2020
Paglilingkod sa Lahat
Disyembre 2020


Paglilingkod sa Lahat

Paano binago ng panawagan ni Elder Uchtdorf na maglingkod sa likas at normal na paraan ang pagbabahagi mo ng ebanghelyo?

young adult woman looking at a smartphone held by an older woman

Mga larawan mula sa Getty Images

Bilang bahagi ng pagsisikap nating maglingkod sa mas banal at mas mataas na paraan, nagsimulang magsalita ang mga lider ng Simbahan tungkol sa gawaing misyonero ng mga miyembro bilang paglilingkod sa lahat, “kahit hindi kasama ang pangalan nila sa listahan ng inyong ministering sister o brother.”1 Ang mas magaling na paraan ay ang pagbabago ng pag-iisip—isang mas magandang paraan na makapagpapabago sa lahat ng bagay kung paano at bakit tayo naglilingkod sa iba.

Napuna ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. Anyayahan sila at sabihing ‘pumarito ka at tingnan mo.’ At himukin sila at sabihing halika at tumulong. Maraming pagkakataon para makatulong ang mga tao sa ating Simbahan.

“Ipagdasal na hindi lamang matagpuan ng mga missionary ang mga hinirang. Ipagdasal araw-araw nang buong puso na mahanap ang mga taong lalapit at titingin, lalapit at tutulong, at lalapit at lalagi.”2

Ang ministering ay tungkol sa pagiging mas tapat at nagbalik-loob na mga disipulo ni Jesucristo na may puso at habag na gaya ng sa Tagapagligtas. Inanyayahan tayo ng Panginoon na umunlad sa paglilingkod sa iba sa likas at normal na paraan nang may pagmamahal. Hindi ito tungkol sa paggawa ng ministering. Tungkol ito sa pagiging tagapaglingkod na katulad ni Jesucristo.

Pagkatutong Maglingkod sa Bawat Isa (na Nakatalaga sa Iyo)

Natututo pa rin tayong maging mga ministering brother at sister. Ang pagbabagong tulad nito ay maaaring abutin nang matagal na panahon, at malamang na magkamali tayo. Sa aking isipan, ang isa sa mga pagkakamaling iyon ay ang ituring ang mga ministering assignment bilang “peke” o “sapilitang” pakikipagkaibigan—sa paraang hindi normal o likas. Ngunit binibigyan tayo ng Panginoon ng partikular na mga tungkulin bilang mga ministering brother o sister. Sa ganitong paraan, tinitiyak Niya na walang maiiwan.

Kapag humahagupit ang mga natural na kalamidad sa Estados Unidos, pinakikilos ng mga organisasyong Red Cross at National Guard ang kanilang mga boluntaryo at inaatasan sila sa mga partikular na lugar para masakop ang pinakamalawak na lugar. Ang pagtanggap ng assignment ay hindi bumabawas sa pagiging boluntaryo ng kaloob na panahon at pagmamahal ng mga nagboluntaryo. Walang sinumang nakaranas ng kalamidad sa kanyang buhay ang tila kumukuwestiyon sa mga assignment na ito. Ang mga tumatanggap ng tulong ay nagpapasalamat na may dumating para tumulong!

Tulad ng mga nagboluntaryo sa National Guard o Red Cross, kapag naging mga disipulo tayo ni Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng mga sagradong tipan, boluntaryo tayong kumikilos para isagawa ang ating mga assignment upang tulungan ang iba.

Ang mga assignment na ito ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong matuto at umunlad sa kakayahan nating maglingkod, na madalas ay sa pamamagitan ng ating mga kabiguan. Ngunit hindi magtatagal, ang ministering ay magiging “ikalawang likas na katangian” natin—tulad ng pagkatuto nating maglakad, magsalita, magbisikleta, tumugtog ng isang instrumento sa musika, o maglaro ng isang isport.

two men seated by a building talking to each other

Mga larawan mula sa Getty Images

Ano ang Paglilingkod sa Lahat sa “Likas at Normal na mga Paraan”?

