2020
Pagbalik sa Tamang Landas Pagkatapos ng Aking Di-Planadong Pagbubuntis
Enero 2020


Pagbalik sa Tamang Landas Pagkatapos ng Aking Di-Planadong Pagbubuntis

Nag-iisa ako at buntis. Pero natanto ko na gusto ko ng ibang buhay. Gusto kong mabuhay para kay Cristo, at gusto kong maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo.

Nagpasiya akong manatiling malapit sa bahay para sa kolehiyo. Nasabik akong maglaro ng sport na gustung-gusto ko sa sumunod na lebel habang batid na nanonood ang pamilya ko at sinusuportahan ako. Ako ay nagmula sa isang kahanga-hangang pamilya, at itinuro sa amin ng aking mga magulang ang mga pinahahalagahan at pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Pero bilang isang 20-taong-gulang na estudyanteng atleta na naglalaro ng football at may “buhay-kolehiyo,” tinalikuran ko ang mga alituntuning iyon na itinuro sa akin. Dumalo ako sa klase at naglaro ng football sa mga karaniwang araw at pagkatapos ay dumalo sa mga party tuwing Sabado’t Linggo, naniniwala na natagpuan ko na ang tunay na kaligayahan. Maling-mali ako! Pero iyan ang ginagawa ni Satanas—ginagawa niyang lubhang kaakit-akit ang mga maling bagay kaya makalipas ang ilang panahon ay mukhang tama na ang mga ito.

Naging magulo ang buhay ko noong ikatlong taon ko sa kolehiyo. Nagkamali ako ng mga pagpapasiya at nalaman kong buntis ako. Nagbago ang buong pananaw ko sa buhay. Hindi na iyon tungkol lamang sa akin, kundi tungkol sa sanggol na dinadala ko noon. Ang mga salita sa Alma 36:17–21 ay tuwirang nangusap sa aking kaluluwa dahil napakatindi ng kalumbayang mula sa Diyos at pag-uusig ng budhi na nadama ko sa aking mga pasiya, katulad ng nadama ni Alma.

Ang daan tungo sa pagsisisi ay maaaring mahirap at mabigat. Nahirapan akong aminin na mali ako at nakagawa ako ng pagkakamali. Ang pagharap sa mga mahal ko sa buhay at pagsasabi sa kanila na buntis ako ay isa sa pinaka-nakakatakot na sandali sa buhay ko. Kinausap ko rin ang bishop ko at kinailangan kong humarap sa disciplinary council, na nauwi sa medyo matagal na hindi ko pagtanggap ng sakramento. Gusto ko lang makalayo noon at magkunwaring hindi ito ang totoong buhay. Pero totoo iyon. Ito ang aking bagong katotohanan. Mahirap ang prosesong kinailangan kong pagdaanan anuman iyon.

Nanlumo ang pamilya ko sa aking mga pasiya, pero minahal din nila ako at ninais nila ang pinakamabuti para sa akin, tulad ng ating Ama sa Langit. Maraming beses kong tinanong ang sarili ko kung paano Niya ako mapapatawad matapos akong magkulang nang napakaraming beses. Ang sagot na natanggap ko sa tuwina ay, dahil mahal Niya ako at nais Niyang bumalik ako sa Kanya. Alam ko na nabigo ko ang aking mga magulang sa lupa, pero ang isipin kung gaano ko binigo ang aking Ama sa Langit ay lubhang nakakapanlumo.

Pakiramdam ko nag-iisa at nalilito pa rin ako sa unang dalawang buwan ng aking pagbubuntis, at hindi ko tiyak kung ano ang susunod kong gagawin. Nang magsimula akong magdasal nang mas taimtim sa Ama sa Langit para sa patnubay at tulong, nalaman ko na talagang hindi ako nag-iisa. Naroon Siya palagi at hinihintay lang Niya akong hanapin Siya. Nagkaroon ng malaking pagbabago ang puso ko. Ginusto kong magbagong-buhay. Ginusto kong mabuhay para kay Cristo. Ginusto kong maging marapat na muling tumanggap ng sakramento. Ginusto kong maging karapat-dapat na makasal sa templo balang-araw, isang bagay na akala ko’y napakaimposible nang mangyari dahil sa mga pagkakamali ko.

Noon ko nalaman ang tunay na kapangyarihan ni Jesucristo bilang aking Tagapagligtas. Nakita ko ang napakaraming magigiliw na awa ng Panginoon sa loob ng maikling siyam na buwang iyon. Nagkaroon ako ng higit na pananampalataya kaysa rati sa buhay ko. Iyon ang pananampalataya kay Jesucristo na nagtulot sa akin na piliing ipaampon ang aking mahal na sanggol na babae. Napakatindi ng sakit nang ipaampon ko ang aking anak na babae. Pero mas matindi ang kagalakang nadama ko sa pagtulong sa isa pang anak na babae ng Diyos na magkaroon ng walang-hanggang pamilya. Nagbago ako at naging mas mabuti mula sa karanasang iyon, at magiging gayon tayong lahat kung tunay tayong malulungkot at magsisisi—at hahayaan ang Panginoon na pagalingin tayong muli.

Araw-araw mula noon napagpala ako.

Alam ninyo, inampon din ako noong sanggol pa ako, at anim na buwan matapos kong ipaampon ang anak ko, nakita ko at muling nakasama ang aking sariling ina na nagsilang sa akin. Isang himala iyon. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nakilala ko ang mapapangasawa ko na kalaunan ay pinakasalan ko sa templo. Ngayo’y may apat pa akong magagandang anak.

Ang di-planadong pagbubuntis at pagpapaampon sa aking panganay ay binago ang buhay ko magpakailanman. Napakarami kong nalaman tungkol sa aking sarili at sa pagmamahal ng Diyos at ni Jesucristo sa akin at sa bawat isa sa atin. Sa pagdaan sa sama ng loob, pasakit, mga luha, di-nasambit na mga panalangin, at nasagot na mga dalangin, nakasumpong ako ng pag-asa, pagmamahal, pagpapatawad, awa, at biyaya. Nalaman ko na ang pagpapaampon ay tungkol sa pagmamahal. Natutuhan kong pahalagahan ang pagtanggap ng sakramento. Nalaman ko na hindi ako lubos na nawala—kinailangan ko lang bumalik sa tamang landas kung saan ako nalihis. Nang taimtim kong pagsisihan ang aking mga kasalanan at natutuhan kong magtiwala at manampalataya kay Cristo, ibinalik Niya ako sa Kanyang kawan at labis na pinagpala ang buhay ko. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay totoo, at ang Kanyang biyaya ay sapat para sa ating lahat (tingnan sa Eter 12:27).