Ang Unang Pangitain: Isang Huwaran para sa Personal na Paghahayag
Itinuro ni Propetang Joseph Smith mula sa kanyang karanasan sa Sagradong Kakahuyan kung paano tayo makakatanggap ng personal na paghahayag bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.
Ang ika-200 anibersaryo ng tinatawag nating “Unang Pangitain ni Joseph Smith” ay isang magandang pagkakataon para mas mapalakas natin ang ating pananampalataya sa kanyang misyon bilang propeta at matuto tayo mula sa kanyang halimbawa kung paano madaragdagan ang ating sariling kakayahang makatanggap ng personal na paghahayag mula sa Diyos.
Nang lumabas ang 14 na taong gulang na si Joseph Smith mula sa isang kakahuyan sa Palmyra, New York, USA, nalaman niya mismo sa kanyang sarili na nakikipag-ugnayan ang Diyos sa Kanyang mga anak sa buhay na ito. Naniwala siya sa mga salitang nabasa niya sa kanyang Biblia:
“Nguni’t kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.
“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila” (Santiago 1:5–6).
Kumilos si Joseph Smith nang walang takot ayon sa pangakong iyon, at magagawa rin natin iyon. Ito ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa ating pagkakataon: “Kung may anumang naituro ang kagila-gilalas na karanasan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, ito ay ang katotohanang bukas ang kalangitan at ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga anak.”1
Tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako na makikipag-usap Siya sa Kanyang mga anak sa buhay na ito kung hihilingin nila at magiging karapat-dapat sila na tumanggap ng pakikipag-ugnayang iyon. Itinuro ni Propetang Joseph Smith mula sa kanyang karanasan sa Unang Pangitain, at mula sa maraming paghahayag na dumating sa kanya sa pamamagitan ng Panunumbalik, kung paano tayo makakatanggap ng personal na paghahayag bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.
“Kapag handa na tayong lumapit sa Kanya,” turo ni Joseph, “Handa Siyang lumapit sa atin.”2
Bukas ang Kalangitan
Ang hamon sa atin ay kumilos upang matanggap natin ang mga mensahe ng katotohanan na handang ibigay sa atin ng Ama sa Langit bilang paghahayag at alamin kung anong paghahayag ang ibinigay na Niya. Ang karanasan ni Joseph Smith ay isang halimbawa niyon. Malamang tulad natin, ilang beses na niyang nabasa ang aklat ni Santiago at ang iba pang mga aklat ng Biblia. Ngunit isang araw, dahil sa impluwensiya ng Espiritu Santo, natukoy niya ang mensaheng nag-udyok sa kanya na pumunta sa Sagradong Kakahuyan. Narito ang kanyang salaysay kung paano niya natuklasan ang mensahe mula sa Diyos na ibinigay noon pa man:
“Habang ako ay naghihirap sa ilalim ng masisidhing suliranin sanhi ng pagtutunggalian ng mga pangkat na ito ng mga relihiyoso, isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang: Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.
“Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon; na kung paano kikilos ay hindi ko alam, at maliban na kung makakukuha ako ng higit na karunungan kaysa sa aking taglay na, hindi ko kailanman malalaman; sapagkat ang mga guro ng iba’t ibang sekta ng relihiyon ay magkakaiba ang pagkaunawa sa iisang sipi ng banal na kasulatan na nakawawasak ng lahat ng tiwala sa paglutas ng katanungan sa pamamagitan ng pagsasangguni sa Biblia” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12).
Ang karanasan ni Joseph Smith ay isang huwaran na magagamit natin para matukoy ang mga mensahe ng Diyos para sa atin. Bakit nakapukaw ang isang sipi ng banal na kasulatan nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng kanyang puso? At bakit paulit-ulit niya itong pinagmuni-muni?
Maaaring maraming dahilan kung bakit ganoon kalakas ang naging epekto ng pakikipag-usap ng Diyos sa batang si Joseph, ngunit ang pangunahing dahilan ay handa na ang kanyang puso.
Ang Isang Bagbag na Puso ay Isang Nakahandang Puso
May dalawang dahilan kung bakit may bagbag na puso si Joseph. Nais niyang mapatawad ang kanyang mga kasalanan at kahinaan, na alam niyang maaari lamang mangyari sa pamamagitan ni Jesucristo. At talagang nais niyang malaman kung alin sa mga nagtatalong simbahan ang tama at alin ang dapat niyang sapian.
Inihanda si Joseph na taglay ang pananampalatayang si Jesus ang Cristo, ang kanyang Tagapagligtas. Taglay ang pananampalatayang iyon at isang mapagpakumbabang puso, naging handa siya. Sinabi niya ang kanyang nadama sa oras na iyon, “Ako ay nagmakaawa sa Panginoon, sapagkat wala na akong ibang malalapitan na maaawa sa akin.”3
Naging handa siya, na magagawa rin natin, para matamo ang pangako ni Santiago. Dahil sa mga paghahayag na dumating, nabago ng Panginoon ang buhay ni Joseph at napagpala ang buhay ng lahat ng anak ng Ama sa Langit, at ng kanilang mga pamilya, na isinilang o isisilang sa mundo.
