Ministering sa Pamamagitan ng Family History
Ang pagtulong sa ibang tao na magawa ang kanilang family history ay isang mabisang paraan para makapag-minister. Kapag iniugnay mo ang iba sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng mga kuwento at mga detalye tungkol sa pamilya, matutulungan mo silang magkaroon ng matinding kaligayahan at mas matibay na ugnayan sa kanilang mga pamilya na higit pa sa inakala nilang matatamo nila (tingnan sa Malakias 4:5-6).
Sila man ay matagal nang miyembro ng Simbahan o hindi pa kailanman nakarinig ng tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, inaasam ng lahat ng anak ng Diyos na malaman ang kanilang pinagmulan.
Kadalasan, hindi kailangan ng mahabang oras para mag-iwan ng matindi at pangmatagalang impresyon, tulad ng ipinakita sa mga sumusunod na kuwento.
Nahanap ang Pamilya sa Taas na 30,000 Talampakan
Kamakailan habang pauwi sakay ng eroplano, nakatabi ko sa upuan si Steve, na nagkuwento sa akin ng ilang personal na pangyayari sa kanyang buhay. Nagtapos siya ng hayskul, pumasok sa U.S. Army bilang isang espesyalista sa komunikasyon noong 18 taong gulang siya, at hindi nagtagal ay nagsimulang magtrabaho sa White House at magbigay ng suportang pangkomunikasyon sa Pangulo ng Estados Unidos. Mula sa edad na 18 hanggang 26, nakapaglingkod na siya sa dalawang Pangulo ng Estados Unidos. Nakakamangha ang mga kuwento niya!
“Steve,” sabi ko, “kailangan mong isulat ang mga kuwentong ito para sa iyong mga inapo! Kailangan nilang malaman ang mga kuwentong ito mula mismo sa iyo.” Sumang-ayon siya.
Pagkatapos ay ipinadama sa akin ng Espiritu na tanungin siya kung ano ang alam niya tungkol sa kanyang mga ninuno. Maraming alam si Steve tungkol sa mga kamag-anak ng kanyang ina, isa na rito ang kuwento tungkol sa paghahapunan ng kanilang pamilya kasama si Abraham Lincoln habang nangangampanya ito sa kanayunan para sa halalang pampanguluhan sa Estados Unidos noong 1860.
Pero kakaunti lang ang alam niya tungkol sa mga kamag-anak ng kanyang ama. Gusto niyang malaman ang iba pa. Kinuha ko ang aking telepono at binuksan ko ang FamilySearch app. “Steve, mahahanap natin ang pamilya mo ngayon mismo!”
Kumonekta ako sa in-flight Wi-Fi. Inilapag ko ang aking telepono sa mesa sa harapan ko para pareho naming makita. Hinanap namin ang FamilyTree. Matapos ang ilang minuto, nakatitig na kami sa sertipiko ng kasal ng kanyang lolo-sa-tuhod at lola-sa-tuhod.
“Sila iyan!” sabi niya. “Naaalala ko na ngayon ang apelyido niya!”
Pareho kaming nakaramdam ng labis na tuwa. Gumawa kami ng mga profile para sa mga ninuno niyang hindi gaanong kilala sa loob ng sumunod na 45 minuto. Hiniling niya sa akin na ipangako ko sa kanya na patuloy kaming magsasaliksik nang magkasama sa Colorado. Nagpalitan kami ng contact information habang lumalapag ang eroplano.
Narito kami, lumilipad sa ere sa taas na 30,000 talampakan (9,144 m), may kasangkapan na kasinliit lang ng kamay ko, nagsasaliksik tungkol sa lalaki at babae na ikinasal 100 taon na ang nakalilipas na nawaglit na sa alalala niya at ng kanyang pamilya. Parang hindi kapani-paniwala! Pero nahanap namin sila. Naiugnay ang mga pamilya. Inalala ang mga kuwento. Nagpasalamat ako para sa teknolohiya at mga kasangkapan. Talagang isa itong himala.
