Digital Lamang
Paano Ako Natulungan ng Aklat ni Mormon sa Paghiwalay sa Iba
Maraming beses ko nang nabasa ang Aklat ni Mormon, pero sa pagkakataong ito mas natanto ko ang buong kapangyarihang maidudulot ng aklat na ito sa ating buhay.
Maraming beses ko nang nabasa ang mga kabanata ni Moroni sa Aklat ni Mormon, ngunit sa taong ito ay dama kong talagang konektado ako sa kanya. Sa huli, nawalay siya sa lahat ng mahal niya sa buhay. Tiyak na napakalungkot niya noong mga huling araw ng kanyang buhay. Ngunit kahit sa gitna ng kalungkutan, naalala niya ang itinuro sa kanya ng kanyang ama tungkol sa gawaing gagawin niya (tingnan sa Moroni 9:6). Nang naharap siya sa isang di-tiyak na hinaharap ay doon niya ibinuod ang mga talaan ng mga Jaredita at kinabilangan ng inspiradong mga mensahe para sa atin tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
Nabigyang-inspirasyon ako ng katapangan ni Moroni dahil sa maraming pagsubok na nakita ng mundo sa taon na ito, pati na ang pandemyang COVID-19. Marami sa atin sa iba’t ibang panig ng mundo ang napilitang hindi makisalamuha sa taon na ito, ang ilan sa atin ay nangangailangang lumayo sa mga taong mahal natin. Kinailangan ko ring gawin ang mahirap na desisyong iyon.
Ako’y isang pediatric doctor, at sa front line ang trabaho para bigyan ng agarang kalinga ang mga bata sa Maranhão, Brazil. Habang may pandemya, ginawa ko ang mahirap na desisyon na iwasan ang malapit na pisikal na pakikipag-ugnayan sa mahal kong asawa, sa dalawang taong gulang na anak na babae, biyenan na babae, at mga pamangking lalaki (na nakatira lahat sa bahay ko), kasama ang lahat ng iba pang kapamilya ko at mga kaibigan sa ibang lugar. Inihiwalay ko ang aking sarili para maiwasan ang posibleng pagkahawa (ng iba) sa sakit.
Mahirap ang paghiwalay dahil napakalapit ng pamilya ko. Tuwing Linggo magkakasama kami sa pananghalian. Regular din ang aming mga family night. Di naglaon natuklasan ko na kung wala sila, malungkot ako at nag-iisa. Gayunman, nagpasiya akong mag-ukol ng maraming oras sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon para maanyayahan ang Espiritu sa aking buhay. Nalaman ko na ang palagiang pagsama sa akin ng Espiritu Santo ay tumutulong sa akin na magtuon sa pasasalamat at kabutihan, ipinapakita sa akin kung paano paglingkuran ang iba, at pinalilibutan ako ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa mahihirap na panahon.
Kung minsan iniisip ko na malaking kapanatagan ng kalooban ang mabasa ni Moroni ang mga salita ng kanyang amang si Mormon, nang wala na ito. Sinikap kong iangkop sa akin ang kanyang mga salita: “Maging matapat kay Cristo [aking anak]; … nawa ay dakilain ka ni Cristo” (Moroni 9:25). Nalaman ko na lagi Niyang gagawin ito! Ang Tagapagligtas ay makapagbibigay sa atin ng kapangyarihan na higit pa sa lahat ng mga problema natin sa magulong mundong ito at tutulungan tayong patuloy na umasa.
Bagama’t mahirap ang taon na ito, nagpapasalamat ako na napalakas ng karanasang ito ang aking patotoo kay Jesucristo at itinuro sa akin na lubusang magtiwala sa Kanya tulad ng ginawa ni Moroni. Nang mabasa ko ang tala tungkol kay Jesucristo sa mga lupain ng Amerika, natanto ko na bago Siya dumating, ang lupain ng mga Nephita ay sumasailalim sa napakalaki at kamangha-manghang mga pagbabago (tingnan sa 3 Nephi 11:1). Tiyak na bago bumalik ang Tagapagligtas, mararanasan natin ang sarili nating pagbabago, at ihahanda ang ating sarili para salubungin Siya. Alam ko na lahat ng hamon na nararanasan natin ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang tulungan tayong maging handa sa pagsalubong sa Kanya.
Alam kong si Jesucristo ang aking Tagapagligtas. Siya ang liwanag na kailangan kong gumabay sa akin kapag hindi tiyak ang daan. At alam ko na ang Aklat ni Mormon ay isang tipan tungkol sa Kanya. Ang mga katotohanang matatagpuan sa aklat na iyan ay tunay na makatutulong sa atin na bumaling sa Kanya at magkaroon ng lakas at tapang at pananampalataya sa mga oras ng kagipitan. Alam kong nagawa ito sa akin ng aklat.