2020
Paralisado ngunit Positibo
Pebrero 2020


Paralisado ngunit Positibo

Ang awtor ay naninirahan sa Córdoba, Argentina.

Matapos akong mabaril at maparalisa, naging posible ang imposible dahil sa pananampalataya ko kay Jesucristo.

Photograph of Julieta

Maliit pa lang ako ay mahilig na ako sa mga isport, lalo na sa football. Naglalaro ako basta may pagkakataon, at pinangarap kong maging bahagi ng pambansang koponan ng Argentina at makapaglaro sa Olympics o sa World Games.

Gumuho ang mga pangarap ko sa paglalaro ng football isang araw noong ako ay 15 taong gulang. Kagagaling ko lang sa pagbisita sa seminary teacher ko na maysakit at pauwi na ako sakay ng bisikleta nang magsimulang magbarilan ang dalawang grupo sa lugar namin. Tinamaan ako sa likod ng isang ligaw na bala.

Paggising ko sa ospital kinabukasan, nalaman ko na paralisado na ako mula baywang pababa.

Ang Itinatanong Kapag May Nangyayaring Masasamang Bagay

Habang nagpapagaling ako, kinukumusta ako ng aking pamilya at mga kaibigan. Nakita ko na nalungkot silang lahat para sa akin, kaya sinasabi ko na ayos lang ako para hindi na sila masyadong malungkot. Nakatulong sa akin ang pag-alo sa iba, pero alam kong hindi na ako makakalakad pang muli at kailangan kong matutong mamuhay bilang isang paralisado.

Noong mangyari iyon, kakasimula ko pa lang mag-seminary at maging aktibong muli sa Simbahan. Ang seminary ay isa sa pinakamahalagang bagay na sumuporta sa akin sa pagbalik at tumulong sa akin para hindi ako magalit sa Ama sa Langit dahil sa nangyari sa akin.

Itinuro sa amin ng seminary teacher namin na kapag may nangyayaring masasamang bagay, hindi natin dapat itanong kung, “Bakit ba ito nangyari sa akin?” Sabi niya ang dapat nating itanong ay, “Ano ang matututuhan ko mula rito?”

Mahirap magpatuloy at maging positibo palagi, pero pinalakas ako ng tanong na iyon ng aking seminary teacher. Kapag nawawalan ako ng pag-asa at napupuno ng pag-aalinlangan ang isip ko, binabalikan ko lagi ang tanong na: “Ano ang matututuhan ko?” Iyon ang nakatulong sa akin na bumangon araw-araw, at sumuporta sa akin sa panahong parang gusto ko nang sumuko.

Para naman sa lalaking nakabaril sa akin, pinagpala ako ng Ama sa Langit na huwag magtanim ng sama-ng-loob sa kanya. Kalaunan ay nilitis siya at nahatulang mabilanggo. Habang naroon, sumulat siya sa akin para humingi ng tawad at sabihing nagbago na siya. Sinabi ko sa kanya na wala akong sama-ng-loob sa kanya at masaya ako na nagbago na siya.

Paghahanap ng Bagong Hilig

Sa loob ng ilang taon pagkatapos akong mabaril, wala akong masyadong gana na gumawa ng kahit ano. Nami-miss ko ang paglalaro ng mga isport, at hindi ko alam noon na maraming isport na iniakma sa mga taong may kapansanan. Nang malaman ko iyon, bumalik ang hilig ko sa paglalaro ng mga isport. Kapag hindi ako pamilyar sa isang isport, sinusubukan kong pag-aralan ito. At nakakahiligan ko rin ito tulad ng pagkahilig ko sa football bago ako maparalisa.

Hindi nagtagal ay nakahanap ako ng isport na minahal ko tulad ng football—ang pagbabasketbol sakay ng wheelchair. Sa huli, matapos ang maraming laro at pagsasanay, napili ako na kumatawan sa Argentina sa iba’t ibang bansa. Gustung-gusto ko ang mataas na antas ng kumpetisyon sa pagitan ng magkakalabang koponan mula sa iba’t ibang bansa.

