2020
Labanan ang Kalungkutan Kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo
Disyembre 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Labanan ang Kalungkutan Kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Kapag nalulungkot ka, huwag kalimutang papasukin ang pagmamahal ng Ama at ng Anak sa iyong buhay.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang koneksyon o pakikipag-ugnayan ay isang bagay na sinisikap nating gawin sa ating buhay. Gusto nating makipag-ugnayan sa ating pamilya, mga kaibigan, sa ating iniibig. Sa isang mundo ng teknolohiya, madaling isipin na ikaw ay konektado sa lahat. Ito ay bahagyang totoo—maaari kang makipag-ugnayan sa iba at makita ang kanilang mga social media post—pero hindi ito palaging nagbibigay ng malalim na koneksyon ng damdamin.

Kalungkutang Nadarama sa Pasko

Ang hindi pagkakaroon ng koneksyon ay maaaring magpalungkot sa atin. At madarama ang kalungkutang ito sa buong taon, pero kadalasan ay matindi ito sa panahon ng Kapaskuhan, na nakakahiya dahil ito ang panahon na dapat tayong mapaligiran ng pagmamahal at kagalakan. Ngunit maaari tayong malungkot dahil malayo tayo sa ating tahanan at sa mga mahal natin o kahit kapag kasama natin ang ating pamilya pero hindi talaga tayo nakikipag-ugnayan sa kanila.

Kapag tila ikaw lang mag-isa laban sa mundo, tandaan na may dalawang tao na laging nariyan para sa iyo. Dalawang taong palaging handang makipag-ugnayan sa iyo anuman ang pinagdaraanan mo—ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Kung minsan nalilimutan natin na maaari tayong palaging lumapit sa Kanila kapag desperado na tayong makaugnayan pa ang iba.

Papasukin Sila

Kapag naiisip ko ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, isang karanasan ko kamakailan ang pumapasok sa aking isipan.

Nakadungaw ako noon sa bintana ko habang umuulan, hinihintay ang tunog nito para maghatid sa akin ng kapayapaan. Karaniwan kapag nakatuon ako sa pakikinig sa mga patak ng tubig na dumadapo sa lupa, lahat ng iba pang nararamdaman ko ay napapawi sa ilang mahahalagang sandali.

Dumating nga ang damdamin ng kapayapaan, pero hindi sapat sa kailangan ko noong oras na iyon. Halos lahat ng iniisip ko ay nakatuon pa rin sa kaguluhan ng buhay. Hindi ko maunawaan kung bakit hindi ito nakakatulong na gumanda ang pakiramdam ko.

Pagkaraan ng ilang minuto, may naisip ako. Hindi mo hinahayaang pumasok ang ulan. Dahil doon, binuksan ko ang bintana ko at hinayaang baguhin ng tunog ng ulan ang nadarama ko.. Naroon ang kapayapaang hinahanap ko. Napawi ang lahat ng pumapasok sa aking isipan habang pinakikinggan ko ang banayad na pagpatak ng ulan.

Nakatayo lang ako roon ng sandali bago dumating ang isang tanong sa aking isipan: Hinahayaan ko bang pumasok ang Diyos at ang Tagapagligtas sa buhay ko?

Hindi ko inasahan iyon. Hindi ko ito naisip noon. Ngunit habang lalo kong pinagninilayan ang kaisipang iyon, lalo itong naging makabuluhan. Ang pagpapapasok sa ulan ay nagdulot sa akin ng kapayapaan, at ang pagpapapasok sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas sa buhay ko ay lalong maghahatid sa akin ng kapayapaan.

Pagbubukas ng Aking Puso sa Diyos

Ang pagpapapasok sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit ay unang hakbang lamang. Kailangan ko pa ring buksan ang aking puso sa Kanila. Nang una kong mapakinggan ang ulan sa tabi ng bintana, mahina ito at hindi ako nito binigyan ng lubos na kapayapaan na gusto ko. At kung hindi ko binuksan ang bintana para makapasok ang tunog nito, hindi ko sana nadama ang nadama ko.

Ganoon din ang dapat mangyari sa lahat ng “mga bintana” ng buhay ko. Kung isasara at ikakandado ko ang lahat ng ito, paano ko tunay na matatanggap ang Diyos at magkakaroon ng ugnayan sa Kanila? Paano ko madarama nang malakas ang Espiritu at ang kapayapaan ng Kanilang pagmamahal sa akin?

Ang pagsasabi na kailangan kong buksan ang lahat ng aking mga bintana ay mas madali kaysa sa aktuwal na paggawa nito. Natanto ko na kapag nadama ko na hindi ako konektado sa Espiritu, kailangan kong alamin kung ano ang humahadlang sa akin. Kadalasan ay maliliit na bagay ito tulad ng laging hawak ang aking telepono. O hindi pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan tulad ng nararapat. O pagpapasiya na sundin ang aking sariling kalooban sa halip na hangaring malaman ang Kanilang kalooban. O kaya’y labis na nakatuon sa lahat ng pagsubok sa buhay ko at paglayo ko sa Kanila dahil iniisip kong hindi sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dasal ko.

Kapag nalaman ko na kung ano ang humahadlang sa akin para madama ang Espiritu, mapipili kong tumigil sa paggawa ng mga bagay na iyon, nang paisa-isa. Maaari kong unti-unting buksan ang aking mga bintana, na inaanyayahan ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na pumasok hanggang sa madama ko na napalilibutan ako ng Kanilang pagmamahal.

Nalalaman na Kailanman ay Hindi Tayo Nag-iisa

Ang kalungkutan ay tila madilim at walang katapusan kung minsan, lalo na sa Kapaskuhan. Sa mga sandaling iyon kapag gusto nating sumuko, kailangan nating ipaalala sa ating sarili: Hindi tayo nag-iisa. Kailangan lang nating maging handang papasukin Sila.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil naglakad si Jesus sa isang mahaba at malungkot na landas nang mag-isa, hindi natin kailangang gawin ito. Ang Kanyang mag-isang paglalakbay ang makakasama natin sa ating munting bersiyon ng landas na iyon.”1

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay laging nariyan para sa atin. Sila ay tumutulong, matiyagang naghihintay na buksan natin ang ating mga puso at buhay sa Kanila—sa Pasko man o sa iba pang pagkakataon.

Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 88.