Paghingi ng Tulong Matapos ang Pagpapatiwakal ng Aking Kaibigan
Akala ko ay makakayanan kong daigin nang mag-isa ang aking depresyon, pero nagbago ang aking buhay nang humingi ako ng tulong.
Isang araw habang nagtatrabaho ako ilang taon na ang nakararaan, nabalitaan ko na nagpakamatay ang matalik kong kaibigan. Nabigla ako—sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Naaalala ko na tahimik lang akong nakaupo sa puwesto ko, hindi alam ang iisipin o gagawin.
Iba’t ibang emosyon ang naramdaman ko at napakaraming pumasok sa isipan ko, kaya naguluhan ako. Pero patuloy kong sinabi sa sarili ko na ayos lang ako at malalampasan ko ito. Sa sumunod na mga buwan, gayunman, lalong tumindi ang depresyon at kalungkutang nararamdaman ko. Maraming gabi na umiiyak ako at hindi makatulog. May mga umaga na hindi ako makabangon. Sa palagay ko ay hindi sinasagot o dinirinig ang mga panalangin ko. At tila hindi naman nakakatulong ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan dahil hindi ako nakakatanggap ng inspirasyon. Nawalan na ako ng pag-asa at pakiramdam ko ay hindi na magiging maayos ang lahat.
Sa loob ng mahabang panahon, natakot akong sabihin kaninuman ang nararamdaman ko. Alam ng mga tao na nawalan ako ng kaibigan at handa silang makinig kung kailangan ko ng kausap o magbigay ng tulong, pero palagi ko silang tinatanggihan. “Ayoko silang abalahin,” ang naiisip ko. “At saka, may mga sarili rin silang problemang dapat alalahanin. Bakit poproblemahin pa nila ako?”
Isang araw ng Linggo, parang hindi ko na makayanan ang kalungkutan ko. Hindi ako mapakali sa sacrament meeting. Nang matapos na sa wakas ang sacrament meeting, nagmadali akong pumunta sa pasilyo para lumabas sa gusali. Nang malapit na ako sa pinto, nakasalubong ko ang isang babae sa ward namin na may anak na nagpakamatay ilang taon na ang nakararaan. Nang magkatinginan kami, sinabi sa akin ng Espiritu na panahon na para magsabi ako ng nararamdaman ko.
Nakakatakot iyon, pero kahit nanginginig ang boses ko ay tinawag ko siya at nagtanong ako, “Maaari ko po ba kayong makausap sandali? Kailangan ko po ng tulong.”
Nakinig siya habang ipinapaliwanag ko kung ano ang nangyari at kung ano ang nararamdaman ko. Pagkatapos, nang walang pag-aatubili, hinawakan niya ang braso ko at tiningnan niya ako nang may luha sa kanyang mga mata. “Gusto ko lang malaman mo na hindi mo ito kasalanan at maraming nagmamahal sa iyo,” sabi niya.
Pareho naming hindi napigilang umiyak habang nag-uusap kami. Naramdaman kong malalampasan ko ang mga problema ko. Sa wakas ay nagkaroon ako ng pag-asa sa buhay ko. Lahat ng sinabi niya sa akin sa pasilyo noong araw na iyon ay sagot sa aking mga panalangin.
Ang pinakamalaking aral na natutuhan ko sa sandaling iyon ay na ang pagbabahagi ko ng aking nararamdaman ay nagtulot sa akin na magsimulang gumaling. Sa kung anong dahilan, nakumbinsi ko ang aking sarili na kaya kong harapin nang mag-isa ang lahat ng bagay at na hindi ko kailangan ng tulong. Bagama’t hindi ko ito nakita, napalibutan ako ng mga taong nagmamahal sa akin at gusto akong tulungan.
Nalaman ko na kapag sinasabi natin na tayo ay “may isang puso at isang isipan” (Moises 7:18), nangangahulugan ito na ang kalungkutan mo ay kalungkutan ko rin at ang mga pasakit mo ay mga pasakit ko rin. Nangangahulugan ito na hindi lamang tayo handang magbigay ng tulong kapag kailangan kundi handa rin tayong tumanggap ng tulong kapag kailangan natin ito. Ang pagtanggap sa tulong ng iba ang nagpabago sa kalagayan ko at nakatulong sa akin na gumaling nang lubusan.
Ngayon, ilang taon matapos ang karanasang iyon, masasabi kong ngayon lang ako naging ganito kasaya sa buong buhay ko. Dahil sa pagsisikap ko at sa biyaya ng Diyos, naging mas malakas ako kaysa noong bago mangyari ang lahat ng ito. Panalangin, paglilingkod, kahinaan, pagpapakumbaba, pagpapagamot, napakaraming pagpapala, at marami pang iba ang nakatulong sa akin para marating ang kinalalagyan ko ngayon. Napakalaki ng utang-na-loob ko sa Ama sa Langit, sa aking pamilya, at sa aking malalapit na kaibigan para sa pagtulong sa akin na makayanan ang lahat ng ito. Lubos akong nagpapasalamat na humingi ako ng tulong—ito ay isang susi sa paggaling.