PaanoInihanda ng Panginoon ang Mundo para sa anunumbalik
Sa di-mabilang na paraan, inihanda ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo upang pagpalain ang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, bansa, at ang buong sanlibutan.
Inihanda na ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo bago pa man nagpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith noong 1820. Sa katunayan, ang paghahanda ng Panginoon para maipanumbalik ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw ay nagsimula bago pa man nilikha ang mundo.
Sa paghahayag na natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) noong Oktubre 1918, na kilala bilang bahagi 138 ng Doktrina at mga Tipan, nalaman natin na ang mga naunang lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at “iba pang mga piling espiritu [ay] inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw” (Doktrina at mga Tipan 138:53; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nakita ni Pangulong Smith “na sila rin ay kasama sa mga maharlika at dakila na pinili sa simula” (Doktrina at mga Tipan 138:55). Idinagdag pa niya na “sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao” (Doktrina at mga Tipan 138:56; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kasunod ng paglikha ng mundo, ang mga sinaunang “propeta buhat pa nang una” ay nagsalita, kumanta, nanaginip, at nagpropesiya tungkol sa “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” sa hinaharap (Mga Gawa 3:21; tingnan din sa Lucas 1:67–75).
Partikular na sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77) tungkol sa unang propeta ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo, “Binantayan … ng Panginoon [si Joseph Smith], at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang kanyang mga ninuno mula kay Abraham, at mula kay Abraham hanggang sa baha, mula sa baha hanggang kay Enoc, at mula kay Enoc hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na yaon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. [Si Joseph Smith] ang inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa [huling dispensasyong] ito.”1
Sa pagdiriwang natin ng ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain sa taong ito, makabubuting alalahanin natin ang napakaraming kababaihan at kalalakihan sa mga nagdaang siglo na nabigyang-inspirasyon ng Panginoon habang inihahanda Niya ang mundo para sa Panunumbalik na nagsimula nang magpakita ang Ama at ang Anak sa batang si Joseph Smith, na humingi ng kapatawaran at patnubay noong 1820.
Kapag ginunita natin ang kasaysayan, matutuklasan natin na maraming pagbabagong nakaapekto sa mundo na naghanda sa mga tao para sa panunumbalik ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw.2
Ang Pagbabago sa Manuskrito
Isa sa pinakamahalagang paraan na inihanda ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo ay ang pagbabago sa manuskrito na nagsimula sa imbensyon at paggamit ng papirus at pergamino.3
Ang pergamino o parchment, na gawa sa balat ng hayop, ay ginamit noong sinaunang panahon at noong mga unang taon ng makabagong panahon para pagsulatan.4 Ang mga pinakaunang kilalang kopya ng Biblia ng Hebreo (Lumang Tipan) at mahahalagang kopya ng Biblia kalaunan ay nakasulat sa pergamino.5
Ang papirus o papyrus, na gawa sa ubod ng halamang papirus, ay isa pang materyal na ginamit noong sinaunang panahon para pagsulatan. Ang mga pinakaunang kopya ng mga aklat ng Bagong Tipan ay isinulat sa papirus.
Mas madali para sa mga tagasulat na gamitin ang mga materyal na ito, kumpara sa pagsusulat sa mga tapyas ng bato, para maitala ang mga salita ng Diyos na natanggap ng mga inspiradong propeta at apostol. Gamit ang mga materyal na ito sa pagsulat, maraming di-kilalang tagasulat ang masigasig na kumopya, nagsalin, at nag-ingat ng maraming kopya ng mga sagradong tala upang hindi kailanman maglaho ang alab ng pananampalataya.
