2020
Mas Mahalaga Kung Saan Ako Papunta Kaysa Kung Saan Ako Nanggaling
Enero 2020


Mas Mahalaga Kung Saan Ako Papunta Kaysa Kung Saan Ako Nanggaling

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ilang beses akong gumawa ng mga pagpiling salungat sa mga kautusan, ngunit pagkatapos ng lahat ng iyon, natutuhan ko na totoo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

young adult walking on train tracks

Hindi nangyari ang inasam kong mangyari sa buhay ko.

Noong 18 taong gulang ako, inasam kong magmisyon, mag-asawa pagkatapos, at bumuo ng sarili kong pamilya sa edad na 25. Ngayon, 32 taong gulang na ako. Hindi ako nagmisyon, at hindi ako naging aktibo sa Simbahan sa loob ng mahabang panahon. Nag-asawa ako—nakipaghiwalay—at nag-asawa ulit.

Dahil gumawa ako ng mga pagpiling salungat sa mga kautusan, tila palagi kong nadarama na hindi ako nababagay sa simbahan. Gayunman, napagtanto ko na may lugar pa rin ako rito. Itinuro sa akin ng mga karanasan ko na totoo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala at na ang pinakamahalaga ay hindi kung saan ako nanggaling, kundi kung saan ako papunta.

Sa palagay ko, nag-alinlanganan ako noon sa aking paniniwala dahil pakiramdam ko ay hindi pa gaanong malakas ang aking patotoo para magmisyon. Naaalala ko na noong nagtapos ako ng hayskul ay parang ganito ang iniisip ko, Paano kung ang patotoo ko ay hindi talaga sa akin? Paano kung masyado akong umaasa sa patotoo ng ibang tao?

Nabalisa ako dahil dito. Gusto kong magmisyon, pero naisip ko kung sapat na ba ang aking mga espirituwal na karanasan para ako ay magkaroon ng mga katangian na inisip kong dapat mayroon ang isang matagumpay na misyonero—isang taong mayroong sapat na espirituwal na lakas at kaalaman tungkol sa ebanghelyo para makapagturo sa ibang tao.

Ngayong iniisip ko ito, alam kong dapat sana ay humingi ako ng tulong sa Diyos para maunawaan ang payo na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 124:97: “Siya ay magiging mapagpakumbaba sa harapan ko, … at siya ay makatatanggap ng aking Espiritu, maging ang Mang-aaliw, na siyang magpapakita sa kanya ng katotohanan ng lahat ng bagay, at ibibigay sa kanya, sa oras ding iyon, kung ano ang kanyang sasabihin.”

Ngunit sa halip na magtanong sa Diyos, nagkamali ako sa pagkukumpara ng aking espirituwal na kaalaman sa iba, at natakot ako na ang mga kakulangan ko ay makahadlang sa pagtanggap ng mga tao sa ebanghelyo.

Sa pamumuhay nang mag-isa noong ako ay isang young adult, patuloy kong pinag-isipan kung ano ang pinaniniwalaan ko. Hindi ko naisip ang mga negatibong epekto ng mga bagay na nakita ko bilang mga desisyon na hindi nagpabago sa kung sino ako. Nagsimula akong lumayo sa mga taong mahal ko dahil alam kong madidismaya sila sa mga pinili kong gawin. Sa halip, nakisalamuha ako sa mga taong wala talagang pakialam sa mga ginagawa ko.Isang araw, sinubukan kong uminom ng alak para malaman kung ano ang lasa nito. Ang pag-inom ng alak ay naging bahagi ng aking buhay at kalaunan ay ginamit ko hindi lamang bilang pampalipas-oras kundi pati na rin bilang takbuhan kapag may mga problema ako. Ang mga negatibong pagbabago sa buhay ko noong panahong iyon ay hindi lamang dahil sa isang maling pagpili; nangyari ang mga ito nang unti-unti. Dalawang taon ang lumipas bago ko napagtanto na ang maliliit na pagpiling ginawa ko sa paglipas ng panahon ay naglagay sa akin sa isang sitwasyong ayaw kong kasadlakan.

Ngayon, hindi ko sinasabi na upang malaman ang katotohanan ng ebanghelyo, dapat mong maranasan ang kabaligtaran. Ang mga ginawa ko ay nagdulot ng pighati hindi lamang sa akin kundi pati na rin sa mga taong mahal ko—karamihan sa pighating iyon ay hindi kinakailangang maranasan. Nagpapasalamat ako na nagpakumbaba ako para mapagtanto na (1) ako ay kaaba-aba, at (2) napakasaya ko noong sinusunod ko ang mga kautusan ng Diyos. Iyon ay isang bagay na alam ko sa aking sarili, isang bagay na sigurado akong totoo at maibabahagi ko sa iba.

