2020
Bakit Natin Kailangan si Jesucristo
Disyembre 2020


Bakit Natin Kailangan si Jesucristo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “A Message at Christmas,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Disyembre 12, 2017.

Bawasan ang gumagambala ngayong Kapaskuhan at pagnilayan ang pagiging kamangha-mangha at ang karingalan ng Anak ng Diyos.

painting of shepherds coming to see Mary and baby Jesus

Pagsamba ng mga Pastol, ni Michelangelo Merisi da Caravaggio, Bridgeman Images

Nagpapasalamat ako na bukod sa Pasko, ang buwan ng Disyembre ay naghahatid ng isang okasyon para pagnilayan ang buhay at mga kontribusyon ni Propetang Joseph Smith, dahil kaarawan niya noong Disyembre 23. Mahirap pahalagahan nang lubusan ang nakamtan niya bilang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa isang kapaligiran na palaging may oposisyon, pag-uusig, at hamon. Darating ang panahon na makikita natin si Propetang Joseph na pararangalan bilang karapat-dapat na pinuno ng dakila at huling dispensasyong ito---ang dispensasyon na nakatadhanang magtagumpay kahit na ang nakaraang mga dispensasyon ay nauwi sa apostasiya

Palagay ko ay walang sinuman sa dispensasyong ito ang natutong matakot sa Diyos at hindi sa tao kaysa sa Propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:7–8). May ipinagawang ilang napakahihirap na bagay ang Panginoon kay Joseph. Ginawa niya ang mga iyon, at tayong lahat ang nakinabang.

Ang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon ay bukod-tanging tagumpay at naging pundasyon ng tagumpay ng layon ng Panginoon sa huling dispensasyong ito. Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at ng mga pangitain at paghahayag na kanyang natanggap, naihayag ni Joseph ang tunay na pagkatao ni Jesucristo bilang Bugtong na Anak ng Diyos at Manunubos ng sangkatauhan.

Lalo na sa panahong ito naaalala natin ang personal na kaugnayan ng Propeta sa Tagapagligtas at ang “patotoo, na pinakahuli sa lahat, na [ibinigay niya] tungkol [kay Cristo]: Na siya ay buhay!” (Doktrina at mga Tipan 76:22). Ang patotoo ni Joseph tungkol sa buhay na Cristo ay nagpapaalala sa akin tungkol sa pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Bet-lehem ay magiging pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.”1

Bakit ba Natin Kailangan si Jesucristo?

Kanina, tinanong ako ng isang tao na matagal nang miyembro ng Simbahan, “Bakit ko ba kailangan si Jesucristo? Sinusunod ko ang mga kautusan; mabuting tao ako. Bakit ko kailangan ng isang Tagapagligtas?” Kailangan kong sabihin na nagulat ako sa kabiguan ng miyembrong ito na maunawaan ang pinakamahalagang bahagi ng ating doktrina, ang batayang elementong ito ng plano ng kaligtasan.

“Una,” sagot ko, “ang mahirap ay may kamatayan. Palagay ko ayaw mong kamatayan ang huling kasadlakan mo, at kung wala si Jesucristo walang pagkabuhay na mag-uli.”

Binanggit ko ang iba pang mga bagay, tulad ng pangangailangan maging ng pinakamahuhusay na tao na mapatawad at malinis na posible lamang sa pamamagitan ng nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas.

Gayunman, sa kabilang dako, ang tanong ay maaaring, “Hindi ba magagawa ng Diyos ang gusto Niya at ililigtas tayo dahil lamang sa mahal Niya tayo, nang hindi na nangangailangan ng isang Tagapagligtas?” Kapag nagkagayon, iilang tao lang sa mundo ngayon ang magtatanong ng ganyan. Naniniwala sila sa Diyos at sa kabilang-buhay ngunit ipinapalagay nila na dahil mahal tayo ng Diyos, hindi gaanong mahalaga kung ano ang ating ginagawa o hindi ginagawa; Siya na ang bahala roon.

Ang pilosopiyang ito ay nagmumula sa sinaunang panahon. Si Nehor, halimbawa, ay “nagpatotoo rin sa mga tao na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kinakailangang matakot ni manginig, kundi ang itaas nila ang kanilang mga ulo at magalak; sapagkat nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao, at kanya ring tinubos ang lahat ng tao; at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (Alma 1:4).