Halimbawa, nalaman ko kamakailan na “mayroong mahigit isang daang manuskrito ng Ebanghelyo ayon kay Mateo na nakasulat sa wikang Griyego,” kasama ng iba pang mga manuskrito ng Biblia na isinulat sa pergamino noong Gitnang Kapanahunan.6
Ang Pagbabago sa Paglilimbag
Tulad ng madalas kong ituro, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang isa pang napakahalagang hakbang sa paghahanda sa mundo para sa Panunumbalik ng Kanyang nagliligtas na ebanghelyo nang iangkop ni Johannes Gutenberg, isang panday na Aleman, ang mga teknolohiya sa paglilimbag na unang ipinakilala sa Tsina para magawa ang palimbagan noong 1439 o 1440.7
Si Gutenberg ay naging kasangkapan ng Panginoon para magpalaganap ng kaalaman, pag-unawa, at pananampalataya sa mundo.8 Ang kanyang imbensyon ay nagpasimula ng pagbabago sa paglilimbag na malaki ang naging epekto sa mundo dahil sa mabilis na paglaganap ng mga ideya at impormasyon na naging “mga instrumento ng pagbabago.”9
Ayon sa mga iskolar, tinatayang mayroon lamang humigit-kumulang 30,000 aklat sa Europa noong panahong inilimbag ni Gutenberg ang Biblia sa kanyang palimbagan. Sa loob ng 50 taon matapos ang kanyang imbensyon, mayroon ng mahigit 12 milyong aklat sa Europa.
Ginamit ng Repormang Protestante ang imbensyon ni Gutenberg upang ipalaganap ang mga ideya nito at madala ang Biblia sa mga karaniwang tao sa mga paraang hindi inakala ng sinuman sa naunang henerasyon.
Ang Pagkatutong Bumasa at Sumulat at ang Pagsasalinng Biblia
Ang pagbabago sa paglilimbag ay lalo pang nag-ibayo sa pagdami ng mga taong natutong bumasa at sumulat at sa pagtindi ng hangarin ng mga karaniwang tao sa Europa na mabasa ang mga sagradong salita ng mga banal na kasulatan sa kanilang mga sariling wika.
Ang Latin na Biblia, na isinalin mula sa Griyego at Hebreo noong ikalimang siglo AD, ang naging opisyal na Biblia ng simbahang Katolika Romana sa loob ng 1,000 taon.10 Sa loob ng maraming siglo, natuto lamang ang mga taga-Europa tungkol sa Biblia sa pamamagitan ng mga sermon ng mga pari.
Ngunit sa ika-15 at ika-16 na siglo, ang mga relihiyosong repormador ay gumawa ng mga bagong salin ng Biblia sa mga karaniwang wika sa Europa, tulad ng Aleman, Italyano, Ingles, Espanyol, at Pranses. Ang mga pagsasaling ito ay karaniwang batay sa mga orihinal na teksto ng Hebreo at Griyego—hindi sa Latin na Biblia. Nakatulong ang mga ito sa libu-libong tao na mabasa ang mga kuwento at mga turo sa Biblia sa kanilang mga sariling wika.
Si Martin Luther, na isinilang noong 1483, ay isa sa mga nagpasimuno sa paglalathala ng Biblia sa wikang ginagamit noong kanyang panahon. Ang kanyang salin sa wikang Aleman ay nailathala noong 1534—isang napakahalagang taon sa kasaysayan ng Kristiyanismong kanluranin.11 Ang paniniwala ni Luther sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan ay nakatulong na palakasin ang Reporma. Isinulong ng iba pang mga repormador ang pag-aaral upang magkaroon ang lahat ng pagkakataon na mabasa mismo ang mga banal na kasulatan.
Nangamba ang ilang pinuno ng relihiyon na baka humantong ang malawakang pagbabasa ng Biblia sa maling pananampalataya, paghina ng awtoridad ng simbahan, at kaguluhan sa bansa. Tinugunan nila ito sa pamamagitan ng pagpapabilanggo, pagpapahirap, at maging pagpapapatay sa mga taong natuklasang nagsasalin ng Biblia sa karaniwang wika ng panahong iyon o nagmamay-ari ng mga banal na kasulatan na isinalin sa karaniwang wika.
Si William Tyndale, na isinilang noong mga 1494, ay nagsimula sa kanyang gawain noong isinasalin ni Martin Luther ang Biblia sa wikang Aleman.12 Kahit noong bata pa, naisip na ni Tyndale na gumawa ng isang bago at mas mahusay na bersyon ng Biblia sa wikang Ingles batay sa mga orihinal na wika ng Hebreo at Griyego.