Ang ating indibiduwal na mga ministering assignment ay maghahanda sa atin na “maglingkod sa lahat” sa karaniwan at likas na mga paraan. Ang paglilingkod sa lahat ay nangangailangan ng handang puso at mga mata upang makita ang mga nasa paligid natin—ang mga taong inilagay ng Panginoon sa ating mga landas. Ang “ministering” sa puntong iyan ay maaaring maging kasing-simple ng pag-anyaya sa kanila—sa likas at karaniwang paraan—na “pumarito at makakita” o “pumarito at tumulong.”

Nagbigay ng halimbawa ang Tagapagligtas. Nang nagpakita si Jesus sa mga tao sa templo sa Bountiful, sinabi Niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ako ay paroroon sa Ama, at ipakikita rin ang aking sarili sa mga nawawalang lipi ni Israel” (3 Nephi 17:4).

Tulad natin, may ibang lugar na pupuntahan ang Tagapagligtas. Nagpatuloy ang kuwento:

“At ito ay nangyari na, nang makapagsalita nang gayon si Jesus, muli niyang iginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.

“At kanyang sinabi sa kanila: Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo” (3 Nephi 17:5–6; idinagdag ang pagbibigay-diin).3

Kahit balak na Niyang pumunta sa ibang lugar, ang Tagapagligtas ay may mga matang nakakakita at may pusong nakadarama, kaya tumigil Siya para maglingkod sa mga tao:

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa” (3 Nephi 17:7).

Gaya ng pagkakilala natin sa Tagapagligtas, ang maglaan Siya ng oras para makapagpagaling bago ang Kanyang susunod na appointment ay isang likas na bagay. Para sa atin, ang paglilingkod sa lahat sa karaniwan at likas na mga paraan ay maaaring kinabibilangan ng pag-anyaya sa isang tao na gawin ang isang bagay na pinaplano mo nang gawin o samahan ka sa isang aktibidad na balak mo nang daluhan.

Kung ikaw ay nag-aaral ng isang kurso sa self-reliance, anyayahan ang iyong kapitbahay na sumama. Kung pupunta ka sa aktibidad ng ward, anyayahan ang iyong katrabaho na sumama sa iyo. Kung nag-aaral na kayo ng pamilya mo ng banal na kasulatan o nagdaraos ng home evening, anyayahan ang kaibigan mo na sumama sa iyo. Iyan ang kahulugan ng “pumarito at makakita.” Hindi tayo kailangang magdagdag ng kahit isang aktibidad sa ating abalang iskedyul. At sa panahon na hindi posible ang personal na pagbisita, maaaring gawin ang ministering sa pamamagitan ng isang text message, email, o tawag sa telepono.

Pinagkatiwalaang Maglingkod

Nang italaga ako ni Pangulong M. Russell Ballard bilang bagong pangulo ng Provo Utah Young Single Adult First Stake, nagbigay siya ng simple at partikular na assignment: “Bisitahin ang mga lider at miyembro ninyo sa kanilang mga tahanan at apartment!” Iyon lang; wala na siyang ibinigay na ibang training o assignment.

Matapos makipag-ugnayan sa mga bishop tungkol sa aming mga pagsisikap, nagsimula kami ng Martes, dalawang araw pagkatapos ng aming stake conference. Habang naglilingkod kami sa aming stake, nakagawa kami ng mga pagkakamali, napalampas namin ang mga oportunidad, at madalas na napapaisip, “Nasabi ko sana iyon nang mas mabuti” o “Sana ay mas maganda ang aming itinanong.”

Napansin ng Pangulo ng Brigham Young University na si Kevin J. Worthen na “ang kabiguan ay mahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad—ng ating paghahangad na maging perpekto. At dahil sa Pagbabayad-sala—kung tutugon tayo sa kabiguan sa tamang paraan—maaari tayong pagpalain ng bagong uri ng kaalaman na magtutulot sa ating mga kabiguan na maging bahagi ng proseso ng pagiging perpekto.”4

Ito ang naranasan namin nang matuto kaming maglingkod sa mga lider at miyembro ng stake at sa iba pa na nakilala namin. Habang patuloy kaming naglilingkod, sinimulan ng Panginoon na maglagay ng mas marami pang tao sa aming landas.

