagninilay lamang tungkol sa aking mga kasalanan sa loob ng ilang minuto ng sakramento, tinulutan ko ang sarili ko na maging kampante sa buong linggo, na sa huli’y nakahadlang sa posibilidad na magbago.

Natulungan ako ng turo ni Pangulong Oaks na tukuyin ang tatlong paraan na maaari kong isama ang pagkukulang na ito sa aking pagsisisi.

Ang Itinuturing na Kasalanan

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa lahat, maging sa masasamang gawi o temporal na mga gambala—anumang bagay na maaaring humahadlang sa atin na maging mas katulad Niya. Nauunawaan ng Tagapagligtas na kahit ang pinakamaliliit na bagay ay maglalayo sa atin kalaunan mula sa kanyang landas, kaya gusto Niyang tulungan tayong madaig din ang mga bagay na iyon. Para matulutan Siyang gawin iyon, nagpasiya ako na simulang isipin ang mga bagay na iyon sa ibang paraan—bilang mga bagay na humahadlang sa akin na maging malapit sa Tagapagligtas.

Ang paggawa nito ay nakatulong sa akin na makita nang mas malinaw ang aking mga pagkukulang at natulungan akong mas seryosohin ang mga ito. Dama ko ang higit na pangangailangang maalis ang mga ito na may kasamang bagong pananaw na nagmumula sa kaalaman na matutulungan ako ni Cristo rito. Makatuturan na kung nais kong maalis ang mga gawing ito, hindi sapat ang manalangin tungkol sa mga ito minsan sa isang linggo. Kailangan kong sangguniin ang Panginoon araw-araw.

Pag-anyaya sa Tulong ng Tagapagligtas

Ang araw-araw na pagsisisi ay tinutulutan tayong suriin ang ating pag-unlad nang makatotohanan kapag nag-ulat tayo sa Ama sa Langit. Mas nakikita natin kung ano ang ating mga kahinaan at nakakahingi tayo ng partikular na tulong sa Kanya habang humihingi tayo ng tawad. Sa pagharap sa maliliit na bagay na naglalayo sa akin sa Tagapagligtas araw-araw, nagbago ang aking mga dalangin, pati na ang aking mga kilos. Sa halip na mapanatag sa aking regular na gawain sa buong linggo, lagi akong nakadarama ng hangaring magpakabuti. Nadarama ko na iniimpluwensyahan ng Espiritu ang aking mga desisyon. Mas naghahangad akong “piliin … ang tama na mas mahirap gawin,”2 na alam kong nagmumula sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Bagama’t nagkaroon ako ng mabubuting layon nang subukan kong haraping mag-isa ang aking mga kasalanan, ang pag-asa sa Diyos sa buong linggo ay nakagawa ng lahat ng kaibhan. Kapag ginagawa ko ito, nadarama ko na malapit Siya sa akin habang sinisikap kong magbago; hindi ko na nadarama na parang naghihintay lang Siya sa dulo ng isang napakahabang lagusan.

Bagong Pagtingin sa Sakramento

Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Oaks, hindi saklaw ng sakramento ang pagsisisi—ito ay isang lingguhang hakbang sa paulit-ulit na paraan. Isang pagkakataon iyon para suriin natin ang ating linggo, magpasalamat sa Tagapagligtas, at muling mangakong pagbutihin ang ating gawain. Kapag nagsisisi ako araw-araw, nagkakaroon ng bagong kahulugan ang sakramento sa akin. Hindi ko na kailangang madaliin ang buong pagsisisi sa loob ng 10 minuto. Sa halip, isinasaisip ko talaga ang sakripisyo ni Cristo at namamangha ako sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal at awa. Kapag kinakain ko na ng tinapay at iniinom ang tubig, talagang nadarama ko na nalinis at handa akong magpakabuti nang kaunti pa sa susunod na linggo.

Ang pagsisisi sa buong linggo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na pahalagahan ang sakramento dahil himala ito. Ang pag-unawa na ang pagsisisi ay isang pang-araw-araw na proseso ay nagpalakas sa akin upang harapin ang aking mga pagkukulang nang may tapang at positibong pananaw. Hindi ko na nadarama na nag-iisa ako sa aking mga problema. Sa halip na mabigatan at panghinaan ng loob sa mga sandaling iyon, muli kong nadarama ang pag-asa at kagalakang nadama ko sa binyag.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Liahona, Mayo 2018, 90.

  2. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” Liahona, Mayo 2016, 86.