Noong mga 1523, humingi siya ng tulong at suporta mula sa Katolikong obispo ng London upang magawa ang bersyong iyon ngunit tinanggihan siya nito. Dahil ipinagbawal ng kapulungan ng Oxford ang pagsasalin ng Biblia noong 1408, kinailangan ni Tyndale ng opisyal na pahintulot para maipagpatuloy ang pagsasalin nang walang hadlang.
Determinadong isalin ang Biblia sa wikang Ingles, palihim na sinimulan ni Tyndale ang kanyang gawain at natapos niya ang pagsasalin ng Bagong Tipan noong 1525. Ang salin ni Tyndale ay inilimbag sa Cologne, Germany at ipinuslit sa England, kung saan ito ipinagbili noong mga unang buwan ng 1526.
Sa huli, si Tyndale, gaya ng iba pang mga kalalakihan at kababaihan na ipinapatay dahil sa pagnanais nilang mabasa ng mga karaniwang tao ang mga banal na kasulatan sa kanilang mga sariling wika, ay ibinigti sa tulos noong mga unang araw ng Oktubre 1536.13 Gayunpaman, nanatili ang kanyang salin sa wikang Ingles dahil ang kanyang mga salita at parirala at ang ilang bahagi ng kanyang salin ay isinama sa King James Version.14
Ang King James Version, na inilathala noong 1611, ay opisyal na ginamit ng Simbahan ng Inglatera at kalaunan ay nakaimpluwensya sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ilang mahahalagang paraan.15 Ito ang pinakagamit na Ingles na Biblia nang isilang si Joseph Smith noong 1805. Noong panahong iyon, halos lahat ng pamilya, pati na ang pamilya nina Joseph at Lucy Mack Smith, ay mayroong Biblia at binabasa ito palagi. Sa katunayan, maraming tao ang natutong magbasa sa pamamagitan ng pakikinig habang binabasa ito sa tahanan at personal na pag-aaral.
Ang mga Pagbabago sa Pulitika at Komunikasyon
Ang mga naganap na pagbabago sa paglilimbag at pagsasalin at ang pagkatutong bumasa at sumulat ay nagbigay-daan para sa mga pagbabago sa pulitika at teknolohiya na lumaganap sa iba’t ibang dako ng Europa at Amerika sa pagitan ng ika-17 at ika-19 na siglo. Ang pagbabago sa pulitika sa Europa at Amerika ay nagbigay sa mga tao ng higit na kalayaang pumili ng kanilang relihiyon. Ang kalayaang pangrelihiyon ay isa sa mga naging bunga ng mga pagbabago sa pulitika na naganap noong panahong ito.
Sinimulan din ng Panginoon na “[ibuhos] ang [Kanyang] Espiritu sa lahat ng laman” (tingnan sa Joel 2:28; Joseph Smith—Kasaysayan 1:41), pati na sa mga taong handang umisip ng mga bagong teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon na magsusulong sa Kanyang Panunumbalik sa mga kamangha-manghang paraan.
Nang ibangon ng Panginoon ang Kanyang Propeta, binigyang-inspirasyon Niya ang mga kalalakihan at kababaihan na mag-imbento ng mga teknolohiya, tulad ng mga daanan, telegrapo, riles ng tren, at mga makinang pinaandar ng singaw, upang maipalaganap ang ebanghelyo sa buong mundo.
Sa di-mabilang na iba pang mga paraan, inihanda ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo upang pagpalain ang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, bansa, at ang buong sanlibutan.
Paggabay sa Pamilya Smith
Habang pinag-iisipan natin kung paano inihanda ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik, dapat nating tandaan na ginawa Niya ang karamihan sa mga ito sa pamamagitan ng buhay ng mga indibiduwal—mga ordinaryong kalalakihan at kababaihan na nakagawa ng mga pambihirang bagay sa ilang pagkakataon.
Naging handa ang mga indibiduwal at pamilya sa mga bansa sa iba’t ibang dako ng mundo na tanggapin ang mensahe ng Panunumbalik. Kabilang dito ang mga magulang ng Propeta na sina Joseph at Lucy Mack Smith, dalawang tao na napaka-espirituwal at lumaki sa isang kultura na nagturo sa kanila na mahalin si Jesucristo at pag-aralan ang Biblia.
