2020
3 Aral sa Buhay mula kay Moroni
Disyembre 2020


3 Aral sa Buhay mula kay Moroni

actor portraying Moroni

Mula simula hanggang wakas, ang Aklat ni Mormon ay walang-tigil sa pagbibigay ng makapangyarihang mga walang-hanggang katotohanan, mga kamangha-manghang pangako at aral, at nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo. At ang pinakamagandang bahagi ay totoo ang lahat ng ito!

Ngunit kapag malapit na tayo sa wakas at umabot na sa mga kabanata ni Moroni, tunay na mayroon siyang pinakamabibisang katotohanan at nakapagpapabago-ng-buhay na mga aral para sa atin! Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kanyang kamangha-manghang patotoo at personal na pag-anyaya na lumapit kay Cristo at hangaring malaman ang katotohanan para sa ating sarili. Ngunit sa gitna ng mga makapangyarihang pahayag na iyon, narito ang tatlong karagdagang aral na nakapagpapabago sa buhay na matututuhan natin mula sa kanyang mga huling kabanata sa kamangha-manghang aklat na ito.

1. Tumingin nang Lampas sa Katapusan

Nagbibigay-kasiyahan ang makarating sa dulo ng isang mahirap ngunit makabuluhang proyekto: ang paglalagay ng huling piraso ng jigsaw puzzle o pagpapasa ng isang napakagandang proyekto sa paaralan.

Inakala ni Moroni na tapos na ang kanyang mga kontribusyon sa Aklat ni Mormon matapos niyang itala ang pagbagsak ng bansa ng mga Jaredita na matatagpuan sa Aklat ni Eter. Nagsimula siya sa, “Ngayon ako, si Moroni, matapos na magawa ang pagpapaikli ng ulat ng mga tao ni Jared, na inakala kong hindi na makasusulat pa, ngunit ako ay hindi pa nasasawi” (Moroni 1:1).

Ang katotohanan na buhay pa siya ay maaaring isang sorpresa na higit pa sa inaakala mo. Ito ay dahil mag-isa siyang naglalakbay at napaliligiran ng mga kaaway sa lahat ng dako.

Mayroon siyang ekstrang oras para gawin ang nais niya. At sa 10 kabanata lamang, ginamit ito nang husto ni Moroni. Ang ilan sa katotohanang isinama niya ay ang paraan ng pag-oorden ng mga guro at saserdote; mga tagubilin para sa sakramento (kabilang na ang mga panalangin); mga turo kung paano pangasiwaan ang mga miting ng Simbahan; isang makapangyarihang diskurso ng kanyang ama tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa; at ang sagradong pangakong matatagpuan sa Moroni 10:3–5 na nagtuturo sa bawat isa sa atin kung paano tumanggap ng personal na paghahayag tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Wow!

Sa 10 kabanatang iyon na hindi pa nga niya pinlanong isulat, idinagdag ni Moroni ang mahahalagang katotohanan para sa mga magiging mambabasa ng Aklat ni Mormon sa hinaharap.

Maaari tayong matuto mula sa kanyang halimbawa. Sa susunod na pagkakataon na magkaroon ka ng magagamit na kaunti pang oras na higit pa sa inaasahan mo, o kapag pakiramdam mo ay nagtrabaho ka na nang husto at dapat ay talagang tapos ka na, sulit bang magdasal at mag-isip kung mayroon ka pa sigurong kaunting bagay na maitutulong?

Sa wakas, pinagpala ang buong mundo dahil ginawa ito ni Moroni.

2. Alalahanin ang Batong Kahon

replica of stone box with gold plates inside

Kung nagpasiya kang palaguin ang iyong paboritong punong namumunga sa iyong bakuran, kailangan mong magkaroon ng higit pa sa kaunting pagtitiis. Kahit na ito ay ang tamang panahon ng taon at mainam ang mga kalagayan para sa paglago, malamang na ilang taon pa ang aabutin bago ka makapitas ng unang piraso ng prutas mula sa iyong mga pagsisikap.

Pero magagawa naman ito, ‘di ba? Kunsabagay, dumarating ang mabubuting bagay sa mga naghihintay. At kahit na ikaw ay nagtatanim ng iba pang uri ng puno na hindi mamumunga pagkalipas ng maraming dekada (tulad ng isang puno ng olibo), kahit paano ay magkakaroon ka ng kasiyahan na malaman na ang iyong mga anak at apo ay makikinabang.

Gayunman, hindi maikukumpara ang mga ginagawa natin sa ginawa ni Moroni. Ang buong buhay na ginawa ng kanyang ama, na naging gawain ni Moroni matapos mamatay ang kanyang ama, ay hindi kaagad mamumunga. Hindi sa loob ng 10 taon. Hindi sa loob ng isang libong taon. Isinulat ni Mormon, “Ang mga bagay na ito ay isinulat para sa mga labi ng sambahayan ni Jacob … at ikukubli ang mga ito ayon sa Panginoon upang lumabas ang mga ito sa kanyang sariling takdang panahon” (Mormon 5:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi alam ni Moroni ang eksaktong panahon ng pamumunga ng gawaing ito, ngunit marahil ay may malinaw na ideya na siya na matatagalan pa ito. Nakakita siya ng pangitain tungkol sa ating panahon at nagpropesiya tungkol sa ilang kalagayang iiral (tingnan sa Mormon 8:35).