Mapapansin ninyo sa doktrina ni Nehor ang paulit-ulit na pananaw tungkol sa kaligtasang isinulong ni Lucifer, isang “anak ng umaga,” tiyak na siyang pinaka-kawawa sa lahat ng kawawa (Isaias 14:12; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:25–27). Tulad ng minsa’y ipinaliwanag ng Diyos, si Lucifer “ay yaon ding nagmula sa simula, at siya ay lumapit sa aking harapan, nagsasabing—Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.

“Subalit, masdan, ang aking Minamahal na Anak, na aking Minamahal at Pinili mula pa sa simula, ay nagsabi sa akin—Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:1–2).

Hindi lamang ito isang kaso ng pagsuporta ni Jesus sa plano ng Ama at ng pagmungkahi ni Lucifer ng kaunting pagbabago. Nasira sana ng mungkahi ni Lucifer ang plano sa pag-aalis ng ating pagkakataong kumilos nang malaya. Ang plano ni Lucifer ay nakasalig sa pamimilit, na ginagawa ang lahat ng iba pang mga anak ng Diyos—lahat tayo—na mga tau-tauhan niya. Tulad ng pagbubuod ng Ama:

“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;

“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:3–4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa kabilang dako, ang paggawa nito sa paraan ng Ama ay nagbibigay sa atin ng mahalagang karanasan sa buhay. Ang ibig kong sabihin sa “mortal na karanasan” ay piliin ang ating landas, na “[tinitikman] ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55); matuto, magsisi, at lumago, maging mga nilalang na may kakayahang kumilos para sa ating sarili sa halip na “pinakikilos” lamang (2 Nephi 2:13); at sa huli ay madaig ang kasamaan at ipamalas ang ating hangarin at kakayahang ipamuhay ang isang selestiyal na batas.

Kailangan dito ang kaalaman natin tungkol sa mabuti at masama, na may kakayahan at pagkakataong pumili sa pagitan ng dalawa. At nangangailangan ito ng pananagutan para sa mga pagpiling ginawa—kung hindi, hindi talaga pagpili ang mga ito. Ang pagpili naman ay nangangailangan ng batas, o mga kahihinatnang di-maiiwasan. Kailangan ay partikular nating magawa o piliing magsanhi ng isang partikular na kahihinatnan o resulta—at ang pagpili ng kabaligtaran nito ay lilikha ng kabaligtarang kahihinatnan. Kung ang mga kilos ay walang pirmihang kahihinatnan, walang may kontrol sa mga kahihinatnan, at walang kabuluhan ang pagpili.

painting of Jesus visiting the Nephites

ISA-ISA, NI Walter Rane

Batas at Katarungan

Gumagamit ng hustisya bilang kasing-kahulugan ng batas, ipinahayag ni Alma, “Ngayon, ang gawa ng katarungan [ibig sabihin, ang pagpapatupad ng batas] ay [hindi maaaring] mawawasak; kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos” (Alma 42:13). Ang Kanyang lubos na pag-unawa at paggamit ng batas—o sa madaling salita, ang Kanyang katarungan—ang nagbibigay sa Diyos ng Kanyang kapangyarihan. Kailangan natin ang katarungan ng Diyos, isang sistema ng pirmihan at di-mababagong mga batas na sinusunod at ginagamit Niya mismo, para magkaroon at makagamit tayo ng kalayaan.2 Ang katarungang ito ang pundasyon ng ating kalayaang kumilos at ang ating tanging landas tungo sa tunay na kaligayahan.

Sinasabi sa atin ng Panginoon, “Yaong pinamamahalaan ng batas ay pinangangalagaan din ng batas at ginagawang ganap at pinababanal ng gayon din” (Doktrina at mga Tipan 88:34). Ngunit kailangan nating aminin na walang sinuman sa atin ang palagi at masigasig na “pinamamahalaan ng batas.” At hindi natin talaga maaasahan ang batas o katarungan na ingatan at gawin tayong perpekto kapag nalabag natin ang batas (tingnan sa 2 Nephi 2:5). Kaya, dahil makatarungan ngunit nagaganyak din ng pagmamahal, lumikha ng awa ang ating Ama sa Langit. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Bugtong na Anak bilang sakripisyo para sa ating kasalanan, isang Nilalang na maaaring magbigay-kasiyahan sa katarungan, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, para sa atin, na ipinaiilalim tayo sa batas upang muli tayong suportahan at pangalagaan nito, hindi upang hatulan tayo. Ipinaliwanag ni Alma:

“At ngayon, ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos. …

“Ngunit may isang batas na ibinigay, at isang kaparusahang nakaakibat, at isang ipinahintulot na pagsisisi; kung aling pagsisisi ay inangkin ng awa; kung hindi, aangkinin ng katarungan ang nilikha at ipatutupad ang batas, at ang batas ay magpapataw ng kaparusahan; kung hindi gayon, ang mga gawa ng katarungan ay mawawasak, at ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.

