2020
Kung Minsan Pinaghihintay Tayo ng Ama sa Langit Bago Tayo Bigyan ng Paghahayag—at Ayos Lang Iyon
Pebrero 2020


Kung Minsan Pinaghihintay Tayo ng Ama sa Langit Bago Tayo Bigyan ng Paghahayag—at Ayos Lang Iyon

Ang paghahayag ay dumarating sa takdang panahon ng Ama sa Langit. Hindi sa panahong gusto natin.

Ako ay bagong missionary na palabas na sa missionary training center, at hindi ko alam kung ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Naniwala ako na totoo ito. Nabasa ko na ito nang maraming beses at ipinagdasal ito nang paulit-ulit, tulad ng bilin ni Moroni (tingnan sa Moroni 10:3–5). Ngunit wala akong natanggap na sagot kailanman! Kung hindi ko iyon alam, paano ko magagawang magturo at magpatotoo sa mga tao sa Romania? Kinailangan kong malaman iyon sa sarili ko, at kinailangan kong malaman iyon ngayon.

Isang gabi sa oras ng tahimik na pag-aaral sa aming MTC classroom, hinawakan ko nang mahigpit ang aking mga banal na kasulatan at yumuko ako.

“Ama sa Langit,” tahimik kong dasal, “maraming beses ko na pong nabasa ang aklat na ito. Kung magpapatuloy po ako bilang missionary, kailangan kong malaman: Totoo po ba ito?”

Habang nakapikit pa rin ang mga mata ko, binuklat ko ang aklat.

Napatigil ang daliri ko sa Mosias 1:6: “O aking mga anak, nais kong inyong pakatandaan na ang mga salitang ito ay totoo, at na ang mga talaang ito ay totoo rin. At masdan, maging ang mga lamina ni Nephi, na naglalaman ng mga talaan at ng mga salita ng ating mga ama mula sa panahong nilisan nila ang Jerusalem hanggang sa ngayon, at ang mga ito ay totoo; at nalalaman natin ang kanilang katiyakan sapagkat namamalas ang mga ito ng ating mga mata.”

Walang talata sa banal na kasulatan na nakaantig sa akin noon nang higit sa mga salitang ito. Kapansin-pansin ang salitang totoo sa talata. Tulad ng sinabi ni Joseph Smith tungkol sa sarili niyang karanasan, “tila pumasok [ang mga salita] nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Bigla akong napuspos ng kapayapaan at layunin sa halip na takot o pag-aalala.

Sa isang iglap, nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at na ang Ama sa Langit ang nagpadala sa akin ng mensaheng iyon. Parang sinasabi Niya sa akin, Alam mo na. Ngayo’y kumilos ka na.

At kumilos nga ako.

Bakit Kailangang Maghintay?

Nag-aral ako at nanalangin tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon nang maraming taon bago ko natanggap ang sagot. Kaya naisip ko, Bakit ko kinailangang maghintay nang napakatagal para sa paghahayag na ito ay totoo? Hindi ba sapat ang katapatan ko? Wala ba akong sapat na pananampalataya? Siguro! Ngunit sa palagay ko’y hindi. Sa palagay ko naghintay ang Panginoon ng perpektong pagkakataon para turuan ako ng isang mahalagang aral: ang paghahayag ay hindi tungkol sa kaginhawaan.

Ang paghahayag ay hindi dumarating dahil lamang sa gusto natin. Ang paghahayag ay dumarating kapag kailangan natin ito. At dumarating ito sa takdang panahon ng Ama sa Langit, hindi sa panahong gusto natin. Alam Niya ang ating mga pangangailangan, at maaari tayong magtiwala na pinakamainam ang Kanyang plano—kahit nangangailangan iyan ng kaunting pagtitiyaga.

Itinuro ni Elder David P. Homer ng Pitumpu na “matagal kung minsan dumating ang mga sagot … dahil hindi pa tama ang panahon, dahil hindi kailangan ang sagot, o dahil tiwala ang Diyos na kaya nating magdesisyon” (“Pakikinig sa Kanyang Tinig,” Liahona, Mayo 2019, 43).

Kung minsan iniisip ko na higit ang tiwala ng Diyos sa akin kaysa sa tiwala ko sa sarili ko! Nakakatakot gumawa ng mahahalagang desisyon nang walang patnubay Niya. Ngunit kapag masyado akong nag-aalala tungkol dito, naaalala ko ang pangakong ito mula kay Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 10).

Kapag ginagawa natin ang ating makakaya para mahanap ang mga sagot at makagawa ng mabubuting desisyon, makatitiyak tayo na gagabayan tayo ng Ama sa Langit, kahit hindi natin laging napapansin ang Kanyang mga paraan. Hindi tayo kailangang matakot. Binabantayan tayo ng Ama sa Langit nang may pagmamahal. Darating ang paghahayag—siguro’y hindi kung kailan natin gusto ito, kundi kung kailan natin ito talagang kailangan.