Pinuntahan ko ang aking bishop para maituwid ang aking pagkakamali, at nagkikita kami palagi para maihanda ako sa pagmimisyon. Halos tapos na ang missionary application ko nang maramdaman ko na dapat kong tiyakin kung naunawaan niya ang ilan sa mga ginawa kong pagpili. Ang pag-uusap na iyon ay hindi naging madali, bagama’t gusto kong magmisyon, gusto kong magsisi nang lubos. Handa akong managot sa pagkakamali ko at ipagtapat sa Kanya ang lahat para maging malinis ako.

Hindi nagtagal, humarap ako sa disciplinary council. Medyo natakot akong aminin kung ano ang ginawa ko sa harap ng mga tao na naging lider at guro ko nang maraming taon, ngunit nang ilibot ko ang aking mga mata sa silid, nakadama ako ng kapayapaan. Nakita ko na naroon sila upang unawain at tulungan ako. Sa pag-alis ko, ipinaramdam sa akin ng Espiritu na anuman ang maging desisyon, gagawin ko ang aking bahagi at magiging maayos ako. Tutulungan ako ng Diyos at ng mga lider na nagmamahal sa akin para mapunta ako kung saan ako nararapat mapunta. Umalis ako roon na dama ang pagmamahal ng Tagapaligtas at alam na tutubusin Niya ako.

Lugar para sa Pagkakamali

Sa kabila ng kapayapaang nadama ko, mahirap sagutin ang mga tanong ng mga tao kung bakit hindi ako natuloy magmisyon. Habang ipinagpapatuloy ko ang proseso ng pagsisisi sa tulong ng aking bishop, parang hindi ko na nakikita na magiging bahagi ng aking hinaharap ang pagmimisyon. Kinailangan kong pag-isipan kung paano ako magpapatuloy sa aking buhay. Sa edad na 21, dahil hindi ako kabilang sa grupo ng mga young adult na naghahandang magmisyon, tapos nang magmisyon, o may-asawa na, parang hindi ako nababagay kahit saan.

Nahirapan akong makipagdeyt. Kung minsan, nagiging iba ang tingin sa akin ng mga kadalagahan kapag sinasabi ko sa kanila na hindi ako nagmisyon at hindi ako naging aktibo sa Simbahan sa loob ng mahabang panahon. Sa anumang kadahilanan, karamihan sa mga nakadeyt ko ay hindi na nagpaunlak ng kasunod na deyt.

Masaya ako na kalaunan ay ikinasal ako sa templo, ngunit kung minsan ay nadarama ko pa rin na parang hindi ako nababagay kahit saan. May patotoo ako, pero hindi ko alam kung paano ko ito ibabahagi, at ang mga silid-aralan sa simbahan ay tila puno ng mga pagsusulit kung saan makikita ako ng mga kaklase ko na bumagsak. Naisip ko na dahil natamo ng karamihan sa kanila ang buhay na gusto ko, hindi sila gaanong nagkamali tulad ko.

Isang araw, kinausap ako ng bishop at tinatawag akong magturo sa elders quorum. Nagulat ako dahil dalawang beses lamang akong nakadalo sa elders quorum noong nakaraang taon. Sa kabila ng pangambang nadama ko, tinanggap ko ang pagtawag. Sa aking unang pagtuturo sa araw ng Linggo, nagsimula ako sa tila pinakakakaibang pagpapakilalang narinig nila:

“Kumusta, mga kapatid, ako si Richard Monson. Hindi ako nagmisyon at hindi ako naging aktibo sa Simbahan sa loob ng mahabang panahong. Hindi ako gaanong dumadalo sa elders quorum dahil hindi ko damang nababagay o nararapat ako rito. Hindi ko masasagot ang lahat ng inyong mga tanong, pero umaasa ako na makikibahagi kayo para magkakasama tayong matuto. Kung ayos lang sa inyo ang aking sitwasyon, magsimula na tayo.”

Napagtanto ko noong araw na iyon na kaya kong aminin sa iba—at sa aking sarili—na bagama’t hindi ko itinuturing ang aking sarili na isang “taong matwid” (isang taong nagmisyon, aktibo sa Simbahan buong buhay niya, at hindi nakagawa ng mabibigat na pagkakamali), pareho lang ang mga mithiin namin sa buhay, at iyon ang mahalaga. Laking gulat ko nang nalaman ko na hindi lang isa sa mga kalalakihang ito, na inakala kong perpekto ang mga buhay, ang nakagawa rin ng maraming pagkakamali. Sa palagay ko, pinagtibay nito sa aming lahat na hindi kailangang perpekto ka para makapag-ambag sa klase o sa buong Simbahan.

looking out into the light

Mahihirap na Panahon at Isang Desisyon

Sa kasamaang palad, hindi nagtagal ang pagiging aktibo ko sa Simbahan. Mahirap ang naging pagsasama naming mag-asawa, at bumalik ako sa dati kong masasamang bisyo para takasan ang sakit na nararamdaman ko. Naglibang ako sa halip na magsimba.

