4 na Katotohanang Natutuhan Ko sa Pag-aaral tungkol kay Joseph Smith Bilang Church Historian
Hindi kailangang matakot ang mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan. Sa katunayan, dapat ninyong pag-aralan ito.
Noong bata pa ako, gustung-gusto kong makinig sa mga kuwento ng nanay ko sa akin tungkol kay Joseph Smith at sa kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Lumaki ako sa kanlurang Oregon, USA, isang lugar na napalilibutan ng mga taniman ng mani at agrikultura. Habang nakaririnig ng mahihinang huni ng mga kuliglig sa paligid, nagtitipon ang aming pamilya sa aming balkon sa likod kapag tag-init at nakikinig sa mga kuwento ng nanay ko tungkol dito.
Siguro dahil napakabata ko pa rin noon, ngunit talagang gusto kong malaman lalo na ang mga kuwento tungkol sa kabataan ni Propetang Joseph Smith, tulad noong naoperahan siya sa binti para alisin ang impeksyon sa buto noong siya ay pitong taong gulang lamang. O nang lumipat ang pamilyang Smith sa New York noong gumagamit pa ng saklay ang batang si Joseph pagkaraan ng tatlong taon. Marami akong natutuhan tungkol kay Joseph Smith kaya mas alam ko ang mga pangyayari sa kasaysayan kaysa sa mga naging Sunday School at Primary teacher ko!
Pag-unawa sa mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Kasaysayan
Habang patuloy akong nag-aaral, sinimulan kong seryosong pag-aralan ang kasaysayan ng Amerika at ng Simbahan. Marami akong natutuhan tungkol sa kultura kung saan nanirahan si Joseph Smith at sa konteksto kung saan itinatag ang Simbahan. Pinaganda ng impormasyong ito ang kahulugan ng mga kuwentong natutuhan ko noong bata pa ako. Natulungan ako ng aking pag-aaral na malaman na ang pag-aaral ng kasaysayan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay maaaring humantong sa mas malalim na pag-unawa sa mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Nalaman ko na dapat tanggapin ang prosesong ito sa halip na katakutan.
Noong Hulyo 2018, nailakip ko ang hilig ko sa kasaysayan ng Simbahan sa historical training ko nang sumali ako sa Joseph Smith Papers Project sa Church History Department bilang volume editor. Sa aking trabaho, sinusuri ko kung totoo ang mga transcript ng mga dokumento ng kasaysayan at binibigyan ng impormasyon ang mga mambabasa para mas maunawaan nila ang teksto.
Sa madaling salita: trabaho kong pag-isipan ang buhay ni Joseph Smith araw-araw.
Pag-aaral ng Kasaysayan nang may Mata ng Pananampalataya
Ang Joseph Smith na pinaka-pamilyar sa akin bilang historian ay isang Amerikano na kakaiba at mahirap makilala na naghangad na lumikha ng isang komunidad ng Sion sa dating kanlurang hangganan ng Estados Unidos. May ilang aspeto sa buhay ni Joseph Smith na di-gaanong alam ng mga historian dahil wala siyang itinala tungkol sa kanyang mga karanasan o diskurso.
Ngunit anuman ang alam natin o hindi natin alam, kailangan ang pananampalataya sa pagsusuri at pag-aaral ng kasaysayan bilang isang Banal sa mga Huling Araw. Ang paniniwala sa Diyos at sa alituntunin ng patuloy na paghahayag—na hindi titigil ang Diyos na mangusap at pumatnubay sa Kanyang mga anak—ay nananatiling batayan ng aking pananampalataya at nagpapatatag sa akin sa ebanghelyong mahal na mahal ko.
Ang malalim at araw-araw na mga karanasan ko sa pag-aaral ng buhay ni Joseph Smith at ng kasaysayan ng Simbahan sa pangkalahatan ay nagturo sa akin ng ilang bagay:
-
Si Propetang Joseph Smith ay tinawag ng Diyos. Tunay na siya ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa lupa. At responsibilidad natin na panatilihin at ipagpatuloy ang Panunumbalik na iyon.
-
Ginagamit ng Diyos ang mga taong hindi perpekto—tulad ni Joseph Smith—upang maisakatuparan ang dakilang gawain. Bawat isa sa atin ay magkakamali, at, sa totoo lang, hindi tayo nag-iisa; pati mga propeta ay ginagamit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para magsisi, tulad ng ginagawa natin.
-
Alam ng ating Ama sa Langit ang nangyayari sa bawat isa sa atin—pati na ang mga paghihirap at tanong natin. Itinuturo sa atin ng doktrinang ipinanumbalik ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith na bawat taong isinilang ay may malaking kahalagahan at walang-hanggang potensyal na maging katulad ng kanilang mga Magulang sa Langit.
-
Ang personal na pag-unlad at paghahayag ay maaaring mangyari habang tayo ay nabubuhay. Malamang na mas naunawaan ni Joseph Smith ang kanyang Unang Pangitain habang tumatanda siya dahil sa mga paghahayag na natanggap niya sa nalalabing mga araw ng kanyang buhay. Gayon din, matitingnan natin ang mga karanasan natin sa buhay batid na maaari tayong patuloy na humingi ng paghahayag habang tumatatag tayo sa katotohanang natutuhan natin.
Bilang mga young adult, maaaring tila nakakatakot kung minsan ang paghahanap ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, ngunit isa itong proseso na makabuluhang gawin. Lalakas ang inyong pananampalataya habang nalalaman ninyo ang mga kuwento ng mga taong nakatulong sa paglago ng Simbahan sa buong mundo. Alam kong lumakas ang pananampalataya ko.