“Ngunit ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos, at aangkin ng awa ang nagsisisi, at ang awa ay darating dahil sa pagbabayad-sala” (Alma 42:15, 22–23).

Ang nagsisisi, mangyari pa, ay yaong mga nananagot at tumatanggap ng Kanyang awa sa pamamagitan ng pagsisisi. O, sa madaling salita, pagsisisi ang ginagawa natin upang maangkin ang puno ng biyayang kaloob ng kapatawaran na maiaalay sa atin ng isang makatarungang Ama sa Langit dahil nagbayad-sala ang Kanyang Pinakamamahal na Anak para sa ating mga kasalanan.

painting of Jesus Christ praying in Garden of Gethsemane

NAGDARASAL SI CRISTO SA HALAMANAN NG GETSEMANI, NI Hermann Clementz

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makabangon mula sa mga maling pagpili. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang epekto sa atin ng mga kasalanan at pagkakamali ng iba, at ng lahat ng iba pang kawalan ng katarungan, ay iwinawasto. Para mapagaling, at mapabanal, kailangan natin ng isang Tagapagligtas. Kaya, ang sagot sa ating tanong ay, “Hindi, hindi maaaring kumilos ang Diyos sa anumang paraang gusto Niya para iligtas ang isang tao. Hindi Siya maaaring maging di-makatwiran at maging makatarungan din. At kung hindi Siya makatarungan, hindi Siya Diyos.” Samakatuwid, ang kaligtasan at kadakilaan ay kailangang isakatuparan sa paraang sumusuporta at umaayon sa di-mababagong batas, sa katarungan. At salamat sa Diyos, sinuportahan Niya ang katarungan sa pamamagitan ng paglalaan ng isang Tagapagligtas.”

Alalahanin na sa dakilang kapulungan sa langit bago tayo isinilang, hindi nagboboluntaryo si Lucifer na maging tagapagligtas natin. Hindi siya interesadong magdusa o mamatay o magpadanak ng kanyang dugo alang-alang sa atin. Hindi siya naghahangad na kumatawan sa katarungan kundi maging batas sa kanyang sarili.4 Sa palagay ko ang pagsasabi sa Ama na, “Ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1), ang sinasabi ni Lucifer ay, “Bigyan ninyo ako ng karapatang mamuno,” na ang balak ay gamitin ang kapangyarihang iyon kung paano niya gusto. Ang batas ay ang anumang sabihin niya anumang sandali. Sa gayon, walang sinumang magkakaroon ng kakayahang magsarili bilang aktor. Si Lucifer ang mamumuno, at wala nang ibang maaaring sumulong.

Sa kabilang dako, naunawaan ni Jesus na kakailanganin kapwa ang di-mababagong katarungan at awa para umunlad ang Kanyang mga kapatid. Sa Ama, hinangad Niyang hindi tayo pilitin at pangibabawan kundi palayain at iangat tayo upang tayo ay “mangingibabaw sa lahat” at “[magtaglay ng] lahat ng kapangyarihan” na kasama ng Ama (Doktrina at mga Tipan 132:20).

Dapat tayong magalak na ang Panganay na Anak na ito sa espiritu ay handang maging Bugtong na Anak sa laman, upang dumanas nang di-maarok na pagdurusa at mamatay nang walang kasalanan upang tubusin tayo. Lubos Niyang pinagkakaisa ang katarungan at awa. Inililigtas Niya tayo mula sa—hindi sa, kundi mula sa—ating mga kasalanan (tingnan sa Helaman 5:10–11; tingnan din sa Mateo 1:21).