Paglipas ng tatlong taon, pakiramdam ko ay nasa pinakailalim na ako. Kinailangan kong pumili. Maaari ko bang ipamuhay ang ebanghelyo sa kabila ng mga nangyari sa buhay ko? O magpapadaig na lang ba ako sa mga tukso? Alam ko na ang pagtahak sa makipot at makitid na landas ay nangangahulugang kailangan kong alisin ang masasamang impluwensya sa aking buhay. Bukod pa roon, ang hangarin kong bumalik sa simbahan ay nagpakita na magkaiba ang gusto naming mag-asawa. Sa kalagayan ng aming pagsasama noong panahong iyon, papunta na kami sa hiwalayan.

Natakot ako. Walang garantiya na ang mga pagsisikap ko ay magbibigay sa akin ng mabubuting bagay na nais ko sa buhay na ito. Ngunit tumibay ang pasiya ko dahil sa natutuhan ko noon—na napakasaya ko noong ipinapamuhay ko ang ebanghelyo. Nagpasiya akong maging tapat nang lubusan at sumunod sa mga kautusan ng Diyos, anuman ang mangyari. Sa nalalabing panahon ng buhay ko, magtitiwala ako sa Kanya.

Muli akong bumalik sa simbahan at gumawa ng mabubuting pagpili. Isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko ay noong makatanggap ulit ako ng temple recommend. Nakadama ako ng kapanatagan sa loob ng templo habang ang pagsasama naming mag-asawa ay patuloy na hindi naging maganda at sa huli ay nagwakas rin.

Paghanap sa Pinagmumulan ng AkingPagpapahalaga sa Sarili

Kahit may pangamba ako sa desisyong sumunod ulit sa mga kautusan, sa pamamagitan ng karanasang iyon ay natutuhan kong pahalagahan ang impluwensya ng Diyos sa aking buhay. Bagama’t nagkamali ako, maaari pa rin akong magbago at gumawa ng tama. Hindi ako nakikipagkumpetensya sa sinuman. Noong umasa ako sa Tagapagligtas para sa aking pagpapahalaga sa sarili, hinayaan ko na kung ano ang tingin ng mga tao sa akin.

Panatag na akong nakakaupo nang mag-isa sa simbahan o sa gitna ng mga miyembro na nasa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay. Nagsikap akong huwag magtago at nakipag-usap ako sa mga miyembro ng aming ward. Nasiyahan ako sa pagdalo sa aking mga miting para sa mga layunin nito.

Ang pagkakaroon ng kapayapaang iyon ay nakatulong din sa akin na makipagdeyt ulit. Karamihan pa rin sa mga nakadeyt ko ay hindi na nagpaunlak ng kasunod na deyt, ngunit alam ko na ngayon na hindi ko kailangang ibaba ang aking mga pamantayan dahil lang nagkamali ako noon. Ipinamuhay ko ang ebanghelyo sa abot ng aking makakaya, at sapat na iyon para maideyt ko ang mga taong ginagawa rin ang lahat ng makakaya nila para maipamuhay ang ebanghelyo.

Sa huli ay nakatagpo ako ng isang karapat-dapat na anak ng Diyos na pinakasalan ko sa templo. Ibang-ibang ang naging buhay niya sa akin, ngunit pagdating sa pagmamahal sa Tagapagligtas at pag-unawa sa Kanyang Pagbabayad-sala, pareho kami ng nadarama.

Sa paglipas ng mga taon, natutuhan ko na hindi ko dapat hayaang madiktahan ng aking nakaraan o ng tingin ng ibang mga tao ang aking pagpapahalaga sa sarili. Iwinaksi ko na ang ideya na matagumpay lamang ang aking buhay kung perpekto ito. Hindi lahat ng tao ay natutuwa sa kinalalagyan ko ngayon dahil sa paraan kung paano ko ito narating, pero ayos lang iyon. Hindi ko mithiing kumbinsihin sila. Ang mithiin ko ay patuloy na magsisi at mas mapalapit sa Tagapagligtas. Dahil sa Kanya, tulad ni Nakababatang Alma pagkatapos ng kanyang pagsisisi, “hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan” (Alma 36:19). Nakakaramdam ako ng kapayapaan dahil alam ko na mas mahalaga kung saan ako papunta—patungo sa Tagapagligtas.