Naglaro ako para sa pambansang koponan ng mga kababaihan sa basketbol sakay ng wheelchair sa Para‑South American games sa Chile noong 2014, kung saan nanalo kami ng gintong medalya. Pagkatapos ay lumaban kami sa South America Championships sa Colombia, kung saan nanalo kami ng pilak na medalya noong 2015. Lumaban rin ako sa Parapan American Games sa Canada noong 2015, kung saan natanggap kami para sa 2016 Paralympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil. Kalaunan, matapos matanggap sa World Cup, naglaro kami sa Hamburg, Germany noong 2018. At noong Agosto 2019, naglaro kami sa Parapan American Games sa Lima, Peru.

Julieta playing basketball

Ang mga Pagpapala na Tumulong sa Akin na Magpatuloy

Kung minsan ay pinanghihinaan pa rin ako ng loob, at araw-araw ay may mga hamon na kailangan kong harapin at pagtagumpayan. Ngunit nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit para sa mababait na pamilya at kaibigang ibinigay Niya sa akin. Nagdala Siya sa buhay ko ng mahahalagang tao na nakatulong sa akin na harapin ang mahirap na pagsubok na ito. Mahalaga ang suporta ng pamilya sa pagdaig sa mga hamon—hindi lang sa mga pisikal na hamon kundi pati na rin sa pangkaisipan, emosyonal, at espirituwal na hamon.

Dahil sa ebanghelyo sa aking buhay, pinasasalamatan ko ang mga pagpapalang ibinigay at patuloy na ibinibigay sa akin ng aking Ama. Alam kong mahal Niya ako. Kung wala akong pananampalataya sa Kanya at kay Jesucristo, hindi ko makakayanan ang hamong ito.

Oo, kailangan kong maglakbay sa buhay nang naka-wheelchair, ngunit kahit naka-wheelchair ako, nakamit ko pa rin ang karamihan sa mga pinangarap ko noong bata pa ako. Sinasabi ko sa mga tao, “Maniwala kayo sa ating Ama. Kasama natin Siya. Sa tulong Niya, makakayanan natin ang mga hamon sa ating buhay. Huwag mawalan ng pananampalataya. Manatiling matatag sa ebanghelyo. Magtakda ng mga mithiin, at makakamit ninyo ang mga ito. Tutulungan Kayo ng ating Ama sa Langit.”

Maliban sa suportang ibinibigay nito sa akin sa mga hamon at mithiin ko sa buhay, tinutulungan din ako ng aking pananampalataya na maisabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagsali sa mga paligsahan ay maaaring magdulot ng mga tukso, ngunit ang pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo at ng aking mga pamantayan ay nakakatulong sa akin na gumawa ng mabubuting pagpili.

Sinisikap kong tulungan ang iba sa pamamagitan ng aking halimbawa. Hindi ako umiinom ng alak. Hindi ako naninigarilyo. Hindi ko ginagawa ang ibang bagay na ginagawa ng ilang atleta. Maaaring mahirap magbahagi ng aking patotoo o ng mga banal na kasulatan, ngunit sinisikap kong turuan ang iba sa pamamagitan ng mga bagay na ginagawa ko at hindi ko ginagawa.

Nasa Ama sa Langit ang Lahat ng Sagot

Kung minsan ay nagagalit tayong lahat sa ating Ama sa Langit dahil sa mahihirap na bagay na nangyayari sa atin o sa mga taong mahal natin, ngunit kahit hindi natin laging alam ang lahat ng sagot sa ating mga pagsubok, alam Niya ang mga ito.

Hindi tayo bibigyan ng Ama sa Langit ng mga pagsubok na hindi natin makakayanan. Tulad ng sabi ng aking seminary teacher, kung minsan ay may dahilan kung bakit nangyayari ang masasamang bagay. At kung minsan, ang mahihirap na bagay na iyon ay nagiging pagpapala sa atin at sa iba. Kung patuloy tayong mananampalataya sa gitna ng ating mga pagsubok, maaaring mapalakas ng ating mga halimbawa ng pananampalataya ang ibang nangangailangan ng tulong sa pagharap sa mga pagsubok at pagpapatuloy ng buhay.