At Kanya rin tayong tinutubos mula sa Pagkahulog, mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan. Binubuksan Niya ang pintuan tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan. Imposibleng sukatin ang tindi ng Kanyang pagmamahal. “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan: …

“… Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo” (Isaias 53:4–5).

painting of shepherds looking at baby Jesus, held by Mary

Pagsamba sa Sanggol na si Jesus, ni Matthias Stomer, Bridgeman Images

Luwalhati sa Diyos

Habang papalapit ang Kapaskuhan, natatanto ko na maaaring may mga problema ang ilan at marahil ay may kaunting pagkabalisa tungkol sa hinaharap. Maaaring maraming “gumagambala” sa inyong buhay, humigit-kumulang ay palagi kayong naka-online nang walang pahinga, walang panahon para tumahimik at magnilay-nilay at mag-isip, walang panahon para suriin ang inyong kalooban at mahiwatigan kung nasaan kayo at saan kayo dapat pumunta. Maaari kayong maimpluwensyahan ng mga di-makatotohanang inaasahan, tulad ng “dapat ay agaran ang pagiging perpekto” o “walang-patid na kaligayahan at tagumpay ang dapat maging pamantayan sa buhay.”

Sana’y isantabi ninyo ang mga maling ideyang ito, bawasan ang “gumagambala,” at mag-ukol ng kaunting panahon sa Kapaskuhang ito, kahit isang oras lang, kung hindi man higit pa—upang pagnilayan ang “kadakilaan at dangal … [ng] anak ng Diyos. ”5 Hayaang maging isang oras ito ng katiyakan at pagpapanibago para sa inyo.

Sa isang Kapaskuhan bago ito, isinulat ko ang mensaheng ito:

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagsilang ni Jesucristo, napagninilayan din natin ang sumunod na naganap. Lubhang mahalaga ang Kanyang pagsilang dahil sa mga bagay na Kanyang mararanasan at pagdudusahan upang higit Niya tayong matulungan—na magtatapos lahat sa Kanyang Pagkapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Alma 7:11–12). …

“[Ngunit] palagay ko [rin ay angkop ang] panahong ito ng taon [na pag-isipan lamang] ang sanggol na iyon sa sabsaban. Huwag mag-alala o magtuon nang labis sa magaganap. … Mag-ukol ng tahimik at payapang sandali na pagnilayan ang simula ng Kanyang buhay—ang pagwawakas at bunga ng propesiya ng langit ngunit pagsisimula ng buhay Niya sa lupa.

“Mag-ukol ng panahon na magpahinga, maging payapa, at isipin ang musmos na sanggol na ito. Huwag alalahanin nang labis … ang maaaring maganap sa buhay Niya o sa buhay ninyo. Sa halip, mag-ukol ng tahimik na sandali na pagnilayan ang marahil ay pinakapayapang sandali sa kasaysayan ng mundo—kung kailan nagalak ang kalangitan hatid ang mensaheng ‘Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya’ (Lucas 2:14).”6

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 369.

  2. “At ang bawat kaharian ay binigyan ng batas; at sa bawat batas ay may mga hangganan din at mga batayan. Lahat ng tao na hindi nakapananatili sa mga batayang iyon ay hindi mabibigyang-katwiran” (Doktrina at mga Tipan 88:38–39). Nananahan at kumikilos ang Diyos ayon sa batas ng pinakamataas na kaharian. Samakatuwid, “Nauunawaan niya ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay nasa harapan niya, at lahat ng bagay ay nasa paligid niya; at siya ay nasa itaas ng lahat ng bagay, at napapasalahat ng bagay, at sumasa lahat ng bagay, at nasa paligid ng lahat ng bagay; at lahat ng bagay ay ginawa niya, at mula sa kanya, maging ang Diyos, magpakailanman at walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 88:41).

  3. “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin” (Mosias 26:30).

  4. Yaong mga sumusunod kay Satanas ay gayon din ang layunin, ngunit tulad ng ipinahayag ng Panginoon, “yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging isang batas sa sarili nito, at nakahandang manatili sa kasalanan, at sa kalahatan ay nananatili sa kasalanan [ibig sabihin, sa kalagayan ng pagsuway sa batas], ay hindi mapababanal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom. Kaya nga, sila ay kailangang manatiling marumi pa rin” (Doktrina at mga Tipan 88:35).

  5. Mga Turo: Gordon B. Hinckley, 370.

  6. D. Todd Christofferson, “Mapayapa,” Liahona, Dis. 2015, 36.