Isang makalangit na biyaya para sa inyo at sa akin na matututuhan mula sa halimbawa ni Joseph ang kung paano tumanggap ng liwanag at kaalaman mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Joseph, makakapagdala tayo ng walang hanggang kagalakan sa mga mahal natin at makakapaglingkod tayo sa Panginoon. At pagkatapos, maaaring maibahagi ng kanilang halimbawa ang biyaya ng personal na paghahayag at magpapatuloy ito tulad ng isang tanikalang ang dulo ay hindi natin nakikita ngunit nakikita ng Ama sa Langit.
Paghahanda sa Ating Sarili para Makatanggap ng Paghahayag
Ang huwaran ni Joseph ng pagtanggap ng personal na paghahayag ay simple at madaling tularan, ngunit hindi ito nangangahulugang may partikular na mga hakbang at pagkakasunud-sunod lamang na maaaring sundin. Kayo ay natatanging anak ng Diyos, kaya magkakaiba ang kakayahan ninyo na matuto at magkakaiba ang paraan ninyo sa pag-alam ng katotohanan. Subalit mula sa halimbawa ni Joseph, makikita ninyo kung gaano kahalaga ang iilang paghahayag ng liwanag at katotohanan sa paghahanda para patuloy na makatanggap ng personal na paghahayag. Alam ng Panginoon ang katotohanang iyon nang ibigay niya ang mga panalangin sa sakramento sa bawat isa sa atin bilang huwaran para sa paghahanda na makatanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Maaaring iba para sa inyo, ngunit kapag naririnig ko ang mga salitang “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan” (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79), nakadarama ako ng magiliw na pagmamahal. Ipinapaalala sa akin ng mga salita ng mga panalangin sa sakramento kung ano ang naramdaman ko nang lumabas ako sa bautismuhan sa Philadelphia, Pennsylvania, USA, noong ako ay walong taong gulang. Nalaman ko noon na si Jesus ang aking Tagapagligtas, at nadama ko ang kagalakang dulot ng pagiging malinis. Kung minsa’y naaalala ko ang ipinintang larawan Niya na nakapako sa krus at lumalabas sa Kanyang libingan. Kadalasan, ang nararamdaman ko ay pasasalamat at pagmamahal para sa Kanya.
Kapag naririnig ko ang mga salitang dapat kong patunayan ang aking pagpayag na “lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan,” nadarama ko nang may pagpapakumbaba na kailangan ko ng pagsisisi at kapatawaran. Pagkatapos, kapag naririnig ko ang pangako na mapapasaakin ang Kanyang Espiritu upang makasama ko (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77), nadarama ko na totoo ito. At sa tuwina, gumagaan ang pakiramdam ko, nakadarama ako ng kapayapaan, at nagkakaroon ako ng kumpiyansa na makakarinig ako ng mga inihayag na mensahe mula sa Diyos.
Hindi pa naririnig ng labing-apat na taong gulang na si Joseph Smith ang mga panalangin sa sakramento noong inihahanda siya para sa pagtanggap ng mga personal na paghahayag na dumating sa Sagradong Kakahuyan at sa buong buhay niya. Ngunit sinunod niya ang isang huwaran na maaari rin nating sundin upang maging karapat-dapat para sa patuloy na pagtanggap ng personal na paghahayag:
-
Pinag-aralan niya ang mga salita ng Diyos na inihayag sa mga banal na kasulatan.
-
Pinagnilayan ang nabasa at nadama niya.
-
Paulit-ulit at masinsinan niyang binasa ang mga banal na kasulatan.
-
Dahil sa pananampalatayang natamo niya sa pag-aaral at pagninilay, nagpasiya siyang manalangin.
-
Nang dumating ang paghahayag, nakatanggap siya ng katotohanan at liwanag, ipinamuhay niya ang katotohanang ibinigay sa kanya, at naghanap pa siya ng karagdagang katotohanan.
-
Binasa niya ulit ang mga banal na kasulatan at nakatanggap siya ng karagdagang paghahayag mula sa Diyos, na isinulat niya.
-
Patuloy siyang nanalangin at sumunod, kaya nakatanggap siya ng karagdagang liwanag at mga tagubilin.
Inilarawan ni Pangulong Nelson ang magandang pagkakataon na dumarating kapag sinusunod natin ang halimbawa ni Joseph Smith: “Sa gayon ding paraan, ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.”4
Sinasalungat ni Satanas ang Paghahayag
Sa pagsunod ninyo sa halimbawa ni Joseph Smith, mapag-aaralan ninyo nang mabuti ang ipinakita niyang halimbawa ng katapangan at katatagan. Maaaring hindi ninyo maranasan ang pagsalungat na naranasan niya sa Sagradong Kakahuyan kapag nanalangin kayo, ngunit makakatulong na alalahanin ninyo ito. Inilarawan ni Joseph ang pagsalungat na iyon sa ganitong paraan:
“Matapos na magtungo ako sa lugar na kung saan ko binalak magtungo, matapos kong tingnan ang aking paligid, at nang matiyak kong ako’y nag-iisa, ako’y lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. Bahagya ko pa lamang nagagawa ito, nang daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig, at may kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita. Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak.