Sa isang pagkakataon, naglalakad kami ng isa sa aking mga counselor na si J. B. Haws sa pagitan ng mga apartment nang makilala namin ang isang binata sa parking lot. Tumigil kami para batiin siya at nalaman namin na lilipat na siya sa ibang stake. Nag-usap kami sandali at natuklasan namin na isa siyang returned missionary na nagkakaroon ng mga pagdududa sa kanyang relihiyon. Ang counselor ko ay isang dalubhasang guro na madaling nakauugnay sa mga tao. Ang pagsagot sa mga tanong na tulad nito ay likas at karaniwan para kay J. B. Habang nag-uusap sila ay nakita kong bumalik sa mga mata ng binatang ito ang ilaw na maaaring nawala na nang ilang panahon.

Kitang-kita na si J. B. ay interesado sa kanya at sa kanyang mga pagdududa at alalahanin. Matapat na ibinahagi ng binata ang kanyang saloobin dahil nagpakita ng habag si J. B. Ang aking tagapayo ay may “sisidlan [na] puspos” ng pagmamahal, at ninais niyang maunawaan ang batang ito nang hindi ito hinuhusgahan. Itinanong ni J. B. kung puwede namin siyang bisitahin sa bagong apartment niya. Tumango ang binata, nagbigayan sila ng mobile number, at ginawa ang isang pangakong kumustahin siyang muli.

Bago kami umalis, nagtanong kami kung may magagawa kami para makatulong. Sabi niya, “Ang pagtigil para bumati ay isa sa pinakamahahalagang bagay na nagawa ninyo para sa akin ngayon.” Kalaunan ng gabing iyon, naisip ko sa sarili ko, “Kung wala kami sa labas ni J. B. para gawin ang ministering, maaaring kailanman ay hindi na namin makikilala ang binatang ito.”

Tila ba alam ng Panginoon na gagawin namin ang ministering nang gabing iyon, kaya’t inilagay Niya ang binatang ito sa aming daraanan—nagtitiwalang makikita namin siya at maglilingkod kami sa kanya.

Kapag hangad nating maglingkod sa lahat sa ating pang-araw-araw na buhay, ilalagay ng Panginoon ang mga tao sa ating landas dahil nagtitiwala Siya sa atin na aalisin natin ang ating tingin sa ating mobile phone, mag-uukol tayo ng sandali para ngumiti sa isang estranghero, o magtatanong sa isang taong nakilala natin sa palengke o nasaan man tayo sa paaralan, trabaho, o simbahan.

three people pushing a car that was stranded

Mga larawan mula sa Getty Images

Ang mga Kamangha-manghang Bunga ng Ministering

Sa paggunita sa halimbawa ng Tagapagligtas sa 3 Nephi, natuklasan ko ang isang mahalagang alituntunin sa ministering. Kung maaalala ninyo:

“At ito ay nangyari na, nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at kasama ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya.

At lahat sila, kapwa sila na mga napagaling at sila na mga walang sakit, ay yumukod sa kanyang paanan, at sinamba siya; at kasindami ng nakalapit sa maraming tao ay humalik sa kanyang mga paa, kung kaya nga’t napaliguan nila ng kanilang mga luha ang kanyang mga paa” (3 Nephi 17:9–10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Pansinin na ang mga ministering brother at sister na iyon na tumulong sa mga kakilala at mahal nila na maging mas malapit kay Jesucristo ay natagpuan din ang kanilang mga sarili sa mga paa ng Tagapagligtas, yumuyukod, sumasamba, at hinahalikan at pinaliliguan ng kanilang mga luha ang Kanyang mga paa.

Kapag naglilingkod tayo sa lahat, makikita natin na pagagalingin tayo ni Cristo sa ating mga emosyonal, espirituwal, at pisikal na mga sugat. At kapag inanyayahan natin ang iba na “pumarito at makakita” at “pumarito at tumulong” sa likas at normal na mga paraan, makikita natin na mapagagaling din ang ating mga sugat.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 16.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” 17.

  3. Tingnan din kung paano naglingkod si Jesucristo sa balo ng Nain sa gayon ding paraan sa Lucas 7:11–16.

  4. Kevin J Worthen, “Successfully Failing: Pursuing Our Quest for Perfection” (Debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 6, 2015), 3, speeches.byu.edu.