Sa loob ng maraming taon, nakaranas sina Joseph at Lucy ng maraming problema sa pinansyal, kalusugan, at iba pa sa New England na matatagpuan sa hilagang silangang bahagi ng Estados Unidos. Noong 1816, nang masira ang kanilang mga pananim dahil sa pagbabago ng klima sa buong mundo dulot ng pagputok ng Bulkang Tambora sa Indonesia, wala nang nagawa sina Joseph at Lucy kundi lisanin ang New England at magpasiyang lumayo sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at komunidad.
Tulad sa nakasaad sa tomo 1 ng bagong aklat tungkol sa kasaysayan ng Simbahan: “Mahal ni Joseph Sr. ang kanyang asawa at mga anak, ngunit hindi niya nagawang bigyan sila ng katatagan sa buhay. Ang kamalasan at hindi naging matagumpay na pamumuhunan ang naging dahilan kaya nanatiling maralita at walang permanenteng tirahan ang pamilya. Marahil ay iba ang magiging kapalaran nila sa New York.”16
Sa maraming paraan, ang pagkabigo ng pamilya Smith sa New England ay nagtulak sa kanila sa kanlurang New York, kung saan ang kaguluhan tungkol sa relihiyon ay lalong tumindi at naghikayat kay Joseph Smith Jr. na humingi sa Panginoon ng kapatawaran at patnubay. Doon din nakalagak at nakatago ang mga laminang ginto, naghihintay na mahanap, maisalin, at mailathala niya ang mga ito.
Pagkilala sa Kapangyarihan ng Panginoon sa Ating Buhay
Tulad ng ginawa ng Panginoon sa pagkabigo ng pamilya Smith, magagawa Niya rin tayong palakasin, turuan ng mga bagong aral, at ihanda sa pamamagitan ng mga pagkabigo at problema para sa hinaharap na higit pa sa inaasahan natin.
Habang pinag-iisipan natin kung paano naipakita ang kapangyarihan ng Panginoon sa buhay ng pamilya Smith, kailangang matanto natin na nakikita rin ang Kanyang kapangyarihan sa buhay ng bawat isa sa atin. Upang makita ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay, kinakailangang madali tayong makahiwatig sa mga bagay na espirituwal at, sa maraming pagkakataon, kinakailangan din ng panahon at pag-unawa. Sa kabutihang-palad, maaari tayong matulungan ng mga patriarchal blessing, personal journal, at personal na kasaysayan ng buhay na makita ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay.
Sa paghahayag na ibinigay noong 1831, nagbabala ang Panginoon sa buong sanlibutan, “At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 59:21).
Ang kahandaan nating sundin ang mga kautusan ng Panginoong Jesucristo, lalo na ang dalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos at ang ating kapwa gaya ng ating sarili, ay madaragdagan kapag hinanap at kinilala natin ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay at sa paghahanda sa mundo para sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Ito ay “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” (2 Nephi 25:17).
Inihahanda na ngayon ng Panginoon ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito, tulad ng paghahanda Niya noon sa mundo para sa Panunumbalik ng Kanyang walang-hanggang ebanghelyo. Muli, nakikita ang Kanyang kapangyarihan hindi lamang sa mga pangyayari na bumabago sa kasaysayan kundi maging sa buhay din ng mga indibiduwal.
Nang pumunta si Joseph Smith sa kakahuyan na tinatawag natin ngayon na sagrado, naghangad siya ng kapatawaran at patnubay sa kanyang buhay.17 Kung tutuusin, sinunod niya ang paanyaya ng Panginoon na nakatala sa Ebanghelyo ayon kay Mateo:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).
Pinatototohanan ko na sa simula pa lamang, inihanda na ng kapangyarihan ng Panginoon ang mundo para sa Panunumbalik ng “tunay, dalisay, at simpleng ebanghelyo” ni Jesucristo, ang “nagliligtas na mga doktrina ni Cristo” na maaaring matamasa ng lahat ng anak ng Diyos.18 Pinatototohanan ko rin na makikita ang kapangyarihan ng Panginoon sa buhay ng bawat isa sa atin na nag-aanyaya sa atin na sundin Siya, paglingkuran ang iba, at mahalin Siya habang inihahanda Niya ang mundo para sa Kanyang maluwalhating Ikalawang Pagparito.