“Subalit, sa paggamit ng lahat ng aking lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas ako sa kapangyarihan ng kaaway na ito na sumunggab sa akin, at sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipaubaya ang aking sarili sa pagkawasak—hindi sa isang likhang-isip na pagkawasak, kundi sa kapangyarihan ng isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig, na may kagila-gilalas na lakas na kailanman ay hindi ko pa naramdaman sa anumang nilikha—sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–16).
Dumating ang matinding pagsalungat, na nagpatuloy sa buong buhay ni Joseph, dahil gustong pigilan ni Lucifer ang paghahayag na humantong sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ganoon katinding pagsalungat ang mararanasan ninyo sa pananalangin na makatanggap ng paghahayag mula sa Diyos, ngunit kailangan ninyong tularan ang ipinakitang halimbawa ni Joseph ng katapangan at katatagan.
Malamang na gagamit si Satanas ng mas tusong paraan upang salungatin ang inyong mga pagsisikap na makatanggap ng personal na paghahayag at alalahanin ito. Isang paraan ay ang pagtatangka niyang padalhan kayo ng mga kasinungalingan, ang paraan niya ng huwad na paghahayag. Susubukan niyang padalhan kayo ng mga mensaheng naglalayon na paniwalain kayo na walang Diyos, walang nabuhay na mag-uling Jesucristo, walang mga buhay na propeta o paghahayag, na si Joseph Smith ay nalinlang, at na ang inyong mga nararamdaman at ang mga bulong ng Espiritu Santo ay kahibangan ng “isang isipang matinding nababalisa” (Alma 30:16).
Aatakihin niya kayo ng mga kasinungalingang iyon, tulad ng pag-atake niya kay Joseph Smith, sa sandaling magsisimula kayong manalangin at muli pagkatapos ninyong makatanggap ng paghahayag. Nakahanap ako ng dalawang paraan upang makatakas sa mga pag-atakeng iyon.
Una, huwag ipagpaliban ang impresyon na manalangin. Huwag hayaang panghinaan kayo ng loob dahil sa mga pag-aalinlangan. Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na ang taong naghihintay na magkaroon ng pagnanais na manalangin ay mas malamang na hindi manalangin.5
Pangalawa, isulat kaagad ang mga mensaheng natanggap ninyo mula sa Diyos. Natutuhan ko na ang espirituwal na impresyon na malinaw sa isang minuto ay maaaring lumabo o mawala pagkaraan ng ilang minuto. Kahit sa kalagitnaan ng gabi, natutuhan ko na bumangon at magsulat ng mga impresyon. Kung hindi ay baka mawala ang mga ito.
Sa bagay na ito, nagbigay si Joseph ng isa pang aral para sa atin. Ilang beses niyang isinulat ang karanasan niya tungkol sa kanyang Unang Pangitain, at inilarawan niya ito sa maraming tao sa paglipas ng mga taon. Tulad ng iba pang mga propeta, natutuhan ni Propetang Joseph ang kahalagahan, at hirap, ng paglalarawan ng inihayag na katotohanan sa pamamagitan ng mga salita.
Pinagpapala ng Paghahayag ang Ating mga Inapo
Tulad ni Joseph Smith, mapagpapala natin ang ating mga anak at ang mga anak ng ating mga anak sa pamamagitan ng mga salita ng paghahayag na natatanggap natin mula sa Diyos. Dahil tayo ay may mga indibiduwal na pangangailangan, marahil ilan lamang sa mga paghahayag na natatanggap natin para sa ating sarili ang aakma sa mga taong pananagutan natin sa Diyos. Ngunit ang mga nakasulat na katibayan na nangusap ang Diyos sa atin ay maaaring maging pagpapala sa kanila tulad ng gayon ding pagpapala na ibinigay sa atin ni Propetang Joseph.
Ipinapakita sa atin ng Unang Pangitain na bukas ang kalangitan. Dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Inihahayag Niya ang Kanyang Sarili at ang Kanyang Anak sa atin. Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa puso ng mga taong handang marinig at madama ang marahan at banayad na tinig. Maaari nating ibahagi ang mga aral at mensaheng iyon sa mga mahal natin at sa mga susunod na salinlahi.
Salamat sa ating mapagkawanggawang Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin, dumirinig sa ating mga panalangin, at nagsabi ng ganito tungkol sa Tagapagligtas sa ating panahon, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Salamat sa Panginoong Jesucristo, na ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At salamat sa Espiritu Santo, na nagnanais na makasama tayo sa tuwina.
Pinatototohanan ko na ang sagot ay “Oo” sa panalangin ng isang musmos:
Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan?
Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?6
Dalangin ko na tanggapin natin, tulad ng ginawa ni Propetang Joseph Smith at tulad ng ginagawa ng ating buhay na propeta ngayon, ang paanyaya ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, ng ating Tagapagligtas, at ng Espiritu Santo na tanggapin ang liwanag at katotohanan ng personal na paghahayag sa bawat araw ng ating buhay.