Jonathan Petty, Colorado, USA
Napapalibutan ng Bagong Kamag-anak
mga paglalarawan ni Joshua Dennis; Mga larawan sa background at larawan ng telepono mula sa Getty Images
Mahigit 20 taon nang hindi gaanong aktibo sa Simbahan si Maria. Ilang buwan na ang nakararaan, nakasama namin siya nang ilang oras sa aming tahanan para maghanap ng impormasyon tungkol sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng census at iba pang mga talaan. Sa isang punto, bigla siyang napaiyak at napabulalas, “Mas marami pa akong natutuhan tungkol sa pamilya ko sa loob ng dalawang oras kaysa sa alam ko sa buong buhay ko!”
Nang malapit na kaming matapos, ipinaalam namin sa kanya ang tungkol sa Relatives Around Me feature ng FamilyTree app. Nalaman namin na malayong kamag-anak pala naming mag-asawa si Maria. Muli siyang napaiyak at sinabi niya na ang akala niya ay nag-iisa na lamang siya. Hindi niya alam na may kamag-anak siya sa paligid. Ilang linggo kalaunan, nakipag-usap si Maria sa aming bishop. Ngayon ay inihahanda na niya ang kanyang sarili para makapasok sa templo, at marami na siyang nakilala na “bagong” kamag-anak sa ward namin!
Carol Riner Everett, North Carolina, USA
Resipe para sa Ministering
Ako at si Ashley, isang sister na kabilang sa ministering assignment ko, ay parehong may mga cookbook na galing sa aming mga lola. Ang cookbook niya ay galing sa kanyang lola-sa-tuhod, at ang sa akin naman ay isang aklat na ginawa ko nang manahin ko ang kahon ng mga resipe ni Lola Greenwood matapos siyang pumanaw.
Pumili kami ni Ashley ng tig-isang resipe mula sa mga cookbook namin at isang gabi, nagkita kami pagkatapos ng aming trabaho para subukang lutuin ang mga ito. Isang resipe para sa panghimagas na blondie ang napili niya, kaya inuna namin ito at ipinasok sa oven. Ang napili ko naman ay ang “pink chip dip”—isang putahe na palaging inihahanda sa salu-salo ng pamilya Greenwood. Tinulungan kami ng anak ni Ashley na si Alice sa pagtikim ng mga pagkaing ito. Pagkatapos, dahil ayaw ni Ashley na ubusin ng kanyang mga anak ang lahat ng blondie, hiniwa-hiwa niya ang mga ito at dinala sa mga sister na kabilang sa kanyang ministering assignment.
Ang pinaka-nagustuhan ko noong gabing iyon habang nagluluto at nagbe-bake kami ay ang pag-uusap namin tungkol sa mga paksang karaniwang pinag-uusapan sa ministering—ang mga alalahanin namin. At nag-usap din kami tungkol sa mga lola at nanay namin, na naging emosyonal para sa aming dalawa.
Jenifer Greenwood, Utah, USA
Mga Tiyak na Paraan para Makatulong
Maaaring magbigay ng pagkakataon ang family history para makapag-minister kapag tila wala nang ibang paraan. Narito ang ilang ideya na maaari mong subukan.
-
Tulungan silang mag-upload ng mga larawan ng kanilang pamilya sa FamilySearch.
-
Tulungan silang magrekord at mag-upload ng mga audio recording tungkol sa mga kuwento ng kanilang pamilya, lalo na yaong may mga katugmang larawan.
-
Gumawa ng fan chart o mag-print ng iba pang dokumento sa family history na maaaring ibigay bilang regalo.
-
Magturo ng mga paraan kung paano nila maitatala ang kanilang sariling kasaysayan sa pamamagitan ng paggawa ng journal sa paraang ikatutuwa nila. Audio journal? Photo journal? Video logs? Maraming pagpipilian para sa mga taong hindi mahilig magsulat.
-
Magkasamang pumunta sa templo para magsagawa ng mga ordenansa para sa mga ninuno. O magprisintang gawin ang mga ordenansa para sa iba nilang mga kapamilya kung hindi nila ito kayang gawin lahat.
-
Magtipon para magbahagi ng mga tradisyon ng pamilya.
-
Magkasamang dumalo sa klase ng family history.