Ito lamang ang alam natin: hindi ito ginawa ni Moroni para sa kabutihan ng sinuman sa kanyang pamilya o mga kaibigan o kahit sa mga kakilala niya. Sa ilan sa mga makadurog-pusong salita na naisulat, sinabi ni Moroni: “Ako ay nag-iisa. Ang aking ama ay napatay sa digmaan, at lahat ng aking kamag-anak, at wala akong kaibigan ni patutunguhan, at kung gaano katagal ako pahihintulutang mabuhay ng Panginoon ay hindi ko alam” (Mormon 8:5).

Nawala sa kanya ang lahat ng kanyang kapamilya. Lahat ng kanyang kaibigan. Ang buong sibilisasyon niya! At nang matapos niya ang kanyang talaan, gumawa siya ng isang kahong bato na pagtataguan ng sagradong talaang hindi masisilayan ng sikat ng araw sa loob ng maraming daang taon.

Ang pamumuhay nang matwid ay lumilikha ng mga positibong pagbabago sa mundo. Kung minsan ang mga pagbabagong iyon ay inaabot ng mga henerasyon bago magkaroon ng lubos na epekto. Ngunit itinuturo sa atin ni Moroni na maaari tayong magtiwala palagi sa takdang panahon ng Diyos. Kailangan lamang nating gawin ang ating bahagi.

3. Panatilihin ang Walang-Hanggang Pananaw

actor portraying Moroni walking alone through a field

Maging totoo tayo: dumarating ang mga pagsubok, ang buhay ay hindi makatarungan, at kung minsan, lahat ng bagay ay sadyang masakit. Mahirap ang buhay lalo na kapag inaakala nating nalampasan na natin ang isang pagsubok, at pagkatapos ay bumuhos ang iba pang mga hamon na muling magpapabagsak sa atin.

Kung tayo man ay nababalisa o mayroong depresyon, nawalan ng mahal sa buhay, o may iba pang hamon, kung minsan ay tila nakakatakot panghawakan ang pananampalataya at pag-asa. Sa mahihirap na sandaling ito ay madaling isipin ang ganito, “Paano naging posible na may mas mahirap pa sa mga nangyayari ngayon?”

Para kay Moroni, iyan ay isang tunay na pahayag. Marahil ay wala nang magiging mas mahirap pa para sa kanya sa huling sandali ng kanyang buhay. Sa panahon ng paghihirap, kung kailan tila walang dahilan para magpatuloy o panghawakan ang pag-asa, maaari nating tingnan ang kanyang halimbawa ng di-natitinag na pananampalataya sa harap ng labis na sama-ng-loob.

Tinatawag ng ilan na trahedya ang buhay ni Moroni. Kahit na siya ay tapat, nawala sa kanya ang lahat ng mga mahal niya. Siya ang kahuli-hulihang nakaligtas sa buong sibilisasyon niya. Kailangan niyang tapusin ang talaan ng kanyang ama dahil napatay si Mormon bago siya nagkaroon ng pagkakataong tapusin ito. At si Moroni ay tinutugis ng mga Lamanita at tumatakbo para iligtas ang kanyang buhay nang isulat niya ang kanyang aklat sa banal na kasulatan.

Naiisip mo ba kung gaano nakapangingilabot at walang kapag-a-pag-asa ang sitwasyong iyon? Kung naranasan ng ibang tao ang mga pagsubok ni Moroni, maaaring sila ay natuksong kalimutan ang kanilang pananampalataya, itatwa si Cristo, at sisihin ang Ama sa Langit para sa kanilang napakahirap na kalagayan. Ngunit hindi iyon ginawa ni Moroni.

Sa halip, patuloy na kumapit si Moroni hanggang sa wakas (tingnan sa Moroni 1:3). Pinanatili niya ang kanyang walang-hanggang pananaw para matulungan siyang malampasan ang kanyang mga hamon. Alam niya kung ano ang totoo at alam niya na kahit ano ang mangyari sa kanya, basta’t sumampalataya siya sa Tagapagligtas at magtiwala sa Ama sa Langit, ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa kanya ay matutupad balang-araw, at maliligtas siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Moroni 10).

Ngayon, iyon ay isang malakas na patotoo.

Kapag tila wala nang mas lalala pa sa ating sitwasyon, maaari tayong mapanatag ng pagpapanatili ng walang-hanggang pananaw at pagpapalakas ng ating pananampalataya na tulad ng kay Moroni. Kung gagawin natin ito, pinangakuan tayo na ating “magagawa ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang [kay Cristo]” (Moroni 10:23). Malalaman natin na kasama natin ang Ama sa Langit. Maaari tayong magtiwala na ang Kanyang plano ng kaligayahan ay maghahanda ng paraan para madaig natin ang bawat trahedya na makakaharap natin sa mortalidad. At maaari nating palibutan ang ating sarili ng liwanag, kagalakan, at mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Taglay ang walang-hanggang pananaw, palagi tayong may dahilan para umasa. At maaari tayong magtiwala na tayong lahat balang-araw ay magsasabi ng, “Paano naging posible na may mas maganda pa sa ating sitwasyon?”