2020
Ginabayan ng Espiritu, Bago Ko Pa Man Ito Nalaman
Enero 2020


Ginabayan ng Espiritu, Bago Ko Pa Man Ito Nalaman

Napakaraming beses akong naakay ng Espiritu bago ko nalaman kung ano talaga ang paghahayag.

Noong 17 anyos ako, dumalo ako sa isang simbahang Protestante na natagpuan ko dalawang taon na ang nakararaan. Iyon ang unang lugar kung saan pormal akong natuto tungkol sa Diyos at kay Jesucristo. Sa panahon ding iyon, nasa biyahe ako sakay ng bus isang araw nang umupo sa tabi ko ang isang lalaki. Sinabi niya sa akin na kalalaya lang niya mula sa bilangguan at ikinuwento na pakiramdam niya ay hindi na siya makakapasok ulit sa anumang simbahan. Sa sandaling iyon, alam ko na isinugo ako ng Diyos doon para makilala ang lalaking iyon, at hinikayat ko siya, at sinabi ko na dapat siyang maghanap ng isang simbahan.

Habang nag-uusap kami, sinabi ko sa kanya na pinag-aaralan kong kumuha ng psychology. Pero pagkatapos ay ibinulalas ko na baka journalism ang kunin ko. Sabi niya, “Mukha ka talagang journalist—iyan ang kunin mo!” Kakaiba iyon sa akin dahil hindi ko naisip na maging journalist dati. Parang nagmula sa kawalan ang ideyang iyon.

Dalawang buwan pagkaraan, malapit na ang pagsusulit na magpapasok sa akin sa unibersidad para mag-aral ng psychology. Isang gabi natanto ko na hindi na ako sigurado sa desisyon ko. Nagulat ako dahil hindi ako interesadong mag-aral ng iba pang bagay. Pagkatapos ay naalala ko ang pag-uusap namin ng lalaking iyon sa bus. Wala akong alam tungkol sa mga paaralang may kursong journalism, pero nakita ko ang website ng isang paaralan sa estado namin. Nagkataon naman na huling araw na iyon para magparehistro. Hindi ako nagdalawang-isip, at sinamantala ko ang pagkakataon. At sa madaling salita: Katatapos ko lang ng kursong journalism.

Pagtuklas ng Katotohanan

Hindi ko iyon natanto noon, pero alam ko na ngayon na inakay ako ng Diyos sa pamamagitan ng personal na paghahayag sa pagpapasiya kung anong kurso ang kukunin ko. Pakiramdam ko lagi akong nabiyayaan ng kamalayan sa nais ng Diyos para sa akin—anong mga pagkakataon at sitwasyon ang itinatakda Niya sa buhay ko para ipakita sa akin ang landas na nais Niyang tahakin ko.

Apat na taon pagkaraan, natagpuan ko ang Simbahan at nabinyagan ako, sa patnubay rin ng Espiritu Santo. At kalaunan ay nalaman ko kung ano ang personal na paghahayag mula sa pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan. Isang araw bago ang binyag ko, binasa ko ang Aklat ni Mormon dahil hiniling iyon sa akin ng mga missionary. Bigla akong nagpasiyang magbasa nang maaga sa kung anong dahilan, sa 2 Nephi 31, kung saan inilarawan ni Nephi ang binyag ni Jesucristo. Kahit hindi pa ako nakapagdasal tungkol sa Aklat ni Mormon, pakiramdam ko parang sinikap ng Ama sa Langit na sabihin sa akin ang tungkol sa binyag. Natuon din ang pansin ko sa sumunod na kabanata, kung saan nabasa ko na maipapakita sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay na kailangan nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32). Malaki ang naging kabuluhan ng mga salitang iyon sa buhay ko.

Sa katunayan, ang isang bagay na napagtanto ko ay kung matatagpuan ko man ang aking sarili na nasa kadiliman, inaasahan ng Diyos na lumabas ako nang may bagong kaalaman mula roon. Nang malaman ko ang tungkol kay Joseph Smith, nakakita ako ng mga pagkakatulad sa aming dalawa. Natuto akong humingi ng mga sagot sa Diyos. Noong bata pa ako, kahit hindi ako nagsisimba, lagi akong nagdarasal, na nagbigay-inspirasyon sa akin na magsisi, magpasensya, at sikaping maging mabait at mapagmahal sa lahat.

Kahit paano alam ko na nakikinig ang Diyos sa akin. Nang unang beses ko magsimba sa edad na 15 at natuto ako tungkol sa Biblia, inalala ko ang napakaraming karanasan ko at nalaman ko na ang kaalamang natanggap ko mula sa pagdarasal ay nanggaling sa Diyos.

Pag-unawa sa Paghahayag

Sa 2 Nephi 32:5, itinuro ni Nephi, “Kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.” Isang bagay iyon na akala ko ay naunawaan ko na, hanggang sa, pagkatapos ng binyag ko, tinanong ako ng mga missionary kung alam ko kung ano ang paghahayag. Hindi ko pa alam ang tawag doon, pero sabi ko palagay ko ay pakiramdam iyon na maraming beses ko nang nadama, na parang kinakausap ako ng Diyos sa aking isipan, sinasagot ang aking mga tanong at iniisip. Sabi nila tama ako.

Nang may kaalaman tungkol sa paghahayag at sa kaloob na Espiritu Santo, nagkaroon ako ng bagong hangaring basahin ang Biblia. Nagsimula akong makakita roon ng maraming bagay na makabuluhan—natanto ko na iyon ay dahil ginabayan ako ng Espiritu. Gustung-gusto ko basahin ang mga sulat ni Pablo at makita ang kanyang halimbawa na maturuan ng Espiritu sa kanyang mga kilos at ang kanyang malaking tiwala sa Tagapagligtas. Iyon ang mga bagay na napagtanto ko sa aking karanasan sa ipinanumbalik na Simbahan.

Kaya sa huli, hindi mahalaga ang edad mo, kung saan ka nakatira, o kung gaano karami ang kaalaman mo tungkol sa mga bagay ng Diyos. Ang kailangan mo lang gawin ay sundin ang himnong: “Tutungo ako saanman, O Diyos, … , Susundin ang Inyong utos” (Mga Himno, blg. 171). Ipamuhay at ibahagi ang magagandang bagay na inilalagak ng Espiritu sa puso mo, dahil ipapakita sa iyo ng Espiritu ang landas para mapagpala ang iba at matanggap mo mismo ang mga pagpapala sa buhay na ito.