2020
Namumuhay Ka Ba ng Sampung Dolyar na Buhay?
Pebrero 2020


Namumuhay Ka Ba ng Sampung Dolyar na Buhay?

Nakatingin ka ba sa temporal na halaga ng mga bagay o sa walang hanggang halaga ng mga bagay?

bills

Ilang taon na ang nakararaan, noong stake president ako sa Paris, France, sinabi sa akin na bibisita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa Paris sa loob ng ilang araw at ako ang magiging drayber niya. Susunduin ko siya sa airport at ihahatid sa kanyang hotel para makapagpahinga siya. Kinabukasan, sasamahan ko siya sa mga bibisitahin niya. Isa sa mga lugar na gusto niyang bisitahin ay ang U.S. military cemetery, kung saan nakalibing ang kanyang kapatid na namatay sa influenza noong Unang Digmaang Pandaigdig.

Pero nang sunduin ko si Pangulong Hinckley, mukhang hindi naman siya pagod na pagod. Itinaas niya ang kanyang tungkod at nagwikang, “Pangulong Caussé! Magtrabaho na tayo!”

Gusto na niyang pumunta kaagad sa sementeryo. Sa kasamaang-palad, nasabi ko na sa nangangasiwa na sa susunod na araw pa kami pupunta, kaya pagdating namin, sarado ito at walang tao.

Kinabukasan, nawalan kami ng oras na bumalik sa sementeryo dahil sa dami ng gawain. Nang gabing iyon, inabutan ako ni Pangulong Hinckley ng $10 (U.S.) at nagsabing, “Nalulungkot ako na hindi ako nakapunta sa sementeryo. Ipagpapasalamat ko nang lubos kung makakabili ka ng mga bulaklak at ilalagay mo sa puntod ng kapatid ko.”

Bumili ako ng mga bulaklak, pero hindi ko ipinambayad ang perang iyon. Nang sumunod na Linggo ng hapon, isinama ko ang aking pamilya at inilagay namin ang mga bulaklak sa puntod. Nagpakuha kami ng larawan ng pamilya ko sa harap ng puntod kasama ang mga bulaklak at ipinadala namin ito kay Pangulong Hinckley.

Nasa akin pa rin ang $10 na iyon. Nakaipit sa aking mga banal na kasulatan. Kung itatanong ko, “Ano ang halaga ng perang ito?” sasabihin ng karamihan, “Sampung dolyar.” Pero para sa akin, higit pa roon ang halaga nito. Ang perang ito ay dating nagkakahalaga ng sampung dolyar, ngunit para sa akin, hindi matutumbasan ang halaga nito ngayon. Alaala ito ng sandali na nakasama ko ang isang propeta ng Diyos.

Bigyan ng Walang Hanggang Layunin at Kahulugan ang Iyong Buhay

Sa ating buhay, maraming bagay na ang halaga ay may hangganan at temporal lamang. Napakaraming taong namumuhay ng tatawagin kong “sampung dolyar” na buhay. Ito ang uri ng mga tao na nagsasabing, “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas” (2 Nephi 28:7).

Ngunit ang halaga ng bawat minuto ng buhay dito sa lupa ay may napakalaking epekto hindi lamang sa buhay na ito kundi pati na rin sa kawalang-hanggan. Ang kabaligtaran ng pag-uugaling “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya” ay “mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit” (Mateo 6:20).

things of eternal value

Narito ang ilang halimbawa ng pagbibigay ng walang hanggang halaga sa mga bagay-bagay:

  1. Ang templo. Para sa karamihan, isa lang itong magandang gusali. Maganda ito, ngunit para sa atin, ito ay bahay ng Panginoon, kung saan maaari tayong tumanggap ng mga ordenansa at gumawa ng mga tipan na nagtutulot sa ating mabuhay nang walang hanggan kasama ang ating pamilya.

  2. Ang Aklat ni Mormon. Sasabihin ng karamihan na isa lang itong aklat na may magandang kuwento. Ngunit para sa atin, ito ay salita ng Diyos.

  3. Ikapu. Sasabihin ng karamihan, “Iyon ang perang ibinibigay ninyo sa inyong simbahan.” Para sa atin, hindi lamang ito tungkol sa pera. Ito ay pagpapakita ng pananampalataya at pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. At kumakatawan ito sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag tayo ay tapat.

  4. Ang Salita ng Karunungan. Maraming tao ang magsasabi na tungkol ito sa pisikal na kalusugan. Totoo iyon, ngunit higit pa ito roon. Alam natin na kung susundin natin ang Salita ng Karunungan, mapapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.

  5. Intimasiya ng mag-asawa. Iniisip ng karamihan na pisikal na kasiyahan lamang ito. Ngunit sa pagitan ng isang lalaki at babae na ikinasal, at lalo na yaong mga nabuklod sa templo, higit pa ito roon. Tungkol ito sa pagkakaroon ng pamilya at pagpapakita ng pagmamahal at pagkakaisa sa pagsasama ng mag-asawa.

  6. Edukasyon at trabaho. Sasabihin ng karamihan na paraan ito para magkaroon ng maginhawang buhay at panustos sa mga pangangailangan ng ating mga pamilya. Ngunit naniniwala tayo na tungkol din ito sa pagkakaroon ng pag-asa sa sarili, na isang espirituwal na alituntunin. Magagamit natin ang ating kalayaan para maitaguyod ang ating sarili at makatulong sa iba.

Pagtugmain ang Temporal at Espirituwal

Magkaugnay ang temporal at espirituwal na aspeto ng ating buhay, at hindi natin dapat paghiwalayin ang mga ito. Gamitin ang mga aspetong materyal para sa mga walang hanggang mithiin.

Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng bagay sa akin ay espirituwal,” (Doktrina at mga Tipan 29:34). Sinabi rin Niya na “ang tao ay espiritu. Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang espiritu at elemento, hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan; at kapag magkahiwalay, ang tao ay hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33–34). Hindi magagawang ganap ang espiritu kung wala ang katawan, at iyon ang dahilan kaya may pagkabuhay na mag-uli. Ang kadakilaan ay pagkakatugma at pagkakaisa ng temporal at espirituwal.

Magdesisyon nang may Patnubay ng Espiritu

Ang pagdedesisyon tungkol sa tila mga temporal o materyal na bagay ay dapat gawin nang may patnubay ng Espiritu ng Panginoon. Ang Panginoon ay mayroong walang hanggang pananaw. Alam Niya ang lahat ng bagay mula simula hanggang wakas. Perpekto ang pagmamahal Niya sa atin—higit pa sa pagmamahal natin sa ating sarili. Kapag hinangad natin ang Kanyang kalooban, sa halip na ang sa atin, magiging mas masaya at maganda ang buhay natin. Malalaman natin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, na dumarating sa pamamagitan ng pagdarasal, pagbabasa at pagninilay ng mga banal na kasulatan, at pagsangguni sa ating pamilya.

Kaya, paano natin makikilala ang Kanyang Espiritu? Sinabi ng Panginoon:

“Yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman. Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doktrina at mga Tipan 50:23–24).

Sa madaling salita, ang nagpapatibay sa atin, ang nagpapatatag sa atin, ang nagbibigay sa atin ng kagalakan, at ang lumilikha ng liwanag sa ating buhay ay mula sa Diyos. Kung minsan, maging ang mga naiisip natin ay binibigyang-inspirasyon ng Diyos.

Nakagawa na ako ng mga desisyon batay sa mga espirituwal na impresyon kahit iba ang ipinagagawa sa akin ng isip ko. Napatunayan ko na lagi nitong nahihigitan ang sinasabi ng isip ko.

Halimbawa, pagkatapos naming magpasiyang magpakasal ng aking asawa, nagkasundo kami na magkakaroon ng walang hanggang pananaw ang aming pagsasama—laging magiging aktibo sa Simbahan, ikakasal sa templo, at marami pang iba. Ang mga desisyong iyon ay naghatid ng maraming pagpapala sa amin at nakatulong para maging matibay at matagal ang aming pagsasama.

Minsan sa buhay ko, nagkaroon ako ng trabaho na malaki ang suweldo at may mahalagang tungkulin at pagkilala. Isang araw sabi ng asawa ko, “Masyado ka nang abala sa trabaho mo. Dapat ipagdasal at pag-isipan mo kung dapat ka bang maghanap ng bagong trabaho para magkaroon ka ng oras na maglingkod sa Panginoon.” Nagdasal kami at nakatanggap ng pagpapatibay ng Espiritu na dapat akong magpalit ng trabaho. Pero medyo nag-aatubili pa rin ako. Nang ipagdasal ko ito, sinabi ko sa Panginoon ang pangalan ng tanging kumpanya na gusto kong pagtrabahuhan kung magbibitiw ako sa trabaho.

Pagkaraan ng tatlong linggo, nakipag-ugnayan ako sa isang recruiting agency at nainterbyu. Sa huli, sinabi ng agency na naghahanap ng bagong tagapangasiwa ang isa sa kanyang mga kliyente. Ito ang kumpanyang binanggit ko sa aking panalangin. Maliit na kumpanya lamang ito na isang beses kada 10 taon lamang nagkakaroon ng bakanteng posisyon. Isa itong himala.

Pabiro kong sinabi sa asawa ko, “May maganda at masamang balita ako. Ang magandang balita ay natanggap ako sa kumpanyang iyon. Ang masamang balita ay nararamdaman kong may isang bagay na inilalaan ang Panginoon para sa akin.”

Pumirma ako ng kontrata sa kumpanyang iyon sa araw ng Biyernes. Sa araw ng Sabado, natawag ako bilang stake president.

Mas pinahalagahan naming mag-asawa ang mga pahiwatig ng Espiritu at ang paglilingkod sa Diyos kaysa sa mga materyal na pagpapala o intelektuwal na kasiyahan namin o pagkilala ng tao. Sinunod namin ang kalooban ng Panginoon at nakatanggap kami ng espirituwal na pagpapatibay na magiging maayos ang lahat. Isa iyon sa pinakamagandang karanasan sa buhay ko.

Tingnan ang Tunay na Halaga

Hindi ko kailanman pinagsisihan ang pag-una sa espirituwal na pangangailangan kaysa sa iba pang mga bagay. Kung minsan parang sakripisyo ito, pero natutuhan ko na sa bandang huli, ito lang ang bagay na mahalaga. Huwag mamuhay ng “sampung dolyar” na buhay. Ang pag-aayon ng ating pamumuhay sa layunin ng ating buhay ay nagdudulot ng kagalakan at kaligayahan, hindi lamang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating.

Larawan ng mga kopya ng Aklat ni Mormon na kuha ni Celia Jeffery